KABANATA 1: Kasaysayan Ng Pinagmulan

2622 Words
MAG-ISANG nakaupo si Aurea sa tahimik na pasilyo ng pamantasang pinapasukan ni Ceron. Pinapanood ang mangilan-ngilang estudyante na nagdaraan. Simula na kasi ng kanilang bakasyon. Lihim siyang naiinggit sa buhay na mayro’n ang mga tao. Malaya, tahimik at masaya. Puno man ng pagsubok, ngunit nakakaya nila basta’t sama-sama. Hindi naglaon ay may nahagip ang kanyang mga mata. Hindi niya namalayan ang pagdating nito, kung kaya’t ikinagulat niya na hindi pala siya nag-iisa. Kakaibang damdamin ang ibinubulong sa kanya ng kakaibang presensiya. Sa isang kisap-mata, halos limang dangkal na lamang ang layo nito sa kanya. Sa bilis ng kilos ng nilalang na ito, alam niyang hindi ito ordinaryong tao. May pakiramdam siyang sila ay magkatulad. “Hanggang d’yan ka na lang,” mahinahon niyang pigil sa binata. “Masama ba’ng lapitan ang isang magandang binibini na katulad mo?” makahulugan naman nitong tanong. “Hindi ako nakikipag-usap sa hindi ko kilala. Ang mabuti pa, umalis ka na bago pa bumalik ang aking kapatid,” babala ni Aurea sa estranghero. “At ano’ng kaya niyang gawin sa akin?” mapanuya nitong tanong. “Isa pa, kilala mo naman ako. Hindi nga lang katulad ng kung gaano kita kakilala.” Ang tono ng kanyang pananalita ay naghatid ng takot kay Aurea. Napatingala siya’t napatitig sa nakangiti nitong mukha at malagkit na mga tingin. “Sino ka?” “Tingnan mo ang mga mata ko. Sino nga ba ako, Aurea?” balik-tanong nito. Napatitig naman si Aurea sa kanyang mga mata. Sa unang tingin, iyon ay ordinaryong mga mata lamang. Sa mapungay nitong mga mata ay sumisilip ang lungkot, pag-aalala at damdaming hindi maarok ni Aurea. Subalit, ang kulay itim nitong balintataw ay naging berde. Nahalinhan iyon ng mga matang kawangis ng sa isang ahas, kasabay ng isang sarkastikong ngiti. Nang dahil doon ay napatayo si Aurea at mabilis na umatras upang mas mapalayo sa estrangherong iyon. “Lumayo ka sa `kin!” nanginginig niyang sigaw. “Wala naman akong masamang pakay sa `yo. Gusto lang talaga kitang makita ng malapitan,” paliwanag naman nito habang inihahakbang ang mga paa papalapit kay Aurea. “H’wag, d’yan ka lang! Hindi ako naniniwala sa `yo!” singhal niya. “Matagal na akong nasa paligid ngunit hindi kita kinanti minsan man. Hindi kita ipinahamak. Kung sasaktan kita, sana noon pa,” muli nitong paliwanag. Sa mga mata nito ay mababakas ang sinseridad sa kanyang mga tinuran. Sadyang mahirap lamang magtiwala sa isang nilalang na katulad niya sapagkat naniniwala si Aurea na nananalaytay sa mga ugat nito ang dugo ng mga traydor, mapanlinlang at walang awang pumapatay. “Wala akong tiwala sa isang katulad mo!” “Ang iyong magandang mga labi ay tila ba pinanawan ng mapupulang rosas. Iyon ba’y dahil sa akin? Natakot ba kita?” kunot-noo nitong tanong. Ang mga mata’y mistulang nag-aalala. “Ano ba sa iyong akala?” pabalang naman niyang sagot. “Kung gano’n, patawad.” “Umalis ka na!” “Maaari ba’ng makamayan man lang kita bago ako lumisan?” Inilahad ng binata ang kanang kamay nito sa harapan ni Aurea at humakbang palapit. “H’wag ka sabing lalapit!” sigaw niya. “Faith!” naulinigan nilang sigaw na papalapit. Hindi naglaon ay hinatak nito si Aurea at pumagitna sa kanilang dalawa. “Ano’ng ginagawa mo sa kapatid ko?” maangas na tanong ni Ceron. “Faith? Iyon ba ang kahalili ng iyong tunay na pangalan sa mundong ito?” Napangiti ito. “Alam mo, Ceron, para kang ligaw na tigreng nakakita ng kaaway. Bigla yatang nagtayuan ang balahibo mo sa galit. H’wag kang mag-alala. Hindi naman kita tutuklawin.” “Umalis ka na, pakiusap,” sabat ni Aurea. “Narinig mo ang sinabi ng kapatid ko. Umalis ka na!” bulyaw ni Ceron. “Kapatid?” Sa pagkakataong ito ay natawa na ang estranghero. “Kung sa mata ng mga tao ay magkapatid kayo, ako, hinding-hindi ninyo malilinlang sapagkat sa simula’t sapul ay alam ko na ang buong katotohanan,” wika niyang higit na naghatid ng pangamba kina Aurea at Ceron. “Tumahimik ka na!” sigaw na muli ni Aurea. “Hindi ito ang huli. Magkikita tayong muli, aking hiyas. Paalam,” pagkasabi noon ay nagmistulan itong usok at unti-unting nawala sa kanilang paningin. “Sino siya?” baling ni Ceron kay Aurea. “Isang… Sabihin na nating, isang nilalang na mula sa aming mundo.” “Ano?” naibulalas ni Ceron. Noo’y nakaramdam siya ng takot para sa kaligtasan ni Aurea. *** MARAMING taon na ang lumipas. Mga araw na hindi na kayang bilangin at ang kaakibat nito’y mga alaalang hanggang sa kasalukuyan ay tinik sa puso. Subalit, ang mga alaalang ito ay buhay na buhay sa puso ng magkakapatid na Zahanah, Charria at Aurea. Sabihin mang tuluyan nang nalimot ang kanilang lahi sa kabilang mundo—ang lahing nagbigay ng proteksyon at pagmamahal sa lahat, ngunit hindi nagawang mahalin at alalahanin. Napabayaang mabaon sa mga alaala. Mga alaala ng mga naging saksi na matagal nang nilamon ng lupa. Malawak ang lupaing sakop ng Zeldyvia sa ilang. Tahimik ang kanilang mga buhay sa loob at labas ng kaharian maliban na lamang sa mga kwentong naririnig nila na nagdudulot ng agam-agam sa lahat. Binansagan silang mga gintong diwata ng ilang dahil na rin sa kulay ng kanilang mga kasuotan. Gano’n din ang mga balat sa tuwing gagamit ng kanilang kapangyarihan. Inihahalintulad sila sa mga anghel ng langit. Wala nga lang mga pakpak maliban sa isang natatangi. Nagtataglay ang magkakapatid ng kani-kanyang kapangyarihan—makita ang hinaharap, utusan ang iba’t ibang elemento sa mundo—higit sa lahat ay ang apoy, bumasa ng isip, gumawa ng ilusyon sa isipan ng iba, lumipad at iba pa. Ang mga Zeldyvian ay naging bantog sa paggapi ng kasamaan at tumutulong sa mga mahihirap na lahi ng mga engkantado’t engkantada, minsan nga’y pati na sa mga tao. Tagapagpanatili ng kabutihan. Naging bantog din sila dahil sa umano’y kayamanan nito na siyang dahilan kung kaya’t masagana ang kanilang lahi at nakatutulong sa maraming nilalang at mga lahi. Sila’y may ginintuang mga puso. Ang bathalang si Zaian naman ang kanilang sinasamba. Nang dahil mga bata pa lamang sila, hindi pa nila lubusang nababatid ang kuwento kung bakit ganoon na lamang ang galit sa kanila ng mga Levithian—ang lahi ng mga kalahating engkantado at kalahating ahas ang pang-ibabang bahagi ng katawan—maliban kay Zahanah. Sa sapantaha ng iba, ito ay maaring dala ng inggit sa kapangyarihan at yaman nila, samantalang ang mga nakatatanda ay nagsasabing dahil umano sa nabigong pag-ibig. Isang araw, sumugod ang mga Levithian sa kanilang kaharian. Pangyayaring hindi napaghandan ng mga Zeldyvian kaya marami ang napaslang. Wala ito sa hinagap ng kanilang amang hari na si Kairus. “Traydor ka, pantas! Nagsinungaling ka. Hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa bagay na ito!” galit na sigaw ng haring si Kairus. Ang kanyang puso ay mistulang pinipiga sa sakit ng makita ang mga napalaslang na Zeldyvian. Ang kanyang mamamayan ay itinuturing niyang pamilya kung kaya’t ganoon na lamang ang sakit na kanyang dinaramdam lalo pa’t wala siyang nagawa upang protektahan ang mga ito. Wala sa kanyang hinagap na kayang gawin iyon ni Orlo sa kanila gayong mabuti ang pagkakakilala niya sa mga ito. “Hangad ko ang pagbagsak ng lahing ito. Tingnan natin kung isasalba kayo ng bathalang si Zaian!” Biglang nagbago ang kulay ng kanyang balintataw. Nagmistulang mga mata ng isang ahas. Sa kanang bahagi ng kanyang leeg ay ang marka ng isang tuklaw. Patunay na binihag ng itim na kamandag ng mga Levithian ang isipan nito. “Kampon ka ni Orlo! Lumayas ka sa harapan ko, sa ngalan ng bathalang si Zaian! Nawa’y parusahan ka niya at ang lahat ng sangkot sa pagtataksil at paglusob na ito sa ginawa ninyong kapalastanganan!” Sa gitna ng nasabing pagsalakay, kinuha ni Kairus ang likidong matagal nang iniingatan sa dambana ng templo. Ang isang espesyal na bagay na ito ay iniingatan na sa panahon pa ng kanilang mga ninuno nang dahil sa propesiyang balang araw ay kakailanganin ito upang isalba ang dagling pagkaubos at pagbagsak ng buong Zeldyvia. Lihim na ipinainom iyon sa magkakapatid. Nang dahil sa likidong iyon ay naging higit silang makapangyarihan. Noon din ay lumitaw ang isang marka sa balikat ng bunso niyang anak—si Aurea. Marka na tila paa ng isang ibon. Ibinilin nina Kairus at ng kanilang inang diwata na si Arya kay Zahanah at Charria na protektahan si Aurea, sapagkat ito ang marka kung sino ang pinili ng bathalang si Zaian na mangalaga sa hiyas na siyang buhay ng mga Zeldyvian. At hindi magtatagal ay hahanapin si Aurea ng itinakdang salamangkero na mangangalaga sa kanya. Nang dahil sa hiyas na sumibol sa puso ni Aurea nang mainom niya ang mahiwagang likido, ang buhay ng kanyang mga kapatid na diwata at ng ilan pang Zeldyvian na natira kung mayroon man ay nakasalalay na sa kanya. Kapag namatay siya, mamamatay ang buong lahi at walang maiiwang ni isa mang bakas na magpapatunay na nabuhay sila sa mundo. Isang propesiyang isinawalang-bahala at naganap. Isang katungkulan na papasanin ng itinakda hanggang sa makapili siya ng bagong diwatang mangangalaga niyon. Mahigpit ding ibinilin sa magkakapatid na muling buhayin ang lahi at panatilihin ang mga batas. Lingid sa kaalaman ng lahat, nagkaroon si Zahanah ng mga pangitain—mga pira-pirasong bahagi ng hinaharap na kailangang paghandaan. Lalong-lalo na, ang hinggil sa may marka sa balikat at ang nakatakdang pumatay rito. Walang awang pinatay ni Orlo sina Kairus at Arya sa harapan ng magkakapatid. Nasaksihan ng kanilang musmos na mga mata kung paano nalagutan ng hininga ang kanilang mga magulang sa kamay ng isang Levithian. “Ina! Ama!” umiiyak nilang sigaw habang pinagtutulungan ng mga mandirigmang Levithian. Ilang araw silang binihag at ikinulong sa isang maliit na silid na tila isang malaking pugon sa utos ni Orlo upang patayin ang mga batang walang kamalay-malay sa kanyang galit na hindi pa rin humuhupa sa kabila ng kanyang pagkakapaslang sa mga magulang ng mga ito. Wari bang ang kanilang presensiya’y naghahatid ng mas higit na galit sa hari ng Levithia. Masidhing sakit na nagpapaalala sa kanyang napakalaking kabiguan. Noo’y kasama ni Orlo ang kanyang nag-iisang anak. Isang batang Levithian. Kapwa nakapaikot ang kulay berde at makaliskis nilang katawan. Habang sa kanang kamay ni Orlo ay ang isang sulo. Bago sila tuluyang pagsarhan at silaban ng apoy, nagtama ang paningin ng batang Levithian at ni Aurea. At nang mga sandaling iyon ay may kakaibang damdamin silang naramdaman. Tila ba koneksyong hindi naging malinaw para sa mga paslit na wala pang alam. Lingid sa kanilang kaalaman, hindi sila namatay. Iyon ay isang napakalaking pagkakamali na nagawa ni Orlo. Tila nawala sa kanyang isip na mga diwata sa ilang ang kanyang mga bihag at ang apoy ay isa sa pangkaraniwan nilang kapangyarihan. Samantala, sa gitna ng nagniningas na apoy ay bumuka ang pinto kung kaya’t nakakita sila ng pagkakataong makatakas. Tinulungan sila ng batang Levithian na hindi maglalaon ay magiging prinsipe at tagapagmana ni Orlo. “Umalis na kayo. Lisanin n’yo na ang lupaing ito at magpakalayo-layo. Asahan n’yong tikom ang aking bibig. Hindi ko kayo nakita. Wala akong ginawa,” anito. Ganoon pa man, walang mababakas na emosyon sa kanyang mukha. “Salamat,” tugon ni Zahanah na humanga sa kabutihan nito. “Hindi ko alam kung bakit galit na galit sa inyo si ama at kung bakit lumuluha ang aking ina para sa inyo. Para kay ina kung bakit ko ito ginawa.” “Tatanawin naming malaking utang na loob ito sa `yo. Magkikita tayong muli,” pasasalamat ni Zahanah. Tumango na lamang ang batang Levithian at tinalikuran na sila. Subalit bago man lamang ito tuluyang makalayo, lumingon ito at nag-iwan ng makahulugang tingin sa tatlo, lalo na kay Aurea. Nagpalabuy-laboy ang tatlo hanggang sa matagpuan ng isang salamangkero—ang itinakdang tagapangalaga. Naging tirahan nila ang kagubatang malayo sa sakop na lupain ng Levithia. Ang handog na biyaya ng kalikasang kumakanlong sa kanila ang pinagkukunan nila ng kanilang pangunahing pangangailangan. Sa tulong ng salamangkerong naging gabay nila, unti-unti nilang natutuhan kung paano gamitin ang kanilang mga kapangyarihan nang sa ganoon ay kaya nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili kapag mayroong panganib. Nang dahil sa pag-aalala at takot na hindi niya lubusang mapangalagaan si Aurea, nagpasya si Zahanah na patawirin sa mundo ng mga tao si Aurea upang doon manirahan at magtago kasama ng kanyang salamangkerong tagapangalaga. Sumang-ayon naman ang salamangkero sa kanyang nais. Nagpaiwan ang dalawa upang magtungo sa hilaga, sa sinasabing mga anak ng bathala at humingi ng tulong. Doon ay kinupkop sila na parang mga tunay na anak at ipinangako ang tulong na muling bubuhayin ang kanilang bumagsak na kaharian at muling pagyayabungin katulad ng isang malaking puno ang lahing naging bahagi ng alamat sa kanilang mundo. Iyon na marahil ang pinakamapalad na nangyari sa magkapatid na Zahanah at Charria. Doon ay nabigyan sila ng proteksyon laban sa mga kaaway. Sinanay silang makipaglaban at maging bihasa sa kanilang mga natatanging kakayahan, sapagkat ang layunin umanong ibangon ang Zeldyvia ay hindi magiging ganoon kadali hanggang may galit sa puso ni Orlo. Ayon sa mga anak ng bathala, may digmaang magaganap. Maraming buhay ang muling mawawala. Ang dalawang lahi ay labis na magluluksa at doon ay magsisimula ang malaking pagbabago kasaysayan ng Vecca—ang kanilang mundo. “Ipakita n’yo sa akin ang mangyayarin sa hinaharap, nakikiusap ako. Ibig kong maintindihan ang mga pangitain ko. Ibig kong mapaghandaan naming magkakapatid ang mga iyon,” pakiusap ni Zahanah. “Hindi pa ito ang tamang panahon, diwata. Ang lahat ay may tamang panahon,” tugon ni Rafa—anak ni bathalang Zaian sa isang diwata ng hangin at isang imortal. “Ipagpaumanhin ninyo, subalit tama ang aking kapatid. Lalo pa’t kailangan naming pangalagaan ang aming kapatid na si Aurea. Kailangan naming malaman ang propesiyang hindi ninyo tuwirang maitalastas sa amin upang mapaghandaan iyon at mabago ang nakatakda,” sabat ni Charria. Bahagyang natawa si Rafa. Natutuwa sa ipinakikitang katapangan ng magkapatid. “Mga anak, ang propesiya ay hindi mababago. Pilitin niyo mang baguhin, maghahanap pa rin ang tadhana ng paraan upang mangyari ang lahat.” Napabuntong-hininga ito. “Isa pa, mga bata pa kayo. Ang mga katulad ninyo ay nararapat na ginugugol ang panahon ng kabataan sa pagiging isang simpleng mga bata na walang problema, masaya at niyayakap ang ganda ng buhay, hindi sa paghahanda para sa isang digmaang mahabang panahon pa bago maganap. H’wag ninyong sayangin ang inyong pagkabata,” paliwanag ni Rafa. “Subalit, paano si Aurea?” maluha-luhang tanong ni Charria. “H’wag kayong mag-alala. Malayo man si Aurea sa balintataw ng aking ama, doon ay may bathalang hindi nagpapabaya sa mga mabubuti. Isa pa, kasama niya si Zedum. May basbas siya mula kay ama. Mapapangalagaan niya ang hiyas. Kaya’t ipanatag ninyo ang inyong mga loob at sa ngayon ay tumalima sa aming nais. Magtiwala kayo.” Naging maurirat ang magkapatid sa kabila ng mga tinuran ni Rafa, subalit sadyang malihim ang mga ito at paulit-ulit lamang ang mga tinuturan kaya’t napilitan na lamang silang tumalima. Ganoon pa man, walang sandaling nawaglit si Aurea sa kanilang mga isip. Samantala, naging maayos ang paninirahan nina Aurea at Zedum sa mundo ng mga tao. Nagpanggap na mag-ama ang dalawa upang pangalagaan ang isa’t isa. Doon din ay unti-unting sinanay si Aurea sa pakikipaglaban at paggamit sa kanyang mga espesyal na katangian hanggang sa paglipas ng mahabang panahon ay magdalaga ito at makilala nila si Ceron na noo’y isang ulilang mangangaso. Kinupkop nila si Ceron at tinulungang makapagtapos sa pag-aaral, hanggang tuluyang mamasukan sa isang pamantasan bilang isang mangangasiwa ng aklatan. Ginising si Aurea ng kasalukuyan mula sa pag-alala sa nakaraan nang sumagi sa kanyang isip ang ideya kung sino ang Levithian na nagpakita sa kanya. Napabalikwas siya ng bangon habang sinasariwa sa isipan ang mukha nito. “Ayos ka lang ba?” wika ng loro na si Quera na ikinagulat niya. Napaigtad sa gulat si Aurea. “Nanggugulat ka naman, Quera,” naibulalas niya. Sa wari niya’y biglang pinanawan ng dugo ang kanyang mukha. “Ano’ng problema?” bungad ni Ceron bitbit ang isang malaking bag. “Ceroon, naaalala ko na. Alam ko na kung sino siya.” ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD