Chapter 03

2239 Words
Matapos isalang sa nagbabagang uling ang takure ay siya namang pagtawag sa akin ni Nanay na nasa labas. Saktong tumungo rito sa kusina si Kuya Kaloy upang kumuha ng kalalaga lang na kamote. Pinagmasdan ko ang damit niyang may bahid pa ng grasa, siguro nagkumpuni na naman ‘to ng makina ng bangka. “Ada, tulungan mo raw ang Nanay, mukhang mamumulot yata ng kapis at kabibe.” Sa huling pagkakataon ay pinaypayan ko ang uling at pinaubaya ito kay kuya dahil mananatili lang naman siya rito. Gawain na talaga namin ang mamulot ng kapis at kabibe tuwing dapit-hapon o madaling araw. Ngunit mas napapadalas ngayong hapon dahil mas inaasikaso namin sa umaga ang mga huli nina Kuya at Tatay. Kami kasi ni Nanay ang naghihiwa ng mga sobrang isda upang gawing daing, na siyang ibibilad agad sa tanghali. Hindi rin naman ganon kahirap ang pagbebenta nito dahil mataas ang benta nito sa palengke. Mabuti na lang din at malakas ang koneksyon ni Nanay sa mga tindera doon na siyang pumapakyaw ng aming mga daing. Bago lumabas ay kumuha ako ng kulay asul na balabal upang hindi mainitan nang masyado ang aking batok. Naabutan ko pang natutulog si Diana sa sala dahil napagalitan kanina ni Tatay. Lintik kasi kung maglisaw sa initan. Huli kong binitbit ang maliit na timba bago lumabas at maglakad patungo sa dalampasigan kung saan nagsisimula nang mamulot si Nanay. Ngunit pumailalim muna ako sa puno ng niyog kung saan ako madalas nagpapahinga at saka pinagmasdan ang tanawing gawa ng palubog na araw. Huminga ako nang malalim at dinama ang t***k ng puso. Simple ko ring pinakiramdaman kung nahihirapan ba akong lumanghap ng hangin. At sa unang tatlong malalalim na paghinga, doon ko napagtantong may kumikirot sa kaliwang bahagi ng dibdib ko. Pabago-bago rin ang bilis at bagal ng kabog nito. Napayuko na lang ako at dinama ang rumaragasang hangin. Halos hindi ko paniwalaan ang sinasabi sa akin ni Doc Gal, sa unang minuto kasi ng paglapat ng stethoscope sa aking dibdib, napansin daw niyang irregular ang heartbeat ko. Pinansin niya rin ang paghinga ko at maayos naman iyon. Ngunit pinaaalahanan niya akong pansinin kung nahihirapan ba akong huminga nang malalim. Natanong niya kung may iba akong sintomas na nararamdaman at nang sabihin kong wala, ibinilin niya sa aking sabihin sa kanyang pagbalik kung ano ang nagpapahirap sa akin. Pauna na ang bahagyang hirap sa paghinga, hay. “Tara na Ada!” Natauhan ako sa sigaw ni Nanay. Tumango ako at mabilis na hinawi sa tenga ang buhok. “Ano bang iniisip mo?” tanong niya. Ngumiti lang ako at tumangging sumagot. Lumusong ako sa pinakamababaw na parte ng dagat habang humahampas ang maliliit na alon. Sinimulan kong ilublob ang kamay habang bitbit sa kanang kamay ang timba. Kahit inaagaw na ng dilim ang paligid, malinaw pa rin ang repleksyon ng tubig, dahilan para magawa ko pa ring makita ang mga kabibeng humalo sa maliliit na bato. Sa pag-ahon ng kamay, nakakuha agad ako ng apat na kabibe. Subalit sa puntong iyon, napatingin ako sa grupo ng mga kababaihan na naglalakad patungo rito sa dalampasigan. Unang naagaw ng aking mga mata si Dahlia, suot niya ang damit na kadalasang sinusuot ng mga lumaki sa syudad. Kumpara sa maluwag kong pananamit, hapit na hapit ang kanya, dahilan kung bakit mas nakikita ang alindog ng kanyang katawan. Nang magtama ang mga mata namin ay kaagad akong umiwas. Mula kasi kahapon nang tulungan ako ni Arlet, alam kong kakaiba ang nararamdaman niya sa amin. Kung sa akin lang nais kong itanggi ang lahat sa kanya dahil iyon naman ang totoo. Pero ayaw ko nang manghimasok sa problema nila. Problema na nila ‘yon. “Oh, si Dahlia ‘yon ah?” pabulong na tanong ni Nanay habang napipisikan ako ng tubig sa pisngi. Dulot iyon ng paglublob ng kamay ko upang dumukot ng natatanaw ko pang kapis. Tumango ako. “Opo Nay.” “Malayo ang mararating ng batang ‘yan. Dalawang taon na lang kasi ang bibilangin para makagraduate ‘yan sa narsing.” Nabanggit nga noon sa akin ni Arlet iyon, pangarap daw maging nurse ‘yang si Dahlia. Hindi ko na rin alam kung ano pa ang tungkol sa kanya dahil bihira lang siya magkwento sa akin. “Noong isang linggo ang balik niya dito sa isla, bali-balitang babalik rin siya bukas sa Maynila para mag-aral.” Nagpanting ang pandinig ko sa narinig. Kung bukas na pala ang uwi nitong si Dahlia, bakit parang hindi ko naman sila nakikita ni Arlet na nag-uusap sa mga nagdaan? Magulo rin talagang kausap ang lalaking iyon, hindi ko maintindihan kung sila ba, nanliligaw pa lang, o hiwalay na. Mas magulo pa ang love story nila sa t***k ng puso ko eh. Umahon na kami nang makalipas ang dalawampung minuto. Halos kalahati lang ng timba ang nakuha namin at pinagsama na iyon. Bukod sa nahihirapan na kaming makakita at kumapa dahil high tide, tuluyan nang lumubog ang araw at hindi sapat ang sinag ng buwan. Hinayaan naming nakababad sa tubig-tabang ang mga kabibe at kapis saka tumungo sa kusina kung saan nakahanda na ang hapunan. Si Kuya ay naliligo pa sa banyo habang nagsisimula nang kumain sina Tatay at Diana na halatang maga pa ang mga mata sa katutulog. Nagbihis muna ako bago bumalik sa hapag. Nagsisimula nang mag-ingay ang sala dahil ngayon ibabahagi ang kinita ng mga mangingisdang kasama pumalaot nina Tatay at Kuya. Siguro nandon din si Arlet, makausap nga mamaya tungkol sa kanila ni Dahlia. “Tay, totoong dito sa isla mamamalagi si Doc Gal?” tanong ko upang mabasag ang katahimikan. Tanging ingay lang kasi mula sa mga tao sa sala ang namumutawi. Umupo si Nanay sa tabi ko at nagsimulang magsandok ng kanin. Hinila ko ang mangkok na may lamang pinaksiw at dahan-dahang kumuha ng sabaw mula rito. “Iyon ang sabi,” sagot niya at ngumuya. “Noon kasi hindi lang dito sa Agunaya ang toka niya. Siya rin kasi ang doktor ng mga karatig-isla. Ayon yata sa usapan nila ni kapitan, nagkaroon na ng sariling doktor ang kapit-bahay nating isla kaya dito raw siya sa loob ng dalawang taon.” Hindi ako nakapagsalita nang marinig kung gaano katagal ang pamamalagi dito ng doktor. Nakakatuwa dahil may lalapitan na ang mga tao kung sakaling may hindi inaasahang sakuna o disgrasya. Pero bakit ganon? Kahit wala naman siyang personal na atraso sa akin, naiinis ako. Normal bang maramdaman ang ganito? Normal bang hindi mo gustong makita ang presensya ng isang tao kahit walang basehan? Kahapon, noong matapos niyang tingnan ang lagay ng puso ko, muntik na akong mabuwal dahil hindi ko napansing may kahon pala sa dadaanan ko. Ngunit hindi ko naiwasang matabig ang orange juice at matapon iyon sa pantalon niya. Masyado ang hingi ko ng tawad ngunit hindi niya iyon pinansin. Sa halip ay hinayaan niya lang basa ang suot niya at nagpaalam na kay Nanay. Nakatikim pa tuloy ako ng sermon nang umalis ang dibuhong ‘yon. Pagtapos kumain ay sinundan ko si Tatay sa sala at pinagmasdan kung paano niya inabot isa-isa sa mga mangingisda ang kinita. Lima lang naman sila at kasama na roon si Arlet. Nang ibigay kay Arlet ang parte niya ay agad itong nagpasalamat, nagpaalam, at lumabas. “Teka,” pigil ko habang palabas siya ng tarangkahan. Napahinto kami sa ilalim ng posteng nasisinagan ng kahel na ilaw. Dahil dito’y hindi ko naiwasang mabanaag ang lungkot sa kanyang mga mata. Ilang taon ko na rin siyang kilala kung kaya’t kabisado ko kung ano ang ibig sabihin ng mga ekspresyong ginuguhit ng kanyang mukha. “Bukas na raw ang alis ni Dahlia ah?” Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa akin at hinayaang maghari ang katahimikan. “Ano bang nangyari?” Tumikhim siya. “Ayos na ako sa sitwasyon namin ni Dahlia, pero sa mga magulang ko, hindi.” “Bakit?” “Sinabi ko kanina kung ano ba talagang balak ko kung bakit ako sumasama sa laot at kung ano ang gagawin sa perang naipon. Nang sabihin ko kasing balak kong sumunod sa Maynila para ipagpatuloy ang kolehiyo...” Sa puntong ito ay biglang nabasag ang kanyang boses. Ngunit hindi ko nakikita ang luha sa kanyang mga mata. Naroon ang lungkot. Ramdam ko ang hirap niya. Pero bilang kaibigan, wala akong magagawa kundi makinig lang sa problema niya. “Hindi sila sang-ayon.” Biglang tumahol ang mga aso, nagsilabasan na rin ang mga tauhan ni Tatay sa bahay. Binalik ko ang tingin kay Arlet at nag-thumbs-up. Tumango siya at pinagmasdan habang naglalakad na pauwi sa kanila. Nang makabalik ako sa loob ay kaagad akong dumeretso sa kwarto upang humilata sa papag. Napaisip ako sa pag-aaral dahil sa sinabi ni Arlet na binabalak niyang tumuloy at lumuwas sa maynila para sa kolehiyo. Kung may pinagkakakitaan lang sana ako at may sapat na ipon... kaso ito nga lang pambili ng cellphone hindi ko pa magawa. Siguro kailangan ko nang puntahan si Ka Tonying upang maging labandera. Walang mangyayari sa akin kung habang buhay akong walang ginagawa. Kaya kinabukasan, nang tumapat ang alas otso ng umaga at nakapag-ayos na ay nagpaalam akong pumunta kila Ka Tonying. Nag-alangan pa si Nanay kung papayagan ako ngunit nangako akong pagbibigyan ang sarili kung nararamdaman kong nahihirapan ako. “Tao po!” sigaw ko habang nakatayo sa tarangkahan nila Ka Tonying. Halos labing limang minuto ang layo nito sa amin kapag lalakarin. Malinaw na malinaw kung gaano kaganda ang bahay nito. Isa kasi siya sa mga may kaya dito sa Agunaya. Pagpapaupa ng mga bangka ang kanyang negosyo at isa si Tatay sa mga suki niya. Sa pagkakalaam ko ay may mga anak siyang nag-aaral sa syudad at siya lang mag-isa ang naninirahan dito. Ilang dekada na rin kasi siyang byudo pero sa kabila nito, nagawa pa rin niyang mapag-aral ang mga anak at bigyan ng maginhawang buhay. Matingkad na asul ang kulay ng bahay, may kalakihan ito at gawa sa salamin ang mga bintana. Nang bumukas ang pinto ng bahay na ito ay bigla akong nagulat sa iniluwa nito. Halos kumurap pa ako nang pagkadiin-diin upang masiguro ngunit malinaw pa rin sa akin kung sino ang papalapit upang pagbuksan ako ng gate! “Dok?” wala sa sarili kong tanong nang mapagtantong rehas na lang ng gate ang bumubukod sa amin. Sigurado akong siya ‘yan dahil nagpapatunay ang nakikita kong nunal niya sa leeg at brown na mga mata. Nanibago lang ako sa kanyang suot dahil naka shorts siya at simple lang ang itim na t-shirt! Ang presko niya sa mata. Ngunit bakit nandito siya? Anong koneksyon niya kay Ka Tonying? “Ikaw pala ang sinasabi niyang darating na labandera?” Kumunot ang noo ko sa kanyang sinabi. Wala akong natandaan kung sinabi ko kay Ka Tonying ang desisyon kong maging labandera niya. Siguro si Nanay. Baka nagkita sila sa palengke noong isang araw. Sumang-ayon ako at tumingin nang deretsa sa kanyang mata. Tulad noon ay walang pinagbago. Iyan ang mga mata na tipong hindi madaling mabasa kung ano ang talagang sinasabi sa kaloob-looban. Napapaisip nga talaga ako kung normal lang ba ito sa kanya at sa tulad niyang mga doktor. Parang ang propesyunal lang ng dating kahit wala naman sila sa trabaho nila. “Opo, kaya okay lang kung papasukin na ako? Kakausapin ko lang sa Ka Tonying tungkol sa sweldo ko bago magsimula—” “You’re aware of your heart’s condition, Laroque. Nakita kong gabundok ang lalabhan mo kaya sigurado akong mahihirapan ang lagay mo.” Tuloy tuloy ang pagkakasabi niya nito ngunit binalewala ko iyon, sa halip ay hinawakan ko ang pihitan at sapilitan itong tinulak. Pagkabukas ay mabilis akong naglakad upang pumasok. “Hey,” rinig ko sa likuran. Sinusundan niya ako habang naglalakad papasok sa bukas na pinto ng bahay. Ngunit nang masagi sa isip kong hindi tama ang ginagawang pagpasok nang walang permiso ni Ka Tonying ay napa-atras ako at lumabas. “Ang kulit mong bata ka." Pinandilatan ko siya ng mata. Wow ha, ang tapang ng hiya para sabihan akong bata. “Sabagay, ganun ka na pala kagurang,” ganti ko. Masama na kung masama pero hindi ko tanggap na sabihan niya akong bata! Kinapos sa height oo, pero may ibubuga na ako sa laban ng buhay, duh. Hindi siya nagsalita. Sa halip ay matalim akong tiningnan. Uh oh, mukhang na offend ko yata. "Nasaan ba kasi si Ka—” "Hindi halatang 18 ka.” Lumapit siya nang bahagya, dahilan kung bakit napa-atras ako at siyang pagdama ng likod ko sa dingding. Tinaas ko ang kilay ko at suminghal sa kanya. "Ano bang problema mo? Kung na-offend ka sa sinabi kong gurang ka, sana naisip mo ring na offend ako nang sinabi mong bata ako!" Tumikhim siya at tinitigan akong lalo. Diyos ko, hindi ko mabasa kung ano ang tumatakbo sa utak ng doktor na 'to. Ang weird niya! "Say what you want, hindi ako papayag na maging labandera ka rito. If I were you, I'll rather choose my slumber than let my heart suffer. Better safe than sorry." "Ano bang alam mo sa buhay ko?" ganti ko. Grabe, hindi ko inakalang matatamaan ako sa sinabi niya. Ang sakit lang dahil pinapamukha niyang mali ang ginagawa ko. "Gusto ko lang naman kumayod para makapag-ipon, hindi ko naman aabusuhin ang sarili ko." "If that's the case, then okay." Bahagya siyang lumayo at hinawi pakanan ang kanyang buhok. Mas umaliwalas ang kanyang mukha at bakas na roon ang emosyong hindi ko mabasa kanina. "Pero sana alalahanin mong doktor ako at alam ko ang hirap na dadanasin mo kung hahayaan kitang pasukin ang trabahong 'yon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD