Aoi
Ang buhay ay isang paglalakbay na naglalayon na yakapin ng buong puso araw-araw. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang palagi kang gumising na nakatalaga na upang sakupin ang araw. Kung hindi mo man nais ang landas na iyong nilalakaran, maaari kang magsimulang maghanda ng isa pa— dahil ang buhay ay isang magandang regalo mula sa ating manlilikha.
LAHAT tayo ay may kanya-kanyang kahinaan, at sa mundong ito, s’werte ka kung ipinanganak kang mariwasa, habang kariwaraan naman naming maituturing ang buhay na kahirapan ang kinamulatan.
Ang sabi ng marami, basta't mayroong propesyon sa buhay ay madaling makaaangat, kasabay nang maraming may kakayanang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit sa panahon ngayon, sigurado ako na basta't may pangarap ka at kung sasabayan iyon ng gawa, sasamahan ng kasipagan at katiyagaan ay p'wedeng maging posible ano man ang mga bagay na imposible. Kahit pa hindi makatuntong ng entablado, suot ang itim na toga— tulad nang pangarap ng marami.
Bata pa lang ako ay namulat na ‘ko sa kahirapan, lumaki akong walang kinilalang ama dahil isang bayarang babae ang ina ko— noon.
Base sa mga naririnig ko.
Kung hindi ako nabuo dahil sa isang naging kostumer nito nang gabing pumayag siya na may mangyari sa kanila, hanggang ngayon ay maayos sana ang pamumuhay ni nanay, hindi sana ito natigil sa bagay kung saan siya masaya at hindi rin ito nagkasakit sa baga na nakuha niya nang magkaroon siya ng depresyon simula nang matigil ito sa trabaho niya.
Pumayag ang inay noon para sa malaking bayad nang sinasabi nilang ama ko, dahil nangailangan ang bunsong kapatid nito nang pangpa-hospital noong magkasakit ito.
Si Toyang Jera. Pinagsama ‘yung Tito at Tiyang.
Masaya ang Toyang sa gano'ng tawag ko sa kanya, dahil kahit lalaki raw ang itsura niya ay pang babae naman ang puso na mayroon siya.
Nakasanayan ko na rin tawagin siya sa gano'ng pangalan kaya ayos lang din, dahil para sa akin ay nasa puso ang totoong kasarian. Iyon ang pinaka importante, dahil walang araw na hindi pinaramdam sa akin ni Toyang kung gaano niya ako kamahal. Sa katunayan, siya ang nag-alaga at nagpalaki sa akin simula nang isilang ako ni inay.
Noong una ay hindi ko pa maintindihan kung bakit, pero nang magkaroon ako ng sariling isip, doon ko nalaman at madaling naunawaan kung bakit siya ang gumawa ng gampaning dapat ay ang nanay. Iyon ay dahil— galit ito sa akin.
Hindi lang pala galit, kundi galit na galit.
Mula nang mamulat ako sa mundong ito, walang araw akong hindi nakatatanggap ng sumbat mula sa sarili kong ina. Sa babaeng nagluwal sa akin sa mundong ito. Dahil ako ang sinisisi nito kung bakit nagkanda letse-letse ang buhay niya simula nang ipinagbuntis niya ako.
'Malas ka!’
'Wala kang k'wenta!’
'Dahil sa 'yo, nasira ang buhay ko!’
'B'wisit ka!’
'Kahit kailan ay hindi kita matatanggap, dahil katulad ka ng ama mo na walang bilang sa mundo!'
Iyon ang mga salitang madalas niyang sabihin sa akin, sa tuwing mahahagip ako nang dalawang pares niyang mga mata.
Noon, wala akong ibang magawa kundi ang manahimik habang umiiyak nang hindi pa ako sanay sa trato nito sa akin, pero ngayon ay halos tingnan ko na lang siya sa tuwing magagalit ito dahil naiintindihan ko siya kung bakit.
Hindi ko alam, pero siguro nga ay tama si Toyang sa k’wento nito patungkol sa dating kasintahan ni nanay noon na sobrang mahal na mahal niya, pero nang malaman niyon ang tungkol sa akin ay iniwan siya nito.
Kaya hindi ko siya masisisi kung hanggang ngayon ay mainit ang mga mata nito sa akin, siguro nga ay may kanya-kanya lang talagang kapalaran at gampanin ang bawat isa sa mundong ito at ang akin— habang nabubuhay ako ay wala akong ibang gagawin kundi ang intindihin at tanggapin ang lahat nang galit niya sa akin. Dahil ano man at sino man ito, siya lang ang dahilan kung bakit mayroong ako.
Alam ko na kailangan ako nito. Kailangan ako nang nag-iisang taong nagdala sa akin sa mundong ito at iyon ang nanay ko.
Gano'n lang naman kasi ang labanan dito sa mundo, kailangan natin mahalin ang ibinigay at nagbigay sa atin ng buhay, pagkatapos ay yakapin ang ipinagkaloob sa ating pamumuhay dahil hindi natin kasalanan kung ipinanganak tayong mahirap, ang masama ay kung mamatay pa rin tayong naghihirap dahil wala tayong ginawa upang umangat sa buhay. Nang walang tinatapakan na tao.
Nag-iisang anak lang ako, pero apat kaming magkakasama rito sa bahay na namana nila Toyang sa mga magulang nila ni nanay.
"Maxwell! Abutan mo nga ako ng isang basong tubig! Bilisan mo nauuhaw na 'ko!"
Boses iyon ni inay na nagmula pa sa k’warto, halos katabi lang din kasi nito ang sala namin. Mula sa pintuan palabas ay mabubungaran na agad ito, mabuti na lang ay medyo may kalakihan ang k’warto na mayroon dito kaya nahati pa nila Toyang sa dalawa. Si inay sa isa at kami naman ni Maxwell sa kabila, pagkatapos ay sa sala na lang naglalatag nang mahihigaan si Toyang.
Si Maxwell ang siyam na taong gulang na anak ni Toyang Jera at katulad ko ay produkto rin ito ng dalawang taong hindi dumaan sa tamang proseso ng pagmamahalan.
Ayon kay Toyang, bunga ito nang may mangyari sa kanila ng kaibigan ni nanay na tibo noong isang beses na mag inom sila pareho, noong nag-celebrate sila ng kaarawan ni inay. Ibinigay sa kanya si Maxwell matapos itong ipanganak at mula noon ay wala na silang naging balita sa nagluwal dito. Iyon ang k’wento ni Toyang.
Magaang ang loob ko kay Maxwell, kahit na parang siya pa ang anak ni nanay dahil sa magandang trato nito rito. Inaamin ko, na nakararamdam ako ng inggit kung minsan pero tanggap ko naman at naiintindihan ko kung bakit. Sa katunayan ay hindi pinsan ang turing ko sa kanya, kundi nakababatang kapatid dahil bukod sa iisang tao ang nag-alaga at nagpalaki sa amin ay para sa akin hindi kami nagkakalayo ng kapalaran nito, parehong pinagkaitan at parehong hindi buo ang pamilya.
"Aoi, hindi ka ba papasok sa trabaho?" tanong sa akin ni Toyang habang hawak ang isang tasa ng kape, nang agad akong mapalingon sa kanya.
"Papasok po,” mahinahon kong tugon habang nakaupo rito sa sala namin, malapit kung saan siya nakapuwesto.
"E, bakit hindi ka pa nag-aasikaso? Anong oras ba ang duty mo?" nagtatakang tanong nito.
"Eleven po, Toyang,” muli kong sagot.
"Pasado alas-nuwebe na! Kaloka kang bata ka. Pa-chill-chill ka pa riyan! Alam mo naman dito sa Manila! Very pinagpala sa traffic!" Napatingin ako sa kanya mula sa pagkakaharap ko sa phone na kanina ko pa hawak.
"Okay lang po, Toyang. Nagpaalam po kasi ako sa manager namin na magha-half day ako ngayon,” mahinahon kong paliwanag.
"At bakit?” bumungad sa akin ang walang kasing taas na kilay nito nang mapatingin ako sa kanya. Umiral na naman ang pagkamaldita ng kabogera kong Toyang.
"Uhm— kasi po m-may sinabi kasi sa akin si Maureen na raket, pupuntahan po sana namin mamaya,” tawid ko sa kinakabahang dibdib dahil paniguradong pagagalitan ako nito sa sinabi ko.
"Anong raket na naman, Aoi? Sinasabihan kita, ‘di ba? Bumalik ka sa pag-aaral. Pinayagan kita na mag trabaho dahil ang sabi mo ay gusto mo’ng makaipon para makapag-aral ulit, pagkatapos ay magdadalawang trabaho ka naman?” Napalunok ako nang umirap ito sa akin.
Hindi ako nagkamali. High pitch na naman si Madam Jera, ganyan siya kapag mayroong hindi nagustuhan sa mga desisyon ko. Lalo na pagdating sa usaping eskuwelahan.
Last year nang mahinto ako sa pag-aaral. First year college ako sa kursong BSEd or Bachelor of Secondary Education. Hindi ko kinayang pagsabayin ang pag-eskuwela at pagtatrabaho dahil marami rin ginagawa si Toyang, at kailangan na may maiwan dito sa bahay dahil bukod sa bata pa si Maxwell ay may sakit pa si inay.
"Sa Tita lang naman po ni Maureen. Sayang po kasi— apat na oras lang naman ang ipapasok ko kung sakaling matanggap ako mamaya, Toyang. Ang sabi po ng kaibigan ko ay p'wede akong magsimula ng alas-sais ng umaga para may isang oras pa po ako nang sa gano’n ay makapag-prepare sa susunod ko namang trabaho, malapit lang naman din po sa lugar na 'yon ‘yung coffee shop na pinapasukan ko kaya pumayag na po ako,” paliwanag ko rito.
"Pero napag-usapan na natin ito, 'di ba? Saka alas-sais ng umaga? Ano ba’ng trabaho mo ro’n kung sakali?" Tumingin ako sa kanya ng diretso.
"Waitress din po, Toyang. coffee tea po kasi iyon. I mean— coffee at milktea shop po. Ang sinabi kasi sa akin ni Maureen, from 6am to 6pm po nagbubukas ang shop at kailangan po ng tao sa pang-umaga dahil aalis daw po ang Tita niya."
Tumayo ako at lumapit sa kanya, pagkatapos ay pinulupot ko ang aking isang braso sa kanyang kanang bisig.
"Toyang— payagan mo na po ako, kailangan po kasi natin ito dahil gusto ko po’ng tumulong para sa gamutan ni nanay,” nakita ko na sumeryoso ang mukha niya.
"May kita naman sa parlor, Anak. Pagkatapos ay nagpuputo pa ako, ‘di ba? Anong inaalala mo? Witchel naman tayis nangungupahan, echosera ka talaga, eh! Akis na bahala!" sagot nito sa akin.
"Pero gusto ko po na makatulong— sige na po, Toyang?" pilit ko.
"Kung ayaw mo’ng mag-ipon para sa pag-aaral mo, p'wes ako ang gagawa. At once na makaipon ako ay aalis ka riyan sa trabaho mo, mag-aaral ka. Alam mo naman, ‘di ba? Na wala akong ibang gusto kundi ang makapagtapos ka nang pag-aaral? Kayo ni Maxwell, Aoi.”
Nakagat ko ang aking ibabang labi, "Opo, Toyang.” Huminga ako nang malalim, “Pinapayagan mo na po ba ako?" matamis akong ngumiti sa kanya, lalo nang dahan-dahan itong tumango saka umirap sa akin.
"Yes! Thank you, Toyang!” agad ko siyang nayakap dahil sa tuwa.
"Ano bang ingay 'yan? P'wede ba! May nagpapahinga rito, hindi ako makatulog!" pasigaw na saway ni nanay mula sa k’warto nito.
"Lucrecia kasilag talaga ‘yang mudyang mo!" pakunwaring iritang salita nito.
"Shester mo kaya 'yan, Toyang. Syempre, mana po yata sa ‘yo?” halos pabulong kong sagot sa kanya.
"Tse ka riyan! Nanay mo iyan, ‘no!” naghagikgikan kaming dalawa pagkasabi nito ng gano'n.
Ganito kami lagi ni Toyang sa tuwing nagsusungit ang inay, kaysa pansinin o patulan iyon ay dinadaan na lang namin sa biro ang lahat.
Bukod sa mahal namin ang nanay ay pareho rin kami ng perspective nito sa buhay. Kahit alam namin na hindi pare-pareho ang nangyayari sa araw-araw, hanggang maaari ay gusto lang namin ng good vibes, kahit pa maraming negatibong bagay ang nangyayari sa kapaligiran o sa aming buhay ay pilit namin itong tinitingnan sa positibong bagay, dahil para sa amin ni Toyang ay isang beses lamang kaming mabubuhay at ang pagiging masaya ay pagiging malaya— dahil ito lang ang libre sa mundo na maraming benepisyo sa buhay ng tao. Lalo na sa buhay naming mahihirap.