Ilang beses kong hiniling noong araw na iyon na sana’y tumila na ang ulan, na sana makauwi na si Carlo at nang magkaroon na rin ako ng pagkakataong gumala. But sometimes, nature is worse. Kung ano pa iyong nais nating mangyari, iyon pa ang hinding hindi pahihintulutan.
Maghapong umulan at walang tigil mula umaga hanggang gabi. Si Carlo na lang ang nakagagawa ng paraan upang lumabas at kumuha ng aming makakain. At some point, nag-uusap din naman kami tungkol sa mga bagay-bagay dito sa isla. Pero hindi na iyon tulad noong bandang umaga na halos pagtalunan pa namin ang tungkol sa pananatili niya at ang tungkol kay Iso.
Aminin ko man o hindi, maraming bagay siyang naikwento tungkol sa sistema ng pamamahala sa kanilang isla. Hindi naman ito nagkakalayo sa tipikal na sistemang nakasanayan ko sa siyudad dahil kung ikukumpara sa nakagisnan ko, para bang katumbas lang ng kapitan ang namumuno sa kanila. Maliit lang ang populasyon ng isla at hindi raw kagaya noon na hindi mabilang-bilang ang dami. May advantage dahil kaunti lang sila ang natira rito pero ang disadvantage ay mahina iyong man power at ilan pang mga man-made resources.
May mga patakaran din daw sila rito at isa na nga iyong mariing pagbabawal sa pagpunta sa coast kung saan mayroong nagbabantay. Mayroon din tungkol sa lihim na paglilibing sa sinumang matagpuang namatay dito sa isla. Mas mapagmasid sila sa ganoong aspekto lalo’t iyon naman ang kilalang katawagan dito, “Island of the Dead.”
He also attempted to tell how he burried those found dead beings. Ngunit ako na mismo ang nagpahinto na huwag na niyang subukan pang ikwento dahil hindi ko iyon masisikmura.
Dahil may mga pagkakataong nakaaalis siya kahit umuulan, hindi na rin naging problema ang kaniyang damit. Ipinagpasalamat ko na lang iyon lalo’t hindi ko ma-imagine na buong araw kong makikita na nakabalot sa kaniya iyong tuwalya ko. I mean, para sa akin ay ang awkward lang nito. He’s nothing but a friend— teka, kaibigan nga ba ang turing namin sa isa’t isa? Uh, hindi rin naman masasabing stranger, ‘di ba?
Pagsapit noon ng gabi, kumpara sa umaga’t hapon ay mas mahina naman na ang ulan. Hindi na siya nakitulog pa dahil assured naman daw siya na huhupa na ang sama ng panahon. Kinabukasan ay nagising na lang ako sa ingay ng mga manok sa hindi kalayuan, sa huni ng mga insekto, at sa tunog ng walis tingting.
I yawned like a lazy child. Inaantok man ay pinilit kong bumangon sabay tali nang messy bun ang aking buhok. Pagbaba ko sa katre, namutawi bigla ang nag-uumapaw na tuwa sa puso ko. Dahil hindi kagaya kahapon, nasisilayan ko na ang liwanag ng araw.
Nawala ang antok ko. Mabilis akong tumungo sa lababo upang uminom at magmumog. Sobra akong na-excite lalo’t batid kong makagagala na ulit ako.
Pagkatapak na pagkatapak ko sa labas, maputik man ang paligid ay napangiti pa rin ako. Kitang kita ang mga mumunting butil ng tubig sa mga dahon. May mga nagliliparan ding mga paru-paro at naglalaro sa aking mga mata ang kulay nito. Nakakatuwa lang masaksihan na mula sa masamang buhos ng panahon kahapon ay halos kabaliktaran na ang napupuna ko ngayon. Nang tumingala ako ay wala man lang akong nakitang ulap dahil purong bughaw ang namayani sa kalangitan.
Sinubukan kong humakbang. Halos madulas ako dahil parang basang putik na ang lupa. Isang hakbang pa sana ang gagawin ko ngunit hindi ko na iyon nagawa dahil bigla na lang may lumitaw sa kaliwa ko, hindi kalayuan.
At hindi na ako nagulat nang makitang si Carlo iyon. Naka-shorts lamang siya ngayon at gray shirt habang tangan sa isang kamay ang mahabang walis tingting. Sa paanan niya ay may itak at kalaykay para sa mga parte ng bakuran na dinapurak ng malakas na ulan.
“Hi!” malakas kong bati. Tumango lang siya saka ibinaling sa ibang direksyon ang pansin upang ituloy ang ginagawa. “Pwede ba akong tumulong?”
“Huwag na,” rinig kong sagot niya nang hindi man lang ibinabaling ang tingin sa akin. Ikinakunot iyon ng noo ko pero hindi ako nagpatinag.
“Hayaan mo na ako please? Gusto ko kumilos.”
“Diyan ka na sa loob.”
“Basta!”
May kung ano pa siyang sinabi pero hindi ko na iyon pinakinggan pa. Tuloy-tuloy kong tinahak ang daan patungo sa kaniya at hindi na inalintana pa ang putik na dumidikit sa aking paa. Nagmumukha mang tanga dahil natutuwa ako sa ganito, wala na akong pakialam sa reaksyon niya basta’t alam ko sa sarili kung anong gusto kong gawin. Gusto kong tumulong sa paglilinis niya rito at hindi niya ako mapipigilan doon.
Halos ilang hakbang na lang ang layo ko sa kaniya. Akma ko na sanang pupulutin ang kalaykay ngunit nagulat ako nang bigla siyang lumapit at unahan akong kunin ang hawakan nito.
“Hindi pwede,” aniya sabay abot naman sa akin ng walis tingting. “Magwalis ka na lang kung gusto mong tumulong.”
Saglit kong pinasadahan ng tingin ang walis tingting. Hindi ko maunawaan pero bakit mas feel ko kapag magkakalaykay? O baka dahil nararamdaman kong overrated ang pagwawalis? Hay. Ano bang klaseng mindset ito?
Magsasalita na sana ako pero kaagad na siyang tumalikod. Nagpatuloy na muli siya sa ginagawa nang naka-side view sa akin samantalang ako’y walang muwang kung saan magsisimula at kung paano ito sisimulan.
Sige, aaminin ko. Aaminin kong hindi ako sanay sa kahit na anong gawaing pambakuran. Lumaki kasi ako nang halos hindi pinoproblema ang mga gawaing bahay. Pagdating naman sa school ay hindi naman application iyong mismong subject namin sa livelihood at gardening. More on discussion lang kaya nangangapa kung paano i-execute.
I wish na sana’y may lakas ako ng loob na sabihin ito kay Carlo. Na hanggang mga magagaan lang na gawain ang kaya ko at hindi gaya nitong gawain talaga ng isang sanay na tao. Sa naiisip ko kasi kanina ay mas madali ang pagkakalaykay. Malay ko ba kasing aagawin niya iyon sa akin at papalitan niya ng walis?
Huminga ako nang malalim at naglakad sa mismong pwesto kung saan siya huminto sa pagwawalis kanina. Habang siya ay naghihila ng mga malalaking kalat gamit ang kalaykay, napaisip ako bigla kung paano ko ito maipagpapatuloy sa paraang hindi ko masisira iyong nasimulan.
God. Mas gugustuhin ko pa palang mag-solve ng math problem kaysa rito. Ano ba kasing pumasok sa isip ko at naisipan ko maging bida-bida rito?
“You okay?”
Natauhan ako bigla. Mabilis akong tumango nang hindi sumusubok lumingon sa kaniya.
“Uh, oo, okay ako. Okay na okay.”
Narinig kong huminto siya sa pagkakalaykay. “Sure?”
“Sure!”
Ilang segundo ang lumipas ay muli niyang ipinagpatuloy ang ginagawa. Ngunit ako ay nanatiling tulala na para bang na-mental block sa dapat na gagawin.
Bwisit. Ganito ba talaga ako kabobo para kahit itong simpleng pagwawalis ay hindi ko magawa? Bakit ba kasi hinayaan kong hindi ako matuto noon? Ngayon, hindi na maabot ang kahihiyan ko!
I heard him stopped once again.
“Hindi ka okay. Bumalik ka na lang muna sa loob at—”
“Okay fine.”
Ibinagsak ko ang walis at walang sabi-sabing naglakad palayo rito. Naiinis ako sa sarili ko. Simpleng bagay pero hindi magawa.
Paano na lang ako mabubuhay nito rito kung pag-upo, paghiga, at paghinga lang ang kaya ko? Hindi ko naman kasi kailanman naisip noon na mapapadpad ako sa ganitong klaseng lugar. Kung may ideya lang ako, sana ay nagpaturo na ako noon kahit sa mga kasambahay. Kahit iyong mga basic lang na outdoor chores, gaya ng kanina.
Isang malalim na hinga ang pinakawala ko nang makapasok na ulit ako sa kubo. Tuloy-tuloy ako sa banyo upang kunin ang timbang walang kalaman-laman. Ngayon ay susubukan ko namang ako ang mag-igib. Susubukan ko para kahit papano’y may silbi naman ako.
Hindi naman kalayuan ang distansya ng balon. Katunayan, narating ko ito ng wala pang limang minuto. Saktong sa pagdating ko roon, may dalawang matandang babae akong kasabayan. Pumwesto lang ako sa gilid upang hintayin silang matapos.
Iyong isang matanda ay kasalukuang naghihila ng tubig paitaas habang iyong isa naman ay naghihintay ngunit nakatingin sa akin. Aminado akong naiilang ako pero pinilit ko na lang ngumiti. Nang makitang sinimangutan niya ako ay bigla na lang akong nanghina.
Balak ko sana siyang lapitan at kausapin kung sakali mang sinuklian niya ng ngiti ang pagngiti ko sa kaniya. Pero nang makita ang masama niyang ekspresyon ay parang gusto ko na lang umatras. Wala naman sana akong ginagawang masama ‘di ba? Bakit kaya parang galit na galit siya sa akin?
May kung ano siyang ibinulong sa kasama niya. Saglit ding tumingin ang isa habang inaangat ang timba at gaya ng naunang nagtaray sa akin, sinamaan din niya ako ng tingin.
Parang… parang ang sakit lang isipin. Ang sakit lang isipin na wala pa man din akong ginagawa ay pinag-iisipan na nila ako ng kung ano-ano. Ano ba ang nagawa kong mali? May inagrabyado ba ako sa buhay nila? Anong meron?
Yumuko ako habang hawak sa isang kamay ang walang kalaman-lamang timba. Ilang minuto pa ang pinalipas ko para hintayin silang matapos hanggang sa natanto kong nakaalis na sila. Sandali kong pinakatitigan ang kanilang lakad papalayo nang makita ko pa sila sa isang tanaw. Isang masakit na buntong hininga na lang ang ginawa ko upang iwaksi ang biglang naramdaman.
Hindi bale na. Talaga nga namang hindi na kasi maiiwasan ang mga taong may ayaw sa’kin. Magkakatalo na lang sa kung paano ako aakto sa mga sakit na idinudulot nila; kung hahayaan na lang ba o papatulan.
Ako na lang ang naiwang mag-isa kaya marahan na akong tumungo sa balon. Pilit akong ngumiti upang mapeke ang nararamdaman ko. Kabado man dahil na rin hindi ako sanay sa gagawin, walang mangyayari kung hindi ko susubukan.
Inilapag ko ang balde sa ibaba. Isang hinga nang malalim ang ginawa ko saka inabot iyong maliit na timang nakasabit sa mahabang tali. Gaya ng nakita ko noon kay Carlo. Inihagis ko ang timbang ito hanggang sumama na rin ang tali. Hinintay kong malunod ang balde sa tubig na nasa ilalim mismo kaya nang maaari nang hilahin pataas, buong puwersa kong ibinigay ang makakaya ko hanggang sa marahan ko nang inaangat ang maliit na balde.
Dahan-dahan at puno ng pag-iingat. Hindi ko na rin napansin na may mga nakapila na pala sa likod ko at naghihintay na matapos ako. Nahiya na lang ako bigla dahil sa bagal ko. May kabigatan din kasi ang hinihila ko kaya hindi pwedeng madaliin.
But just as I pulled the rope once more, bigla na lang naputol sa kalagitnaan ang tali. Kasabay nito ay malakas na bumulusok paibaba ang balde at naiwan sa kamay ko ang tali.
Napasinghap ako sa nangyari. Nagsilapitan na rin ang ilang mga ale at sumilip sa loob ng balon. Nang marinig ko ang naiinis nilang mga ekspresyon, umahon sa kaba ang puso ko at nanginig pa ang mga daliri ko. S-hit, what did I do? Talaga bang nasira ko ang balon?
“Ayan! Hindi ka kasi nag-iingat!” sigaw ng isang matanda. Lumingon ako sa pinanggalingan nito at naabutang dinuduro na rin ako ng katabi niya.
“Siguro ikaw ang malas!”
“Oo nga, baka nga siya ang malas.”
“Ewan ko ba. Mula nang tanggapin ang babaeng iyan dito sa nayon, sunod-sunod na ang kamalasan!”
Wala akong alam sa kung ano man ang tinutukoy nila pero malinaw na malinaw sa’kin na ako ang tinuturo nilang salarin sa mga masamang nangyari sa kanila. Unti-unti akong dinudurog. Para akong pinagsasaksak sa masasama nilang tingin. Kung totoo ngang ako ang may dala ng malas sa islang ito, ano pa ang ginagawa ko rito?
Hindi ko na kinaya ang kahihiyan. Pinulot ko na ang timba at naglakad palayo sa kanila. Ngumiti pa ako na parang tanga upang maipakita na hindi ako apektado pero nang makatalikod na ako at masigurong wala ng nakakakita, parang ulan na pumatak ang aking mga luha. Tama ba ang mga narinig ko? Hindi ba iyon mga ilusyon? Sinabi talaga nilang malas ako?
At kung kumakalat na ito sa buong isla, anong mukha pa ang maipapakita ko? Paano pa ako makakagala nito? Ang kapal naman ng mukha ko upang manatili rito gayong kita naman sa mga mata nila na nais na nila akong umalis dito.
Nang tuluyan na akong makalayo sa kanila, ibinaba ko ang balde at yumuko sa sidhi ng panlulumo. Sa sobrang sakit ng nararamdaman sa kaloob-looban ko ay hindi ko na kinaya pang kimkimin ang bigat. Napatakip na lamang ako sa mukha ko at humikbi nang humikbi.