HUMAKBANG agad siya papasok sa elevator. May meeting sila kasama ang mga managers sa may Palazzo. Kakatapos lang ni Sheena mag-lunch at mala-late na siya kung hindi siya agad makakaalis. Hindi niya kayang makita sina Kris. Nakokonsensya siya kasi feeling niya may kasalanan siya sa mga ito. Ayaw niyang harapin ang judgmental na tingin ng mga kasamahan niya, lalo na’t siya ang naging sanhi ng kaunting gulo kagabi. Papasarado na ang elevator nang may humabol at pumasok. Si Charles. Parang may sumipa sa sikmura ni Sheena. Napatingin siya sa kisame, parang gusto niyang maglaho sa ere. Bakit naman ngayon pa? Kaswal na kaswal ang suot nito—plain polo shirt at dark jeans—pero kahit simple lang, nandoon pa rin ang dating. Yuyuko pa sana siya para hindi siya nito makita, pero sinong niloloko niya?

