Chapter 4

1682 Words
Aoi NANG makapagpalit ako ng damit ay daglian akong lumabas ng café. Mabuti na lang ay inugali kong magdala nang pamalit, lalo ngayon na dalawa na ang trabaho ko.  Walang gana akong nagpatuloy sa paglalakad papunta sa paradahan ng tricycle, pero bago pa man ako makarating doon ay nakaagaw pansin sa akin ang isang kulay abo na pusa.  Tumingin ako sa ‘king kaliwa, nang wala akong makitang ibang tao ay lumingon ako sa kanan ko, doon ay wala rin akong napansin kaya mabilis kong ibinalik ang aking tingin sa pusa na hindi kalayuan mula sa ‘king kinatatayuan. Ibig sabihin ay mag-isa lang siya rito? Nawawala kaya siya? Bigla akong nakaramdam ng awa, dahilan, kaya mabilis ko itong nilapitan.  "Hello, ang ganda mo naman . . . bakit ka nandito? Bakit mag-isa ka? Nasaan ang amo mo? Hindi ba niya alam na gabi na, kaya delikado para sa ‘yo na narito ka pa?" sunud-sunod kong sambit, kahit na alam kong hindi naman ito sasagot sa akin. "Wala ka bang bahay? Ang ganda-ganda mo pa naman. Mukhang ang yaman-yaman nang nagmamay-ari sa ‘yo. Nasaan ba ang tatay at nanay mo? Bakit mag-isa ka rito?” Hindi ko alam, pero kahit mukha akong ewan ay masaya ako na kausapin ito. Sobrang hilig ko rin kasi sa pusa, pero ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong humawak at kumausap ng ganito. "Ang ganda-ganda mo talaga.” Hinimas-himas ko ang tila kumikintab na kulay gray niyang mga balahibo. “Alam mo ba na sobrang lungkot ko kanina? Pero bukod kay Ma’am Vansha, naiba ang pakiramdam ko dahil din sa ‘yo. Gusto mo ba— sa 'kin ka na lang?"  "P'wede ba?"  Napaigtad ako nang marinig ang baritonong boses ng isang lalaki na nagsalita mula sa ‘king likuran. Agad akong gumalaw mula sa kinatatayuan ko, saka hinanap ang mukha niya. Napalunok ako nang makita ko siya. "I mean, kanina ko pa kasi napapansin 'yan diyan. Kawawa naman. Wala yatang may-ari,” pagpapatuloy niya. Hindi ako agad nakapagsalita nang magkatinginan kaming dalawa. Hindi ko inugali ang humanga sa mga lalaking nakikita ko, pero tila iba ang nararamdaman ko ngayon. Sh*t. Totoo ba siya? Ang gwapo-gwapo niya, at kung hindi lang ako nito kinakausap ay iisipin kong isa siyang artista dahil kahit wala nang araw ay kitang-kita pa rin ang maganda at makinis nitong balat. Idagdag pa ang kanyang magandang tindig at  taas. Ang lahat sa kanya ay tila perpekto. Pero— hindi naman siguro siya mayaman?  Sino ba naman kasi ang makikipag-usap na gano’n sa isang dukhang katulad ko? "P'wede mo siyang iuwi kung gusto mo. Kaysa naman magpagala-gala lang ‘yan dito, ‘di ba? Kawawa naman,” wika pa niya. “P-pero bakit hindi ikaw?” Nakagat ko ang aking ibabang labi nang mapagtanto ang sinagot ko sa gwapong lalaki na nasa harapan ko. Narinig ko ang pagtikhim niya. “Hindi ako mahilig sa pusa,” seryoso niyang sabi. Napatingin ako sa hawak ko. "O-okay, uuwi ko na lang siya,” sagot ko sa kanya.  Hindi ko alam ang iaakto sa harapan nito dahil bigla na lang akong nakaramdam ng kaba, kaya agad akong tumalikod para maglakad bitbit ang kulay gray na pusa, na kinakausap ko kanina. Mabuti na lang at hindi ako nito sinundan. Sayang din ‘to. Mahal din kaya ‘yung ganito kapag binili. Ibabalik ko na lang siguro kung sakaling may maghanap o bumawi. Nagpatuloy ako sa paglalakad, hanggang sa makarating ako sa paradahan ng tricycle. Sumenyas ako na sasakay, at agad namang may lumapit sa akin.  "Ma'am, sakay na po.” Lumingon ako sa aking likuran dahil sa pag-aakalang hindi ako ang kinakausap nito. "Kayo po, Ma'am!” turo nito sa akin, na ikinalukot ng noo ko.  Ang weird, pero hindi na ako nag-atubiling sumakay dahil gusto ko na rin makauwi sa bahay. Medyo matagal din kasi maghintay ng kasabay na pasahero. Tulad nang nakagawian ko sa tuwing sumasakay dito. Umupo ako at inayos ang pagkakahawak sa pusang dala ko. Hahalikan ko sana ito nang matuon ang aking atensyon sa pag-andar ng tricycle na sinasakyan ko.  Nagtaka ako. "Manong, hindi na po ba kayo maghihintay para sa iba pang pasahero?" tanong ko. "Ay hindi na po, Ma'am!” mabilis niyang sagot sa akin. Nagsalubong ang mga kilay ko. “Ibig niyo po bang sabihin ay special 'to?" "Oho, Ma'am. Special po kayo,” atas niya. "Pero— wala po kasi akong pambayad para sa special, Manong,” giit ko. Kahit mayroon ay iyon na lang ang sinabi ko, dahil mula nang magtrabaho ako ay hindi ako nasanay na sumakay ng ganito sa tricycle. Nanghihinayang kasi ako sa ibabayad ko. "Ay hindi po. Huwag kayo mag-alala, Ma’am. Biro lang po iyon, kasi libre lang po ito. Pauwi na rin kasi ako, eh!” sabi niya. Nangunot ang noo ko sa tinugon nito. Niloloko niya ba ako? Eh, samantalang nakapila siya kanina sa paradahan ng tricycle nang dumating ako ro’n. Sana naman ay hindi siya sabog, ‘di ba? Sorry, Lord. "Manong, hindi niyo po ba ako niloloko? O— baka naman po may iba kayong hinihintay at nagkamali lang kayo nang isinakay?” muli kong tanong. Gusto kong makasiguro.  "Hindi po, Ma'am. Huwag po kayong mag-alala, nagsasabi po ako ng totoo sa inyo. At makararating kayo ng ligtas sa bahay niyo.” Ewan ko, pero naniwala ako sa kanya nang maya-maya lang ay bigla itong tumigil sa harapan mismo ng aming bahay. Mabilis akong bumaba saka tumingin sa kanya, dahil napuno nang pagtataka ang isip ko kung bakit at paano niya nalaman ang address ng bahay namin, gano’ng wala naman akong natatandaan na binanggit sa kanya kanina. Isa pa, ito ang unang pagkakataon na nakita at nasakyan ko siya sa halos anim na buwan kong pagtatrabaho sa CBC. "Ma'am, siya nga po pala. Mayroon pong nagpapabigay nito sa 'yo.”  Napatingin ako sa isang papel na inaabot niya sa akin. Nag-aalangan kong kinuha iyon mula sa kamay nito. Nang hawak ko na ay agad siyang nagpaalam at umalis.  Napabuntong-hininga na lang ako nang tuluyan siyang ‘di na matanaw. Gusto ko pa sanang itanong kung paano nito nalaman kung saan niya ako ibababa at kung bakit niya ako sinabay, halata kasi sa kanya na hindi siya taga rito. Nakadagdag pa sa ‘king isipin itong inabot niya sa akin. Tumingin ako sa kapirasong papel na nasa kamay ko habang hawak ang pusang napulot ko. Sa pagtataka'y binuksan ko ito, kung saan ako mismo ibinaba ng driver na naghatid sa akin. ‘Hi, A. Mag-iingat ka lagi. Kung hindi, ako ang mag-iingat sa 'yo.’ Napabuga ako nang hangin. Iiling-iling ako habang nilulukot ito, dahil sa naiisip ko na baka kung kaninong tambay lang ang pinanggalingan ng sulat na ito. Ewan ko, pero bigla na lamang pumasok sa ‘king isipan na baka pinagbabalakan na pala ako nito ng kung ano.  "Nakakatakot," sambit ko habang nakatingin sa magandang pusa na hawak ko. "Hoy, Aoi Delavega!" Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa akin.  “Nandiyan ka na pala, bakit hindi ka pa pumapasok dito sa loob? Kaloka ka talagang bata ka!" Si Toyang . . . Naglakad ako papunta sa kanya, nang makalapit ay nagmano ako. "Bakit ang aga mo yata ngayon?" pagkasabi n’yon ay sinundan ko ang kanyang mga mata na tumingin sa kamay ko. "May kasama ka yata?" nakahalukipkip ang mga braso nito habang sinasabi iyon sa akin. "Mahabang k’wento po, Toyang,” tugon ko sa kanya. "Aba’y buurin mo na lang, echosera ka talaga, eh!" biro niya. "P'wede po bang pumasok muna?" nakangiti kong sambit sa kanya. "Sabi ko nga!" agad akong binigyan ng ispasiyo nito upang makapasok sa loob.  "Nay, nandito na po ako," mahinahon kong sabi nang mapadaan sa kwarto nito. "Eh, ano naman? Umalis ka nga!" sigaw niya sa akin. Tumingin ako kay Toyang na nasa tabi ko na pala matapos ‘yon sabihin ni nanay, ilang segundo pa ang lumipas ay ngumiti ako sa kanya. Mabilis niya akong niyakap saka ito nagsalita. "Oh, bawal iyakin, ha?" dahan-dahan akong kumalas sa pagkakayakap nito at muli siyang nginitian. "Toyang naman, parang hindi mo naman po alam na sanay na ako kay nanay,” halos pabulong kong sagot sa kanya dahil nasa tabi lang kami nang pintuan ng kwarto nito. "Okay, magbihis ka na at ipaghahanda kita ng hapunan." Tumango ako rito saka diretsong pumasok sa kwarto namin ni Maxwell.  "Ate!" Napangiti ako nang salubungin ako nito ng yakap. "May ipakikilala ako sa ‘yo," sabi ko. “Sigurado ako na matutuwa ka rin,” dagdag ko pa. "Sino po, Ate?" kunot noo niyang tanong. "Ito, oh!” iniabot ko sa kanya ang pusa na napulot ko sa daan kanina habang papauwi.  "Wow!” kita ko ang tuwa mula sa kanyang mukha. “Saan po ito galing, Ate?" masigla niyang tanong sa akin. "Nakita ko lang sa daan kanina, naawa ako kasi wala siyang kasama kaya inuwi ko rito,” nakangiti kong sagot. "Ang ganda niya, Ate! P'wede ko ba siyang alagaan?” "Oo naman, ikaw talaga ang mag-aalaga sa kanya. Lalo na kapag nasa work si Ate.”  “Yehey!” Napatalon ito sa tuwa. “Oh, wala pa siyang pangalan. Gusto mo ba na ikaw na ang magbigay sa kanya ng name?"  "Sige, Ate!” tugon niya sa ‘kin. "P'wede bang Kam na lang, Ate?" nangunot ang noo ko rito dahil sa pagtataka. "Bakit naman sa dinami-rami ng pangalan ay Kam pa ang napili mo?" hindi mawala ang ngiti sa ‘king mga labi habang nagtatanong sa kanya. "Kasi po Maxwell ang name ko, kaya gusto ko siyang tawagin na Kam kasi ay para magkarugtong kami ng pangalan!" sagot niya sa akin.  Nag-isip pa ako kung bakit. At nang mapagdikit ko ang huli niyang pangalan at ibinibigay nitong name sa pusa ay bahagya akong natawa.  WellKam. Magaling na bata. Hindi maipagkakailang anak talaga siya ni Toyang, dahil bukod sa pagiging bibo nito ay napakalambing at mapagmahal pa nito. Well, isa nga siyang Delavega.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD