'ANG sarap!'' Puri ni Bibeng sa kapeng iniinom. Sumilay naman ang matamis na ngiti sa mga labi ni Bubot nang marinig ang sinabi ng ina-inahan. Hindi nito inaalis ang tingin sa babaeng hinahangaan at nais pamarisan. Hindi naikaila kay Bibeng ang kilos ng anak-anakan, animo nababasa ang isipan ng paslit. Mula sa mga mata nitong kumikislap na nakatitig at pagsunod sa kanyang bawat galaw, ipinapahiwatig nito ang paghanga sa kanya. Ikinatutuwa niya ang bagay na iyon subalit hindi rin maiwasang ikabahala. Naniniwala siyang nagiging tama sa paningin ng bata ang nakikitang ginagawa ng nakakatanda, at ayaw niyang maging masamang ehemplo para sa itinuturing na anak. "Eherm!" pag-aalis niya ng bara sa lalamunan at saka nakangiting binalingan ang anak na walang kakurap-kurap. "Kinabahan ka rin ba

