CHAPTER 1 - ANG UMIIYAK NA BATA

798 Words
Year 1989 . . . Isang bata ang pumalahaw ng iyak nang ‘di makita ang kaniyang ina sa pagmulat ng mga mata. Paulit-ulit niya itong tinatawag habang yakap-yakap ang sarili at nakaupo sa sementadong sahig sa labas ng isang bahay ng ‘di kakilala. “M-Mama! Mama!” Paulit-ulit na pagtawag ng musmos na dalawang taong gulang na bata sa kaniyang inay. “Mama!” Pag-uulit niya at nakuha niyon ang atensyon ng isang katulong sa loob ng malaking bahay. Agad nitong binuksan ang tarangkahan at nakita ang nakakaawang bata. May isang bag sa tabi nito at hinala niya’y gamit iyon ng bata. Nilapitan niya ito kaagad at maluha-luha sa sobrang pagkaawa rito. “Diyos ko po! Ayos ka lang ba? Ha?” tanong ng babaeng may katandaan na. “M-Mama . . .” “Mama? Nasaan ang mama mo?” Umiling-iling ang bata habang patuloy pa ring umiiyak. Sakto rin ay lumabas ang amo ng babae at nagtaka kung bakit bukas ang tarangkahan. Doon na rin nito nakita ang nakakaawang bata na kinakausap at pinapakalma ng katulong na si Linda, “Ate Linda, sino ang batang iyan? Susmiyo! Nakakaawa ang hitsura!” Nag-aalala rin itong lumapit sa bata at pinapakalma rin. “Hindi ko po alam Madam, basta narinig ko na lang na may umiiyak na bata at ito nga po. Nakakaawa nga po eh, kanina pa iyak nang iyak at hinahanap ang kaniyang ina,” sagot ni Linda na naiiyak. “Ipasok muna natin siya sa loob at dalhin na rin natin ang bag. Pagpahingahin muna natin ang bata at saka natin kausapin para matulungan siyang ibalik sa kaniyang ina,” tugon ng among babae at pagpasok nila ay nakita rin ng asawa ng amo ang bata at nakaramdam din ng awa sa paslit. Nakatulog muli sa panghihina ang bata. Pinalitan nila ito ng kasuotan at pinunasan para malinis ang katawan. Ang damit na isinuot dito ay mismong nakapaloob sa bag. Nakalagay din doon ang isang porselas na may pangalang Novel at isang larawan na walang pangalan. Sa kanilang palagay ay ito ang ina ng bata. May sunod pa silang nakitang larawan na may nakasulat na siyang kaarawan ng bata. “Kapag hindi natin nahanap ang ina ng bata o walang tumugon sa panawagan natin ay aampunin na lang natin siya,” wika ng babaeng amo ni Linda na si Inna. nakatitig ito sa batang natutulog. Payag din ang asawa nitong si Limyel na ampunin ang bata kung ganoon man mangyari. May limang buwang gulang na ring paslit ang mag-asawa. Natutuwa si Linda sa naririnig mula sa kaniyang amo. Nang magising ang bata ay tulala lamang ito at ‘di nila makausap. Nakahinga lamang silang maluwag nang kinain nito ang hinain ni Linda. Pagkatapos ay titingnan lamang sila nito at yuyuko. Noong tinanong naman nila kung Novel ba ang pangalan nito ay tango lamang ang sinagot. Sinubukan nila manawagan at humingi ng tulong na mahanap ang pamilya ng bata na si Novel pero lumipas na ang mahabang panahon pero wala pa rin kaya roon na inampon ni Inna at Limyel si Novel. Mula noon ay naging Novel Cruz na ang pangalan nito. Nanumbalik din ang sigla ni Novel sa paglipas ng ilang buwan. Subalit, hindi nagtatapos palagi ang lahat sa masaya. Dalawang taon ang lumipas. Naglalakad ang apat na taong gulang na si Novel habang hawak ang kamay ni Yena, ang dalawang taong gulang na anak nina Inna at Limyel. Walang nakapansin na patungo ang dalawa sa swimming pool dahil lahat ay abala sa oras na ‘yon sa gaganapin na birthday party ni Yena. Umupo ang dalawang paslit sa gilid ng pool at naglalaro. Sabay na ginagalaw ang mga paang nakalubog sa tubig dahil nakapwesto pareho ito sa may pinakamalalim na parte ng swimming pool. Maya-maya pa’y sa sobrang pagkawili ng dalawa sa paglalaro ay aksidenteng natulak ni Novel si Yena at hindi ito makalangoy. Iyak nang iyak si Novel habang humihingi ng tulong. Wala kaagad na nakarinig dahil abala at may malakas pang music. Hanggang sa saktong pagtalon ni Novel sa pag-aakalang masasagip si Yena, doon nakita ni Linda ang mga bata na nalulunod at agad humingi ng saklolo. Lahat ay napatakbo sa swimming pool at nakuha nga ang dalawang bata, ngunit nag-aagaw buhay na. Ang nakaligtas lamang niyon ay si Novel at namatay mismo si Yena sa kaarawan niya. Napanood nila Inna ang footage ng CCTV at nalaman ang pangyayari. Walanag nakapansin sapagkat ang mga nakabantay dapat ay naging abala sa pag-aasikaso ng mga bisita. Ang lahat ng sisi ay napunta sa isang batang paslit na inosente pa ang pag-iisip. Hindi naisip ng mag-asawa at ng ilan ang kapabayaan din nila sa pangyayari. Tanging si Linda at iilang katulong lamang simula niyon ang nalalapitan ni Novel na walang galit sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD