“AKO naman talaga ang mahal ni Limuel. Ginagamit niya lang si Eunice para sa kanyang pag-angat. Once na makuha na niya ang buong control sa company, itatapon na niyang parang basahan ang babaeng yun,” tinig iyon ni Elys.
Umaalingawngaw iyon sa loob ng banyo. Hindi man lang sila nag-check muna ng mga cubicle bago nag-usap ng ganoon. Agad kong inilabas ang aking recording pen, at inirecord ang naging usapan nila.
“Pero... ikakasal na sila di ba?” Tanong ng babaeng kasama niya.
“Gag*! Paano nga magpapakasal si Limuel kung ako yung gusto niya? Isa pa, kababae niyang tao, para siyang linta. Tapos ke-arte-arte pa niya. Sabi nga ni Limuel, sa noo at pisngi niya lang nahahalikan si Eunice. May pa-reserve reserve pang nalalaman sa sarili. My god! Anong year na ba ngayon? 2026 na! Uso pa ba sa mga babae ang pa-demure? Masyado niyang bina-value ang p*kpek niya. Bakit, perfume ba amoy nun?”
Nagtawanan ang mga kasama niya sa kanyang sinabi.
“Grabe ka naman talaga. Mabait pa naman si ma’am Eunice.”
“Heh! Ang sabihin mo, uto-uto siya! Alam mo kasi sa buhay, dalawa lang yan, isang loko-loko, at isang nagpapaloko. Eh, malay ko bang ganoon pala siya katanga para maniwalang bestfriend lang kami ni Limuel.”
“Magjowa ba kayo?”
“Ano pa? Sa palagay mo ba, saan kami nagpupunta kapag nag-a-out of town? Malamang, mas malaya kami kapag malayo no. Ang babaeng iyon, masyadong naniniwala kay Limuel. Guwapo naman nga kasi ang babe ko..”
“Eh di ikaw na ang may guwapong babe..” biro ng isa.
Hindi magkandamayaw ang tawanan ng grupo, saka lumabas ng restroom.
Naiwan ako sa loob ng cubicle na nanlalamig at namumutla.
Tama naman si Elys. Uto-uto ako saka tanga. Napaikot nila ako sa loob ng ilang taon. Ni hindi ko man lang naisip na kahit paano, babae at lalaki pa rin sila.
Nanghihina ako. Naghintay pa ako ng ilang minuto bago lumabas ng banyo. Naghilamos ako at inayos ang aking sarili na parang walang nangyari.
Itinago ko ang recording pen sa bulsa ng suot ko at kaswal na lumabas ng banyo.
Sa pasilyo, nakita ko sina Limuel at Elys na nag-uusap.
Kitang-kita ko ang ngisi ni Elys nang makita niya ako.
‘Alam kong nasa banyo ka.. at tama lang na ilugar mo ang sarili mo kung sino ka sa buhay ni Limuel,’ bulong ni Elys sa sarili.
“Limuel, nagugutom na 'ko..” malambing na sabi ni Elys habang inuuga ang braso ng lalaki. Nilakasan niya talaga iyon.
“Hinahanap ko pa si Eunice,” sagot ni Limuel.
“Ayan pala siya oh,” itinuro ako ni Elys.
“Eunice, kanina pa kita hinahanap. Nagkaproblema sa billing ng ating ilang loans. Ayusin mo nga,” utos niya sa akin.
“Okay,” malamig kong sagot sa kanya. Hindi na ako huminto sa paglalakad at iniwan ko na sila. Subalit mabilis akong hinabol ni Limuel, saka hinila ang aking braso.
“Teka nga.. anong inaarte mo ngayon? Bakit nagliligalig ka na naman ata?” Naiirita niyang tanong sa akin.
“Baka gutom na rin siya. Bakit hindi natin siya isamang kumain?” May kislap sa mga mata ni Elys nang sabihin niya iyon.
“Hindi ka pa ba kumakain?” Tanong ni Limuel sa akin, “halika, kumain na muna tayo.”
Hinila niya ako. Hindi na ako tumanggi. Ayoko ng eskandalo. Siguro, ito na rin ang panahon para makipaghiwalay ako sa kanya.
Madaming inorder na pagkain si Elys, parang fiesta ang mesa.
Magkatabi sila sa upuan, at ako naman ang nasa tapat ni Limuel. Nakakatawa lang, dahil nagmukha akong third wheel nilang dalawa.
Ang mga pagkaing naroroon ay ang mga pagkaing hindi ko kinakain, lalo na ang hipon at ang clams.
May allergy ako sa seafoods, at mukhang nakalimutan iyon ni Limuel.
“Masarap ito,” nakangiting sabi ni Elys, saka sumandok ng seafood soup at inilagay iyon sa mangkok ni Limuel. “Alam mo ba, Eunice, mahilig sa sabaw si Limuel, kaya dapat, pakainin mo siya ng ganito kapag ikinasal na kayo.”
Ikakasal? Malabo iyon. Wala akong planong magpakasal sa isang kagaya ni Limuel na masyadong mataas ang ihi. Hindi siya nararapat para sa akin.
Napatingin si Limuel sa akin at napansin niyang hindi ako kumakain. Kumunot ang kanyang noo.
“Anong problema, Eunice? Busugin mo ang sarili mo para hindi ka na nagtatantrums ng ganyan.” Kumuha siya ng mga pagkain at inilagay iyon sa aking plato.
Parang naging kaning-baboy ang nasa harapan ko sa dami ng pinaghalo-halong pagkain. Nakakawalang-gana!
“Kumain ka, wag mong painitin ang ulo ko, Eunice.”
Napangiti ako ng mapait, at parang kasama ng aking laway ay ampalaya juice nang lumunok ako. Money can’t buy class talaga. Kung saang squatter nanggaling si Limuel, iyon pa rin ang ugaling dala-dala niya kapag ako ang kaharap.
“Busog ako,” sagot ko sa kanya.
“Busog? Hindi ka pa kumakain!” Ibinagsak ni Limuel ang kanyang tinidor at kutsara. Malakas iyon, na tila ba nagtatawag ng mga taong titingin sa kaya niyang gawin, “Eunice, tigilan mo na ang pa-petty mo. Nakakairita na yan!”
“Oo nga naman, Eunice. Bakit masyado ka naman atang nag-iinarte nitong mga nakaraan? Simula noong dumating ako sa opisina, parang nagkaganyan ka na. Alam kong naiinis ka sa akin, pero wala namang masamang suportahan ko ang kaibigan ko, hindi ba?” Yumuko pa si Elys saka nagpaawa. Ibang-iba siya sa babaeng narinig ko sa banyo kanina lang. “Limuel, siguro, kailangan ko nang magresign, para mapanatag na si Eunice..”
Tatayo na sana siya, subalit pinigilan siya ni Limuel.
“Hindi. Wala kang ginagawang masama,” hinila ng bahagya ni Limuel si Elys paupo, “Eunice, tingnan mo nga ang ginagawa mo, nakakasakit ka na ng damdamin ng iba. Mag-sorry ka kay Elys, ngayon na!”
“Ha?” Natawa ako nang may pangungutya, “at bakit naman ako magso-sorry sa kanya, ha?”
“Napaka-irrational mo!” Tumayo si Limuel saka itinoon ang mga palad sa mesa, at bahagya siyang yumuko sa akin, “inaya ka dito ni Elys para pasayahin. Tapos, ganito lang ang matatanggap niya mula sayo? Iinsultuhin mo siya sa pamamagitan ng hindi pagkain ng mga inorder niya?”
Huminga ako ng malalim, saka ko siya tiningnan ng diretso. “Kakainin ko ito... Pero bayad na ang utang na loob ko sayo,” sabi ko sa kanya.
Kahit mukhang kaning-baboy ang laman ng aking plato, kinain ko ang kaunting hipon at clams na naroon habang nakatingin nang masama sa kanya.
Nararamdaman ko na ang pangangapal ng aking labi at ang sikip ng paghinga.
Binitawan ko ang aking kutsara at tinidor, saka nag-umpisa akong umubo.
“A–anong nangyayari sayo?” Tanong ni Limuel sa akin.
Lalapitan na sana niya ako, subalit biglang umarte si Elys. Sinabuyan niya ng mainit na sabaw ang kanyang kamay.
“AAAAH! Limuel, ang sakit!” Nag-umpisa na siyang umiyak habang ipinapakita ang kanyang paso.
“Elys!” Agad nilapitan ni Limuel ang babae at nag-aalalang hinipan ang kamay nito.
Samantalang ako, hindi na ako makahinga. Namumula na ako at nagkukulay ube na ang aking mga labi.
“Dadalahin kita sa ospital!” Malakas na wika ni Limuel saka binuhat si Elys.
Hindi man lang niya nagawang lingunin ako at hinayaan na lang akong mahulog sa upuang aking kinalalagyan.
Bago pa man mawala sa dilim ang aking isipan, narinig ko ang mga yabag na papalapit sa akin.