Kabanata 9

1961 Words
“BADONG!” Gumapang siya palabas mula sa ilalim ng awto saka lumingon nang marinig ang boses ng kasamang mekaniko. “Hindi pa ba tapos ‘yan?” tanong nito. “Malapit na,” sagot niya. “Mamaya na ‘yan, kumain na daw muna tayo sabi ni Mang Narding,” sabi pa nito na ang tinutukoy ay ang may-ari ng talyer. “Sige, susunod na ako.” Inayos lang niya ang mga gamit na naiwan sa sasakyan bago tumayo at naghugas ng kamay para maalis ang mga grasang dumikit doon. Matapos iyon ay nagpalit siya ng damit saka sila sabay na lumabas ng talyer. Sa isang kainan di kalayuan sa talyer sila kumain. Habang naghihintay ay may dumating na dalawang babae. Napalingon si Badong sa mga iyon ngunit agad din binawi ang tingin at hindi na pinansin pa ang mga iyon. Bahagyang napaatras si gulat si Badong nang biglang ilapat ng kasama ang likod ng palad nito sa kanyang noo. “Wala ka naman lagnat, himala yata at hindi mo pinansin ang mga magagandang binibini na iyon.” “Wala akong interes sa kanila.” Kumunot ang noo ni Badong nang humagalpak ito ng tawa. “Nagbibiro ka yata kaibigan!” “Hindi,” sagot niya. Agad napalis ang ngiti mo. “Talaga? Samantalang dati’y mas mabilis pa sa alas-kuwatro kung lapitan mo ang mga babae.” Bumuntong hininga si Badong. “Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Marahil ganito talaga kapag nabihag ka ng totoong pag-ibig.” Nanlaki ang mga mata nito na tila hindi makapaniwala sa sinabi niya. “Siya nga? Si Bartolome Mondejar? Umiibig? Mahirap yatang paniwalaan ‘yan.” “Alam ko pero iyon ang katotohanan.” “At sino naman ang malas na dalagang ito.” Pabiro niyang tinulak sa balikat ang kaibigan at natawa. “Hoy, anong malas ang sinasabi mo riyan? Hindi mo ba nalalaman na siya na ang pinakamapalad na dalaga sa buong San Fabian.” Natatawa na umiling lang ang kaibigan niya. “Sana nga at totoo na iyan. Panahon na para maging seryoso ka, hindi ka na bumabata kaibigan. Kailangan mo nang mag-asawa.” “Kaya nga mas pinagbubutihan ko ang trabaho. Gusto kong makaipon para maging karapat-dapat para sa kanya.” “Sandali lamang, hindi mo pa tinutukoy kung sino ang iniibig mo?” Bago pa man masagot ni Badong ang tanong nito ay dumating na ang pagkain nila. Tinapik lang niya ito sa balikat. “Makikilala mo rin balang-araw.” “ELENITA, Elenita!” Napalingon si Soledad nang marinig ang tinig ng ina. Nang sandaling iyon ay naroon siya sa tabi ng bintana at nagbabasa ng libro. “Ano po iyon, Senyora?” sagot ng kanilang kasambahay. “May ginagawa ka ba?” “Opo, nagwawalis ako doon sa bakuran.” “Pumunta ka nga sandali doon sa bahay nila Selya, iyong nagrarasyon sa atin dito ng bigas.” Biglang nabuhay ang interes ni Soledad sa sinabi ng ina nang mahuluan kung sino ang tinutukoy nito. “Ah, kila Badong ho ba?” “Oo, doon nga. Ibigay mo sa kanila itong isang basket ng suman. Pasasalamat kamo dahil binigyan tayo ng libreng isang sako ng bigas.” “Sige ho,” sagot ni Elenita. “Ako na lang ho ang magdadala niyan,” biglang sabad ni Soledad sabay sarado ng librong hawak. Nagtaka na sabay napalingon ang dalawa sa kanya. Ngumiti si Soledad at lumapit sa mga ito. “Wala naman ho akong ginagawa, huwag na natin abalahin si Elenita,” sabi pa niya. “Naku Senyorita, ayos lang naman po sa akin.” “Hindi na, kaya ko na ito. Humayo ka’t tapusin na ang ginagawa mo.” “Sige ho.” ““O siya, sige, kung talagang mapilit ka. Teka, alam mo ba kung saan ang bahay nila?” Biglang natigilan si Soledad. Ngayon lamang niya naisip na hindi pa nga pala niya alam kung saan doon ang bahay ni Badong. “Hindi ho.” “Halika dito,” sabi ng ina at hinila siya sa bintana. “Nakita mo ang bahay na iyon na malawak ang bakuran at maraming tanim na bulaklak?” “Oho.” “Doon ang bahay nila.” “Huwag mong kalimutan magpasalamat ha?” bilin pa ng ina. Kinuha ni Soledad ang isang basket na puno ng suman at sinukbit iyon sa kanyang braso. “Oho.” Lihim na nagdiwang ang dalaga. Masaya siyang lumabas ng bakuran. Sabik na muling makita ang binata. Matapos ang lihim nilang pagtatagpo ni Badong ay hindi na nawala ang kanyang ngiti. Ang pagdating ng binata sa kanyang buhay ay nagbura sa pangit niyang karanasan sa piling ni Arnulfo. Kaya naman sa tuwina ay si Badong na lamang ang laman ng kanyang isipan. Bago sapitin ang bahay nila Badong ay pasimple pang hinagod niya ng kamay ang itim at mahabang buhok. “Tao po! Magandang araw ho, Aling Selya!” malakas ang boses na tawag niya. Ilang sandali pa ay may babaeng humahangos na lumabas ng bahay. “Sino ho kayo?” tanong pa nito. “Ako si Soledad, anak ni Juana at Leon. Naparito ako dahil may pinapabigay ang mama.” “Inay! Inay! Anak ni Gobernador!” bigla ay sigaw nito habang tumatakbo pabalik ng bahay. Mayamaya ay lumabas ang isang may edad na babae. “Ay naku, may maganda pala kaming bisita,” magiliw na sabi pa nito at agad siyang pinatuloy sa bakuran nito. “Pasok ka.” “Salamat ho.” “Pagpasensiyahan mo na ang aming tahanan at hindi gaanong kalakihan.” Ngumiti si Soledad habang umiikot ang tingin sa buong paligid. Napakaganda ng mga bulaklak na tanim doon. Nang pumasok siya sa loob ng bahay ay malinis at maayos na nakasalansan ang mga gamit. Simple ngunit maganda ang bahay ng mga Mondejar. “Ang ganda ho ng bahay n’yo,” puri ni Soledad. “Naku maraming salamat.” Pagdating nila sa kusina ay nilapag niya ang basket sa ibabaw ng mesa. “Ano nga ulit ang sadya mo dito?” “Ito hong suman, pinapabigay ng mama. Maraming salamat daw ho sa libreng isang sako ng bigas na binigay ninyo.” Marahan itong umiling habang nakangiti. “Sabihin mo kay Donya Juana, maraming salamat. Pero hindi ako nagbigay ng libreng bigas na iyon.” Bahagyang kumunot ang noo ni Soledad. “Hindi ho kayo? Kung ganoon…” “Aba’y galing iyon sa aking binata, si Badong. Alam ko na sinusuyo ka ng anak ko na iyon.” Bahagyang natakpan ni Soledad ang kanyang bibig sa pagkabigla. Hindi niya inaasahan na maririnig iyon sa ina ng binata. Mas lalong hindi niya akalain na alam nito ang tungkol sa damdamin para sa kanya ng anak. Tila ba pinatunayan ng sandaling iyon na may katotohanan ang sinasabi ni Badong na seryoso at totoo ang nararamdaman nito para sa kanya. Pakiramdam ni Soledad ay lumobo ang kanyang puso. Lihim na nagdiwang ang kanyang damdamin. Nag-uumpisa pa lamang na kilalanin nila ang isa’t isa pero heto at alam na agad ng ina ng binata ang tungkol sa nararamdaman ni Badong para sa kanya. “A-alam n’yo ho pala,” nahihiyang sabi niya. “Wala naman nililihim ang batang ‘yon. Pilyo iyon at sadyang pabling, palibhasa’y mana sa ama. Ngunit kapag nagmahal naman iyon ay totoo at tunay.” “Talaga ho?” “Mabait si Bartolome. Sa lahat ng anak ko ay siya ang pinakamasigasig, katuwang namin ng asawa ko sa bukid, maging sa pagpapa-aral sa mga kapatid niya. Masipag at matulungin. Responsible at maasahan. Hindi ko sinasabi ang mga ito dahil anak ko siya. Sabihin na natin napag-uusapan lang.” “Totoo ho ang sinabi ninyo, minsan na rin ho niya akong tinulungan.” “Kaya nga ba siya ang pasalamatan mo at hindi ako.” “Nasaan ho ba si Badong?” tanong pa niya. “Naroon sa bukid at naghahanda para sa nalalapit na pagtatanim ng mga bagong palay.” “Maaari ko ho ba siyang puntahan?” “Sige at tiyak na matutuwa iyon,” sabi pa nito saka tinawag ang isang anak na babae. “Neneng, halika nga dito! Samahan mo nga itong si Soledad doon sa bukid sa Kuya Badong mo.” “Oho, inay.” Mula doon sa bahay ay dumaan sila sa likod at pumunta sa bukid. Medyo malayo pa lang ay natanaw na ni Soledad si Badong na nasa ilalim ng matinding sikat ng araw. “Kuya! Kuya Badong!” malakas na sigaw ni Neneng. Agad itong lumingon at tumuwid bigla sa pagkakatayo nang makita siya. “Ayon siya Ate Soledad,” sabi pa nito sa kanya. “Sige, maraming salamat.” Halos patakbong lumapit sa kanya si Badong. Pawis na pawis at hinihingal pa ito ngunit hindi naging sapat iyon para mabawasan ang gandang lalaki nito. “Dadang, anong ginagawa mo dito?” “May pinadala na suman si mama at pinabigay sa nanay mo. Pero nalaman ko ngayon lang na ikaw pala ang nagbigay ng libreng isang sako ng bigas.” Huminga ito ng malalim pagkatapos ay tinuro ang isang papag na nasa ilalim ng malaking puno ng mangga at mga puno ng kawayan. “Halika at doon tayo mag-usap sa lilim.” Doon sa papag ay naupo silang dalawa habang ang mga puno ay sumasayaw kasabay ng malamig ng ihip ng hangin. Hinubad ni Badong ang salakot. “Bakit mo ginawa iyon?” tanong ni Soledad. “Hindi ba sabi ko sa’yo susuyuin kita? Kapag maayos na ang problema mo tungkol kay Arnulfo ay aakyat ako ng ligaw sa’yo.” Napangiti siya. Lihim na nagdiwang ang kanyang puso. “Hindi ako titigil sa pagsuyo sa’yo hangga’t hindi kita napapasagot.” “Hindi madaling suyuin ang papa ko, Badong. Siguro naman alam mo na ang kanyang ugali.” “Oo, alam ko. Pero hindi ako natatakot. Pilyo man ako at mukhang hindi marunong magseryoso sa buhay. Hindi ibig sabihin ay hindi ko kayang panindigan ang nararamdaman ko.” “Ngunit bakit ako? Maraming babae diyan sa tabi. Mga babaeng hindi ka mahihirapan na suyuin maging ang kanyang pamilya.” “Ikaw ang gusto ko, Soledad. Hindi sila. Saka bakit naman hindi? Hindi ko maaaring turuan ang aking puso. Sa iyo pumintig ang puso ko, ikaw lang ang tanging babae na hindi nagpatahimik sa akin hanggang sa gabi. Ikaw lang ang nag-iisang babae na hindi ko nakalimutan ang pangalan mula noong araw na makilala kita, hanggang ngayon, at tiyak na hanggang sa huling sandali ng aking buhay ay hindi ko na malilimot pa ang isang Soledad Mariano.” Napangiti siya. “Salamat. Hindi ko alam kung anong dapat kong isagot sa mga sinabi mo.” “Hindi mo kailangan sumagot, mahal ko. Sapat na sa akin naiparating sa’yo ang damdamin ko.” “Maraming salamat ulit sa bigas na binigay mo.” “Walang anuman. Siya nga pala, maaari ba tayong magkita mamaya? Kaparehong oras din. May nakahanda akong sorpresa sa’yo.” “Talaga?” “Oo.” “Sige. Magkita tayo mamaya.” Mayamaya ay tumayo na siya. “Ang mabuti pa ay mauna na ako, nang hindi kita maabala ng husto sa ginagawa mo,” paalam ni Soledad. “Sige at maraming salamat sa suman.” “Walang anuman. Sana ay magustuhan mo.” “Tiyak na masarap iyon.” Marahan lang siyang natawa pagkatapos ay tuluyan nang humakbang palayo. Habang palayo ay panaka-naka pa rin siyang lumilingon at kumakaway. Si Badong naman ay nakatayo pa rin doon at sinundan siya ng tingin. Bago umuwi ay muli siyang nagpaalam sa ina ng binata. Habang pauwi ay napabuntong-hininga na lang si Soledad. Nasisiraan na yata siya ng bait para mahulog ang damdamin kay Badong ng ganoon kabilis. Ngunit mahirap pigilan ang pusong umiibig. Mahirap kalabanin ang sariling damdamin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD