Third Person’s POV
Mula sa mataas na bahagi ng kalangitan ay natatakpan ng mga ulap ang maliwanag na kaharian ng Astheria. Sa pagbubukas ng tarangkahe nito ay nagkikislapang mga nilalang ang makikita. Para itong paraiso dahil sa nababalot ang buong lugar ng ginto. Sa tutok naman ng palasyo ay makikita ang apat na pangunahing kulay, ang pula, asul, dilaw at berde na siyang sumisimbolo sa lakas, kapayapaan, ilaw ng landas at buhay.
Parang nagsasaya palagi ang mga mamamayan dito sa kanilang labis na kasiyahan sa isa’t isa. Sa apat na sulok nito ang maraming kaganapan, tulad na lang nang banda sa kanilang pagkanta na humihimig sa buong lugar, mga batang nag-eensayo sa pagbibigay ng ilaw kasama ang mga alitaptap at mga Dama na tumutulong sa loob ng palasyo.
Sa loob naman ng isang malaki at magandang kwarto sa loob ng palasyo ay makikita ang nahihimbing na babae sa kaniyang pagtulog. Nagpuyat na naman kasi siya para sa isang bagay na gusto niyang matapos. Walang ibang nakakaalam nito kun’di siya lang at si Vytariah, ang kaniyang alalay at matalik na kaibigan simula pa noong isilang siya.
Nasa gano’n siyang pagtulog nang pumasok ang kaniyang ina upang silipin siya. Gabi na kasi at kailangan na siya sa palasyo. Buong umaga lang siyang natulog, na sa kanilang kaharian ay oras nang pagpapahinga at ang gabi naman ang oras nang pagkilos o pagtatrabaho.
Napapailing na lang ang reyna nang makita ang itsura ng kaniyang anak. Humihilik kasi ito at nakanganga pa. Hindi ‘yon normal na pagtulog ng isang maharlikang katulad nila at nakakahiya ‘yon kapag nakita ng iba. Maya-maya pa ay gumulong-gulong pa ito sa kama na ikinatawa naman ng ibang bituing yaya.
‘Hay naku…nagpuyat na naman siguro ang batang ito.’ Napapabuntonghininga niyang saad sa kaniyang isipan bago ayusin ang pagkakakumot ng kaniyang mahal na anak.
Naupo pa siya sa tabi nito at pinagmasdan ang mukha na gayang gaya sa kaniyang ama. Hinaplos niya ito at saka hinalikan ang noo. Sa isip-isip ng reyna ay ang kaniyang anak ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Binigyan siya ng panginoon ng makakaagapay upang protektahan ang mga tao sa lupa.
“Napakalaki mo na Ayehster, anak. Parang kailan lang noong kinakarga ka pa namin ng iyong ama sa aming mga braso at ika’y ihele. Pero hanggang ngayon ay malikot ka pa ring matulog,” nakangiting pagkakausap niya sa anak na prinsesa.
Napayakap naman sa isa’t isa ang tatlong bituing yaya sa may pintuan nang makita nila kung gaano kamahal ni Reyna Ariah ang kaniyang anak. Sa nagniningning kasing gintong aura nito ay meron din kasi siyang ginintuang puso sa lahat dito sa Astheria. Laking pasasalamat nila sa lumikha na siya ang ibinigay nilang pinuno sa kanilang mahiwagang kaharian.
“Napakabait talaga ni Reyna Ariah, Lyih at Pum. Ang swerte-swerte natin dahil meron tayong mabait at mapagmahal na reyna dito sa kaharian, lalo na si Haring Moluchas at Prinsesa Ayehster,” saad ni Gyeh sa mga kaibigan.
“Oo nga, Gyeh! Hindi lang ang kaniyang pamilya, kun’di pati na ang dalawang kaharian. Gano’n rin naman kasi ang Hari,” sagot naman ng dalawa sa kaibigan.
Sila namang tatlo ay ang nagsisilbing Dama o bituing yaya ng Reyna. Tatlo silang babae at mula sa iba’t ibang malalaking pamilya dito sa Astheria. Nadestino naman sila dito upang gampanan ang kanilang tungkulin, ang tulungan at protektahan si Reyna Ariah.
Unahin natin ang pamilya ni Gyeh. Ang kaniyang ama ang pinuno ng mga gwardya sa kaharian at ang kanilang lahi ay nagsisilbing tagabantay sa buong kaharian. Kung kaya’t bilang natatanging babae sa kanilang angkan ay ipinadala naman siya sa palasyo upang magsilbing tagapagprotekta sa reyna.
Sumunod naman ang pamilya ni Lyih. Siya naman ay nagmula sa angkan ng mga liwanag at nagbibigay ng ilaw sa madilim na gabi. Nagsisilbi siyang gabay ni Reyna Ariah sa lahat ng kaniyang paglalakbay.
Panghuli naman ang masipag na pamilya ni Pam. Sila ang nagbibigay ng pagkain sa kaharian o sa madaling sabi, ang kaniyang pinagmulan ay siyang bahala sa tubig at pagsasaka. Nagmumula sa kanila ang ikabubuhay ng lahat. Tungkulin naman niyang hatiran ng mga masasarap na pagkain ang reyna at prinsesa sa palasyo.
Babae man silang tatlo ngunit nasanay pa rin sila sa upang makipagdigma. Dito sa Astheria ay walang hindi maibibilang sa pagsasanay mula edad walo hanggang dise-otso o wastong gulang. Kinagawian na ito sa buong kaharian magmula nang gumawa ng rebelyon ang dating prinsipe na si Dentrahs, na ngayon ay hari na ng kadiliman.
Ginawa ito upang matuto ang lahat na protektahan unang-una ang kanilang sarili, ang kaharian at ang mga tao sa lupa. Nagkakaroon rin ng patimpalak dito kapag unang araw ng taon at ang lahat ay maaaring sumali, basta alam mo ang panuntunan. Ang punong gwardya kasi ang magdedesisyon kung sino ang mananalo, habang pinapanood ito ng lahat.
Sa mga araw na ‘yon ay aliw na aliw ang lahat, lalo na ang mga magulang sa kanilang mga anak. Napakagagaling nila at hindi mo aakalaing sila’y bata. Maswerte rin ang mananalo dahil titira ito sa palasyo at mabibigyan ng tsansa upang pumili ng gugustuhing tungkulin, maliban na lang sa mga personal na bagay, tulad ng pag-aasawa. Sa halip ay binibigyan rin nila ng premyo ang pamilya ng mananalong kalahok.
Matapos namang tingnan nang reyna ang kaniyang anak ay iniwan na rin niya ito at baka magising. Alam niyang may ginagawa si Ayehster pero hindi siya sigurado kung ano ito. May tiwala naman siya sa kaniyang anak, kaya hinayaan na lamang niya ito.
Samantala, pagkaalis naman ng kaniyang ina ay bumangon si Ayehster mula sa pagkukunwaring natutulog. Lumabas naman si Vytariah mula sa pagtatago sa silong ng kaniyang kama. Napapabahing pa ito habang hawak-hawak ang medyo may kataasang ilong.
“Ano ba ‘yan, Ayehster, kung saan-saan mo naman ako pinagtatago. Mabuti na lang mabilis ako, kun’di lagot tayo sa ina mo kapag nalaman niya ‘to,” pagrereklamo pa niya sa magandang dilag na nasa kaniyang harapan, na impit namang tumatawa.
“’Wag mong lakasan ‘yang boses mo at baka marinig tayo,” banta naman niya dito habang ang kaniyang hintuturo ay nakalagay sa bibig. “Walang makakaalam kung hindi mo sasabihin,” dagdag pa niya sa mahinang tono bago ulit tumawa.
“Ikaw talagang bata ka, naku… Kung hindi ka lang malakas sa akin, baka isinumbong na kita. Ayehster, lagot talaga tayo kapag nalaman ito ni Rey,” makulit pang saad niya ulit ngunit hindi na niya naituloy pa ito.
“Ang kulit mo naman! At saka para rin naman ito sa mga tao, kaya makisama ka na lang, Vytariah.” Pang-a-under niya sa kaniyang munting alalay, mula sa pag-aanyong bituin nito. Wala na rin naman siyang nagawa pa kun’di tumango at pumayag sa kagustuhan ng kaniyang pinakamamahal na prinsesa.
‘Oo, na lang… Kung mahuli man kami, may kasama na akong mapapagalitan pero ‘wag naman sana. Mga kalokohan ng alaga ko, pati tuloy ako nadadamay. Hahaha!’ Sambit na lang ni Vytariah sa kaniyang isipan.