“MAGANDANG araw, Badong!”
Napalingon siya at bumungad ang tatlong magagandang babae. Naroon siya
sa bukid at kasalukuyan hinahanda iyon sa para sa susunod na pagtatanim. Saglit
siyang natigilan at pilit na inaalala ang pangalan ng mga ito. Ngunit hindi gaya
noon na para bang nabubuhay ang dugo niya kapag nakakakita ng mga babae.
Ngayon tanging kay Soledad na lamang niya nararamdaman iyon. Nakakamangha
sa tuwing iniisip kung paano siya nagawang baguhin sa isang iglap ng tunay na
pag-ibig.
“Magandang araw, mga binibini. Anong maipaglilingkod ko sa inyo?”
Napatingin siya sa basket na dala nito at inabot iyon sa kanya.
“Gumawa ako ng meryenda para sa’yo.”
“Habang tumatagal ay lalo kang nagiging makisig, Badong.”
“Hindi lang ‘yon, masipag pa.”
Nakaramdam ng maghalong hiya at pagkailang si Badong. Kung dati ay mas
tumataas ang kumpiyansa niya sa mga papering natatanggap sa mga kababaihan.
Ngayon ay para bang mas nais niyang marinig ang mga salitang iyon mula kay
Soledad.
Humagikgik ang mga ito at lumapit sa kanya. “Mamayang hapon ay may
kasiyahan magaganap sa bahay namin para sa selebrasyon ng aking kaarawan
ngayon. Nais sana kitang imbitahan,” nakangiting sabi nito.
“Oo nga naman, Badong.”
Hindi agad siya nakasagot dahil pilit na hinahalukay ang isipan. Napakamot si
Badong sa sentido nang hindi pa rin maalala ang pangalan ng mga ito.
“Sandali, ano nga ulit ang pangalan n’yo?” nagugulahan na tanong niya.
Dismayadong bumuntong-hininga ang tatlo.
“Ikaw talaga, Badong! Sa dami ng babae mo hindi mo na maalala ang
pangalan namin.”
“Rosario ang pangalan ko.”
“Ako naman si Jesusa.”
“At ako si Trinidad.”
“Ah, oo nga pala,” sagot niya.
Mayamaya ay bumakas ang lungkot sa mukha ng mga ito.
“Alam mo pagkatapos ng Piyesta bigla kang nagbago. Dati rati ay palagi mo
kaming inaanyayahan na lumabas. O kaya naman ay nagpupunta ka sa amin o
nagkikita at namamasyal tayo doon sa gubat. Ngayon hindi ka na nagagawi sa
amin,” nagtatampo na sabi ni Jesusa.
“Siya nga naman.”
May bahid ng paumanhin na bahagya siyang ngumiti sa mga ito.
“Hindi bale na nga, ang mahalaga ay pumunta ka mamaya sa kaarawan ko,”
sabi naman ni Rosario.
Tumikhim si Badong. “Paumanhin Rosario, ngunit hindi ko yata
mapagbibigyan ang imbitasyon mo.”
Gulat na nagkatinginan ang tatlo. Iyon ang unang pagkakataon na tumanggi
siya sa imbitasyon ng isang babae.
“Bakit naman?”
“Alam ko na nagtataka kayo sa biglaan kong pagbabago. Nais ko lang
ipabatid na iyon ay dahil may isang dalaga na ang nagmamay-ari ng puso ko.
Natagpuan ko na ang babaeng mamahalin ko habang buhay at ayokong gumawa ng
kahit anong dahilan upang siya ay magselos o masaktan.”
Hindi makapaniwala ang mga ito sa kanyang sinabi.
“Maaari ba namin malaman kung sino siya?” tanong naman ni Trinidad.
“Pasensya na ngunit hindi ko maaaring sabihin.”
“Kung ganoon ay hindi ka pupunta sa kaarawan ko?” malungkot na tanong ni
Rosario.
“Muli ay humihingi ako ng paumanhin. Hindi ko rin maaaring tanggapin ang
binibigay ninyo.”
Bagsak ang balikat at dismayadong tumalikod ang mga ito. Magaan ang
kalooban na tumalikod si Badong at pinagpatuloy ang pagtatrabaho. Hindi pa man
din nagtatagal ay may dumating ulit na isang babae. Sa pagkakataon na iyon ay
nakilala agad ni Badong ang babae. Walang iba kung hindi ang nakakatandang
kapatid ni Soledad, si Luciana.
“Badong, maaari ba tayong mag-usap?”
NAGLATAG si Soledad ng malaking kumot sa damuhan at doon ay naupo
sila. Bukod doon ay nagbaon siya ng makakain at inumin. Sa panibagong araw ng
pagtatagpo nila doon sa may ilog ay siya naman ang nagbigay ng sorpresa sa
binata. Medyo maaga rin siyang nakarating doon, kaya’t bago sumapit ang dapit-
hapon ay komportable na silang nakaupo doon habang pinapanood ang paglubog
ng araw.
“Siya nga pala, mamaya ay hindi ako uuwi doon sa bahay.”
“Saan ka magpapalipas ng gabi?”
“Doon sa bahay ng Ate Luciana ko.”
“Kinausap pala niya ako kanina,” sabi pa ni Badong.
Mabilis napalingon si Soledad. “Siya nga? Anong sinabi niya sa’yo?”
Ngumiti ito. “Mahigpit niya lang akong binalaan na huwag kitang sasaktan at
lolokohin.”
Nakahinga ng maluwag si Soledad. May pagkamataray kasi ang kapatid na
iyon.
“Kailan pa niya nalaman?”
“Kagabi pa. Nakita ka pala niya nang ihatid mo ako. Mabait si Ate Luciana at
handa siyang suportahan ako. Nagprisinta pa nga siya na tutulungan akong
tumakas kapag kailangan natin magkita.”
“Talaga? Sinabi niya iyon?”
“Totoo. Kahit nga ako ay hindi makapaniwala noong una eh. Kaya naman
sinamantala ko na ang pagkakataon para makarating dito ng hindi ako nag-aalala
sa aking pag-uwi.”
Biglang nagliwanag ang mukha ni Badong matapos marinig ang huli niyang
sinabi.
“Ibig sabihin maaari kang magtagal mamaya?”
Nakangiting tumango si Soledad.
“Doon kasi ako matutulog mamaya.”
“Mainam kung ganon, mas matagal tayong magkakasama.”
“Ah, oo nga pala, bago ko pa makalimutan,” sabi pa ni Soledad.
Mula sa bulsa at inabot ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang
address ng kanyang dormitoryo na tinutuluyan sa Maynila.
“Diyan mo maaaring ipadala ang liham mo sa akin kapag nakabalik na ako sa
Maynila.”
Napansin ni Soledad na bumakas ang lungkot sa mukha nito. Nang kunin nito
ang papel ay hinawakan nito maging ang kanyang kamay.
“Para bang ayaw kitang pakawalan,” sabi nito.
May naramdaman na kirot ang dalaga sa kanyang dibdib.
“Kung maaari lamang na hindi na ako lumisan pa. Ngunit kailangan kong
tapusin ang pag-aaral ko.”
“Nagkakaroon ako ng takot, Dadang. Paano kung sa iyong pag-alis ay
sundan ka ng Arnulfo na iyon at ng iyong ama at doon ka nila pilit na ipakasal,”
nag-aalalang wika nito.
“Ipanatag mo ang iyong kalooban dahil hindi ko hahayaan na mangyari
iyon.”
Tuluyan nitong kinulong sa mga palad ang kanyang kamay.
“Mangako ka sa akin, mahal ko. Mangako ka na sa akin mo lamang ilalaan
ang puso mo.”
“Pangako,” sagot ni Soledad.
“Madalas akong susulat sa’yo. Nang sa ganoon ay hindi ako masyadong
malumbay. Sa pamamagitan noon ay para na rin kitang kasama,” sabi pa ni
Badong.
Napatingin ang dalaga sa suot niyang balabal na nakapatong sa balikat.
Hinila niya iyon ay binigay kay Badong.
“Para saan ‘to?”
“Itago mo. Alam ko na may binigay na ako sa’yo na panyolito ngunit kung
hindi pa sapat iyon upang maibsan ang iyong pangungulila kapag ako’y umalis na.
Maaari mong gamitin itong aking balabal. Nang sa ganoon kahit paano’y
maramdaman mo na para na rin akong nasa tabi mo.”
Ngumiti ito at kinuha ang kanyang balabal. Pagkatapos ay nilapit nito iyon sa
ilong at marahan inamoy.
“Salamat. Malaking bagay ito para sa akin. Ngunit kung ako’y papipiliin mas
nanaisin ko pa na ikaw mismo ang maramdaman ko dito sa aking bisig.”
“Konting tiis, Badong. Isang taon na lamang ang paghihintayin natin
pagkatapos niyon ay hindi na ako aalis pa ng San Fabian.”
Sinamantala ng dalawa ang pagkakataon na iyon. Matagal silang namalagi
doon sa tabi ng ilog. Gamit ang gasera na nagbigay ng munting ilaw. Magkatabi
silang nahiga doon sa kumot at sabay pinanood ang mga bituin na nagsisiksikan sa
langit.
Medyo malalim na ang gabi nang magdesisyon si Badong na ihatid siya sa
bahay ni Luciana. Mahigpit ang kapit sa kanyang kamay ng binata habang
binabaybay ang madilim na kakahuyan.
Biglang napahinto sa paglalakad si Soledad nang marinig ang isang
nakakatakot na ingay mula sa di kalayuan.
“Badong, ano ‘yon?” nag-aalalang tanong niya.
“Mga hayop lang ‘yon, huwag kang mag-alala,” natatawang sagot nito.
“Baka biglang lumabas ang mga ‘yon at habulin tayo,” kinakabahan sabi niya.
Binitiwan nito ang kamay niya at umakbay. Napalingon siya sa binata nang
hapitin siya nito palapit. Sa mga bisig nito ay nabawasan ang kanyang takot at pag-
alala.
“Kasama mo ako, hindi ka mapapahamak. Pangako.”
Ngumiti si Soledad pagkatapos ay tumango. Nagpatuloy sila sa paglalakad.
Dahil medyo malayo ang bahay ng kapatid ay matagal-tagal din silang naglakad.
Ilang sandali pa ay biglang huminto sa paglalakad si Badong.
“Bakit Badong? May problema ba?” tanong pa niya.
“May gusto sana akong hilingin sa’yo eh, kung mamarapatin mo,” sabi nito.
“Ano ‘yon?”
“Maaari ba kitang yakapin?” tanong nito.
Kumabog ang kanyang dibdib. Ang kaninang takot ay napalitan ng kaba at
bumilis ang pintig ng kanyang puso.
“Ngunit kung hindi ka—”
“Sige, maaari mo akong yakapin,” putol niya sa sinasabi nito.
Hindi na sumagot pa si Badong at agad siyang kinabig nito palapit. Napapikit
si Soledad nang maramdaman ang mahigpit nitong yakap. Lihim siyang huminga ng
malalim nang mapanatag ang kalooban.
“Ganito pala. Ganito pala ang pakiramdam kapag nakakulong sa mga bisig
mo. Kay sarap sa pakiramdam. Para akong nakalutang sa hangin sa labis na saya,
parang palagi akong ligtas tuwing kapiling mo,” wika ni Soledad sa kanyang isipan.
“Kahit hindi mo sabihin, mahal ko. Alam ko na pareho tayo ng
nararamdaman para sa isa’t isa. At hindi na ako makapaghintay na marinig ang
matamis mong oo. Ngunit huwag kang mag-aalala, hindi ako nagmamadali. Handa
akong maghintay. At kapag sinagot mo na ako, hindi ako mag-aaksaya ng panahon
at pakakasalan kita agad.”
“Kasal agad? Sigurado ka ba?”
“Sinabi ko naman sa’yo, hindi ba? Unang araw ko palang nasilayan ang
ganda mo ay alam ko nang ikaw ang babaeng pakakasalan ko.”
Mayamaya ay tuluyan na siyang pinakawalan nito. Sinalubong nila ng ngiti
ang isa’t isa at maghawak kamay na nagpatuloy sa paglalakad.