Chapter 9
Jennifer
Halos hindi ako makatulog kagabi sa pagkikita namin ni Jeff. Alam ko marami pa siyang ilalahad tungkol sa aking ama.
Nasa Green Bean Coffee Shop ako—isang paboritong tambayan ng mga estudyante at expat dito sa Holand. Tahimik, may aroma ng fresh brew, at may jazz music sa background. Dito rin kami noon palaging tumatambay ni Allysa. Dito rin kami noon madalas ni Liam. At ngayon, dito rin kami magkikita ni Jeff.
Maaga akong dumating. Nakaupo ako sa sulok malapit sa salamin, may dalang brown leather notebook at isang tasa ng cappuccino. Tahimik lang akong nag-aabang. Tumitingin sa pinto sa tuwing may papasok. Umaasang siya na 'yon.
Pero lumipas ang isang oras. Wala pa rin siya. Walang tawag. Walang text. Walang kahit ano.
Nag-email ako. Nag-message. Tumawag. Ring lang. Wala.
Tinitigan ko ang screen ng cellphone ko habang kinakabahan. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko.
"Baka na-late lang siya," bulong ko. "Baka may emergency."
Pero habang lumalalim ang araw, unti-unti akong nabalot ng kaba. At sa ilalim ng kaba, may kirot. Yong klase ng sakit na hindi mo alam kung may karapatan kang maramdaman. Hindi naman ako anak ni Papa, pero apektado ako sa lahat ng kagaguhan na ginagawa niya.
Ganito talaga siguro ang nararamdaman ng isang katulad ko lumaki sa hindi ko naman kadugo. Sabik ako sa pagmamahal ng isang ama. Naiinggit ako kapag may nakikita ako noon sa mga kaklase ko na close sa ama nila.
Malayo kay Papa. Lalaki kang tinatanong noon ang sarili ko kung ano ang mali sa akin.
Bakit sa bawat maikling pagkakamali ko sinturon kaagad ang dumadapo sa katawan ko. Hanggang sa nalaman ko na hindi pala ako nila tunay na anak ni Mama. Nanaawa lang siya sa akin kahit ipinagbili ako ng mga magulang ko sa mga sindikato. Kaya sila na ang nagpalaki sa akin.
Pabuntong hininga ako ng malalim kapag iniisip ko ang mga nakaraan.
Anong oras na pero wala pa rin si Jeff.
Hanggang sa tuluyan nang lumamig ang cappuccino sa harapan ko.
Tumunog ang maliit na bell sa pinto ng coffee shop.
Napatingin ako agad. Buo ang pag-asang si Jeff na ang pumasok. Pero hindi siya iyon.
Si William.
Napatigil ako. Nagtama ang paningin namin saglit—isang iglap na parang sinaksak ang dibdib ko. Pero agad din siyang umiwas, parang hindi ako nakita. O baka sinadya niyang hindi ako kilalanin.
May kasama siyang isang magandang babae. Halatang pamilyar sa café.
Nakaangkla ang braso ng babae sa braso ni William.
Umupo sila sa mesa hindi kalayuan sa akin. Pero ni isang sulyap, hindi niya ako binigyan.
Naramdaman ko ang paninikip ng lalamunan ko. Hindi dahil kay William mismo, kundi dahil sa mensaheng tila ipinaparamdam niya—na hindi ako mahalaga. Na hindi na ako bahagi ng kahit anong mundo niua.
Parang sinasadya niya. Yong pagpasok niya, yung kasama niya, yong klase ng tingin niya sa akin. Lahat may intensyon. Parang gustong ipakita sa akin na hindi ako kawalan sa kaniya—kundi ako ang iniwan, binitawan, at ngayon ay pinalitan.
Dahan-dahan kong ininom ang malamig na kape, pilit pinipigil ang kilig ng lalamunan ko na parang gustong umiyak. Hinihintay ko pa rin si Jeff. Pero habang lumilipas ang bawat minuto, habang paulit-ulit na nagbubukas ang pinto at iba-ibang tao ang pumapasok, alam kong hindi na siya darating.
Tumunog ang phone ko.
Isang notification lang mula sa delivery app. Hindi si Jeff.
Wala pa rin siyang reply. Wala pa ring email. Wala kahit anong palatandaan na may balak pa siyang ipaliwanag ang kawalang-hiyaang ito.
Tinitigan ko si William sa kabilang mesa. Tumatawa siya habang kausap ang babae. Parang wala akong halaga. Parang hindi ako nag-exist sa buhay niya.
Tumayo ako, pinilit manatiling kalmado. Kinuha ko ang notebook, isinuksok ang ballpen, at isinuot ang coat ko. Bago ako tuluyang lumabas, isang sulyap pa ulit sa mesa nila—pero gaya ng inaasahan, hindi man lang siya tumingin.
Naglakad ako palabas sa kabilang pinto—ying hindi nila makikita.
Huminga ako nang malalim. Ang lamig ng hangin sa Holand, pero mas malamig yong pakiramdam ng isang taong hindi pinili. Ng isang taong iniwasan. Tinanggihan. Binalewala.
Tanghali na nang makauwi ako sa condo unit ko. Tahimik ang paligid. May mga ilaw ng sasakyan sa kalye sa ibaba. Ang mga alaala ng coffee shop ay parang multong sumunod sa akin hanggang sa silid.
Pagkabukas ko ng laptop, agad akong nag-check ng inbox.
Wala pa ring email mula kay Jeff.
Tahimik ang notification ko. Mukhang niloloko niya lang ako. Hindi siya sumipot ni kahit reply sa mga email ko. Wala.
Binuksan ko ang drawer sa gilid ng mesa. Nandoon pa rin ang envelope.
Marahan kong binuksan ang sobre. Hindi ko napansin iyon kagabi.
Isang lumang picture. Group photo. Research symposium sa university. At nandoon siya—si Jeff. Pero bakit kasama niya sa larawan si William? At sa likod ng photo, nakasulat ang buong pangalan niya sa sariling sulat-kamay:
Jeffrey Elijah Ruiz.
Muntik kong mabitawan ang larawan. Nanlamig ang mga kamay ko.
Si Jeff... Naalala ko na, siya ang boyfriend ni Danica. Ipapakilala dapat siya noon sa akin ni Danica, subalit nakaalis na siya at malayo na. Nalala ko ang mukha niya. Kahit malayo ko siyang nakita, kilala ko ang tindig niya.
Umupo ako sa kama, hawak pa rin ang larawan, habang patuloy ang pag-ikot ng damdamin sa dibdib ko—galit, lungkot, pagkagulat, at higit sa lahat… pagkabitin.
Bakit hindi siya sumipot sa lugar kung saan kami dapat magkikita? At ano ang kinalaman niya kay William? Kilala niya ba si William?
At kung ayaw niyang magpakita o baka natatakot siya, ako na mismo ang maghahanap sa kaniya o pupibta. Dahil minsan, kahit takot tayong masaktan, mas mahirap ang mabuhay sa mga tanong na walang kasagutan.
Kinabukasan ng umaga, magkasalungat ang nararamdaman ko habang papasok sa RCA Holding Inc.— kaba at pagkadismaya. Kaba, dahil ito ang unang hakbang ko sa mundong ginagalawan ng ama kong si Mario Morales. At pagkadismaya, dahil hindi ko alam kung sarili kong kagustuhan ba ang pagtungtong ko rito, o isang bitag na may magandang balot lang.
Ang gusali ng RCA ay eleganteng moderno. Malalaking salamin, mataas na kisame, at mga taong naka-business attire na halos lahat ay mukhang kabisado na ang takbo ng korporasyong ito.
"Good morning, Ms. Jennifer Morales," bati ng receptionist. "Please proceed to the 17th floor. Orientation room is ready."
Napakurap ako. Pamilyar agad ang pangalan ko? Hindi pa nga ako nagpi-fill out ng kahit anong form. Pero hindi ko na tinanong. Umakyat na lang ako sa elevator, hawak ang ID badge na may pangalan ko, posisyong tinutumbok: Operations Trainee – Entry Level.
Paglabas ko sa 17th floor, andun na ang ilang bagong hire. Tahimik ang lahat, may kanya-kanyang hawak na papel.
Ilang sandali pa, bumukas ang pinto ng orientation room.
Pumasok ang tatlong lalaking pamilyar na sa akin sa pangalan:
Daniel Carters. Tahimik, malalim ang mga mata, matangkad at mukhang hindi madalas ngumiti. Siya raw ang utak sa likod ng mga restructuring projects ng RCA.
Pagkakita ko pa lang sa kanya, may kung anong kumislot sa loob ko. Isang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Parang may parte ng sarili ko na biglang kumalma, habang ang isa naman ay biglang kumirot. Hindi ko siya kilala nang personal, pero para bang matagal na siyang bahagi ng buhay to ko na hindi ko mabuo. Ang t***k ng puso ko'y bahagyang bumilis, at hindi dahil sa kaba ng pagiging baguhan, kundi sa isang hindi maipaliwanag na koneksyon.
Agad ko iyong itinago. Pinilit kong panatilihin ang mahinhing ekspresyon at hindi magpakita ng kahit anong emosyon. Hindi ito ang oras para magtanong ng mga bagay na wala pa akong sagot. Hindi rin ito ang lugar.
Reynold Johnson. Mas approachable ang dating, may dalang kape, mukhang sanay makihalubilo. Siya ang business development strategist.
Lorenzo Anderson. Kilala ko na siya. Ex-boyfriend ni Katrina. Ang awkward ng sitwasyon, pero nagkibit-balikat lang siya at ngumiti ng bahagya nang magtama ang mata namin.
"Good morning, team," bungad ni Reynold. "Welcome to RCA. You are now part of the operations pool. We hope to see you rise from the ground up."
Tumango lang ako, pilit pinapakalma ang t***k ng puso. Naroon sa unahan si Ms. Rica, ang HR supervisor. Siya ang nag-assist sa orientation.
Pero ang hindi ko inaasahan...
Dumating si Rayden Zyn Harris.
Pormal ang ayos niya, pero agad siyang nag-stand out. Suot ang signature mask niya na tumatakip sa kalahating bahagi ng mukha. Kilala siya bilang "ang pangit na bilyonaryo," pero hindi mo mararamdaman sa kilos niya na may tinatago siyang insecurity. Kumpiyansa, swabe, at may tinig na parang laging may kasamang biro kahit seryoso ang laman.
"So, ito pala ang bagong batch," aniya, paikot ang tingin. Tumigil siya sa akin. "Oh. The heiress joins the labor force. How poetic."
Napuno ng bulungan ang paligid. Alam nilang shareholder ako.
"Mr. Harris," sabat ni Ms. Rica. "Jennifer is here as an entry-level employee. Let's respect the merit-based process."
Ngumisi lang si Rayden. "Of course. I just love irony."
Pero sa loob-loob ko, alam kong hindi iyon basta biro. May gustong ipahiwatig si Rayden. Para bang sinasabi niyang alam niya ang dahilan kung bakit ako narito, higit pa sa nakasulat sa mga papel.
Sa likod, nakita ko rin si Papa. Tahimik lang siya, nanonood. Walang ekspresyon. Pero ramdam ko ang bigat ng titig niya. Para bang sinusukat niya ako kung sapat ba ako para sa mundong ito.
Sa gitna ng orientation, dumaan ang mga presentation: hierarchy, departments, chain of command, at expected timeline ng training. Lahat ay pormal, ngunit para sa akin, personal.
Hindi lang ito trabaho. Isa itong pagbabalik sa lugar na pilit kong tinakasan. Isang laban na hindi ko alam kung paano ko uumpisahan.
Pagkatapos ng orientation, nilapitan ako ni Lorenzo. "Uy," bati niya. "Hindi mo na kailangang magpanggap na hindi tayo magkakilala."
"Hi," maikling sagot ko.
"Mukhang malalim ang hugot mo ngayon," biro niya. "Buti na lang operations tayo pareho. Siguro, matutulungan kita."
Ngumiti ako, pero hindi ko masabi kung genuine o para lang matapos ang usapan. Hindi pa ako sigurado kung sino ang kakampi rito at sino ang bantay.
"Kumusta ka na? Mukhang okay ka naman," wika ko kay Lorenzo.
"Oo, naman! Okay na okay ako pagkatapos akong hiwalayan ng kapatid mo. Kumusta na siya?" Tanong ni Lorenzo sa akin. Hindi ko alam kung may tampo pa rin siya kay Katrina.
Alam kong oo. Pero kailangan Katrina hiwalayan siya, bago pa ni Papa malaman na siyang boyfriend ni Katrina.
"Ayos lang siya nasa bakasyon. Ang laki na ng pinagbago mo," nakangiti kong sabi kay Lorenzo.
"Malaki na talaga. Pero sikreto lang na isa ako sa may-ari ng kompanyang ito. Priority ko pa rin sa farm. Mas gusto ko magtrabaho kaysa rito." Tipid lang akong tumamo at ngumitig sa kanya. Hanggang sa tuluyan na itong nagpaalam sa akin. Una siyang lumabas.
Sa likod ng lahat ng ngiting iyon, isang bagay lang ang malinaw:
Nandito na ako.
At kahit entry-level lang ang posisyon ko, may hawak akong 7% ng RCA Holdings.
At sa mundong ito, hindi lang sipag ang puhunan. Kapag alam ng mga tao kung sino ka at ano ang dala mo— tiyak, may titindig at may lalapit.
Pagkalipas ng orientation, habang palabas na ako ng conference room, nilapitan ako ni Papa. Tahimik siyang lumapit, diretso ang tingin sa akin.
"Simula ngayon, ikaw na ang bahala sa shares," aniya. "Ipinasa ko na sa'yo, hindi para sa pakitang-tao, kundi para panagutan mo na rin ang pangalan mo."
Tumingin ako sa kanya. Wala akong sinagot. Pero sa loob ko, alam kong may binabalak na naman siyang masama.
"Ano ba talaga ang plano mo pa? Alam kong hindi mo basta basta bibitawan ang shares mo at ililipat sa akin kung wala kang binabalak na masama," naiinis kong sabi sa kanya.
"Huwag ka na ngang maraming tanong! Sumunod ka na lang sa gusto ko para wala kang problema. Gusto ko habang nandito ka sa loob ng kumpanya. Pag-aralan mo ang kilos ni Mr. Johnson. Balita ko wala pa siyang asawa. Bakit hindi mo siya akitin? O kaya 'yong pangit na bilyonaryo si Mr. Harris. Binata rin iyon. Pero ayaw ko magkaroon ng manugang na kasing pangit niya. Mag-focus ka na lang kay Mr Johnson. Kapag siya ang nakatuluyan mo, hindi na tayo mahihirapan pa. Matutuloy ko na ang plano ko na tumakbo bilang isang senador sa bansang ito."
Gusto ko na lang matawa sa mga inuutos sa akin ni Papa. Hanggang ngayon napaka ambisyo niya pa rin.
Parang gusto kong sabihin sa kanya na hindi nga siya naging mabuting ama sa amin ni katrina tapos magpapatakbo siya ng isang senador sa bansang ito?
Nakibit balikat na lang ako. "Sige na mauna na ako dahil may aasikasuhin pa ako," paalam niya sa akin at tuluyan ng umalis.