Magtatakip-silim na ngunit wala pa rin ang binata. Halos humaba na ang leeg ni Jackie kakatingin sa b****a ng kuweba kung dumating na ba ang binata. Kapag nakakaramdam siya na may kumakaluskos sa labas ay kaagad siyang tumatayo para tingnan kung ang binata na ba ang dumating. Subalit bigo pa rin siya kaya halos mangiyak-ngiyak na siya ng mga oras na iyon. Nakakaramdam na rin siya ng pag-aalala dahil hindi pa ginagawa ng binata na gabihin sa pag-uwi.
"Saan ka ba pumunta, Zyros?" maluha-luha nitong usal dahil pag-aalala. At nang maalala niya yung dalawang malalaking Lion na gustong lumapa sa kanya noon ay namilog ang kanyang mga mata at biglang kinabog ang kanyang dibdib.
"H-hindi kaya napahamak na siya?" nahihintakutan na niyang usal sa kanyang sarili. Hindi na rin siya mapakali ng mga oras na iyon. "H-hanapin ko na kaya siya. B-baka may masama nang nangyari sa kanya." Napasapo siya sa kanyang bibig dahil sa kanyang iniisip. At sa pagkakataon na iyon ay ayaw na niyang mag-aksaya pa ng oras.
Mabilis siyang tumayo at nagmamadaling lumabas ng kuweba kahit madilim. Tanging liwanag lang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa buong kapaligiran ng mga oras na iyon. Subalit kailangan niyang lakasan ang kanyang kalooban mahanap lamang ang binata.
"Kaya mo 'to, Jackie!" pagpapalakas niya sa kanyang sarili at sinimulang ihakbang ang kanyang mga paa. Kahit natatakot ay binaliwala niya lamang iyon. Patuloy lang siya sa paghakbang na may takot kahit hindi niya alam kung saan hahanapin ang binata.
"Nasaan ka na ba, Zyros?" bulong nito habang panay ang tingin sa bawat madaan niya. Kahit nagkakanda-liko na ang kanyang mga paa ay pilit pa rin siyang humakbang. Tanging mga huni lamang ng mga insekto ang naririnig niya sa gitna ng kagubatan. Tumutulo na rin ang kanyang mga luha dahil sa magkahalong kaba at takot na nararamdaman. Takot na baka may nangyari nang masama kay Zyros at kaba dahil sa posible niyang masalubong sa madilim at masukal na daan.
"Saan ka ba kasi nagpunta, Zyros?" bulong niyang muli sa kanyang sarili habang may panlalambot na nararamdaman sa kanyang sarili. Hanggang sa makarinig siyang tila isang alulong ng malaking aso. Kaya tuluyan na siyang binalot ng kilabot at takot dahil tila malapit lamang iyon sa direksyon niya.
"A-ano 'yon?" natigilan siya sa paglalakad habang panay ang ikot ng mata sa paligid na puno na ng takot. Nakarinig din siya ng kaluskos sa di kalayuan sa kanyang kinatatayuan at tila isang mabangis na hayop ang nagmamay-ari nito dahil sa paghingang nitong naririnig niya.
"S-sino 'yan? Kung sino at ano kaman, 'wag kang lalapit sa 'kin!" Unti-unti na niyang in-atras ang kanyang mga paa papalayo sa kung anong bagay sa pinagmumulan ng tila isang mabangis na nilalang. Hindi niya pinapatid ang paningin niya kung saan niya iyon banda narinig habang walang tigil ang takot at kaba na nararamdaman niya.
Wala na ring tigil ang pagragasa ng kanyang mga luha dahil sa takot. Kaya naisip niya na tumakbo na lamang ng mabilis. "Diyos ko, tulungan niyo po ako!" dalangin niya habang walang tigil sa pagtakbo. At pakiramdam niya ay tila tumatakbo rin kasunod niya ang kakaibang nilalang na naririnig niya. Kaya napasigaw siya ng malakas.
"Tulong! Tulungan mo ako, Zyros!" sigaw niya na di alam kung saan pupunta dahil sa nilalang na humahabol sa kanya. Panay rin ang lingon niya sa kanyang likuran kaya natapilok siya at tuluyan ng nadapa. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang nilingon ang nilalang na malapit na siyang sakmalin. Kaya napatakip siya ng braso sa kanyang mukha habang walang tigil sa kakasigaw. Alam niya na anumang oras ay lalapain na siya nito.
Subalit laking pagtataka niya dahil tila biglang tumigil ang nilalang na muntik ng lumapa sa kanya. At nang dahan-dahan niyang ibaba ang kanyang braso para tingnan ko ano ang nangyari ay napahagulhol siya ng iyak dahil nakahiga na sa lupa ang nilalang na lalapa sa kanya at wala ng buhay. At tabi ng nilalang na iyon ay nakatayo ang isang lalaki na kahit madilim at tanging sikat lamang ng buwan ang liwanag ay kilalang-kilala niya iyon.
"Z-Zyros?" sambit niya sa pangalan nito. Maya-maya ay nakita niya na lumalapit na sa kanya ang binata. At sa pagkakataon na iyon ay malinaw na niyang nakikita na si Zyros nga ang tao na iyon. Kaya muli na naman siyang napahagulhol ng iyak.
"Ayos ka lang ba?" pag-aalalang tanong ni Zyros.
"Saan ka ba kasi nagpunta? pasinghot-singot nitong paghikbi at hinampas-hampas ang binata sa dibdib.
Niyakap ng mahigpit ni Zyros ang dalaga at bahagyang tumulo ang luha sa kanyang mga mata. "Patawarin mo ako, Jackie. Pangako, hindi na kita muling iiwan," usal niya sa dalaga. Awang-awa siya sa sinapit ni Jackie. Kung hindi siya dumating ay baka nilapa na siya ng malaking baboy ramong humabol sa kanya. Labis-labis rin ang pagsisisi niya ng mga oras na iyon.
Kinaraga niya sa Jackie pabalik ng kanilang kuweba at ramdam na ramdam niya pa rin ang takot ni Jackie habang karga niya ito. "Bakit ka kasi lumabas ng kuweba ng hindi ako kasama?"
"Akala ko kasi napahamak ka na kaya hinanap kita," sambit niya sa binata habang panay pa rin ang buhos ng kanyang mga luha.
"Patawarin mo ako, Jackie. Dahil sa 'kin, muntik ka ng mapahamak," wika niya sa dalaga na puno ng pagsisisi dahil sa nangyari. "Mula ngayon, wala ng sinuman ang maaaring manakit sa 'yo, pangako 'yan." Hinigpitan niya ang pagkakakarga kay Jackie at mas lalo niyang narinig ang malakas na t***k ng puso ng dalaga.
Napayakap na lamang ng mahigpit si Jackie kay Zyros habang tuloy pa rin sa paghikbi. Nang makarating na sila ay kweba ay binantayan ni Zyros si Jackie hanggang sa makatulog ito. Hindi siya umalis sa tabi ng dalaga dahil alam niya na hindi pa rin humuhupa ang traumang inabot nito.
"'Wag kang mag-alala, Jackie. Hindi na mauulit ang lahat ng ito, ipinapangako ko 'yan!" Hinimas niya ang malambot na buhok ng dalaga na puno ng lungkot ang kanyang mga mata. Kitang-kita niya pa rin sa itsura ng dalaga takot dahil nanginginig pa rin ang katawan nito. "Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa 'yo, Jackie!" dagdag pa nito habang nakatitig pa rin sa mukha ng dalaga.
"Mahal na mahal kita, at gagawin ko ang lahat maprotektahan ka lamang." Dahan-dahan niyang inilapat ang kanyang labi sa noo ng natutulog na dalaga. Maski siya ay nakaramdam ng takot ng mga oras na iyon.