GINAWA KO ang lahat, mailayo lang kita sa kanya. Tapos matutuklasan kong, masaya pala kayong nagkikita.
Ilang buwan na ang nakalilipas subalit sariwa pa rin sa isipan ni Aurea ang mga salitang isinumbat sa kanya ni Ceron. Kahit ilang ulit pa nitong sabihin na hindi na ito galit sa ginawa ng ng diwatang paglilihim sa kanya, hindi pa rin nito maitatago kay Aurea ang totoo. Pansin niya mula sa pananahimik nito na mayroon pa ring sama ng loob. May bigat pa rin sa bawat buntong hininga. May pagdududa pa rin sa bawat sulyap. Batid niyang nakikiramdam pa rin si Ceron sa mga nagaganap sa kanyang paligid.
Dalangin ni Aurea na sana ay mapatawad siya ng binata, lalo pa’t patuloy pa rin ang lihim niyang pakikipagkita kay Hideon hanggang sa kasalukuyan. Hindi niya ito maiwasan. Sa bawat araw na wala si Hideon, nakararamdam siya ng kalungkutan. Araw-araw niyang kinasasabikan na masilayan ang mukha at mga ngiti ni Hideon. Batid ng tagapangalaga na patuloy ang kanyang paglabag sa batas ng Zeldyvia, subalit wala siyang magawa kundi kimkimin ang sakit na dulot niyon. Umaasa naman si Aurea na balang araw ay mauunawaan din siya nito.
Hindi manhid si Aurea. Noon pa man ay batid na niyang iniibig siya ni Ceron, ngunit hindi iyon maaari. Maliban sa ipinagbabawal din sa isang tagapangalaga ang umibig sa kanya, hindi rin maari sapagkat tao siya. Samantalang si Hideon, kahit maikling panahon pa lamang silang nagkakasama ay ramdam nila ang matagal na nilang koneksyon. Mula sa kanilang pagkabata, may pag-ibig na sa pagitan nilang dalawa. Maaga lamang na napaghulo iyon ng binatang Levithian kaysa sa kanya sapagkat takot ang namayani sa kanyang puso nang dahil sa mga nasaksihan at karanasan niya. Matagal din silang nalayo sa isa’t isa.
Minsan, mayroong pag-ibig na hindi nagtatagal at dumarating lamang upang magturo ng leksyon at gawin kang matatag. Mayroon namang bigla na lang naramdaman, subalit nawawala rin sa paglipas ng panahon. Ang iba, nagdaramdam sa tadhana sa kanilang kabiguan sa pag-ibig. Ang hindi nila nauunawaan, hindi kasi iyon ang nararapat para sa kanila. Mayroong nakatakda na kailangan lamang hintayin, sapagkat kusa itong kakatok sa puso sa pagdatal ng tamang panahon.
“Aurea?” bungad ng kadarating lang na si Ceron. Nadatnan niyang umiinom ng kape si Aurea sa beranda.
“Bakit?” matamlay na tugon ng diwata.
“May kinalaman ka ba sa mga nangyayari?” Nakakunot ng noo ni Ceron habang nakatitig ng makahulugan kay Aurea.
“Ano’ng nangyayari? Hindi nga ako makalabas kasi halos ibilanggo mo na ako, tapos itatanong mo sa akin `yan,” pabalang niyang sagot.
“Nagsimula ang lahat nang gumaling ang isang batang babae na nagngangalang Maria mula sa malubha nitong karamdaman, na sinundan ng isa at ng isa pa,” ani Ceron. “Nagiging usap-usapan na siya sa buong bayan. Nakababahala na.”
Napakibit-balikat lamang si Aurea. Hindi niya naman kailangang magsinungaling. Alam naman niyang kahit hindi siya magsalita, alam na nito ang sagot.
“Ano naman ang nakababahala roon? Hindi ka ba masayang gumagaling sila at gumagaan ang pasan nilang mga suliranin? Hindi ba dapat maging masaya ka para sa kanila?” sunud-sunod na tanong ni Aurea na ikinatahimik ni Ceron. Marahil ay napaghulo nito na tama ang kausap.
“May tiningnan pala akong lupa. May nagsabi kasi sa akin na baka raw gusto kong bilhin,” kwento niya. Siya na rin ang unang nag-iba sa usapan.
“Ano’ng pasya mo?”
“Parang gusto kong bilhin. Magtanim kaya tayo ng mga prutas, gulay o kung ano’ng gusto mo. Siyempre kakailanganin natin ng mga tao. `Yong mga maaani natin, ibebenta natin sa mga kalapit na bayan,” nakangiti niyang sagot.
Natuwa naman si Aurea sa mga narinig. May mga ideyang bigla na lang pumasok sa kanyang isip. Naalala niya ang mga taong naghihirap sa kanilang bayan.
“Ibig mong sabihin, makatutulong tayo sa mga tao. Mabibigyan natin sila ng trabaho?” urirat ni Aurea. Nagniningning ang kanyang mga mata sa tuwa.
Tumango si Ceron.
“Sige, maganda `yan! Sabihan din natin ang lola ni Maria,” naibulalas ng diwata. Napatakip siya ng bibig at kaagad binawi ang tingin sa binata.
“Sinasabi ko na nga bang ikaw ang may gawa ng mga milagrong pinaniniwalaan nila. Tumatakas ka pa rin.” Sumimangot ito habang nakatitig kay Aurea. Ganoon pa man, lihim siyang natutuwa nang dahil sa malaking puso nito para sa mga tao. Lalo na iyong mga higit na kinakailangan ang kanyang tulong.
“Gusto ko silang tulungan. Misyon `yan ng isang Zeldyvian at ng isang hiyas. Ito ang bumubuo sa aking pagkatao. Ayaw mo ba akong maging masaya?” Napasimangot din si Aurea na tila ba nagpapaawa. Nagkunwaring nagpupunas ng luha upang makonsensiya ang tagapangalaga.
“Oo na, h’wag ka nang umarte d’yan. Hindi kita pipigilan pero mag-iingat ka palagi. Ako na ang bahalang umasikaso sa mga kailangan.” Ginulo nito ang buhok ni Aurea bago naupo sa tabi nng hiyas.
“H’wag ang buhok ko!” reklamo ni Aurea. “`Yang buhok mo kaya ang pagtuunan mo ng pansin? Parang pugad na ni Quera, oh. Magpagupit ka nga!” pabiro niyang sigaw sa katabi.
Hindi nila napigilang matawa. Matagal na rin nang huli silang magkatawanan ng ganoon.
“Pero seryoso, malawak ang lupang iniaalok sa akin. Marami tayong mabibigyan ng trabaho.”
“Salamat, Ceron!” Napayakap si Aurea sa kaliwang braso nito. Napangiti naman ang tagapangalaga.
Mula sa kung saan ay napansin ni Aurea ang isang berdeng paruparo na lumilipad-lipad palapit sa kanya. Hindi naman naglaon ay dumapo ito sa kanyang kamay. Dahan-dahan niyang inilapit sa kanyang mukha ang kamay niya upang makita niya ito nang malapitan. Mapalad naman ang diwata na hindi ito lumipad palayo.
“Ang ganda niya, `no?” ani Aurea.
“Oo, parang ikaw.” Kaagad namang binawi ni Ceron ang kanyang tingin kay Aurea at ibinaling sa kalangitan.
“Maari ba akong magpunta sa tabing-ilog mamaya? Sa may batuhan. Nakakita ako ng magagandang sampaga roon,” pakiusap ni Aurea.
“Sige, pero hindi kita masasamahan. Kakausapin ko `yong may-ari ng lupa. Si Quera, hindi ko alam kung saang lupalop nagpupupunta.”
“Hayaan mo na siya. Kaligayahan niyang maging malaya. Ligtas naman kami rito.” Pagpapagaan ni Aurea sa loob nito. Nauunawaan niya ang nararamdaman ni Quera, sapagkat siya man ay nasasabik sa kalayaan.
***
IKA-LIMA na ng hapon nang magpunta si Aurea sa batuhan. Masaya niyang pinagmasdan ang makukulay na mga sampaga. Ganoon din ang malinis na tubig na dumadaloy sa ilog. Mula naman sa isang malaking puno ay naglalaglagan ang mga kulay dilaw na bulaklak. Sinalo niya ang ilan sa laylayan ng kanyang puting bestida. Habang ang kanya namang mahabang buhok ay nilalaro ng mahinang hangin at minsa’y tumatakip sa marka na nasa kanyang balikat. Ganoon pa man, mayroon man ngiti sa mapupula niyang labi, sa mga mata niya namang nakaaakit ay patuloy na nakadungaw ang lungkot.
Kung pagmamasdan, kahit na nga ba siya’y nasa anyo at kasuotan ng isang tao, hindi maipagkakailang isa siyang diwata. Ang kalikasang kumakanlong sa kanya’y itinuturing niyang isang inang nag-aaruga sa kanya, sapagkat ganoon na lamang ang kanyang pangungulila sa kanyang mga magulang.
Naupo siya sa isang malaking bato habang pinagmamasdan ang mga dilaw na bulaklak sa kanyang palad. Nagulat na lamang siya nang dumapo roon ang isang berdeng paruparo na katulad ng nakita niya kanina.
Laking gulat niya nang bigla na lang itong magsalita, “Kumusta, aking hiyas?”
Napatili siya sa gulat. Nang dahil doon ay naihagis niya ang mga bulaklak sa kanyang kamay at muntik na nitong masaktan ang paruparo. Mayamaya lang ay biglang lumitaw si Hideon sa kinaroroonan niyon.
“Gusto yata akong paslangin ng mahal ko,” tumatawang wika nito.
“Nakakainis ka! Bakit ka ba nanggugulat?” Napasimangot si Aurea at napakunot-noo dahil sa pagkaasar.
“Paumanhin. Hindi na mauulit,” tugon ni Hideon na pangiti-ngiti pa rin. Hindi niya inaasahan na magugulat niya ng ganoon ang diwata. Ang akala niya kasi, kanina pa ay batid na nitong siya ang paruparo.
“Teka, ikaw rin ba `yong kanina?” naibulalas ni Aurea.
Tumango ang Levithian. “Oo. Hindi ako nakatiis. Ayaw ko kasing may iba kang niyayakap,” pag-amin nito.
“Kapag napuno ako sa inyong dalawa, gagawin ko talaga kayong mga butiki sa gubat. Para kayong mga bata.” Natawa siya. “Kumusta na ang iyong ina, Hideon?”
“Katulad pa rin ng dati. Mas lumala pa nga ang lagay niya. Napapadalas na ang pagsakit ng kanyang ulo at pagsusuka ng dugo,” malungkot nitong sagot.
“Dalhin mo na kasi ako sa kanya. Kailangan mong gawin, sa ayaw at sa gusto n’yo para sa kanyang kagalingan.”
“Hinding-hindi ko gagawin `yan,” mariing pagtutol ni Hideon.
“Mapalad ka sapagkat mayroon ka pang mga magulang. Mayroon ka pang inang nagmamahal sa iyo. Ipagkakait mo ba sa kanya ang gumaling, gayung batid mo na lagi mong nakakasama ang makagagamot sa kanya?” mariing tinuran ng diwatang nalulungkot para kay Hideon.
Nagulat na lamang si Aurea nang mabilis itong nakalapit sa kanya at bigla na lamang siyang niyakap ng walang paalam. “Hindi ko kaya. Mahal na mahal kita at batid kong hindi niya rin nanaiisin na malagay ka sa panganib nang dahil sa kanya.”
“Darating ang araw, kailangan nating gawin ang mga bagay na labag sa ating kalooban, Hideon. Buhay ang nakasalalay rito. Kailangan niya ng mabilisang lunas habang may pagkakataon pa,” paliwanag ni Aurea. Pilit kinukumbinse ang nilalang na ganoon na lamang ang pagtatangi sa kanya.
Hinawakan ni Hideon ang magkabilang pisngi ni Aurea at muling nagwika, “Bakit pakiramdam ko, gusto mo nang mamatay? Hindi mo ba ako mahal, Aurea?”
Nagtama ang kanilang paningin. Tila ba nanginig ang buong katawan ni Aurea sa tagpong iyon. Pakiramdam niya’y hindi niya na kakayanin pang magsinungaling kay Hideon. May damdaming paigting nang paigting sa kanyang puso na kapag hindi niya masabi, maaring ikamatay niya ito at ng kaligayahang ngayon niya lamang naramdaman sa tabi ng Levithian.
“Mahal kita, Hideon.” Iyon ang mga salitang kumawala sa bibig ni Aurea. At nang sandaling binigkas niya iyon, ibig sabihin ay handa na siyang harapin ang kaparusahan kung sakaling ang kanilang pag-iibigan ay mabulgar na sa lahat.
Muling nasilayan ni Aurea ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ni Hideon. Batid niyang matagal na nitong hinihintay na sambitin niya ang mga katagang iyon. Kapagdaka’y naramdaman na lamang ng diwata ang pagdampi ng labi nito sa kanyang labi. Kakaibang damdamin ang yumakap sa kanilang dalawa. Ang mga puso nila ay tila ba sumasayaw sa tuwa. Ang eksenang iyon ay nagambala nang umalingawngaw ang isang galit na tinig sa paligid.
“Aurea!” Patakbong lumapit sa kanila si Ceron at sinunggaban ng suntok si Hideon. Sa loob ng ilang sandali pa ay nagpapalitan na sila ng suntok na umabot pa sa paggamit ni Hideon ng kapangyarihan.
Napatigagal si Aurea sa kinatatayuan. Napakabilis ng mga pangyayari. Ngayon ay hindi siya makapagpasya kung ano ang gagawin. Natatakot siya sa hidwaang namumuo sa dalawang nilalang na kapwa mahalaga sa kanyang buhay—ang kanyang tagapangalaga at ang kanyang iniibig.
Ibubuka pa lamang ni Aurea ang kanyang bibig para awatin ang dalawa nang mayroong kaparehong eksena siyang nakita sa kanyang isipan. Ang bahagi ng nakaraan kung saan nagsimulang magkaroon ng hidwaan sina Orlo at ang kanyang ama nang dahil sa pag-ibig ng mga ito sa kanyang inang diwata. Doo’y nakita niya ang galit ni Orlo at kung paano nangamba ang kanyang mga magulang sa ipinakita nitong kakaibang ugali. Nang mga sandaling iyon ay muli siyang nilukob ng takot nang makita niya ang galit sa pagitan nina Hideon at Ceron nang dahil naman sa kanya.
Napaluha si Aurea.
“Tama na! Tumigil na kayo!” Pumagitna siya sa dalawang sa una’y ayaw magpaawat.
“Bakit, Aurea? Bakit?” bulyaw sa kanya ni Ceron. “Bakit kahit ano ang gawin ko, patuloy ka pa rin sa pakikipagkita sa halimaw na `yan? Alam mo nang mali, ginagawa mo pa rin!”
“Sino ka ba para sigawan si Aurea at tawagin akong halimaw? Sino ka na ba sa akala mo? Hindi mo pag-aari ang hiyas. Sino ka para pigilan kaming maging masaya gayung batid mong buong buhay namin, ito lang ang aming ginusto at ang maging malaya sa lahat. Isa ka lang namang tagapangalaga na sa totoo lamang ay hindi naibuyangyang kay Zedum ang tunay mong katauhan!” sumbat ni Hideon.
Natigilan si Ceron. Nanginginig ang kanyang katawan sa galit. Alam niyang hindi siya dapat umasta ng ganoon, ngunit hindi niya napigilan.
“Ano’t hindi ka nakasagot ngayon, Ceron? Tama ako, hindi ba? Magkatulad lamang tayo. Pinagpala ka lamang na nagkaroon ng mga paa, ngunit magkatulad tayo!” muling singhal ni Hideon na nagmistulang isang babala.
“Tama na, Hideon. Pakiusap, umalis ka na muna,” pakiusap ni Aurea..
“Gano’n ba `yon, Aurea? Tagapangalaga lamang ako na walang halaga sa diwatang katulad mo? Dahil ba mga pinuno kayo ng inyong lahi at kapwa kayo makapangyarihan, samantalang ako, wala?”
“Hindi gano’n, Ceron. Mahalaga ka sa akin, ngunit sadyang mahal ko si Hideon,” nangangambang sagot ni Aurea.
“Sino ba ako sa buhay mo? Sino ba ako sa puso mo?” muling sunud-sunod na tanong ni Ceron. Ang mga tanong na iyon ay tila mga punyal na isa-isang tumarak sa puso ni Aurea.
“Katulad nina Zahanah at Charria, mahal din kita. Mahal kita bilang isang napakabuting kapatid sa akin,” lumuluhang sagot ni Aurea. Mas pinili niya na lamang na masaktan ito ng katotohanan kaysa maging masaya sa isang kasinungalingan.
Gumuhit ang sakit niyon sa puso ni Ceron. Tila ba nagising siya sa katotohanang mahirap baguhin. Alam niya ang kanyang papel. Alam ni Hideon kung bakit siya naroroon. Ang pangyayaring iyon ay tila nakalimutang misyon na sumampal sa kanyang mukha.
Iniwanan niya sina Aurea at Hideon nang walang paalam. Malungkot siyang naglakad palayo. Napaupo na lang sa batuhan at napahagulhol ng iyak si Aurea. Saksi ang takipsilim sa panibagong engkwentro nina Ceron at Hideon, at maging sa pangalawang beses na nagkasakitan sila ng loob ng kanyang tagapangalaga.
Humingi ng tawad si Hideon dahil sa kanyang mga nasabing dala ng bugso ng kanyang galit. Inihatid niya si Aurea sa silid nito nang mapakalma niya. Tila ba nawalan ang hiyas ng tinig. Hindi niya nagawang bumigkas ng mga salita nang magpaalam si Hideon na lilisan na upang siya’y sandaling mapag-isa. Hindi niya rin gustong muling makaharap ni Ceron, na maaring simulan ng panibagong banggaan kung saan may lihim na maaring mabunyag lalo pa’t hindi pa iyon ang tamang panahon.
Sinubukan ni Aurea na kausapin si Ceron. Tahimik niyang tinungo ang silid ng tagapangalaga. Gusto niya sanang magpaliwanag, ngunit nakasara ang pinto nito. Gusto niya sanang gamutin ang sugat na naidulot niya, subalit tila hindi pa ito handang makaharap siya. Tatalikod na sana siya upang bumalik na lamang sa kanyang silid nang mapansin niya ang liwanag na sumisilip mula sa siwang ng pinto. Sa loob ay may isang pamilyar na tinig ng isang babae na kausap ni Ceron. Tila ba ang mga ito ay may masinsinang pinag-uusapan ngunit wala siyang maunawaan sa kanilang mga sinasabi. Hanggang sa mabuo sa kanyang isip ang isang ideya kung sino iyon.
Napaatras si Aurea. Biglang binayo ng kaba ang kanyang dibdib.
“Aurea?" tawag sa kanya ni Quera.
Napalingon si Aurea sa pinanggagalingan ng tinig ng kanilang kaibigang ibon. Nakita niya itong nakadapo sa sandalan ng upuan at nakatingin sa kanya.
“Sorry, mahal kong hiyas. Hindi ko dapat sinabi sa kanya na nakita ko kayong magkasama ng engkantadong ahas na `yon. Sana, hindi kayo nag-away. Sana, hindi ka malungkot ngayon sapagkat nasaktan mo ang damdamin niya,” malungkot ding paliwanag ni Quera na tila nagsisisi sa kanyang nagawa. “Patawarin mo sana ako. Hindi ko naman akalaing magkakagulo.”
“H’wag ka nang malungkot, kaibigan. Hindi ako magagalit sa `yo. Sinabi mo lamang kung ano ang nakita mo dahil batid mong masamang magsinungaling.” Napabuntong-hininga siya. “Sino’ng kausap niya?” tanong ni Aurea.
“Si Binibining Zahanah, ang iyong kapatid.”
Nanlaki ang mga mata ni Aurea dahil sa sinabi ni Quera at napalingon siya sa silid ni Ceron. Halos panawan siya ng ulirat dahil sa kabang nagpasakit bigla sa kanyang dibdib at siya ring dahilan ng kanyang muling pagluha.
***