Ariah’s POV
Nang mamulat ako sa mundo, isa lang ang alam ko. Iyon ang maswerte ako dahil pinatnubayan ako ng Bathala upang masilayan ko ang lahat. Ang sayang-saya ko dahil isa akong parte ng kaniyang mga nilikha.
Gustong-gusto kong bumalik sa mga panahong iyon. Sa mga panahong wala pa akong mabigat na iniisip. Sa mga oras na kasama ko pa silang lahat, ngunit hindi lahat ng immortal ay pang habang buhay. Darating din ang oras na kukunin kami ng Bathala, at iyon ay kapag natapos na namin ang mahalagang misyon sa buhay. Mayroong hangganan ang lahat at alam kong may hangganan din ang hindi namin pagkakaunawaan ng kapatid kong si Dentrahs.
May isip na ako nang dumating siya sa amin at pumapasok na ako sa unibersidad ng mahika. Malinaw na malinaw pa sa isip ko ang lahat. Natatandaan ko pa ang bawat araw na ang saya-saya namin dalawa, lalong-lalo na kapag kasama namin ang aming ama’t ina. Buhay na buhay pa sa isip ko ang mga tagpong sabay kaming napapagalitan, katulad nang ginagawa ng anak ko. Gano’n din kami kakulit dati, nguti alam namin ang aming responsibilidad.
Ang lahat ng iyon ay parte na ng nakaraan at tanging isip na lang natin ang may kakayahan makabalik. Ang kakayahan ko namang makita ang hinaharap ang pinakaayaw kong gamitin, simula nang makita ko ang pagpanaw ng aming mga magulang. Ang inisip ko na lang no’ng mga panahong iyon ay kagustuhan ito ng Bathala, kaya’t nararapat na namin itong paghandaan. At sa mga susunod ay hindi ko alam na magtatayo ng rebelyon ang kapatid ko at nais akong pababain sa pwesto bilang reyna ng Astheria.
Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit? Hindi ko matanggap na pinagtaniman niya ako ng galit. Ano bang ginawa ko at siya’y nagkaganito? Kung ang pagsabi ko ng aking mga nakita sa kaniya ang dahilan, bakit kailangang umabot pa sa ganito? Maraming tanong ang pumapasok sa aking isipan ngumit isa lang ang alam kong sagot, kinulang siya sa pagmamahal. Tumigas ang puso nito sa galit nang pagkawala ng aming mga magulang. Ako ang sinisi niya sa lahat dahil nakita ko ang mga ito.
Alam ng lumikha na hindi ko ito sinasadyang makita. Binigyan niya lamang ako ng panaginip, na siyang mangyayari sa mga susunod at natitira pang oras. Hindi ko ito ginusto, naging daan lang din ako upang mapaghandaan kong saluhin ang maiiwan nilang trono. Upang ipagpatuloy ang kanilang sinimulan at patuloy na gabayan ang mga munting taong walang kamuwang-muwang sa immortal na katulad namin.
Hindi ko pa rin ito matanggap, kahit ilang libong taon na ang lumipas at lilipas pa. Kapatid ko siya at ayokong ituring itong mortal na kaaway. Alam ni Bathala kung gaano ko siya kamahal at hindi kailanman iyon magbabago kahit tinangka niyang hamakin ako. Marami pang oras upang siyang magbago at hindi pa huli ang lahat, iyon lagi ang panalangin ko. Maibabalik pa namin ang magandang samahan bilang magkapatid at maaapula pa ang naglalagablab na apoy ng galit na dala ng kadiliman. Pagsubok lang ito ng Bathala para sa amin.
Naramdaman ko na lang ang malambot na kamay at banayad na pagpahid ng aking anak sa mga luha kong hindi ko na namalayan pang tumutulo na. Labis pa rin akong nasasaktan kapag naaalala ko ang nakaraan dahil hindi ko pa rin ito matatanggap, kahit pa sabihin kong isa na siyang mortal naming kalaban. Sa puso ko ay isa pa rin siyang napakalaking parte sa aking buhay dahil kapatid ko siya, gaano man ito nagbago o naging masama. Pero hindi ko pwedeng suwayin ang bathala, dahil siya na mismo ang nagsabing dapat na namin itong kamuhian.
Naguguluhan ako at nagiging emosyonal sa tuwing ako’y nagbabaliktanaw. Ayoko mang umiyak sa harapan ng aking anak ngunit alam kong ito na ang tamang panahon upang malaman niya ang lahat. Alam kong marami pa siyang pagsubok na dadaanan sa buhay at ngayon ay akin nang sisimulan. Magiging palaisipan ito sa kaniya at ito ang magiging unang pagsubok na kaniyang tatanggapin bilang prinsesa ng Astheria.
“Tahan na, aking ina,” malambot na ani nito at saka ako mahigpit na niyakap. Inilapat niya ang ulo ko sa kaniyang dibdib at marahan itong hinaplos-haplos.
Mas lalo akong napaluha dahil doon. Kay bilis nga namang lumipas ng mga araw. Ang dating ako lang ang yumayakap at nagpapatahan sa kaniya ay siya naman na ngayon sa akin. Dalaga na nga ang anak ko, mas naiintindihan na niya ang damdamin ng isang ina. Hindi na lamang paglalaro ang nasa isip niya dahil marunong na itong mag-alala sa mga taong malalapit sa kaniya, lalong-lalo na ang kaniyang ama.
Ilang saglit lang din ay ako na ang kumalas sa aming yakapan at mabilis na inayos ang sarili. Ngumiti ako dito at saka ko inipit ang kaniyang buhok sa likuran ng tenga nito. Kamukhang-kamukha niya nga ang kaniyang ama at parang babaeng bersyon siya nito. Masaya akong dumating sila sa buhay ko, sa kabila ng mga hindi magandang nangyari.
“Ngayon, Ayehster, nalaman mo na ang lahat. Anak, nasa tamang edad ka na, mas lumalalim na ang pang-unawa mo sa buhay at sa mga dadaan pang mga araw ay alam kong lalawak pa iyan nang lalawak, hanggang sa maintindihan mo ang paligid mo. Hindi madali, bilang isang pinuno ang responsibilidad na ating ginagampanan ngunit nakikita kong mapagtatagumpayan mo ang lahat basta’t pinag-iisipan at ginagamitan ng puso.” mahahabang saad ko dito, habang nakahawak sa kaniyang mga kamay. “Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita at nandito lang ako sa tabi mo upang gabayan ka sa mga desisyon mo sa buhay,” dagdag ko pa.
“Salamat, mahal ko ina,” maikling sagot naman nito ngunit sa mga apat na salitang iyon ay damang-dama ko sa nag-uumapaw na pagmamahal.
‘Isa siyang mapagmahal na anak at prinsesa,’ ani ko pa sa aking isipan.
Marami pa akong naikwento sa kaniya ngunit hindi naman na siyang nagtanong pa at tahimik lang na nakikinig sa akin. Hindi niya man sabihin pero kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang napakaraming katanungan na gusto niyang masagot nang detalyado. Alam kong sa mga susunod pang mga araw ay matutuklasan niya rin ito. Iyon ang gusto kong maging una niyang misyon, habang hindi pa siya pumapasok sa unibersidad ng mga mahika. Hindi niya man pansin ngunit binibigyan ko na siya ng ilang pansariling misyon upang mahasa at tumalas ang kaniyang pag-iisip, dahil magagamit niya ito sa darating na panahon.
Hindi na rin kami nagtagal pa sa lugar na iyon dahil mas lalo lamang sumasama ang aking pakiramdam sa mga dala nitong alaala. Nang makalabas ay sinalubong naman na kami ng mga dama. Inihatid ko naman ito sa kaniyang silid kasama ang mga dama at si Vytariah. Hinalikn ko pa siya sa noo at pagkatapos ay nagpaalam na ako upang makapagpahinga na rin.
Balisang-balisa ang aking pakiramdam pagkapasok ko sa kwarto. Ang bigat-bigat ng aking dibdib, na siyang dahilan upang hindi ako mapalagay. Ilang beses pa akong nagpapabalik-balik sa paglalakad sa harapan ng aking kama sa kakaisip sa lahat, hanggang sa matagpuan ko na lamang aking sariling nakaluhod at nakapikit, habang taimtim na nananalangin kay bathala.
“Oh, Diyos, na kay dakila sa lahat, naparito na naman po ako sainyong harapan upang humingi ng kapatawaran sa aking mga pagkakamali, gayundin ang mga nagkasala sa akin. Hindi ko po alam kung paano ko pa poi to sasabihin, ngunit narito na naman po ako sa sitwasyon labis akong nasasaktan sa aming nakaraan. Tulungan niyo sana ako, dakilag ama, nang sa gano’n ay maalis sa aking isipan ang mga ito at maglaho sa aking puso ang bigat at sakit na dala nito. Maraming-maraming salamat po sa lahat ng pagpapala. Buong puso ka po naming dinadakila, aming ama.” mahinang sambit ko habang pikit matang lumuluha.
Pagmulat ko ng aking mga mata ay tila nahimasmasan na ako, doon ay naramdaman ko ang presensya ni bathala na para bang hinaplos nito ang nasasaktan kong puso. Pagkatayo ko naman ay naglakad na ako patungong balkunahe at tumingala sa itaas. Ang napakaliwanag na araw ay nakatirik na, dininig ni bathala ang mga hinaing ko sa mga oras na ito.
“Maraming salamat sa iyong kabutihan, dakilang bathala,” ani ko pa nang nakangiti, habang nakatingala pa rin sa langit.
Matapos iyon ay nagpalit na ako ng damit na pantulog at saka na rin humiga sa malambot at may kalakihan kong kama upang makapagpahinga na. Doon ay hindi ko na nalamayang naipikit ko na ang aking mga mata. Dahil na rin siguro sa emosyonal na pagod ay dinala na ako ng antok.
SA KALAGITNAAN ng aking pagtulog ay naalimpungatan ako dahil sa naririnig na pagsitsit at pagtawag sa aking pangalan. Dahil doon ay mabilis akong bumangon at sinundan ang boses a nagmumula sa madilim na bahagi ng aking silid. Hindi ko alam ngunit biglang kumabog nang malakas ang dibdib ko sa kaba at ang tangin nagawa ko na lamang ay ihanda ang aking sarili. Bilang reyna ng kaharian ito ay wala dapat akong katakutan maliban kay bathala.
Mabilis kong inihanda ang kapangyarihan ko sa aking mga palad at itinago ito sa aking likuran. Dahan-dahan akong lumapit dito at mas lumakas ang pagtawag nito sa aking pangalan. Hindi pamilyar ang boses nito at alam kong ngayon ko lamang ito narinig, ngunit mayroon akong kakaibang nararamdaman.
“Sino ka upang gambalain ang pagtulog ko? Alam mo bang malaking paglabag sa mga patuntunan ng Astheria ang iyog ginagawa? Lumabas ka d’yan at sabihin ang iyong pangalan!” Malakas kong saad at inaabangan ang kaniyang paglabas.
Kahit na sa madili ma sulok nanggagaling ang boses na iyon ay nagmamasid pa rin ako sa aking gilid at likuran. Palakad-lakad lang akong at pinapaikutan ang parte kung saan maririnig ang mahina nitong tinig. Hindi na rin naman nagtagal ay kita ko na ang isang malaking anino. Natigilan ako sa aking kinatatayuan nang masilayan ko ang tindig ng katawan nito lalo na nang makita ko ang kaniyang mukha at magtagpo ang aming mga mata. Ang tanging nagawa ko na lamang ay mapatakip ng bigbig sa labis na pagkagulat.
“Ako ito, si Dentrahs, mahal kong kapatid.”
Tila nanghina ang aking mga tuhod nang marinig ko ang sadyang napakagandang baritonong boses niya. Totoo ba ang lahat ng ito? Totoo bang nasa aking harapan ang kapatid ko? Nagbalik-loob na kaya siya kay bathala? Tanging saya lamang sa aking nararamdaman sa mga oras na ito. Masayang-masaya akong makita siyang muli sa original nitong anyo.
“D-Dentrahs, mahal kong kapatid!” Tumakbo ako papunta sa kaniya upang yakapin ito at nang malapit na ako dito puot ang aking nakikita. Hindi ko maintindihan ngunit bigla na lamang siyang naglaho. Imbis na sa mga bisig ng aking kapatid ang aking paroroonan ay isang magulong-magulong lugar na siyang napakalahaga sa akin, ang Astheria.
Paanong nangyari ang ganito? Nasaan na ang kapatid ko? Bakit nagkakagulo na ang lahat sa napakatahimik kong kaharian?
Habang nakatayo ako a gulong-gulo sa mga nakikita ay gano’n na lamang ako kilabutan nang marinig ko ang nakakakilabot na boses ng isang demonyo. Ang itim na itim nitong balat, mapupulang nga mata, mahahaba at matutulis na kuko, dalawang naglalakihang pangil at sungay, at ang pakpak maging ang buntot nitong nag-aapoy. Hindi ako makapaniwala, ito ang tunay na Dentrahs at tuluyan na niyang nasakop ang nagniningning na Astheria.
“Hindi!” Malakas at mahabang sigaw ko at mabilis na napabangon sa aking kama. Habol-habol ko pa ang aking paghinga, habang pawis na pawis ang katawan. Hindi ito pwedeng mangyari! “Oh, Diyos ko. Anong sama ng pangitaing ito? Nawa’y hindi mo ito hahayaang mangyari sa amin, nagmamakaawa ako sa’yo.” saad ko pa habang tinutungo ang balkunahe at hawak-hawak ang aking dibdib.
Mahipit akong napakapit sa aking sa mga rehas ng aking balkunahe at pinagmasdan ang napakagandang kabuuan ng kaharian. Ipinikit ko ang aking mga mata at pinakiramdaman ang katahimikan ng lahat. Hindi ko hahayaang maisakatuparan ang lahat ng aking nakita.
“Dentrahs, kapatid ko. Anong nagawa kong ikinagalit mo sa akin at ika’y nagkaganito? Minahal kita nang higit pa sa buhay ko, ngunit hinayaan mong balutin ng kasamaan ang iyong puso.”