CHAPTER NINE

3430 Words
“MASAYA ako na tanggap na talaga tayo ni Mama Chang, babe. Hindi na natin kailangang magtago sa kanya,” sabi ni Marco sa akin habang magka-holding hands ko siyang inihahatid sa apartment niya. Gabi na rin kasi at kailangan ko na ring magpahinga dahil may pasok pa ako bukas sa school. Malakas din ang loob namin na maghawak ng kamay dahil wala namang tao sa labas. Malalim akong huminga at nakangiting tinignan siya. “Oo nga. Natutuwa talaga ako sa mga nangyayari… Nawala na rin ang tinik sa dibdib ko, hindi na rin ako kakabahan. Bukas ay kakausapin ko rin si Rupert. Sana ay maging okay na kami ulit…” “Kung mahal ka niya talaga, maiintindihan ka niya. Sige na, umuwi ka na at matulog. May pasok ka pa bukas.” Hindi ko namalayan na nasa bungad na pala kami ng pinto ng apartment niya. Isang mabilis na halik sa labi ang ibinigay ni Marco sa akin bago kami naghiwalay ng gabing iyon. “Good night, babe. I love you,” sabi ko sa kanya. “I love you too, babe,” tugon naman niya. KINABUKASAN, sa school… Absent si Rupert. Ayokong mag-assume pero inisip ko na baka siya um-absent ay dahil sa nangyari no’ng isang araw. Gusto ko pa naman siyang kausapin pero baka hindi pa siya handa. Siguro ay dapat ko siyang bigyan ng space muna. Wala akong magagawa kundi ang irespeto ang kagustuhan niyang iyon. Nang sumunod naman na araw ay pumasok na siya pero hindi pa rin niya ako pinapansin. Parang hangin lang ako na dumadaan sa kanya. Kapag sinusubukan ko naman siyang lapitan ay lumalayo siya. Nagsuplado siya sa aking bigla. Mabilis na lumipas ang buwan at sa susunod na buwan ay graduation na namin. Ang sarap lang sa pakiramdam na matatapos ko na ang high school at sasabak naman ako sa buhay-kolehiyo. Matatag pa rin ang relasyon namin ni Marco at magaling na rin ako sa ilang martial arts dahil sa kanya. Hindi ko na rin naiisip minsan na hanapin ang taong pumatay sa daddy ko dahil sa sobrang saya ng buhay ko sa ngayon dahil kay Marco. Hindi na rin naman ako dinadalaw ni daddy sa panaginip. Bigla na lang natigil iyon. Si Rupert naman, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinapansin. Iyon na lang naman talaga ang problema ko. Ayoko naman na aalis ako sa school na ito na may tampo siya sa akin. Umaasa pa rin ako na isang araw ay lalapitan niya ako at kakausapin. Katatapos lang akong turuan ni Marco ng hapon na iyon. Pagod na pagod na umupo kami sa sahig habang nakatingin sa isa’t isa. Maya maya ay biglang nagsalita si Marco. “Jak, talaga bang gusto mong patayin ang taong pumatay sa daddy mo?” Medyo nabigla ako sa tanong niya. Matagal na kasi ang huling beses na napag-usapan namin ang tungkol doon. “Sa totoo lang, hindi ko na iyan naiisip. Ang iniisip ko na lang ay maipagtatanggol ko na ang sarili ko sa mga masasamang loob dahil sa mga itinuro mo sa akin. Ipagpapasa-Diyos ko na lang siguro ang lahat. Masyadong maraming magandang nangyayari sa buhay ko ngayon para isipin pa ang bagay na iyan. At isa ka sa magagandang bagay na iyon, Marco. Nang dahil sa pagmamahal mo sa akin, nawala ang galit sa puso ko. Natabunan ng saya dahil sa iyo.” “Ang sarap naman pakinggan, babe! Mabuti naman at na-realize mo na walang magandang maidudulot ang paghihiganti. Maaaring mapatay mo nga ang taong iyon pero nadungisan naman ang kamay mo at magkakaroon ka pa ng reserve slot sa impyerno. Nakakatakot iyon, `di ba?” Nangigigil na pinisil ko ang kaliwang pisngi ni Marco. “Ikaw kasi ang nagdala ng good vibes sa buhay ko, babe! Thank you!” sabi ko sa kanya. “Ikaw din naman, babe. Kaya nga mahal na mahal kita, e!” tugon naman niya sa akin. “Ano? Second session na tayo?” Isang pilyong ngiti ang biglang sumilay sa kanyang labi. “Parang ibang session nag gusto kong gawin, babe. Session sa kwarto ko…” Pinanlakihan ko siya ng mata pero nakatawa naman ako. “Ang aga-aga pa! Pwedeng mamayang gabi na lang?” “Iyon nga ang maganda, e. Mas maaga, mas makakarami tayo!” Tumayo siya bigla at walang sabi na binuhat niya ako at dinala sa kanyang kwarto. ISANG linggo na lang bago ang graduation, nasa school ako at nakatambay nang mag-isa sa bench na nasa ilalim ng mangga. May nakikinig ako ng music sa phone ko gamit ang earphone. Nagpapalipas lang ako ng oras dahil one hour din kaming vacant. Hindi rin naman ako nagugutom kaya dito na lang ako tumambay. Tahimik kasi. Nagulat na lang ako nang may tumabi sa akin at isinandal ang ulo niya sa balikat ko. Teka, sino ba ito? Tinanggal ko ang earphone sa tenga ko at tiningnan kung sino ang nasa tabi ko. “`Wag kang malikot, please…” “Rupert?” Hindi makapaniwalang bulalas ko nang makilala ko siya. “Okay na ako. Nagpalipas lang ako ng sama ng loob. Hinintay ko lang ang araw na ito kung kailan kaya na kitang kausapin nang hindi na ako masasaktan kapag sinabi mong masaya ka kay Marco mo.” Gusto kong matawa sa paraan ng pagsasalita ni Rupert dahil para siyang batang nagsusumbong na inaway siya ng kalaro nito. Hinayaan ko lang siya sa balikat ko. Kung doon mas gagaan ang pakiramdam niya, sige lang. Kahit iyon ay maibigay ko sa kanya. “Mabuti naman at kinausap mo na ako. Daig mo pa ang may regla sa sobrang sungit mo sa akin, ha. Na-miss kaya kita. Alam mo naman na ikaw na lang ang kaibigan ko dito.” “Nagpalipas lang talaga ako. Tanggap ko na ngayon na mahal niyo talaga ni Marco ang isa’t isa. Sayang… kung noon ko pa sinabi sa’yo na gusto rin kita noong nagtapat ka sa akin, siguro ay tayo na hanggang ngayon. Kaya lang natakot ako na husgahan ng mga tao noon… Alam mo naman ang utak ng ibang tao ngayon, `di ba? Masyadong mapanghusga.” “`Wag ka nang manghinayang sa mga tapos nang mangyari, Rupert. Wala na tayong magagawa para mabago iyon. Ang importante naman ay tanggap mo na. At magkaibigan na tayo ulit…” Inalis niya ang ulo niya sa balikat ko. “Kinausap rin kita upang magpaalam. Sa Australia na kasi ako magka-college. Iyon kasi ang gusto ng parents ko dahil doon na rin kami titira.” Bumakas bigla ang lungkot sa mukha niya. Ako naman ay naluha sa sinabi niyang iyon. Alam kong hindi siya nagbibiro dahil seryoso siya. “Ha? Pati ba naman ikaw, iiwan ako? Una si Samantha, ngayon ikaw naman!” May halong pagtatampo sa boses ko. Tumingin ako sa malayo. “Nandiyan naman si Marco sa tabi mo. Hindi ka niya iiwanan… Alam kong maaalagaan ka niya.” “Kahit na. Iba pa rin kasi kapag may kaibigan ako na katulad mo. Gusto ko na dito ka lang sa tabi ko, Rupert! Hindi ba pwedeng huwag ka nang umalis?” Pinitik ni Rupert ang noo ko sabay tawa. “`Wag ka ngang selfish, Jak. Tanggap ko nang hindi tayo pero hindi pa ako nakaka-move on talaga. Kailangan ko munang lumayo sa’yo. At sakto naman na pupunta ako ng Australia after ng graduation. Alam ko naman na naiintindihan mo ang ibig kong sabihin,” aniya. Napabuntung-hininga na lang ako. “Okay. Basta, tuloy lang ang communication natin, ha? Saka balitaan mo ako kapag nakakita ka na ng Australyano na mamahalin mo!” biro ko pa sa kanya. “Oo naman. Ikaw ang unang-unang makakaalam. Huwag kang mag-alala,” aniya sa akin. NAGULAT ako pagpasok ko sa apartment ni Marco dahil iba na ang ayos niyon. May duplicate key na rin kasi ako ng unit niya kaya nakakapasok ako doon kahit anong oras na gustuhin ko. Mukhang nag-make over siya ng unit niya. Very good naman! Nagtataka lang talaga ako kung saan kumukuha si Marco ng pera. Hindi ko naman siya nakikitang nagtatrabaho kahit ang sabi niya noon ay mag-a-apply siya. Minsan nga ay tatanungin ko siya tungkol doon. May napansin din ako sa kanya. Parang ang lungkot niya ngayon. Hindi lang ngayon kundi ng mga nakalipas pang mga araw. Hindi ko na lang tinatanong sa kanya kung bakit dahil baka mali naman ako ng obsebasyon. Saka kilala ko si Marco, kapag may problema siya ay sinasabi niya sa akin. Labas-masok na ako sa apartment niya kaya tuloy-tuloy lang ako sa kwarto at doon ko nakita si Marco na nakaupo sa gilid ng kama habang hinihimas ang balikat. Mukhang napagod siya sa pag-iiba ng ayos ng apartment niya. “Anong nangyari sa’yo?” tanong ko sabay upo sa tabi niya. Tumingin siya sa akin sabay ngiwi. “Ang sakit ng katawan ko, babe. Ang dami kong binuhat dito para maging maayos itong unit ko. Nagustuhan mo ba ang ayos ko?” Naglalambing na yumakap siya sa braso ko. Hinalik-halikan pa niya iyon. Tumango ako. “Gusto mo bang i-masahe kita, babe?” prisinta ko. Excited na ngumiti siya sa akin. “Talaga, babe? Ima-massage mo ako? “Oo naman. Iyon nga lang, hindi ako marunong, ha.” “Okay lang. Sige! Lalo na dito sa likod ko… Ang sakit ng likod ko!” Umarte pa siya na parang nasasaktan talaga. “Sige na. Hubarin mo na iyang damit mo at dumapa ka na…” Pagbibigay instructions ko sa kanya. Mabilis na hinubad ni Marco ang t-shirt na suot niya. Ako naman ay tumayo para kunin sa cabinet niya ang lotion. Alam ko na kasi kung saan nakalagay ang mga gamit niya dito. Paglingon ko kay Marco ay wala na siyang pang-itaas at nakadapa na siya sa gitna ng kama. Magsasalita sana ako ngunit bigla akong natigilan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nabitiwan ko ang lotion dahil biglang nanginig ang katawan ko sa nakita ko sa likod ni Marco! Isang tattoo na pamilyar sa akin… NAPALINGON sa akin si Marco nang marinig niya ang tunog ng pagkalaglag ng lotion. Mabilis akong yumukod upang kunin iyon at natatarantang naglakad palapit sa kanya. “Babe, okay ka lang ba? Parang balisa ka? Saka pinagpapawisan ka,” tanong niya sa akin. “Ah, w-wala ito. Huwag mo akong intindihin. M-medyo mainit lang.” Hindi maalis-alis ang tingin ko sa tattoo na meron siya sa kanyang likod. “Siguro, kinakabahan ka dahil baka may gawin ako sa’yo habang minamasahe mo ako, ano? `Wag kang kabahan. Promise. Behave ako!” aniya sabay kindat. “Loko ka talaga. Sige na, tumalikod ka na. Ima-masahe na kita.” Pinilit kong pasiglahin ang pagsasalita ko. Ngumiti pa ako sa kanya. Agad naman na tumalima si Marco. Tumalikod na siya habang ako naman ay umupo na sa may bandang puwitan niya. Hindi pa rin ako makapaniwala sa tattoo na nakikita ko sa likod niya. Kilalang-kilala ko ang tattoo na iyon. Malaking pakpak ng isang anghel. Pero bakit ngayon ko lang napansin ang tattoo niyang ito? Bakit hindi ko ito nakita noong ipinagluto niya ako at wala siyang pang-itaas na damit? Ganoon na ba ako kabulag sa pagkagusto sa kanya at hindi ko ito napansin? Nilagyan ko na ng lotion ang aking palad at saka ko inumpisahan ang pagmasahe kay Marco. Sa bawat padaan ng kamay ko sa tattoo niya ay unti-unting bumabalik sa alaala ko ang gabi kung kailan walang awang pinaslang ang aking daddy. Kitang-kita ko ang palatandaan ng taong pumatay sa kanya… Ibig bang sabihin ay si Marco ang pumatay kay daddy? Unti-unti ay nagkaroon ng mukha ang taong pumatay kay daddy at mukha ni Marco ang nakikita ko sa taong iyon. Nanginig ang buong katawan ko sa isipin na iyon. Natabig ng hita ko ang lotion at tumapon ang laman niyon sa kama. Sa sobrang lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko na iyon nagawang lagyan ng takip kanina. “Naku, p-pasensiya na…” Paghingi ko ng paumanhin. “Bakit?” “Natapon ko `yong lotion. Sandali lang at lilinisin ko. May tissue ka ba?” “Meron yata diyan sa drawer na kalapit ng cabinet. Okay ka lang ba talaga, babe?” Nag-aalala niyang tanong sa akin. “Okay lang…” Tumayo na ako at tinungo ang drawer na sinabi ni Marco. Pagbukas ko no’n ay nakita ko agad ang isang rolyo ng tissue. Akmang kukunin ko na iyon nang may mapansin akong isang bagay. Ang baril ni Marco! Sa pagtitig ko sa baril ay tila bumangon sa dibdib ko ang kagustuhan kong iganti si daddy at patayin ang taong pumatay sa kanya. Napalingon ako kay Marco na hanggang ngayon ay nakadapa pa rin sa kama. Ngayon ay sigurado na ako. Si Marco nga ang pumatay kay daddy dahil sa tattoo nito sa likod. Siya pala ang taong matagal ko nang hinahanap! Dinampot ko ang baril at nanginginig ang mga kamay na iniangat ko iyon. Naglakad ako palapit sa kama. Itinutok ko iyon sa nakadapang si Marco kasabay ng pagpatak ng masaganang luha sa aking mga mata. Maipaghihiganti na kita, daddy, bulong ko sa aking sarili. “Babe, ang tagal mo naman—“ Natigilan si Marco nang paglingon niya ay makita niyang hawak ko ang baril niya at nakatutok iyon sa kanya. Napabalikwas siya ng bangon at nagtataka na nagsalita. “Jak, ano iyan? Ibaba mo iyan baka pumutok iyan. At bakit ka umiiyak?” “Ipuputok ko talaga ito sa’yo, Marco, dahil hayop ka!” “Ha?! Ano bang sinasabi mo? Bakit? Sandali, ibaba mo muna iyan. Ano ba?!” pasigaw na utos niya sa akin. Isang mariin na iling ang isinagot ko sa kanya. “Ilang taon na ang nakakalipas, pinasok ang bahay namin ng isang lalaki. Pinagtago ako ng daddy ko sa aparador para hindi daw ako mapahamak. Pero, mula doon… kitang-kita ko kung paano siya pinatay ng isang lalaki na may pakpak ng anghel na tattoo sa likod katulad ng tattoo na meron ka! Bata pa ako noon pero ang detalye ng tattoo’ng iyon ay tandang-tanda ko. Ang taong iyon ang matagal ko nang hinahanap dahil siya ang pumatay sa daddy ko!” tigam sa luha na sabi ko. Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak ko sa baril. Natigilan siya. Napayuko na lang si Marco at hindi nagsalita. Mukhang alam na niya na alam ko nang siya ang pumatay sa daddy ko. Hindi malabong mangyari iyon dahil limang taon na ang nakakalipas. Ibig sabihin ay bente-uno si Marco noon. May kakayahan na siyang pumatay ng tao. Kaya pala napakadali nitong nasabi sa akin noon na ito na lang ang papatay sa taong pumatay sa daddy ko dahil pumapatay naman pala talaga ito ng tao! “Hindi ka makapagsalita? Dahil totoo, `di ba? Ikaw ang lalaking pumatay kay daddy! Bakit mo nagawa iyon, Marco? Bakit?! Anong naging kasalanan ng daddy ko sa iyo?” Patuloy pa rin ako sa pag-iyak. Halos nanlalabo na ang paningin ko dahil sa luha. “Jak, p-patawarin mo ako—“ “Walang kapatawaran ang ginawa mo! Inagaw mo sa akin ang kaisa-isang tao na meron ako noon! At ngayon, para mo na rin akong pinatay dahil hinayaan mo akong mahalin ka! Tinuruan mo nga akong maging matapang, tinuruan mo nga akong lumaban pero sana tinuruan mo rin akong labanan ang nararamdaman ko sa’yo! Ang sakit-sakit, Marco! Sana hindi na lang kita minahal kung alam ko lang!” Napaiyak na rin si Marco. Naglandas ang mga luha sa gwapo niyang mukha. “O-oo… Inaamin ko… A-ako nga… P-pinatay ko noon ang daddy mo…” Sa wakas ay umamin na rin siya. Sa pag-amin na iyon ni Marco ay mas lalong bumuhos ang emosyon ko. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Napahagulhol na ako. Gusto ko nang kalabitin ang gatilyo ng baril para mapatay ko na si Marco, para mapaghiganti ko na si daddy pero parang may pumipigil sa akin na gawin iyon. Ang mga alaala namin, ang masasayang sandali naming dalawa at ang pagmamahal ko sa kanya—iyon ang mga pumipigil sa akin. Tinanong ko ang sarili ko… Kaya ko bang patayin ang lalaking mahal ko? Kaya ko bang sa akin matapos ang buhay niya? Bigla akong nagdalawang-isip. Nalilito ako at hindi ko na alam kung ano ba ang gagawin ko. Hindi ko siya kayang patayin. Pero paano na si daddy? Ang gulo! Napakagulo ng isip ko. Heto na ang pagkakataon na matagal ko nang hinihintay, nakita ko na ang taong pumatay kay daddy at may pagkakataon na rin akong patayin siya pero bakit hindi ko magawa? Anong gagawin ko? Ah… Alam ko na… Itinutok ko ang baril sa ulo ko at pumikit. “Jak!” sigaw ni Marco. “Huwag kang lalapit, Marco! Mabuti pang ako na lang ang mamatay! Hindi pala kita kayang patayin dahil mahal kita… Mahal na mahal kita!” Lumuluhang sabi ko. “Mas mabuti siguro na mawala na ak kesa habangbuhay kong sisihin ang sarili ko na hindi kita kayang patayin. Para magkassama na rin kami ni daddy…” “Jak! Bitiwan mo iyan! Hindi mo alam ang sinasabi mo! Ako! Ako na lang ang patayin mo!” “P-paalam.” “Jak, bitawan mo iyan! Hindi mo dapat gawin iyan sa sarili mo. Ako ang patayin mo! Ako na lang!” Umiiyak na sabi niya sa akin habang ako naman ay nakatingin lang sa kanya. Desidido na akong paputukin ang baril sa ulo ko. Habang unti-unting dumidiin ang isang daliri ko sa gatilyo ng baril ay nakita ko na mabilis na tumakbo si Marco palapit sa akin. Isang malakas na putok ng baril ang pumailanlang sa kwartong iyon kasabay ng pagkawala ng malay ko. Sumalubong sa akin ang walang hanggang kadiliman. PAGBUKAS ko ng mga mata ko ay isang pamilyar na mukha ang sumalubong sa akin. Hindi makapaniwala na bumangon ako mula sa pagkakahiga at agad na niyakap ang taong nagmamay-ari ng mukha na nakita ko. “Daddy!” Mangiyak-ngiyak na bulalas ko. Naramdaman ko ang pagganti niya ng yakap. Hindi ko alam ang lugar na kinaroroonan ko. Basta, puro kulay puti ang paligid na parang walang hangganan. Parang ito na yata ang langit. “Ako nga ito, Jak… Mabuti naman at nakilala mo pa ako. Napakalaki mo na, anak at gwapo ka ring tulad ko…” Parang musika sa akin tenga ang boses niya. Kaytagal kong hindi narinig ang malaki ngunit malambing na boses ng aking daddy. Halos ayaw ko nang kumawala sa pagkakayakap ko sa kanya. “Miss na miss na po kita! Hindi na po ako papayag na magkakahiwalay pa tayo! Dito na lang ako, daddy!” Naunang kumalas si daddy sa yakap para tingnan ako. Nakangiti siyang umiling sa akin. “Hindi pa ito ang takdang oras para magkasama tayo, anak. Sandali lang ito… Nandito lang ako para sabihin sa’yo na palayain mo na ang sarili mo sa pagkakakulong mo sa iyong nakaraan. Hindi mo kailangang gumanti, anak… Tanggap ko nang hanggang doon na lang ang buhay ko. Oras ko na iyon.” “P-pero nagpapakita kayo sa panaginip ko, daddy…” “Hindi ako nagpapakita sa panaginip mo, Jak… Iyon ay likha ng pag-iisip mo ng sobra. Ayokong dungisan mo ang kamay mo para sa akin. Hindi ko iyon ikakatuwa, anak ko.” Muli niya akong niyakap. “Mahal na mahal kita, anak… Alisin mo na ang galit sa puso mo…” “Mahal na mahal din kita, da—“ Hindi pa man ako tapos magsalita nang maramdaman kong wala na akong kayakap. Mag-isa na lang ako sa lugar na iyon. “Daddy? Daddy? Daddy?!” panay ang tawag ko sa kanya pero halos mawalan na ako ng boses ay hindi ko na ulit siya nakita. “DADDY…” Isang mahina at walang lakas na boses ang lumabas sa aking bibig. Gusto kong ibukas ang mga mata ko pero hindi ko magawa. May konting kirot akong nararamdaman sa may bandang ulo ko. “Daddy…” muli akong nagsalita. “Dok! Gising na ang anak ko! Dok!” Kilala ko ang boses na iyon. Kay Mama Chang… Sa pagmulat ko ng aking mata ay nakita ko ang nakangiti ngunit lumuluhang si Mama Chang. Napangiti rin ako sa kanya at muli kong ipinikit ang aking mata. May narinig akong yabag ng mga paa na parang nagmamadali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD