Pero malayo kasi ang ugali ko sa kanila pagdating sa mga ganitong bagay. Hindi ako mahilig sa mga gwapo at lalong... wala akong interes sa mga lalake.
"Saka ano ka ba, Allie? hindi naman seloso ang mga jowa namin!"
Kahit na siguro.
"Nakita ninyo ba si Karlos?" tanong ko na lang, pag-iiba ko ng usapan dahil wala talaga akong maiaambag sa gwapo-gwapong usapan nila.
"Ay, iyon lang. Hindi pa. Hinahanap mo ba?"
"Oo, magbebenta ako ng sea urchins saka pinabibili ako ng lola ng seafood."
Napatingin ako sa kalangitan, dumidilim at mukhang uulan pa ata. Nagmadali na ako sa paglalakad.
"Maaga pa naman rin kasi, Allie. Baka kalahating oras pa umahon si Mang Kaloy. Pero kung gusto mo mag-abang ay baka nasa kubo, baka andon rin si Karlos at naglilista ng mga order sa tatay niya," sabi ni Gwen.
"Kami ay babalik na rin, sana makita mo yung mga gwapo!" sabi naman ni Pia.
Naku, kahit hindi na.
Tumigil ako sa paglalakad at tumingin sa kanila.
"Sige, ingat kayo pabalik. Kita-kita na lang sa school."
"Ikaw rin, Allie! saka pinapasabi ni Ma'am Zapanta yung rehearsal daw ng Miss Intrams bukas ng tanghali, huwag mo raw kalimutan."
Nalukot ang mukha ko. Ayoko nga sumali doon sana pero sabi ni Ma'am Zapanta sumali lang daw ako safe na ang attendance ko. Sa kaniya kasi ako malapit nang madrop. First subject ko kasi ang MAPEH at tuwing umaga nahuhuli ako at hindi na minsan nakakapasok dahil sa pagsisid sa dagat.
Ang totoo, last year pa ako kinukuha ng teacher ko na 'yon, sabi ko ayoko kasi nakakahiya. Mas matanda kasi ako sa mga kaklase ko, labing siyam na taong gulang na ako pero patapos pa lang ng highschool tapos mga kalaban ko magkakaedad.
Isa pa, wala kong ganoon confidence. Pero pagkabanggit niya kanina na safe na ang attendance ko ay napa-oo ako agad.
Hindi ako pwede ma-drop, eh. Sasabunutan ako ng lola, makukulot lalo ang buhok ko tapos hindi ppa ako makakagraduate.
"Hay..." napatingin ako sa dagat. Mas lumapit ako sa gilid, hinubad ko ang tsinelas ko at saka hinawakan na lang. Nang tagpuin ng tubig ang mga paa ko ay napangiti ako. Parang hindi kumpleto ang araw kapag hindi nababasa ng tubig dagat ang mga paa ko.
"Allie! nandito ka na pala!"
Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko na kumakaway sa akin si Karlos, may hawak siyang ballpen at notebook. Abalang-abala? marami kasi palagi ang nag-oorder sa kanila, mga suki ng tatay niya. Para pagdating aayusin na lang nila at pipickupin na lang.
"Wala pa rin sila Mang Kaloy?" tanong ko.
Tinungo namin ang kubo. Kaibigan ko si Karlos. Dalwampu at isang taong gulang na siya at ang kurso niya ay engineering. Nasa kolehiyo na, ako rin sana kaso nga hindi ako nakapag-aral agad.
"Mukhang mahuhuli nga ang tatay ngayon, may ulan daw sa ibayo, eh. Tanaw nga hanggang dito," sabi ni Karlos.
Naku. Sana naman ay ayos lang sina Mang Kaloy.
"Magbebenta ka ba ulit?" tanong niya.
"Oo saka inutusan ako ni lola, may pabili siya. Hipon, pusit, talaba, mga alimango, tahong pero okay lang kahit bukas ng umaga yung iba yung maiwan lang sa bahay ang kukunin ko ngayon. Pang sa akin."
Sabi ko nga sa lola ay huwag na akong bilhan pero mapilit. Baka bukas magkakaliskis na ako dahil puro lamandagat ang kinakain ko.
"Oh sige, mailista na, tig lang kilo ba?"
Sinabi ko kay Karlos ang bawat kilo ng order ko. Kinuha na rin niya ang sea urchins at binayaran sa akin. Napangiti ako nang iabot niya ang pera. May maihuhulog na naman ako sa alkansya ko.
"Hmm, ang tagal nila tatay ngayon," sabi ni Karlos. Napatingin na nga rin ako sa dagat. Hindi naman umuulan.
"Maganda raw ang huli ng ibang mga bangkero, Karlos. Mukhang sinusulit ni Mang Kaloy," sabi ko para hindi siya mag-alala.
"Siguro nga? naiinip ka na ba, Allie? pwede na bumalik ka na lang kung gusto mo?"
Sa sinabi niya ay naisipan kong mamasyal muna sa tabing dagat. Napatayo ako at tumango. "Sige-sige. Baka pagbalik ko ay narito na rin si Mang Kaloy. Basta yung mga order ko, ha?"
"Hinding-hindi ko makakalimutan!"
Palubog na rin ang araw. Habang naglalakad ako papunta sa paborito kong pwesto kung saan madalas akong tumalon para sumisid ay napansin ko na wala na yung tatlong kabayo na nakatali. Umalis na yung mga turista.
Siguro akala nila uulan ng malakas? sayang, hindi nila napanood itong paglubog ng araw.
Nang marating ko ang tagong parte kung saan ako madalas sumisisid ay hinubad ko na ang damit ko pati na ang aking short. Itinupi ko rin ang mga ito at inilagay sa gilid pagkatapos ay saka ako tumalon sa tubig.
"Hmm!" ngisi ko nang tuluyang makasisid. May paliwanag naman ako sa lola sakaling sitahin niya ako bakit basa ang buhok ko.
Nagsimula akong mas sumisid sa ilalim, nakisabay sa akin ang iba't-ibang klase ng mga isda. Napangiti ako at sinubukan na huwag mapalapit sa kanila para hindi sila maabala. Nang umahon ako ay mas namangha ako dahil halos mahalikan na ng araw ang dagat.
"Ang ganda..."
Ang pangarap ko sa amin ni Lola Pacita ay wala talaga sa lugar na ito. Gusto kong bigyan siya ng mas maayos na buhay at naniniwala ako na sa Maynila iyon. Mas mabuti kung doon kami pareho titira at hindi dito sa Maraveles. Gusto kong ilayo siya sa masakit na ala-ala na dala ng lugar na ito sa kaniya.
Dito kasi namatay ang asawa niya--ang Lolo Mariano, nalunod ito sa dagat nang mangisda. Dito rin sa lugar na ito siya nakatanggap ng masasakit na mga salita mula sa nag-iisang anak niya—ang tatay ko. Pero palaging sinasabi ng lola, nagkaroon siya ulit ng pag-asa at minahal niyang muli ang lugar na ito nang dumating ako sa buhay niya. Kaya sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko kay Lola Pacita, mahal na mahal ko siya dahil hindi niya ako pinabayaan simula nang sanggol ako.
Sumisid akong muli. At habang nasa kailaliman ng dagat at nag-iisip, hindi ko namalayan ang oras. Wala rin akong nakuhang mga sea urchins, wala rin na mga kabibe at pagkapansin ko sa paligid sobrang dilim na.
"J-Jusmeyo! lagot ako kay Lola!" sabi ko at dal-dali akong lumangoy para makaahon na pero sa ilalim ay parang may napansin ako. Lumubog akong muli at nanlaki ang mga mata ko.
"T-Tao!"
Agad akong sumisid dahil pabagsak na ito sa ilalim ng dagat. Ang kaba sa dibdib ko ay ganoon na lang. Napakalalim sa parte na ito! kahit ang ibang mangingisda ay hindi pumaparito, o iyong mga magagaling sa paglangoy dahil iba nga ang lalim.
Diyos ko mukhang wala nang malay.
Pinilit ko na mas makalapit at nang maabot ko ang kamay nito na ay agad kong hinila. A--Ang bigat! pati ako ay nadadala!
Pero mas inigihan ko pa ang paglangoy para maiakyat siya. Wala nang malay dahil maaaring naubusan na ng hangin. D-Delikado.
Nang sa wakas ay maiahon ko ang lalake ay agad kong idinikit ang tainga ko sa dibdib nito. H-Hindi na humihinga. Tinapik ko rin ang pisngi nito.
"O-Oy--" pero napatigil ako at napaawang ang mga labi ko nang makita ko yung mukha niya. A-Ang gwapo naman nito.
"Hay naku, Allie! mamamatay na iyan humingi ka na ng tulong!" kastigo ko sa sarili ko dahil sa sandaling pagtigil. Paglinga ko sa paligid ay sobrang dilim, pati nga ang buwan madilim ngayon. Unang pumasok sa isipan ko dahil hindi nagre-respond ang lalake at hindi na hmumihinga ay i-CPR ko.
Pumwesto agad ako sa ibabaw nito at iniangat ko ng bahagya ang ulo.
"P-Please... huwag kang mamatay," sabi ko at muling nagbigay ng hangin dito.
Nakailang beses na ako, pinump ko na rin ang dibdib niya. Muli kong binalikan ang kaniyang bibig. Paulit-ulit ako sa ganon. At nang maubo ito at bumuga ng tubig ay saka tumulo ang mga luha ko dala ng takot.
Thank you, Lord!
"O-Okay ka lang?" tanong ko, kalahating mga mata niya ang bukas, hinang-hina rin siya.
"Ugh..." daing niya.
"S-Sandali, tatawag ako ng tulong--" pero napatigil ako nang biglang ikawit nito ang kamay sa aking leeg kaya muling napalapit ang mukha ko dito.
"You... s-saved me. A-Are you a... mermaid?"
Ano raw? pati ata utak niya naapektuhan. Ganon ba pag nalulunod?
"Hindi ako--hmmpp!"
A-Anong...
Nanlaki ang mga mata ko. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan at sa gulat ko ay hindi ako nakakilos. Ang lalake kasi na iniligtas ko sa kamatayan, pagkatanong sa akin kung sirena ako at pagkangisi ay bigla na lang sinakop ang mga labi ko.