Kabanata 14

1405 Words
“ANO sa tingin mo ang magugustuhan niya?” tanong ni Soledad kay Ising habang tumitingin ng maaaring ibigay kay Badong. “May okasyon ba? Bakit mo siya bibigyan ng regalo?” nagtatakang tanong nito. “Wala. Naisip ko lang kasi na mula nang magkakilala kami’y mas madalas siya ang nagbibigay sa akin. Palagi na lang siya ang gumagawa ng paraan para magkita at makausap kami.” Napailing na lang si Ising. “Iba rin ang pagsisikap ng isang iyon. Hindi ako makapaniwala na ang Badong na tinutukoy mo ay ang kilalang pabling na mula noon ay paiba-iba ang babaeng kasama araw-araw. Ngayon aba’y kinuwento sa akin nila Pedro at Abel na halos hindi na tapunan man lamang ng tingin ang ibang babae,” kuwento pa nito. Nabuhayan ng loob si Soledad. “Siya nga?” “Oo! Tila sadyang nabihag mo ang puso ng pabling ng San Fabian. Alam mo naniniwala ako na may mga lalaking pabling habang sila ay binata pa. Ngunit kapag nakilala na ang tamang babae para sa kanila, hindi na nila makukuha pang lumingon sa iba.” “Tama ka riyan, Ising. Ngunit may iba rin naman na kahit may asawa na patuloy pa rin sa pambabae,” sabi naman niya. “Ay, sakit na ang tawag do’n,” mabilis na sagot ni Ising kaya natawa silang dalawa. “Pili ka na ng ibibigay mo,” sabi pa ni Ising. Napangiti si Soledad nang makita niya ang isang polseras na gawa sa abaloryo na iba’t ibang uri ng kulay na asul. Unang tingin pa lang ay alam na niyang nababagay iyon kay Badong. “Ale, maaari ba itong ganitong kulay sa lalaki?” tanong pa ni Soledad sa tindera. “Ay oo ineng, tiyak na magugustuhan iyan ng pagbibigyan mo,” nakangiting sagot ng matandang babae. “Sige ho, kukunin ko na.” Matapos bayaran ay binalot nito sa isang magandang papel ang polseras saka iyon binigay sa kanya. “Maraming salamat ho.” Habang naglalakad palayo ay masaya pa rin na nagkukuwentuhan silang magpinsan. “Magkikita kayo mamaya?” tanong ni Ising. “Oo. Sa isang araw na ang balik ko sa Maynila eh. Gusto namin samantalahin hangga’t may oras pa ako.” Ilang sandali pa ay napahinto silang dalawa nang may humarang na apat na babae sa kanilang harapan. Nagtataka na nagkatinginan silang dalawa. “Anong maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong pa ni Soledad. “Ikaw ba ang sinasabi ng iba na nakita nilang kasama ni Badong kahapon?” tanong ng babaeng nakabestidang pula. “Ikaw ba ang kasintahan niya?” nakasimangot naman na tanong ng babaeng nakadilaw na bestida. Habang ang dalawa pang kasama ng mga ito ay kulay asul at puti ang suot. “Ako nga. Sandali lang, sino ba kayo?” nagtatakang tanong ni Soledad. Bahagya silang napaatras ng humakbang ang mga ito palapit. “Hindi ko alam kung anong mayroon sa’yo at nakuha kaming ipagpalit ni Badong sa’yo.” Doon na nagsalubong ang kilay ni Soledad. “Naku mga binibini, kung ako sa inyo ay aalis na ako. Naku po, hindi n’yo kilala itong pinsan ko,” nag-aalalang sabi ni Ising. “Hindi kami natatakot sa kanya!” sabi ng nakadilaw na bestida. “Ako si Aurora, ako ang dating nobya ni Badong.” “Ako naman si Rosario, matagal ko nang gusto si Badong. Akala ko ay gusto rin niya ako noong yayain niya akong lumabas bago mag-piyesta. Kaya pala hindi siya dumating sa usapan iyon pala ay ikaw na ang kinalolokohan niya.” “Wala akong pakialam kung sino kayo. Ikaw na rin ang nagsabi na dati kang nobya, ibig sabihin nakaraan ka na. At bakit n’yo ako sinisisi kung hindi na kayo pinapansin ni Badong?” “Kasalanan mo lahat ‘to dahil tiyak na inaakit mo siya at sinasabihan na huwag nang makipagkita sa amin.” Inabot niya kay Ising ang hawak na basket pagkatapos ay nagpameywang na humarap sa mga babae. “Mawalang galang na mga binibini! Pero hindi ko kasalanan kung inayawan kayo ni Badong. Hindi ko na kasalanan kung hindi niya kayo minahal!” “Hindi ako naniniwalang inayawan na niya ako. At sinong mahal niya? Ikaw? Marami nang dumaan babae sa buhay niya pero sa huli sa akin siya palagi bumabalik. Kaya ako ang mahal niya!” natatawang sagot ng babaeng nakapula. Nakaramdam ng matinding pagseselos si Soledad. Labis siyang nasasaktan sa narinig mula dito. Hindi niya kayang isipin na may iba babaeng mamahalin si Badong. Sarkastikong ngumiti si Soledad saka humalukipkip. “Siya nga? Kung ganoon bakit palaging ako ang pinupuntahan niya? Bakit ginagawa niya ang lahat ng paraan para magkita lamang kami? Bukod pa iyan sa mga bulaklak na regular niyang binibagay sa akin.” Nakita ni Soledad base sa reaksiyon ng mukha na hindi nito nagustuhan ang kanyang sinabi. “Hindi ako papayag na mapunta siya sa’yo. Babalik sa akin si Badong!” giit naman ni Aurora. “Bahala ka. Basta ang alam ko, hindi ako ang mapapahiya dito,” kampante pa na sagot niya saka lumingon kay Ising. “Halika na at nagsasayang lang tayo ng oras dito,” sabi niya sa pinsan. Hindi pa man din siya nakakalayo ay nagulat na lang si Soledad nang bigla hablutin ni Aurora ang kanyang buhok. “Halika dito! Hindi pa ako tapos sa’yo!” “Aray!” sigaw si Soledad. Napasigaw din si Ising at nataranta sa pag-awat sa kanila. Mabilis niyang nahablot ang buhok nito at hinila iyon kaya napasigaw ito sa sakit. Nang subukan siya nitong sampalin ay mabilis naiwas ni Soledad ang mukha. Mabilis siyang gumanti at tinamaan niya ang pisngi nito. Napaigik siya sa sakit nang simula nitong kalmutin ang braso niya kaya agad na gumanti si Soledad. “Aurora, tama na ‘yan!” awat ng kasama nitong babae. “Hoy, bitiwan mo ang pinsan ko!” narinig niyang sigaw ni Ising. Pilit siyang hinila palayo ng pinsan gayundin ang ginawa ng mga kaibigan ni Aurora. Mayamaya ay humahangos na dumating si Badong. Nagawa nitong paglayuin ang dalawang babae sa tulong ng mga kaibigan nito. Kasunod niyon ay agad siyang hinarap ni Badong. “Nasaktan ka ba? Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong nito. “Hindi masyado,” sagot niya habang inaayos ang buhok. Nagsalubong ang mga kilay nito nang makita ang mga kalmot niya sa braso. Galit na humarap ito kay Aurora. “Bakit mo sinaktan si Soledad?” “Hindi ako ang may kasalanan! Sila ang nauna! Dumating kami dito para lang kausapin siya,” pagsisinungaling nito. “Ay sinungaling ka! Kayo itong sumugod at inaway si Soledad!” mabilis na sagot ni Ising. “Puwede ba, Aurora? Umalis ka na. Hindi ba’t matagal na tayong tapos? At ikaw Roberta, hindi ba’t nilinaw ko na sa inyo na may mahal na ako? Bakit kailangan ninyong gumawa ng gulo dito?” “Unang una Rosario sabi ang pangalan ko!” naiiyak na sagot nito. “Mula noon hanggang ngayon hindi ka na tumama sa pangalan ko. Siguro nga pinaglalaruan mo lang ako noon at hindi mo talaga ako gusto.” “Walang kasalanan si Soledad dito. Kaya’t huwag siya ang pagbuntunan ninyo. Kung nasaktan ko man kayo, humihingi ako ng tawad. Pero mahal ko si Soledad at siya na lang ang babae sa buhay ko.” Nagulat si Soledad nang biglang sampalin ni Aurora si Badong. “Huwag ka nang magpapakita sa akin!” sigaw nito sabay talikod at lakad palayo kasama ang mga kaibigan. “Santisima, parang mga naglalakad na watawat ang mga ‘yon,” sabi pa ni Ising dahil sa kulay ng mga suot nitong bestida. Mayamaya ay hinarap siya ni Badong. “Ayos ka lang?” Natigilan ito nang makitang salubong ang kilay niya. “Hindi. Hindi maayos ang pakiramdam ko. Dahil hindi ko gusto ang nangyari. Hindi ko gusto na marami akong kahati sa oras at atensiyon ko sa’yo,” galit na sagot niya. “Soledad, matagal na kaming tapos ni Aurora. Iyong iba naman ay hindi ko naging nobya, lumabas lang kami minsan. Iyon lang!” paliwanag nito. “Bahala ka, magpaliwanag ka doon sa Aurora mo!” sa halip ay nagtatampo na sagot niya. “Halika na nga, Ising!” Wala nang nagawa ang pinsan nang hilahin niya ito palayo. “Soledad, sandali lang! Mahal ko! Soledad!” Sa kabila ng pagtawag ay hindi niya ito pinansin. Dumiretso siya ng lakad nang kahit isang lingon ay hindi man lang ginawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD