NOVEL’S POINT OF VIEW
Kinaumagahan ay napagdesisyonan ko nang bumangon kaagad upang maghanap ng trabaho. Nakita ko ang dress na regalo sa amin ni Sherly. Mukhang okay na rin ito ang aking isuot at maayos din naman para makapaghanap ako ng trabaho.
Mabilis akong naligo at isinuot ang pantalon at kulay puting blusa. Sinuot ko na kaagad sapagkat alam ko namang nilabhan na ito ni Sherly bago pa binigay sa akin.
“Bagay na bagay lang sa katawan ko,” ani ko nang nakangiti. Napatingin ako sa dalawang dress at napangiwi, nais kong suotin 'yon pero saka na lamang. Hindi ko alam kung ano pumasok sa isipan ko at dinala ko ang dalawang dress.
“Novel?! Novel!” Mabilis akong bumaba agad nang marinig si Sherly na tinatawag ako. Nang buksan ko ang pinto ay bumungad siya sa akin habang may dala-dalang agahan. Ang kaniyang paningin ay napunta sa kasuotan ko.
“Ang taray! Bagay na bagay sa’yo!” Papuri niya.
“Salamat ulit dito!”
“Wala ‘yon! Para sa’yo pala, para malakas ang katawan habang naghahanap ng trabaho!” Masiglang-masiglang sabi niya na ikinatawa ko na lamang.
“Salamat ulit! Nakakahiya na Sherly pero maraming salamat!” Wala na akong panahon pa para tumanggi kahit na nahihiya ako sapagkat ‘di ko na kayang tiisin ang gutom. Binabalak kong huwag na mag-almusal para magamit ang pera sa pamasahe pero nagpapasalamat ako at narito si Sherly.
“Huwag ka na mahiya! Saka parang ‘di pa nga sapat ang mga ‘yan para makabawi ako sa’yo. Sa pagligtas mo sa akin noon sa aksidente,” tugon nito habang nakangiti.
“Maraming salamat ulit! Saka huwag mo na ring isipin yan. Sobra-sobra na nga yata ang naitulong mo sa akin kung ikukumpara sa naitulong ko sa’yo noon. Salamat muli!” wika ko habang nakangiti.
“Walang anuman iyon, Oh siya, aalis na rin ako at pupunta na ako sa school. Ba-bye!”
“Bye! Mag-iingat ka,” ani ko.
“Ikaw rin, sana makahanap ka rin ng trabaho!”
Pagkaalis niya ay agad kong sinara ang pinto at mabilis na nilagay sa lamesita ang makakakain. Mabilis kong inubos ang sinangag na kanin na sinamahan ng hotdog at tuyo. Pagkatapos ay nagsipilyo ako at muling inayos ang sarili para sa paghahandang maghanap ng trabaho. Pagkalabas ko pa lamang ay sinalubong na ako ng sinag ng araw na tumama sa balak ko.
“Sana naman makakuha na ako ng trabaho . . .” Nakapikit ako habang binibigkas ang mga katang iyon. Pagkatapos ay nagsimula na ako maglakad-lakad muna at umaasa lamang kung may makikitang trabaho.
Subalit, inabot na yata ako ng tanghali pero hindi pa rin ako makahanap. Mas mainit na ang sinag ng araw at nakaramdam na rin ako ng pagkagutom. Ayoko na ring gastusin masyado ang pera kaya tinipid kong muli ang sarili. Bumili na lang akong biskwit at ang inumin ay ang dala-dalang baong tubig.
Pagkatapos ay sumakay ako ng tricycle patungo sa may kalayuang mall. Umaasa na lamang din akong may mahahanap akong trabaho roon.
“Bayad po kuya,” ani ko at ibinigay ang bayad ko sa driver. Pagkatapos ay pumasok ako sa mall at lumingon sa paligid. Kasabay din ay pagtanong-tanong ko kung may bakante pa bang pwedeng pasukan ng trabaho lalo na bagong bukas lamang din ang mall. Pero lagi akong bigo dahil wala rin akong mahanap na trabaho. Malapit na sumapit ang dilim kaya nagpahinga muna ako bago nagdesisyong umalis na sa mall.
Sakto ring paglabas ko ay siyang pagbuhos bigla ng ulan. Hindi ko iyon inaasahan, dahil wala akong payong ay napabalik ako sa mall para sumilong hanggang tumila ang ulan. Nais kong bumili ng payong pero mahal ang presyo at kukulangin na badyet ko para sa mga susunod na araw.
“Buhay mahirap nga naman,” bulong ko sa sarili at napabuntonghininga. Naalala ko ang buhay ko noon, nakatira man sa mansion, inaakala man ng nakararami sa labas ng mansion na ang dami kong pera habang nasa puder ako ng adoptive parents ko, nagkakamali sila. Kung ikukumpara ko ang buhay ko ngayon sa buhay ko noon ay mas nanaisin ko na lang ang buhay ko ngayon. Mas mahirap man sa pinansyal pero mas gumaan na rin ang dating sobrang bigat kong kalooban.
Madilim na ang paligid nang tumila ang ulan kaya naisip kong maghanap muli ng trabaho kahit gabi na. Pero may basang parte pa rin sa suot ko dahil sa pag-ulan kanina at madumi na rin. Minsan ay nadarama ko pa ang pagtitig ng ibang tao pero hindi ko na lamang din pinansin. Dire-diretso akong lumakad patungong palikuran at ako lamang ang tao roon dahil kalalabas lamang ng iba.
Ginamit ko ang tubig sa gripo para maghugas ng kamay at maghilamos. Pagkatapos ay napatingin ako sa loob ng bag na dala-dala ko.
“Susuotin ko ba ito?” tanong kong muli sa sarili ko at sa huli ay pinili ko ang dress na kulay itim at puti. Pumasok ako sa isang cubicle at hinubad ang suot na pantalon at blusa at sunod ay isinuot ang dress,
“Susmiyo! Ano ba itong ibinigay sa aking dress ni Sherly!” tanging nasabi ko matapos makita ang kabuuan ko ngayon. Hapit talaga ang dress at kita ang kurbada ng katawan ko. Off shoulder ang dress at medyo kita rin ang aking dibdib. Hanggang kalahati yata ng hita ko ang haba ng dress. Napalabas ako sa cubicle at tiningnan ang sarili sa salamin. Nilugay ko ang kaninang nakatali kong buhok at isinuot ang itim na sapatos na ‘di kataasan ang takong at sinuguro rin ito noon sa akin ni Sherly na matibay ito kahit basa ang daanan.
Habang tumatagal ay napapangiti ako. Nagagandahan ako sa sarili ko, pakiramdam ko ang hangin ko na sa isiping iyon. Biglang may pumasok na ilang kababaihan at napatingin sa akin. Agad naman akong yumuko at inayos na lang ulit ang damit na at sapatos na binalot ko at nilagay sa bag. Pagkatapos ay naglagay ng pulbos sa mukha at tamang shade ng lipstick na bigay lang din ni Sherly sa ‘kin.
“Ang ganda niya!”
“Super! Sana lahat ganiyan, mag-diet na talaga ako!”
“Seryoso ka? Hindi yata uso sa’yo ang salitang diet!”
Nagtawanan ang babaeng magkausap. Napangiti muli ako dahil sa narinig sa kanila. Pagkatapos ay lumabas na ako ng palikuran at nakayukong naglalakad dahil ‘di ko maiwasang hindi mailang habang nakatingin sa akin ang mga tao.
Pagkalabas ko ay siya ring pagkakita ko sa isang bar katapat ng mall. Desperado na akong makahanap ng trabaho kahit waitress lang sa bar ay ayos na rin. Pansamantala lamang hanggang makahanap ako ng iba pang trabaho.
“Sana lang makahanap na ako ng trabaho ngayong gabi,” hiling ko at kasabay n’on ang pagtunog ng aking tiyan. Palatandaang gutom na ako pero ininuman ko nalang iyon ng tubig at tumawid. Parang lumiwanag ang mundo ko nang makita ang senyas sa bar na naghahanap ng isang waitress kaya agad akong pumasok sa loob kasabayan ng ibang tao pero kaagad may pumigil sa akin.
“Miss, ID muna bago ka namin tuluyang hayaan dito sa loob. Pasensya na po at kailangan para may patunay na legal age na po kayo,” saad ng guard. Napahinga ako nang maluwag at ipinakita ang ID na nais nila.
“Sorry po ‘di ko naipakita ID ko. Na-excite lang po dahil nakita ko po naghahanap pa ng waitress ang bar na ito,” ani ko.
“Ay, pasensya na po Miss at yung nakita niyo pong sign kanina ay katatanggal lamang din dahil may nahanap na raw. Wala na pong bakante, pasensya na miss,” saad ng guard kaya tila nawalan na naman ng liwanag ang mundo ko.
“G-Ganoon po ba? Sige po, lalabas na rin po ako. Salamat po sa pagsabi!” wika ko at nauna na ring bumalik ang guard sa puwesto nila ng kasamahan niya. Nakayuko at dahan-dahan akong naglalakad nang may mabunggo ako bigla dahil may nakatulak sa akin. Muntik na kaming matumba ng nabunggo ko na natitiyak kong isang makisig na lalaki, mabuti na lamang ay nabalanse niya ang pagkakatayo at nasalo ako.
Dahan-dahan kong inangat ang paningin ko at natulos. Hindi ako makapaniwala ngayon. Nakakaakit ang kaniyang mga titig, napakaguwapo ng mukha at tila may nag-uudyok sa akin na ilapat ang labi ko sa kaniyang labi. Higit sa lahat, sa unang pagkakataon ay naramdaman kong bumilis nang sobra-sobra ang pagtibok ng puso ko.