Halos hindi mapigilan ni Glydel Faye na mapalunok nang paulit-ulit habang nag-va-vacuum sa loob ng magarbong penthouse ng lalaking nagmamay-ari niyon. Dito siya iniatas ng kanyang boss sa home cleaning service na kanyang pinagtatrabahuhan para sa kanyang huling shift kaya naman hindi niya puwedeng iwan kaagad ang kanyang ginagawa. Kaya naman kahit na paulit-ulit niyang nakikita sa kanyang isipan ang itsura ng angry bird ng kanyang amo ay hindi niya magawang magtatatakbo papalabas ng unit.
Para namang walang kaso sa lalaki ang nangyari kanina dahil hayun at naka-bathrobe lang ito habang umiinom ng kape at nagbabasa ng dyaryo sa may kusina. Maliban sa kakaiba ang trip nito dahil gabi nito naisipan na uminom ng kape, hindi niya rin maikakaila na sadyang may kung ano sa aura ng lalaki na dahilan para manginig ang kanyang tuhod. Para kasi itong mangangain nang buhay dahil sa noo nitong palaging nakakunot. Pati na rin ang mga tsokolateng mata nitong tila tumatagos sa kanyang kaluluwa.
Umayos ka nga, Glydel Faye! Pera rin ‘to, hindi ka puwedeng mahulog sa amo mo at baka masibak ka pa, sita niya sa kanyang sarili habang itinutuloy ang ginagawa. Wala naman kasi talaga siyang choice. Kailangan niya ng pera at ilang linggo na rin siyang binabagabag ng mga pinagkakautangan ng kanyang ama, ang mga Romano. Dahil nalulong sa alak at sugal ang kanyang ama ay naisipan nitong umutang ng malalaking halaga sa mga kalalakihan sa Paradiso na hindi naman nito alam kung ano ang linya ng trabaho. Huli na ng malaman niya na malaki pala ang patong na interes sa mga iyon at wala silang kakayahan na mag-anak para mabayaran iyon lahat. Hindi rin maganda ang mga kasunduan na pinirmahan ng kanyang ama at sigurado niya na karamihan sa mga nakalatag sa kontrata ay nakahilig sa mga Romano. Ang masama pa, namatay ang kanyang ama at sa kanya naipasa ang lahat ng kalokohan nito. Ngayon tuloy ay halos gawin niya ang lahat para lang hindi siya makilala o makita man lang ng mga tauhan ng mga ito. Dinadalaw-dalaw niya na lamang ang kanyang ina na bedridden na at kasalukuyang nakaratay sa ospital dahil sa pneumonia nitong lumala dahil hindi naipagamot kaagad.
Napapitlag siya nang marinig ang tinig ng lalaki na dumagundong sa loob ng silid. Ibinaba nito ang mug ng kape na iniinom nito pagkatapos ay naglakad papalapit sa kanya, habang hawak ang dyaryo na binabasa nito. Hindi niya mapigilan ang sarili na mapalunok ng ilang beses. Pucha. Sino ba naman kasing hindi? Ang tangkad nito na halos mangalay na ang kanyang leeg kakatingala. At saka, ikakaila niya pa ba? Guwapo ang lalaki, sa katunayan ay mukha nga itong may lahing European. Matangos ang ilong at–
“Miss, I said, are you alone? Did you come alone here, at this time of the night?”
“Hindi, Sir… Hinatid lang po ako ng service naming mga cleaning lady…” halos mautal na sabi niya habang pinapanatiling kalmado ang sarili. Gustuhin niya mang mag-iwas ng tingin mula sa matipunong dibdib ng lalaki ay hindi niya magawa. Baka kasi sabihin nito ay madumi ang utak niya at kung ano-ano ang iniisip. “Tapos susunduin–”
Saglit itong hindi umimik. Halos malaglag ang panga ni Faye nang lumapit pa ito sa kanya, tila ba sinisino ang kanyang mukha. Nang mapansin na hindi siya komportable ay tumikhim ito at lumayo. “I’m sorry, I’m not wearing my contact lenses right now. Hindi kita maaninaw masyado.”
“Ganoon po ba? Sige po, Sir, tutuloy na po ako sa paglilinis…”
Hindi na ito umimik at sumalampak na lamang sa sofa na nasa living area. Pigil ang kanyang sarili na lingunin ito dahil alam niya na wala itong suot na underwear. Kumuha lang kasi ito ng roba kanina at isinuot iyon bago tumambay sa may kusina at tahimik na pinanood ang kanyang paglilinis.
Nang matapos ay saglit itong nagpaalam na kukuha lang ng tseke sa silid nito. Sinulatan iyon ng lalaki ng halaga bago iniabot sa kanya. Halos malaglag ang panga ni Faye nang makita ang halagang nakasulat sa papel. Tatlumpung libong piso.
“Sir–”
“That’s just a downpayment,” kaswal na sabi nito bago inihagis ang chequebook nito sa sofa. Sinulyapan siya ng lalaki at tipid na ngumiti. “I want you to clean my penthouse everyday. Ayaw ko na umuuwi sa makalat at madumi. I’ll call your boss and let him know. Are you in or not?”
Napalunok siya. Sino ba naman siya para tumanggi?
Masayang umuwi si Faye noong gabing iyon, siguro ay dahil na rin sa kanyang nakuhang tip mula sa kanyang kliyente. Pati na rin sa inalok nito sa kanya. Sa isang iglap ay nawala sa kanyang isipan ang pagtutok nito ng baril sa kanyang noo, o ang kanilang nakakahiyang pagkikita. Para siyang naglalakad sa alapaap na nang pumasok siya sa kanilang maliit at giray nang tahanan ay hindi maalis ang ngiti sa kanyang mga labi.
Nang mahiga sa kanyang kama ay hindi niya napigilan ang sarili na kuhanin ang cheque mula sa kanyang wallet at tingnan iyon. Idadaan niya ito sa banko bukas ng umaga bago magtungo sa penthouse kaya naman sinisigurado niya lamang na magiging maayos ang transaksyon niya bukas doon.
Napamulagat si Faye at kaagad na napabangon nang makita ang pangalan na nakasulat sa maliit na papel. Kung kailan nga naman akala niya ay sinusuwerte na siya na mukhang naging bato pa. Ang lalaki ay walang iba kung hindi ang mismong lalaking kanyang tinataguan. Ang lalaking–
“Alessandro Romano…” mahina niyang bigkas bago napapalatak.
Alessandro
Alessandro smirked as he read the file he brought home. Kaya pala parang pamilyar ang mukha ng babae kanina. Hindi nga siya nagkamali. Ito ang anak ni Gabriel Barcoma na halos dalawang milyong piso ang utang sa kanilang mas lumaki pa dahil sa interes. Wala naman talaga siyang balak na gamitin ang utang nito para mapanatili ito na malapit sa kanya ngunit tila wala sa tamang hulog si Alessandro kanina at kumilos na lamang na tila ba hindi nag-iisip. Kunsabagay, maigi na iyon kaysa naman malitanyahan pa siya ni Alonzo na pinakawalan niya ang isa sa mga pagkakautang sa kanila.
Sinimsim niya ang cognac na nasa hawak niyang baso habang binabasa ang folder na hawak. Hindi mapigilan ng gilid ng kanyang mga labi na mapaangat habang pinagmamasdan ang larawan ng babaeng nasa loob ng folder. She looked simple and neat. To Alessandro, that was kind of cute.
Napatikhim siya nang mapagtanto na malapad na naman ang pagkakakurba ng kanyang mga labi. Isinara niya ang folder at tuluyang hinubad ang robang kanyang suot. Inabot niya ang tuwalyang maingat na itiniklop ni Faye kanina bago ito umalis at itinapis iyon sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Naglakad si Alessandro patungo sa malaking bintanang salamin ng kanyang penthouse at naupo roon para pagmasdan ang siyudad habang umiinom.
“What are you doing to me, Faye,” mahina niyang bulong habang dinadama ang pagkagising ng kanyang dugo na matagal-tagal na ring hindi niya nararanasan. Hindi na napigilan pa ni Alessandro ang paggalaw ng kanyang kamay habang pinapakalma ang sarili,pilit na iwinawaksi sa isipan ang mukha ng babae kanina.
Oh, woman. What are you doing to me?