Ang Noh Mask ay mga maskarang inukit sa kahoy at pinipinturahan ng simpleng disenyo, kadalasang ginagamit sa tradisyunal na pagtatanghal — Noh theater at kabuki theater. Itinuturing ang mga maskara na bahagi ng sining, kultura at kasaysayan— may espiritu at kahulugan ang bawat uri ng noh mask. Espesyal ang mga maskarang ito sapagkat tanging dalubhasa lamang ang makalikha ng mga ito.
Nagtungo sila sa loob ng bahay at naabutan ang ilang grupo ng mga tao roon na abala sa pag-ukit sa kanilang workshop. Yumukod sila at bumati bilang paggalang sa mga ito.
Nasaksihan nila na marami palang tools na ginagamit ang mga ito upang makabuo lamang ng isang maskara.
"Wow, grabe...." nausal ni Joriz habang nakatingin sa pag-uukit ng mga ito. "Kailangan ng tyaga sa ganitong gawain." Napansin niya kasi kung gaano katagal ang pag-ukit sa mga kahoy.
"Mukhang may matututunan ka sa kanila pagdating sa arts, Joriz," sabat naman ni Mattia, "lalo na at wala kang pasensya sa paggawa ng logo natin."
May sasabihin sana si Joriz dahil mukhang hindi siya sang-ayon sa sinabi ni Mattia, subalit sumingit si Sora sa kanila. "Alam n'yo ba na may iba't ibang uri ng Noh Mask? Ang isang ito ay tinatawag na Okina. Mukha ito ng isang lalaki, sumisimbolo sa pagpapala at karunungan. At ito naman ang Onna, para naman sa mga babae. At ang Kijin para sa mga demons," Ipinakita pa ni Sora ang mga maskara sa kanila.
"N-Nakakakilabot naman ang itsura ng mga 'yan," wika ni Joriz na nagising na naman ang pagiging duwag.
Nabaling ang atensyon nila sa iba nang tumingin si Sora sa bumukas na pinto— doon lumabas ang isang lalaki na sa tingin nila ay kasing-taong gulang lamang nila Mattia.
"Si Takumi Kanzaki, ang pamilya niya ang may-ari ng workshop na ito at s'ya rin ang kliyente ninyo," pagpapakilala ni Sora sa lalaki. At ganoon din sa wikang hapon ipinakilala niya ang tatlong kabataang Pilipino.
Sa una ay may awkwardness pero nag-bow din sila ng ulo at magalang na bumati. Iginiya sila ni Takumi papasok sa isang pribadong silid na sa tingin nila ay pansamantalang tuluyan ng mga guest.
Nakakagulat, kahit mukhang moderno ang exterior ng bahay ay may tatami room pa rin sa loob. Sliding paper doors tinatawag na shoji, mats, at zabuton o yung mga unan na nakapaikot sa low table.
Sinabi sa kanila ni Sora na kadalasan ay ancestral altar room ang mga ganitong kuwarto— dito sila nagdadasal o tumatambay bilang relaxation space.
Umupo sila sa mga unan habang magkaharap sa low table na nandoon. Naglapag si Takumi ng tsaa sa table.
Nag-usap muna sina Sora at Takumi bago bumaling sa kanilang tatlo.
"Hindi n'ya inaasahan na mga bata ring katulad niya ang mga paranormal experts," wika ni Sora. "Pero nagpapasalamat siya sa pagdating ninyo rito."
Nag-blush, napatawa at nagkamot pa ng ulo sina Chubs at Joriz, akala mo naman ay papuri ang narinig.
"We want to learn more about the Yokai Bondori," direktang sabi naman ni Mattia kay Takumi. Nakapokus ang isip ng lider sa misyon. Limang araw lamang ang ibinigay sa kanilang palugit sa misyon na ito. "Can you tell us more about that?"
Medyo nabigla sila sa tuwirang pagtatanong ni Mattia pero ganito naman ang binata noon pa — straight to the point.
Naunawaan naman ni Takumi ang tanong ni Mattia, marunong siyang umintindi ng English. Bilang pagpapaliwanag, kinuha nito ang isang malapad na graphic book ng mga mythical creatures ng japan at saka ipinaliwanag ang kung ano ang Yokai Bon Dori.
"Ang Yokai Bon Dori ay isang festival na hango sa Japanese Bon Festival tuwing Obon Season. Sa halip na tradisyunal na sayaw para sa mga kaluluwa ng mga yumaong kamag-anak, dito ang sayaw ay nakatuon sa pagdiriwang mga yokai." Si Sora ang nagpapaliwanag o nagsasalin ng mga sinasabi ni Takumi.
"Bon Dori?" Naguguluhan pa rin si Joriz.
"Para mas maunawaan ninyo, ang Bon Dori o Obon festival sa Japan ay katumbas ng Araw ng mga Patay sa Pilipinas. Sa Pilipinas dumadalaw kayo sa mga sementeryo para mag-alay ng bulaklak o kandila sa mga yumao. Sa Obon, nag-aalay din sila ng kandila, pagkain at insenso sa mga altar at tahanan para sa kanilang mga yumao."
"Oh, gets." Nagpatango-tango na si Joriz. "So iba naman ang Yokai Bon Dori? Isang festival iyon para sa mga Yokai pero ginaya lang nila ang Obon festival."
"Ganoon na nga. May mga organizers na gumagawa ng month-long series events. Week-end parades or cosplay events, workshops, lantern night and mass dance. Hindi siya isang araw lamang na pagdiriwang," dagdag ni Sora.
"Ayos! Makakakita na rin ako ng magandang event sa wakas!" bulaslas ni Joriz na napasuntok pa sa hangin, napunta na naman ang utak nito sa galaan.
"Gusto ko malaman kung paano nawala ang kapatid niya sa isa sa mga yokai parade." Hindi pinansin ni Mattia si Joriz, nais niyang malaman kung may makukuha ba siyang clue tungkol sa nangyari noon sa client. Lalo pa at ang misyon nila ay mahanap ang kapatid nitong babae.
Bumaling muli si Sora kay Takumi at itinanong ang sinabi ni Mattia.
Bumuntong-hininga si Takumi bago magsimulang magsalita. Halatang mabigat sa dibdib nito ang mga alaala.
"Isang taon na raw ang nakalipas," simulang kuwento ni Sora batay sa salin ng sinasabi ni Takumi. "Kasama ng kapatid niyang si Aiko— ang kanyang mga kaibigan sa isang Yokai Bon Dori parade sa Tokyo. Cosplay event iyon, maraming naka-yukata, may suot na maskara, at may mga lantern sa buong kalsada."
Humigpit ang pagkakakuyom ni Takumi sa tasa ng tsaa.
"Bandang hatinggabi raw," dagdag ni Sora, "nagpaalam si Aiko na pupunta lang sa portable restroom. Pero hindi na siya bumalik."
Natahimik ang buong silid.
Tumingin si Mattia kay Sora. "Ibang-iba ito sa nakasulat sa attachment letter sa email." Nagduda ang binata.
Pilit na ngumiti si Sora. "Sinabi ko nga sa inyo, ako ang nagsulat ng letter. Pero kahit kasi ako ay hindi alam ang totoong kwento. At sa kasawiang-palad, nabubura at nababago na rin ang alaala ni Takumi sa mga nangyari. Kung anong isinulat ko roon, iyon ang unang sinabi sa akin ni Takumi."
Kumunot ang noo ni Mattia. Paano nila malalaman ang totoo kung paiba-iba pala ang kwento. Hindi lang pala nabubura ang alaala ng mga witness, nagpapabago-bago pa.
"What happened next?" — si Joriz.
Muling nagsalita si Takumi at isinalin muli ni Sora.
"Akala ng mga kaibigan niya, nauna lang umuwi," mahina pang sabi ni Sora. "Pero kinabukasan, walang Aiko sa bahay. Walang iniwang mensahe. Walang footage sa CCTV sa mismong eskinita kung saan siya huling nakita. At ang nakapagtataka pa, hindi maalala ng mga magulang nila si Aiko— para bang nabura ang alaala ni Aiko. Himala na hanggang ngayon naaalala pa rin ni Takumi ang kapatid."
"Parang... bigla na lang siyang naglaho. Hindi lang sa pisikal pero sa memorya din," bulong ni Joriz, kinilabutan. "Eh hindi rin pala iba sa kwento ng attachment letter."
"Noong naalala pa si Aiko ng mga kaibigan niya, sinabing may nakita raw silang naka-onna mask na kumausap kay Aiko malapit sa isang lumang torii gate— magkasabay daw sila na pumunta sa portable restroom. Pero sa dami ng naka-maskara noon, hindi na nila matandaan kung sino," pagsasalin ni Sora. "Isang buwan lamang ang lumipas, hindi na maalala si Aiko ng mga kaibigan niya. Nawalan na si Takumi ng chance na mag-imbistiga tungkol sa misteryong iyon."
"Kinontak ako ni Takumi," kwento ni Sora, ang isinasalaysay naman ay ang tungkol sa sarili niya. "Alam kasi ni Takumi na matagal na akong nag-aaral ng folklore ng Japan. Naisip niyang makakatulong ako."
Nagkatinginan sina Mattia at Joriz.
"So folklorist ka?" — si Chubs. Nagkaroon ng interest sa narinig.
"Parang ganoon na nga. Hindi isolated cases ito, Adrenaline Junkies. Sa totoo lang, hindi lang si Takumi ang nakaranas ng ganitong kaso. Marami sila."
Napanganga ang tatlong paranormal experts. "I compile all those mysterious claims from different witness. Lahat sila ay nawalan ng mahal sa buhay. Unti-unti, nabubura din ang alaala nila tungkol sa mga taong iyon. Si Takumi, binanggit niya sa 'kin na hindi na rin niya matandaan kung nandoon ba siya sa festival kasama ang kapatid niya o hindi. Wala na siyang matandaan tungkol sa festival. Sa madaling salita, nabubura na rin ang alaala ni Takumi tungkol sa kapatid niya."
"Oh..." Napahawak si Mattia sa baba at napaisip nang malalim. "Yokai masquerading as humans... classic pattern. At festival setting pa. Kumukuha sila ng tao pero para saan?"
Sumingit si Joriz, seryoso ang mukha. "So basically, na-catfish siya ng yokai."
Saglit na natawa si Sora kahit mabigat ang usapan. "Parang ganoon na nga. Naniniwala si Takumi," dagdag ni Sora, "na may kinalaman ito sa isang yokai na nagpapanggap bilang tao tuwing Obon season. At ako naman, gusto ko lang malaman kung ano ang totoo. Hindi lang iisang tao ang kinuha nila nang gabing iyon."
Tumingin si Chubs kay Sora. "Sa madaling salita— representative ka ng mga clients na iisa ang naging karanasan."
Tumango si Sora. "Ganoon na nga. Pasensya na kung ngayon ko lang sinabi."
"Well, that explains a lot," wika ni Joriz.
"Gusto namin makuha ang compilation mo ng mga statement ng witness. That's enough lead for us," wika ni Mattia.
"Okay, bukas ibibigay ko sa inyo," sumang-ayon lamang si Sora.
Matapos ang mas mahabang usapan tungkol sa detalye ng lugar, oras, at huling suot ni Aiko, tumayo si Takumi at nag-alinlangan bago magsalita muli.
"May itutulong ba raw siya?" isinalin muli ni Sora ang sinabi ni Takumi. "Napansin niya na parang wala pa kayong matutuluyan."
Nagkibit-balikat si Mattia. "We were thinking of booking a capsule hotel."
Umiling si Takumi. Muli itong nagsalita ng Japanese, nakatingin kay Mattia.
"May maliit na ryokan ang tiyahin niya dalawang kanto lang mula rito. May bakante raw na tatlong futon. Mas mura at mas tahimik kaysa hotel."— si Sora.
Nagliwanag ang mukha ni Joriz. "Ryokan? Tatami? Japanese vibes? YES!" Tuwang-tuwa na naman ang mokong.
Tumango si Mattia. "That would help. Thank you."
Nagpaalam na sila kay Takumi at nagpasalamat sa mainit na pagtanggap nito sa kanila.
"Babalik kami bukas," pangako ni Mattia. "We'll start investigating the parade route."
Yumukod si Takumi at sa japanglish na salita sinabing, "Thank you very much. I'm counting on you."
Biglang sumingit si Chubs, hawak ang tiyan. "By the way... may ramen place ba malapit dito? Kasi feeling ko may halimaw na sa sikmura ko."
Napailing si Joriz at napasapo sa ulo. "Bro, kanina ka pa kain nang kain!"
"Mas nakakatakot ang tiyan ng taong ito kaysa sa Yokai," seryosong sagot ni Mattia at umikot ang mga mata sa hangin.
***
Matapos ang pamamaalam, lumabas na sila sa loob ng bahay dala ang kasabikan sa susunod na susuungin.
Subalit biglang huminto si Sora na tila may naalala, tumakbo siya pabalik sa loob. "Wait lang may ibibigay lang ako sa inyo! Mukhang nakalimutan itong ibigay ni Takumi."
Natigilan naman silang mga kabataan, nagtaka at nakatinginan. Gayunman, hinintay nila si Sora na bumalik sa labas. Mayamaya pa, pagbalik ng lalaki ay may hawak na itong tatlong makukulay na bracelet na may maliliit na wooden beads.
"Inabot daw ito ng lola ni Takumi," sabi ni Sora. "Charm bracelets. Pantaboy daw sa masasamang yokai."
Kumunot ang noo ni Mattia, tila may kaunting pagdududa sa dibdib gayunman kinuha rin niya ang inaabot ng lalaki.
Isinuot agad ni Joriz ang sa kanya. "Nice! +10 defense."
Isinuot din ni Chubs ang kanya. "Sige, susuotin ko. Basta pantaboy din sana sa gutom."
Naglakad na sila palayo.
"Una nating mission bukas," sabi ni Mattia, "hanapin ang torii gate."
"At ngayon," biglang sabi ni Chubs, "hanapin ang ramen."
"Buysit ka!" singhal ni Joriz. Kanina pa siya nabubuysit kay Chubs.
***