BURGANDIA- Doryang Hilaga
PAGKAMULAT pa lamang ng mga mata ni Maria Crex ay kaagad sumilay ang ngiti sa kanyang labi, kalauna'y matamang uminat at huminga ng malalim. Panibagong araw sa apat na sulok nang marangyang silid, rason para maging magaan ang pinaka-espesyal na araw sa kanyang buhay. Siya ay nakasuot ng komportable na kulay pulang roba, hindi maipaliwanag ang kasabikang nararamdaman sa nalalapit na oras ng kanyang ikalabing-walong kaarawan. Ito ay magsisimula sa paglitaw nang hugis diyamanteng hantala sa dako paroon. Binuksan niya ang terasa upang makalanghap nang sariwang simoy ng hanging pang-umaga. Maya-maya'y narinig niya ang malamyos na tinig nang umaawit na vedak, sa malaking sanga ng puno na nasa gilid nang kaharian ng Burgandia.
"Magandang umaga, ibong vedak!" bati ni Maria.
"Ma-gan-dang u-ma-ga, prin-se-sa!" ang ibong vedak ay mayroong kakayahang umawit ngunit hindi kayang makapagsalita ng diretso. Sila ang pinakamagandang lahi ng ibon sa Burgandia dahil sa kanilang naglalakihang balahibo na kung saan nagtataglay ng iba't-ibang kulay.
"Sobrang saya ko, ibong vedak! Alam mo kung bakit?" nailagay ng dalaga ang kanyang dalawang kamay sa gitnang-dibdib.
"Ba-kit, prin-se-sa?"
"Ngayong araw ang aking ikalabing-walong kaarawan!"
"Maligayang bati, maligayang bati, maligayang-maligaya, maligayang bati! ma-liga-yang kaa-ra-wan prin-se-sa," bumirit ang ibong vedak dahilan kung bakit hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman sa pambungad na pagbati mula sa nilikha ni Emeritus .Si Emeritus ang pinakamakapangyarihang nilalang na may hawak at tuntungan ng mundong Emerit.
Nagpaalam sa vedak, saka muling pumasok sa loob nang silid kung saan naabutan ang aking ilang mga dama na nag-aasikaso sa mga susuotin, magmula sa hapag hanggang sa selebrasyong magaganap mamayang takip-silim.
"Prinsesa Maria, maligayang kaarawan sa'yo!" anang mabait na damang si Wanda.
"Salamat, Wanda,"
Sinisipat nito ang ilang mga damit na susuotin ngunit sa pagiging kuryoso ay hindi maiwasang magtanong sa babae ukol sa labas ng palasyo.
"Wanda, nasubukan mo na bang tumungo sa ordinaryong pamilihan ng mga damit o pagkain?"
Natigilan ang Dama saka matamang tumingin sa direksyon ng dalaga.
"Bakit niyo naman po naitanong ang mga ganyang bagay, Prinsesa Maria?"
"Wala naman, talagang nahihiwagaan lamang ako kapag umaalis si Pinkie at ikinukwento ang kanyang pamamasyal sa ordinaryong pamilihan. Ayon sa kanya, maraming Emeritian ang nawiwili sapagkat mayroong mga murang kagamitan na mabibili mo lamang sa tatlong piraso ng tupaz o ruby."
Bumuntong-hininga ang Dama, sapagkat mukhang mayroong naiisip ang prinsesa ukol sa kanyang mga binabanggit sa labas ng palasyo.
"Maraming bagay ang mabibili roon ngunit hindi pwedeng makisalamuha ang prinsesang kagaya mo sa mga ordinaryong Emeritian, Prinsesa Maria Crex,"
"At bakit hindi, Wanda?"
Lumigid ang dalaga sa buong silid, saka umikot-ikot sa kinatatayuan ni Wanda sabay kinuha ang bestidang hawak ng Dama. Kapagkadaka'y, dumiretso sa malaking salamin na sadyang nakapwesto sa gilid ng kama.
"Hindi maari Prinsesa Maria, dahil magagalit ang inyong ama. Baka maparusahan ako sa mga naiisip niyong ideya,"
"Wanda, nagtatanong lamang ako at walang masama roon. Hindi ako nagbabalak tumungo dahil alam kong delikado at isa pa, kaarawan ko ngayon." litanya sa babae habang tinutulungan siyang tanggalin ang roba.
Napili ni Wanda ang isang bulaklaking blusa na kulay asul. Ito ay nilikha ng pinakasikat na sastre sa kanilang kaharian.
"Mabuti na hong pinangungunahan kayo prinsesa, dahil baka kung anong gawin ninyong kapilyahan tulad noong isang araw,"
Ngumiti lamang sa mga pahayag ng ginang ukol sa mga nangyari noong isang araw, kung saan nagpasyang sumuot sa kakahuyan ng Galadia upang pagmasdan ang mga elementong nagsasaboy ng gintong pataba sa mga halamanan ni Haraya. Ilang mili-segundo ring hinanap ng mga hukbo ni Kumando, bago natagpuang nakaupo sa damuhan. Alalang-alala ang inang reyna subalit sinisiguro namang ligtas dahil kasama ng dalaga si Pinkie. Isa nga pala ang kaibigan niya sa mga nagsasanay sa maliliit na diwatang tagapangalaga nang bulalak at halamanan ng Galadia.
"Hinihintay na po kayo nang inyong amang hari upang mag-umagahan." putol ni Wanda sa sandaling pagbabalik-tanaw.
"Susunod na lamang ako Wanda," nakangiting sagot dito kung kaya bahagyang yumuko ang Dama bago tuluyang lumabas ng silid.
HARANDIA- Doryang Kanluran
Ang Harandia ay matatagpuan sa kanluran ng Emerit, na pinamumunuan ni Haring Cantor at Reyna Penelope. Sila ay biniyayaan ng tatlong anak na lalaki kung saan ang unang supling ay nagngangalang Leopoldo, ang ikalawa ay si Arnulfo, at ang pinakahuling isinilang sa lahi ng Harandia ay si Ricardo. Malayo ang agwat ng kanilang mga edad ngunit bilang batas sa kanilang kaharian, kinakailangang makahanap si Leopoldo nang makakatuwang sa buhay kapag tumuntong sa edad na dalawamput-isa. Ito rin ang rason kung bakit kabi-kabila ang pagtitipong nagaganap sa kanilang kaharian matapos niyang ipagdiwang ang kanyang ikadalawamput-isang kaarawan, noong ikatlong pagkinang ng diyamanteng Hantala sa kalangitan.
Hindi lamang kagitingan ang hahangaan sa pananganay na anak ni Haring Cantor. Kundi maging ang tindig, kabaitan, at higit sa lahat ay katapangan sa kahit anumang digmaang naganap laban sa mapangahas na Galgotha. Ninais ding sakupin nang kadilimang palasyo ang ilang lupain sa Doryang kanluran, ngunit hindi nagpagupo sa mga kawal o elementong ipinapadala sa naturang palasyo para manggulo, rason upang hindi kailanman makatuntong ang binatang pinuno ng Galgotha miski isa mang hakbang sa bakuran ng Harandia.
Inagaw ni Arnulfo ang kopitang hawak ng kanyang kuya dahilan upang maputol ang pagmumuni-muni nito.
"Mukhang wala kang gana sa kasiyahan ngayon, mahal kong kapatid?" anito.
Si Prinsipe Arnulfo ay mas bata nang dalawang minuto sa kanyang kapatid na si Leopoldo, at ang binata'y malapit sa kanyang kapatid lalo sa bunsong si Ricardo na kaka-labindalawang minuto lamang noong nakaraang isang minuto.
"Ito na yata ang pang-apat na kasiyahang naganap sa'ting palasyo, ngunit hindi ko pa'rin makita ang babaeng bibihag sa'king puso," nakararamdam ang lalaki ng pagkabugnot.
"Kuya, maraming kadalagahan sa'ting nasasakupan kaya imposibleng wala kang mapusuan. Hindi kaya wala rito ang hinahanap mo?" ayon kay Arnulfo.
"Anong ibig mong sabihin?" tinungga ang laman ng kopita.
"Maaring nasa ibang palasyo o kaya nasa ordinaryong lugar sa buong Emerit o baka naman nasa Galadia?" pagbibiro nito habang nakade-kwatro ang kanyang kapatid at pinagmamasdan ang mga nagkakasiyahang panauhin.
Natigilan sandali sa mga sinabi ni Arnulfo, dahil posibleng tama ang kanyang hinuha. Malakas ang tugtog ng orchestra habang ang mga dama at kawal ay nakabantay sa lahat ng mga kanluraning Emeritian. Ang mga magulang ay nakikipag-usap sa nakababatang kapatid hanggang sa mayroong pumitik na ideya sa kanyang utak.
"Tama!"
Lumingon sa kaliwa't kanang gawi ngunit halos hindi mahulugang karayom ang dagsa ng panauhin sa gitnang bahagi ng palasyo. Sinipat ang diyamanteng orasan sa pinakagitnang bahagi ng tore. Halos mag aalas-kwatro mili-segundo pa lamang kung kaya may panahon pa upang makapamasyal nang naaayon sa kagustuhan.
Ngunit paano, Leopoldo?
Mula sa mahabang mesa sa gilid ay yumuko nang bahagya upang magkubli hanggang sa nakakuha ng tiyempo saka tumalilis papasok sa ilang daanan patungo sa barandilya ngunit kalauna'y mayroong dumaan na dalawang kawal sa pasilyo. Mabilis na nagtago sa isa sa mga silid para hindi mapansin ng mga ito.
"Kinakailangan daw tumungo ng tagapagluto sa pamilihan para sa piging na gaganapin sa susunod na araw," dinig na saad ng lalaki.
"Mayroon na naman palang gaganaping kasiyahan?!" anang kasamahan nito.
"Marahil hangga't hindi nakapipili si Prinsipe Leopoldo,"
"Mamaya bang alas-kwatro mili-segundo ang alis ng dragonika?"
Ang mga dragon ang kanilang pangunahing transportasyon sa kanluranin. Hindi tulad ng Doryang Hilaga na mayroong matutulin na unicorn. Samantala, patuloy na nakikinig sa mga usapan ng kawal kahit hirap na hirap sa pinagtaguang silid na halos naglalaman nang mga kagamitan o kasuotan ng mga kawal.
"Bakit ang tagal nilang umalis?" iritadong usal.
Lumingon ng bahagya sa ilang kagamitan bago muling sumilip sa pinto subalit biglang natigilan nang mahagip ang isang kompletong kasuotan na sadyang nakatambak sa gilid.
"Tulad ka talaga ng mga brilyante sa kalangitan, Leopoldo," puri sa kanyang sarili.
Di katagalan ay kinuha ang kasuotan saka nagmamadaling sinukat. Maya-maya'y sumilip sa labas upang sipating muli ang dalawang kawal na tila wala yatang balak umalis, dahilan upang magpasyang lumabas ngunit sinisigurong nakasaklob ng matigas na Armor ang ulo para hindi makilala. Nagkunwang mayroong kinuha sa silid ngunit akmang lalagpasan ang dalawa nang tinawag ng mga kawal.
"Hoy! Saang laban ka ba tutungo ha, bata?"
Pinili niyang hindi kumibo o magsalita ng kahit ano sa kanila.
"Pwede namang hindi ka na mag-armor bata. Masyadong mainit ang bakal sa ulo," payo ng isang kawal, subalit nanatiling walang kibo sa mga sinasabi nila kaya makahulugang nagtinginan ang mga ito.
"Bingi ka ba, iho?"
Umiling-iling saka nagmamadaling tumalikod at humakbang palayo ngunit muling tumawag ang mga ito.
"Ang kulit niyong dalawa," bulong sa sarili.
Huminto sa gitna nang pasilyo upang pakinggan ang mga nais pa nilang sabihin.
"Bata, ikaw na lamang ang sumama sa kusinero patungong pamilihan mamayang alas-kwatro mili-segundo,"
Nanlaki ang mata ni Leopoldo dahil mukhang dininig ang hiling na makaalis sa palasyo.
"Tutal mukhang handang-handa ka sa labanan!" nag-apiran ang dalawa saka magkasabay na tumawa kaya umaktong nakikitawa rin subalit naaayon lamang sa kilos kahit walang anumang halakhak galing sa binata. Di katagalan ay nagmamadaling lumayo upang tumungo sa kabilang bahagi ng palasyo para antabayanan ang pag-alis ng kanilang butihing kusinero.
"Tignan mo nga naman kung gaano ka kaswerte Leopoldo. Parang tadhana na mismo ang nagsasalita," anas sa sarili.
Halos magwawalong-taon pa lamang si Leopoldo, noong unang beses na makatapak sa ordinaryong lugar sa kanluranin ng Harandia. Noong mga panahong yaon ay hindi namalayan nang Dama'ng sumuot siya sa gilid ng mga upuan sa loob ng dragonika. Hindi man lamang namalayan ng lahat na pumuslit saglit at naglibot sa payak na bahagi ng Emerit ang binata.
GALGOTHA- Doryang Timog
May hawak na sulo si Juantorio habang nakasampa sa balikat si Kudyamat. Patungo ang binata sa pinakakilalang manggagaway sa buong timog ng Galgotha. Ang pangalan nito ay Ulna, na siyang katuwang nang kanyang ama noon sa lahat ng mga planong pananakop o pagpapabagsak sa buong Burgandia. Dumaan siya sa pinakatatagong lagusan sa ilalim ng kanilang palasyo. Madilim ang paligid habang ang maririnig lamang ay ang mga patak ng tubig galing sa kisame.
"Panginoon, malapit na siguro tayo?!" sarkastiko ang tono ni Kudyamat.
May kalakihan ang mga mata ng kanyang alagang engkanto, habang sing-talas yata ng lobo ang pangil nito at ang sungay ay nasa gitnang bahagi ng kanyang kulubot na noo.
"Tumahimik ka kung ayaw mong itapon kita sa Galadia," ang mga uri ni Kudyamat ay takot sa kristal na tubig lalo na kung karugtong ng mahabang talon sa Doryang Silangan.
"Nagbibiro lamang ako, Panginoon," matinis na gumikgik ang engkanto saka kumawag-kawag ang dalawang buntot. Sinigurong alas-tres mili segundo ng madaling araw ang oras nang kanyang pagtungo sapagkat ayon kay Ulna ay mas tatalab ang nagawang pormula upang magbagong-anyo at hindi makilala sa pinakahihintay na araw ng buong Burgandia.
Nang makarating sa dulong bahagi ng lagusan, natanaw ang malaking kawa at ilang mga botelyang pagmamay-ari ni Ulna.
"Magpakita ka tanda! Wala akong panahong makipaglaro Ulna." matapang na saad sa manggagaway. Hanggang sa mayroong umihip na hangin sa kaliwang bahagi ng kanyang tenga.
"Hi-hi-hi, masyado kang mainit Juantorio," tinanggal ni Ulna ang kanyang salakot dahilan upang unti-unting lumitaw ang kabuuan ng matanda.
"Ahhh!" napahiyaw saka hinawak-hawakan ng engkanto ang dibdib dahil sa pagkabigla kung kaya kumunot-noo ang matanda.
"Sino 'yang kutong lupang kasama mo, Juantorio? Ikaw pa talaga ang natakot sa'ting dalawa sa itsura mo lapastangang engkanto?"
"Nakaka-engkanto na po kayo sa mga pinagsasabi niyo ha!" pagtatampo ni Kudyamat.
"Aba matabil ka kutong-lupa! Gusto mong gawin kitang Hadrum?"
Iyan ang tawag sa kanilang transportasyon sa buong timog. Mapanghe ang amoy ng Hadrum, dahil sa mala-tupang balat nito at pahigang sungay na may habang isang yarda.
"Kontento na ho ako tandang Ulna," umirap si Kudyamat saka tumalikod sa matanda ngunit nakatuntong pa rin sa balikat ni Juantorio at maririnig na tila bumubulong-bulong.
"Magsitigil kayo! Ulna, kailangang-kailangan ko ang ginawa mong gayuma dahil mamaya na'ng kaarawan ng anak ni Buendia."
Tumungo ang manggagaway sa mesang mayroong sari-saring sangkap nang kanyang mga dinasalang pormula at mahika. Itinaas ng matanda ang maliit na botelyang kulay lila saka akmang ibibigay sa binata subalit muli ring inilayo.
"Anong ginagawa mo? Niloloko mo ba ko tanda? Bakit ayaw mong ibigay?" angil ng binata.
"Sa isang kondisyon, Juantorio..." humalakhak ang manggagaway.
"Anong kondisyon?" iritableng saad ng lalaki.
"Hi-hi-hi, kapag nakuha mo ang elixir ay babahaginan mo ko ng kanyang katas. Nagkakaintindihan ba tayo, Hari ng Galgotha?" anito.
"Tutuparin ko ang kung anumang napag-usapan," inagaw ni Juantorio ang naturang botelya hanggang sa ang maririnig na ingay ay ang nakakakilabot na halakhak ni Ulna. Halos mangunyapit si Kudyamat sa takot dahil sa mga usap-usapan sa mundo ng engkantong kilala ang manggagaway na isang makapangyarihang nilalang sa Doryang Timog. Mayroon siyang kakayahan na gawing bato, abo, o kung anumang magustuhan sa kung sinong tututol sa kanyang mga plano.
Matapos makuha ang pormula ay kaagad bumalik ang dalawa sa kastilyo. Ngayon nga ay kasalukuyang nakatanaw sa terasa ang lalaki mula sa Doryang Hilaga. Kung saan tanaw ang malinawag na kastilyo ng Burgandia. Matagal tinitigan ng binata ang kumukulong laman ng botelya saka tinawag ang alagang uwak.
Sinubukang magpatak ng kaunting pmahika si Juantorio sa kanyang paboritong uwak. Kinalaunan, nag-anyong vedak ang alagang ibon, sapagkat ang makulay na ibong vedak ay hindi kailanman mabubuhay sa Doryang Timog dahil sa uri ng kanilang mga punong nagtataglay ng lason.
"Subaybayan mo at sabihin sakin kung anong oras sisimulan ng Burgandia ang pagdiriwang ng kaarawan ni Maria Crex," nakatuntong ang ibon sa kanyang braso.
"Kruu, kruu," pumagaspas ang ibong na nag-anyong vedak saka nagmamadaling lumipad pahilagang bahagi ng Emerit.
GALADIA- Doryang Silangan
Nagising si Haraya sa masamang panaginip, ngunit hindi niya maaring balewalain ang kanyang pangitain ukol sa mangyayari sa buong lupain ng Emerit. Kung kaya dali-daling lumipad ang engkantada sa dulong Silangan ng Galadia. Doon matatagpuan ang punong Questas, kung saan kinakailangan niyang tanungin kung anong ibig sabihin ng kanyang panaginip.
Lumipad siya gamit ang kanyang baston saka mabilis na nakarating sa ika-pitong bundok. Matatanaw ang malagong ugat at sanga sa gitnang bahagi ng burol. Sari-saring insekto ang nahahalina sa mga bulalak ng Galaxia na namumuhay malapit kay Questas. Nang makarating sa tuktok ng burol ay humahangos siyang lumapit sa puno ngunit magsasalita pa lamang ang tagapagbantay ay lumiwanag nang bigla ang mga mata ni Questas.
"Batid ko ang ipinunta mo rito,Haraya..."
"Questas, ako'y nababahala sa'king panaginip. Nais kong malaman kung anong ibig sabihin ng mga abong nagliparan sa Burgandia, pagkatuyot ng aking talon at ang matinding tag-gutom sa Harandia? Bakit nakaupo ang pinuno ng Galgotha sa Trono ni Haring Buendia? Ang Elixir ay nanganganib kailangan ko silang bigyang babala!" anang diwata.
"Huminahon ka kaibigan, di mapipigilan propesiya ng kanyang kaarawan. Ang dalaga ang susi upang wasakin, kadilimang babalot sa kanyang abang nasasakupan. Kinakailangang harapin ang buong katotohanan sapagkat Elixir ay panandaliang mararanasan nitong yaring kamatayan,"
Hindi malaman ang gagawin ni Haraya sa nagbabadyang suliraning kahaharapin ng buong Emerit, ngunit ang natatanging pag-asa ay kailangang bigyan niya ng babala. Mabilis tumulak ang diwata patungo sa bungad ng Galadia ngunit halos magtatakip-silim na kaya kinakailangan niyang magmadali, kinakailangang bigyan ng babala ang kaharian ng Burgandia sa sasapitin ng lupaing Emerit.
"Anong aking gagawin? Hindi maaring magtagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan," nangangatal ang kanyang labi saka mas binigyang hampas ang baston upang tumulin ang kanyang lipad. Habang nasa himpapawid ay tanaw ang makinang na ilaw ng Burgandia. Doon parang nababalot ng takot na baka hindi na muling matanaw ang liwanag ng kanyang ganda.
"Kailangan mo silang agapan, Haraya!" pagpapalakas-loob sa sarili upang makaabot sa Burgandia bago lumubog ang Hantala sa dako paroon.