“MAGANDANG umaga sa maganda kong inay!” masiglang bati ni Badong sa
ina pagbaba mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Matapos iyon nang
makalapit ay hinalikan pa niya ito sa pisngi.
Salubong ang kilay at puno ng pagtataka sinundan siya ng tingin ng ina
hanggang sa makaupo sa kanyang puwesto sa hapag-kainan. Doon nadatnan niya
na halos kumpleto silang pitong magkakapatid, maliban sa dalawang mas
nakababata dahil nasa paaralan na ang mga ito.
“Mukhang maganda ang gising mo, Kuya,” puna ng kapatid na sumunod sa
kanya na si Isidro.
Sumandal siya sa kinauupuan habang patuloy na inaalala ang mga nangyari
noong nakaraan gabi.
“Maganda lamang ang panaginip ko.”
“Kuya, ba’t pala bigla kang nawala kagabi sa sayawan?” tanong naman ng
kakarating lang na kapatid niya na si Marciana.
“Ha? Ah, wala naman may kinausap lang ako.”
“Hmm… kinausap daw? Eh tiyak ko naman na babae na naman ‘yan,”
kantiyaw sa kanya ni Isagani.
Kumunot ang noo niya at lumingon dito. “Bakit pala narito ka at wala doon
sa bahay ng nobya mo?” nagtatakang tanong ni Badong sa kapatid.
“Nag-away na naman sila kaya umuwi muna dito,” sagot ni Isidro.
“Pero huwag mong ibahin ang usapan, saan ka pumunta kagabi?”
“Ang kulit naman nito, wala may kinausap lang ako sabi eh!”
“Sino na naman?” pangungulit pa ni Neneng.
Huminga siya ng malalim at napakamot sa batok. “Si Soledad.”
Napakunot ang noo ng ina at lumingon sa kanya.
“Soledad ba kamo?”
“Oho, iyong anak ni Gobernador... aray!” sabi niya sabay daing ng malakas
matapos siyang pingutin ng ina sa tenga.
“Inay naman, bakit ba kayo namimingot agad?” reklamo ni Badong.
“Hoy Bartolome! Tigil-tigilan mo ‘yang anak ni Don Leon ah. Baka malintikan
tayong lahat dito! Balita ko ay ikakasal na raw iyang si Soledad sa susunod na
taon.”
Biglang nawala ang ngiti ni Badong at nabuhay ang galit sa kasintahan nito.
“Iyon ba hong bastos na Arnulfo Lagdameo na ‘yon?” sagot pa niya.
“Bastos? Paano mo naman nasabi na bastos siya? Kakilala mo ba ‘yon? Balita
ko ay anak daw iyon ng pinakamalaking pamilihan dito sa San Fabian.”
Sa halip na sumagot ay umiling na lang si Badong. Hindi naman sa wala
siyang tiwala pero medyo madaldal kasi ang nanay niya at baka ikuwento sa mga
kapitbahay nila ang nangyari kagabi. Kapag kumalat iyon ay si Soledad ang
mapapahiya.
“Basta ho!”
“Anak, tigilan mo ‘yang si Soledad at gulo ang hanap mo! Huwag mong
isama ang anak ng Gobernador sa mga kalokohan mo.”
“Inay, totoo ang damdamin ko para kay Soledad.”
“Naku si Kuya, ikaw magseseryoso sa babae? Malabo ‘yan!” natatawang
tudyo ni Neneng.
“Bahala kayo kung ayaw n’yo maniwala,” sagot niya.
“Siya tama na ‘yan at tapusin na ninyo ang pagkain,” saway sa kanila ng ina.
Mayamaya ay bumaba ang isa pa niyang kapatid.
“Inay, mauna na ho ako at baka mahuli pa ako sa klase,” paalam naman ng
kapatid na si Marciana.
“Sige, mag-iingat ka at pagpalain ka ng Diyos.”
“Nasaan pala ang itay?” tanong pa ni Badong.
“Naroon sa bodega at inaayos ang mga bigas na irarasyon,” sagot ng ina.
Pinagpatuloy na ni Badong ang pagkain ng almusal habang laman pa rin ng
kanyang isipan si Soledad. Mayamaya ay dumating ang kanilang ama at dumiretso
sa kusina.
“Badong, bago ka pumasok sa talyer, idaan mo iyong dalawang sako ng
bigas doon sa suki natin,” sabi pa nito.
“Sige ho, itay.”
ISANG malakas na sampal ang sinalubong ni Soledad kay Arnulfo habang
kaharap ang mga magulang niya at kapatid bagay na kinagulat ng mga ito. Bukod
sa mga ito ay nasaksihan rin ng mga kasambahay at pinsan na si Ising ang
kanyang ginawa.
“Soledad!” mabilis na saway sa kanya ng ama.
“Anak, bakit mo ginawa ‘yon? Bakit mo sinaktan si Arnulfo?” nag-aalalang
tanong ng ina.
Walang maramdaman si Soledad kung hindi matinding pagkamuhi para kay
Arnulfo. Hanggang ngayon ay bakas pa rin sa mukha nito ang mga pasa na mula sa
mga suntok ni Badong. Hindi niya makakalimutan ang ginawa nitong
paglalapastangan sa kanya. Dahil sa nangyari, kagabi ay nag-isip siyang mabuti
hanggang sa mabuo ang kanyang desisyon.
“Ano ba talaga ang pinag-awayan n’yo?” tanong pa ng ama.
Puno ng determinasyon na tinitigan niya ang lalaki nang may matinding galit.
“Umuurong na ako sa kasunduan, papa. Ayoko nang magpakasal sa kanya!”
“Ano?!” gulat na tanong ng ina.
“Ano ba ito?! Soledad! Hindi ka na maaaring umurong pa!” sagot ng ama.
Ilang sandali pa ay nangilid ang kanyang luha habang inaalala ang mga
nangyari kagabi. Kung maaari lang kitilin ang buhay ni Arnulfo sa mga sandaling
iyon ay ginawa na niya.
“Bakit hindi mo sabihin ang ginawa mong kalapastanganan sa akin kagabi,
Arnulfo?!”
Bigla itong lumuhod sa kanyang harapan at halos yakapin siya sa mga binti.
“Mahal ko, patawarin mo ako! Nadala lamang ako sa bugso ng aking
damdamin dahil sa labis na pangungulila ko sa iyo! Patawarin mo ako!”
pagmamakaawa nito.
Ngunit kahit kaunti ay wala siyang naramdaman na awa para sa lalaki.
Lumingon siya sa mga magulang.
“Alam ba ninyo ang ginawa nito kagabi? Dinala ako sa gubat at doon at
sinubukan niya akong pagsamantalahan! Pinipilit niyang may mangyari sa amin at
sa kabila ng aking pagmamakaawa ay hindi niya ako pinakinggan. Umiiyak ako sa
labis na takot ngunit wala siyang pakialam! Ang tangi niyang nais ay makuha ako.
At ang katwiran niya ay ikakasal din naman daw kami at doon din ang punta
namin!” nanginginig ang katawan sa galit na kuwento niya.
Kasabay ng pag-agos ng kanyang luha ay ang panunumbalik ng takot na
nararamdaman noong nakaraan gabi. Malakas na napasinghap ang mga tao roon
nang marinig ang kanyang mga sinabi. Samantala ang ama ni Soledad ay hindi tila
hindi makapaniwala sa nalaman.
“Nagmakaawa ako sa iyo na tigilan mo ang ginagawa mo! Pero naging bingi
ka sa aking pakiusap, Arnulfo!” galit na bulalas niya sabay tulak dito kaya tuluyan
napaupo sa sahig.
“Mahal ko, patawarin mo ako! Pangako hindi na mauulit!” patuloy na
pagmamakaawa nito.
“Nilapastangan mo ako! At hinding-hindi ako magpapakasal sa lalaking
katulad mo!”
“Tumayo ka, Arnulfo,” sabi pa ng kanyang ina.
Sumunod naman ito at nagulat sila nang makatayo ang lalaki ay bigla itong
sinampal ng dalawang beses ng kanyang ina.
“Walanghiya ka! Pinagkatiwala ko sa’yo ang anak ko! Pagkatapos ka namin
patuluyin at tanggapin sa pamilya namin ay magagawa mong bastusin ang anak
ko!” galit na galit na sigaw ng kanyang ina.
“Umalis ka na muna, Arnulfo,” sabi ng kanyang ama.
“Pero Don Leon…”
“Umalis ka na hijo, pakiusap,” sagot ulit nito.
“Huwag na huwag ka nang babalik dito dahil ayoko nang makita ang
pagmumukha mo. Dahil kapag nagtangka ka ulit, magsusumbong na ako sa pulis!”
pagbabanta ni Soledad.
Walang nagawa si Arnulfo kung hindi ang tuluyan umalis. Nang maiwan sila
ay saka siya kinausap ng mga magulang.
“Anak, ayos ka lang ba?” tanong pa ni Donya Juana.
“Opo.”
“Ngunit totoo ba ang sinabi mo?” tanong ng kanyang ina.
“Hindi ako nagsisinungaling, mama. Nagtangka siyang halayin ako. Kung
hindi dahil sa isang ginoo na dumating at nagligtas sa akin ay baka nagtagumpay si
Arnulfo sa kanyang balak.”
Naupo sa tabi niya ang ina at hinagod ang kanyang likod para tuluyan siyang
kumalma.
“Kaya pala bigla kayong nawala kagabi sa sayawan,” sabi ni Dolores.
“Matapos iyon ay mas pinili ko na lang na umuwi dito at magpahinga. Hindi
na ako nakapagpaalam sa inyo dahil sa bilis ng mga nangyari,” paliwanag ni
Soledad.
“Nakilala mo ba ang nagligtas sa’yo na ginoo?” tanong pa ng kanyang ina.
Hindi agad nakasagot si Soledad at nag-isip muna kung sasabihin ba niya na
si Badong ang nagligtas sa kanya. Ngunit kapag sinabi niya, natatakot siya na baka
mapahamak ang binata.
“Hindi ho, madilim doon sa gubat at hindi ko masyadong naaninag ang
kanyang mukha. Pagkahatid niya sa akin doon sa sayawan ay umalis din siya
agad,” pagsisinungaling ni Soledad.
Samantala ang ama niya ay hindi pa rin kumikibo sa mga sandaling iyon at
tila nag-iisip ng malalim. Mayamaya ay bumuntong-hininga ito.
“Sige na, ang mabuti pa ay magpahinga ka na lang muna,” sa halip ay sabi
nito.
“Mag-uusap kami ni Kumpadre,” dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang
ama ni Arnulfo.
Pagpasok sa silid ay pilit na kinalma ni Soledad ang sarili. Hinding-hindi siya
papayag na makasama ang lalaking hindi siya kayang igalang. Naupo siya sa gilid
ng bintana at tumanaw sa kapaligiran habang marahan umiihip ang malamig at
sariwang hangin.
Bumalik sa kanyang isipan si Badong. Wala sa loob na napangiti si Soledad
habang inaalala kung paano matapang nitong hinarap si Arnulfo at pinatumba.
Wala itong takot na pinagtanggol siya. Hindi sigurado si Soledad kung binobola o
totoo ang mga sinabi sa kanya ng binata, ngunit humanga siya sa tapang nito nang
sabihin nakahanda itong agawin siya kay Arnulfo. Marahil ay isang malaking
pagkakasala ang kanyang nararamdaman ngunit sa sandaling panahon, nagawang
makapasok ni Badong sa kanyang kamalayan nang hindi niya nalalaman.