[ Kabanata 3]
Nagising ang diwa ko nang marinig ko ang pagkatok ni manang mula sa labas ng aking silid, sabay pasok rito. "Ginoong Eduardo, nakahanda na po ang umagahan sa baba. Nais ka din daw po makasalo ng iyong Ama at ng kapatid n'yong si Errando" aniya. Hirap man bumangon mula sa mahimbing na pagkakatulog ay pinilit ko pa rin. Malinawag na ang buong paligid. Tumatagos ang liwanag ng araw sa aking bintana. Lumapit ako sa bintana ng aking sild atsaka tumingin sa iba kung saan makikita ang mga taong may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan. Napangiti at tila lumipad ang isipan ko nang maalala ko ang bawat kislap ng kaniyang mga mata at mga matatamis ng ngiti ni Luna ng gabing 'yon. Mga kwentuhan at tawanan namin na nagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa'kin. "Ginoo, kayo ho ba ay ayos lamang? Tila kayo ay nawawala na sa katinuan dahil pag-ngiti at hagikhik n'yong 'yan na madalang ko lamang makita" pabiro niyang saad. Natawa na lang din ako sa kaniyang sinabi, "Ikaw talaga manang agang-aga inaasar mo ang paborito mong alaga" biro ko din, sabay nalang kami natawa.
Ako'y napatigil bigla sa aking pagtawa nang biglang napatitig sa'kin si manang na parang may ginawa akong masama, "Ikaw siguro ay may napupusuan na ginoo, ano?" sabi niya na pinipilit niyang 'wag tumawa. "Imposibleng hindi ka ipinakilala ng iyong ama sa bunsong anak ni Gobernador Cabrejas" dagdag niya pa. "Ah oho, pero wala po akong pagtingin sakaniya" kinakabahang tanggi ko. "Nakakapagtampo naman na ang aking paboritong alagain ay binata na ngayon at 'di man lang naisipang sabihin sa'kin kung siya ay may napupusuan na" biro niya kasabay no'n ang peke niyang pagbuntong hininga. Natawa na lamang ako sa kaniyang inasal, "Opo manang, magsasabi po ang inyong paboritong alagain kapag may napupusuan na s'ya" paglalambing ko sakaniya. "Kahit pa may nakita ako ritong kapiraso ng papel na may nakasulat na ‘Luna’ na sa tingin ko'y gagawan mo ito ng liham?"tanging hiya lamang ang naramdaman ko nang banggitin 'yon ni manang. Wala na akong nagawa kundi ang aminin sa kaniya totoo.
"Handa ka na bang sabihin sa kaniya ang iyong nararamdaman, hijo?", bigla niyang tanong na nagbigay sa akin ng labis na panghihinayang dahil hindi ko alam kung kailan ako magiging handa para sa gano'ng bagay. Tila naramdaman ni manang ang biglaan kong pagtahimik, "Oh siya, hijo, mag-ayos ka na at bumaba ka na rin para makapag-almusal ka na" pag-iiba niya ng usapan. Agad akong tumango at binigyan siya ng tipid na ngiti.
Nang makalabas si manang ay sinimulan ko nang mag-ayos ng aking sarili.Naligo at nagsuot ng presentableng damit atsaka ako bumaba. Dali dali akong bumaba at mula sa salas ay kitang-kita ko sila na nagsisimula nang kumain kahit wala pa ako. Pero pinagsawalang bahala ko lamang iyon dahil ang mas importante ngayon ay makkasabay ko sila sa hapag-kainan na dati pa lamang ay 'di ko pa nararanasan.
"Magandang Umaga ho Ama." bati ko sa kan'ya ngunit para wala s'yang narinig at hindi n'ya ako pinansin, tanging senyas na ako'y maupo na lamang ang aking natanggap. "Ama nais ko po sanang magpaalam. Nais ko po sanang pumunta sa mansion ng pamilya ng Cabrejas." paalam ko sa kan''ya. "Ano namang gagawin mo ro'n?" sagot n'ya pagkatapos niyang lunukin ang pagkaing nasa bibig n'ya kanina. "Nais ko po sanang maging bahagi ng pagtuturo ni Luna, bunsong anak po ni Gobernador Cabrejas. Nais ko pong magturo sa mga batang gustong matuto" malumanay kong paliwanag.
"Hindi kaba pupunta sa hukuman mamaya? At nais mo pang unahin ang pagtuturo sa mga batang yan? Hindi ka guro, Eduardo, isa kang abogado."aniya na parang maling gawin ko ang pagtuturo kahit na ako ay isang abogado.
Nais niya lang naman akong isama sa hukuman dahil gusto niya akong ipahiya sa iba pang hukom at opisyales na naroroon at ipangalandakang mas mahusay ang kaniyang paboritong anak kesa sa'kin. "Kaya bihira mo lamang maipanalo ang kasong nahahawakan mo dahil sa mga walang kwentang bagay na mas pinagtutuunan mo pansin kesa sa hangarin mong mas maging mahusay pa sa larangan ng pagaabogado", sabat ni kuya. Hindi ko alam pero tanging galit ang nararmdaman ko sa oras na 'to lalo na nang sabihin n'yang walang kwenta ang pagtuturo.
"Maaari bang 'wag ka munang makisali, Kuya" mahinahon kong sabi habang pinipigilan ang galit na nararamdaman ko. "Bakit, Eduardo? Hindi ba't tama ako? Isa kang walang kwentang abogado. Hindi ko nga alam bakit ka pa pinayagan ni ama na kunin ang kursong 'yan" mayabang niyang sabi. Nakakaubos ng pasensya dahilan upang mahampas ko nang bahagya ang lamesa at lumaikha ng ingay. "Tumigil ka kuya sa pagiging matapobre mo. Masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Asahan mong babagsak ka rin gaano man kataas 'yang kinalalagyan mo" pagpapaalala ko sakaniya na tinawanan lamang niya at 'di na nagsalita.
"Magsitigil na kayo! Ikaw, Eduardo, wala ka nang ginawang maganda sa pamamahay na ito! Puro sakit at kahihiyan ang binibigay mo sa pamilya natin! Isa kang malaking kahihiyan sa pamilya natin! Hindi na ako magtataka kung isa ka din sa mga nagpasakit sa ulo ng 'yong ina gaya ng ginagawa mo sa'kin. Magkaroon ka namang ng kahihiyan! Mas maigi pa na ikaw na lamang ang namatay imbis na ang nanay mo!" duro niya sa'kin habang binabanggit ang mga salitang tila isang patalim na unti-unting tumutusok sa puso ko ngunit kinontrol ko ang aking emosyon ko. Ginawa ko ang lahat para hindi umiyak sa harap ng mag-amang nasa harapan ko.
"Oo! Sana nga ako nalang, sana ako nalang ang namatay imbis na si ina! Mas mabuting namatay na lamang ako kung ganitong pamilya lang din naman ang kalalakihan ko! Puro pangmamaliit at panghihila ibaba ang ginagawa n'yo! Puro na mali ko ang nakikita niyo!" hindi ko na napigilan pang pagtaasan siya ng boses dahil sa galit at sakit na nararamdaman ko. Maging s'ya ay nagulat sa inasal at mga sinabi ko dahilan upang mabilis na lumapat sa aking mukha ang kamao niya na nagpadugo ng labi ko at nagpahilo sa akin ng bahagya sa lakas ng kaniyang pagkakasuntok. "Bastos kang bata ka! Baka nakakalimutan mong ama mo pa rin ako! Lumayas ka! 'Di ko makayanang makita ang pagmumuka mo rito, layas!" nanginginig n'yang sigaw.
Hindi ko na napigilan pang tingnan sila nang masama bago ako lumabas. Hindi magkaintindihan ang mga katulong roon ngunit mas pinili na lamang nilang tumahimik kesa ang manghimasok pa. Nang makalabas ako ay sinalubong ako ni Mang Nestor, katiwala sa amin na siya ring tagapag-maneho ng karwahe, kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala nang makita n'ya ang duguan kong labi. "Ginoo, nais n'yo po bang idaan ko muna kayo sa klinika?" aniya. "Ayos lamang po ako, Mang Nestor. Dalhin n'yo nalang po muna ako sa bahay ni Leonardo" sabi ko na lamang. Tanging tango ang naging sagot n'ya atsaka binilisan ang takbo nito.
Habang tinatahak namin ang daan papunta sa bahay ng aking kaibigan ay tila nagpapaulit-ulit sa aking isipan ang mga salitang binitawan ng aking ama. Para akong sinasaksak ng ilang libong ulit dahil sa nangyaring 'yon, ramdam ko rin ang pangingilid ng aking luha. Hindi ko alam kung bakit pa ako nasasaktan kung gayong sanay na ako sa mga ganitong sitwasyon noon pa man. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman, halo-halong emosyon na 'di ko matukoy.
Nang makarating na ang sinasakyan kong karwahe sa harapan ng bahay ni Leonardo ay agad akong bumaba. "Marami pong salamat Mang Nestor" sabi ko sabay tango. Tango lang rin ang naging tugon niya sa'kin atsaka umalis.
Lumapit ako saka kumatok sa pintuan nila. Wari ko'y sila ay mga tulog pa dahil sa alas singko pa lamang ng umaga. Maya-maya pa'y binuksan na ni Leonardo ang pintuan, bumungad sa'kin ang gusot na dami n'yang suot na halatang kababangon lamang at magulo n'yang buhok. Pilit niyang iminumulat ang kaniyang mata upang makilala niya kahit papa'no kung sino ang kaniyang nasa harapan. "Oh, Eduardo, kay aga mo namang pumarito. Pasok ka." aya niya sa'kin sa loob. Nang maupo na kami ay napatitig s'ya sa'kin. "Nakipag-away ka na naman" biro niya sa'kin dahilan para sikuhin ko siya sa tagiliran. "Nagbibiro lamang ako, pero sino namang gumawa n'yan sa'yo? Halika at 'yan ay aking gagamutin." sabi niya. Tumayo siya upang kuhanin ang mga kaniyang mga gamit sa panggagamot. Si Leornardo ay isang bahagi ng pagamutan sa bayan namin. May asawa na s'ya na si Junta isa ding bahagi ng pagamutan. At may anak na rin silang batang babae na ngalan ay Isabela na s'yang pamangkin ko. Bata pa lamang ay malapit na kami sa isa't-isa kahit na apat na taon ang tanda niya sa'kin.
"Nagkaro'n ng tensyon sa pagitan naming mag-ama kanina lamang sa hapag-kainan. Napagtaasan ko s'ya ng boses kaya ito ang tinamo ko" walang gana kong paliwanag sakaniya. "Muk'ang papadalas ang pagaaway ninyong mag-aama, ah" ani ni Junta na kalalabas lamang sa kwarto, may katangkaran ito ngunit kung mas matangkad pa rin si Leonardo. Maganda rin ang kutis ni Junta, kapansin-pansin rin ang medyo kulot nitong buhok sa laylayan. Matangos na ilong at manipis na labi rin ang dumadagdag sa kaniyang kagandahan. 'Di na ako magtataka kung lumaking magandang binibini si Isabela.
"H'wag mo na lamang bigyang pansin ang lahat ng pang-mamaliit sa'yo ng iyong ama at kapatid. Patunayan mo na lamang na mali sila sa panghuhusga nila sa'yo" payo niya. "Oh s'ya, ipagtitimpla ko muna kayo ng kape" singit ni Junta sabay diretso sa kusina.
"Napakaswerte mo talaga sa asawa mo, Nardo. Nakakapagtaka nga lamang bakit sa'yo pa siya bumagsak, hays" pang-aasar ko sakaniya. Bigla n'yang diniinan ang pagpupunas sa aking labi, "Aray ko naman! Nagbibiro lang naman ako, kaibigan ko" buwelta ko. "Kung ano-ano na lamang kasi 'yang lumalabas sa bunganga mo, kaibigan" saad niya sabay ngisi. Natawa na lamang kami sa isa't-isa. "Nasa'n nga pala si Isabela? Hindi pa ba s'ya gising?" pagiiba ko sa usapan. "Nasa silid pa namin. Natutulog pa. Tulog pa din sana kami kung 'di mo kami binulabog" kunwari n'yang galit na sabi. Natawa na lang ako sa kabaliwan ng isang 'to.
"Hindi ba't dumalo ka sa piging na ginanap sa mansyon ng pamilya Cabrejas? Ano? Naisayaw mo na ba?" may pangungutya ang tono niya sabay tawa dahilan para batukan ko s'ya. "Inaano ba kita? Nagtatanong lang naman ako, ah!" pigilan man niya ay 'di niya kaya, kaya sa huli naasar pa rin ako sa pagtawa niya. "Hindi ko s'ya naisayaw ngunit nagkaroon kami ng kaunting oras na kwentuhan sa kanilang hardin." nahihiya kong tugon kay Leornardo. "Nasabi mo na rin ba?" abang n'yang tanong. Hindi ako nakasagot napahilamos na lamang ako ng aking muka.
"Eduardo, ano nasabi mo ba? Ba't napatulala ka d'yan?Nawindang ka na naman siguro sa kaganda ni Luna, ano?" sabay hampas sa'kin ng bahagya dahilan para bumalik ako sa ulirat. "Hindi. Hindi ko nasabi. Hindi ko alam kung pa'no ko sisimulan." napabuntong hininga na lamang ako. "Bakit hindi mo sinabi?" ramdam ko ang panghihinayang sa boses niya. "Inuunahan ako ng takot na baka layuan n'ya ako." naroon na naman ang pangamba ko sa bagay na 'yon. "Oh, ito na ang inyong kape" singit ni Junta sa usapan namin. "Maraming Salamat" pasasalamat ko. "Maraming Salamat, Mahal ko!" malambing na sabi ni Leornardo sa kan'yang asawa kaya naman bigla s'yang binatukan nito. "Mahal ka d'yan! Umaayos ka nga", mataray na sabi ni Junta. "Ito naman para mahal lang, eh" pag-iinarte ni Leonardo kaya naman 'di ko na napigilan ang matawa sa reaksyon at inasal nito. "Gisingin mo na mamaya si Isabela para makapag-umagahan na s'ya. Aalis muna ako para mamalengke" paalam n'ya sa'min atsaka dumiretso sa labas.
"Eduardo, dito ka na magumagahan para makasabay mo din ang pamangkin mo", alok n'ya sa'kin. "Hindi na nakapagumagahan na naman ako kanina. Oh siya, gisingin mo na pamangkin ko para siya ay makakain na" tugon ko sa kaniya. "Ako'y aalis muna at bibili ako ng pluma at papel na kakailanganin namin mamayang hapon" ani ko. "Saan mo naman iyon gagamitin?" nagtataka niyang tanong. "Ah hindi ko pa pala nababanggit. Nais kong tulungan si Luna sa kan'yang lektura sa mga bata mamayang hapon" hindi ko na maitago pa ang pagkagalak sa katunayang makakasama muli siya, si Luna. "Aba nga naman! Ikaw talaga pasimple kapa kay Luna ah," natatawang ani ni Leornardo.
Kaya naman inambahan ko siya nang sapak napataas naman siya ng dalawang kamay senyales na sumusuko na siya. "Oo na sige na, tutulong lang" natatawa niyang sabi. "Pakisabi nalang kay Isabela na umalis na ang pinakagwapo niyang tito" sabay kindat ko sakaniya. "Agang-aga, Eduardo, napakalakas ng hangin mo!" nanunuya ang tingin n'ya habang tumatawa.
"Maaari bang dito muna ako magpalipas ng gabi? Ayaw ko munang makadapuang-palad ang mag-ama kong 'yon sa bahay. Uuwi rin naman ako kinabukasan"dagdag ko pa na sinabayan ko pa ng malalagkit na titig bilang biro "Tigilan mo nga 'yan, nahihibang ka na ba? Oo na, oo na." sabi niya atsaka umiwas ng tingin dahil 'di n'ya makayanan ang ganoong ginagawa ko. Natawa naman ako atsaka umayos ng tayo. "Maraming Salamat. Mauna na ako, kaibigan" sabay tapik sa sa kaniyang balikat at nagsimulang maglakad papalayo.
Agad akong umarkila ng karwahe atsaka nagpahatid sa palengke. Habang nasa daan ay lumilipad ang aking isipan dahil sa mga ginagawa kong imahinasyon. 'Di ko na mapigilan pang masabik para sa mga mangyayari mamaya. Natauhan na lamang ako ng marinig ko ang boses ng kutsero, "Narito na po tayo sa palengke, Ginoo" sabi niya. Iniabot ko na sakaniya ang aking bayad atsaka nagtungo sa pagbibilhan ko ng mga gamit.
"Oh hijo, natutuwa akong naparito ka sa aking tindahan. May maiitulong ba ako sa iyo?" bungad ni Mang Joselita sa'kin, may-ari ng tindahan ng pluma at mga papel. "Napaaano ang sugat na 'yan, hijo?" agaran n'yang napansin ang labi ko. "Magandang Umaga ho. Ah wala po ito." nahihiya kong tugon. "Nais ko po sanang bumili ng pluma at sulatan." dagdag ko pa upang maiba ang usapan. "Sandali lamang, hijo" saad niya sabay alis upang kunin ang pinamili ko. Nang makalabas siya ay agad kong binayaran ang mga ito.
Habang nag-aabang sa kalye nang dadaang karwahe ay may nakasalubong akong gusgusing bata, maruming damit ang kaniyang suot at magulong buhok. Bigla s'yang tumigil sa harap ko atsaka itinapat ang dalawang kamay sakin na nanaghihingi ng pangkain o 'di naman kaya'y salapi. "Ginoo, maaari po bang makahingi ng barya pambili ko lamang ho nang pagkain" pakiusap niya habang naka-tungo ang kaniyang ulo. "Ano ang iyong ngalan?" tanong ko sa kan'ya. "Tano po. Tano po ang aking ngalan. "Oh ito Tano sa aking palagay sapat na ang mga salaping ito upang maibili nyo ng pagkain" nakangiti kong saad sa kan'ya. "Maraming Salamat po, Ginoo" kitang kita ko sa kaniyang mga mata ang tuwa at pagpapasalamat, napangiti ako sa nakita kong 'yon. "Walang anuman, Tano! Mag-iingat ka!" sigaw ko habang tanaw siyang kumakaway sa'kin mula sa malayo.
Nang tumalikod s'ya at 'di na lumingon pa ay sinimulan ko na muli ang paglalakad sa hindi kahabahan na paghihintay ay mayroon nang dumaang karwahe, "Manong, maaari n'yo po ba akong maihatid sa mansion ng pamilya Cabrejas." ani ko. Tanging tango lamang ang sagot niya sa'kin dahilan para sumakay na ako. Dali-dali n'ya itong pina-andar. Medyo may kalayuan ang lugar na 'yon kaya naman mahigit isang oras ang tinagal namin sa paglalakbay.
"Ginoong Buencamino, narito na po tayo." panimula niya. Agaran naman akong bumaba at para maiabot ko sa kan'ya ang salaping aking pambayad. Agad s'yang nagpasalamat, tumango naman ako bilang tugon atsaka s'ya umalis. Nang tumingin ako sa mansyon ay 'di ko maitatangging maganda at magarbo na ito sa labas pa lamang. Napansin yata ako ng taga-bantay nila rito sa labas, "Ano pong kailangan nin'yo?" magalang n'yang tanong sa'kin. "Nariyan po ba si Luna?" sabi ko. "Opo Ginoo, kasalukuyan po s'yang nasa hardin at gumagayak sa gaganaping lektura para mamaya sa mga bata" aniya at napaunang maglakad upang ituro sa'kin ang daan papuntang hardin. 'Di ko mapigilang hindi mapangiti dahil naaalala ko na naman ang kwentuhan namin roon nung isang gabi lamang.
'Di pa ako nakakarating ay mula roon sa hardin, nakasalubong ko ang isang matandang babae na sa hula ko'y nasa 50 taong gulang na. "Ginoong Eduardo, Magandang hapon po. Nagagalak po akong makita kayo. Tamang-tama lamang po ang dating n'yo dahil naghahanda pa lamang si Luna roon" bati n'ya sa'kin. "Ah oo nga po pala. Juana po ang aking ngalan ako po ang Mayor Doma." pagpapakilala n'ya. "Nagagalak po akong makilala kayo" bati kong pabalik sa kan'ya. "Akin muna pong ipaghahanda kayo ng makakain, ginoo. Pumanhik na rin po kayo roon" tugon niya na siyang tinanguan ko.
Sa 'di kalayuan ay kitang-kita ko s'ya. Ang makikintab n'yang buhok, mestizang kulay ng balat at matatamis na mga ngiti na kahit kailan ay 'di ko pagsasawaang tingnan. Isa-isa n'yang sinasalubong ang mga bata at hinahatid sa kaniya-kaniya nityong mga upuan. "Binibini, narito ho si Ginoong Eduardo" sambit ng taga-bantay roon sa aking tabihan. "Ginoong Eduardo" Natauhan ako ng bigla kong narinig ang boses n'ya na ngayo'y nasa harapan ko na pala. "Magandang hapon, ginoo. Masaya akong makita kang muli" pagbati niya. Akin namang hinubad ang aking sombrero at itinapat ito sa aking dibdib atsaka tumungo bilang paggalang. "Halika na roon, ating ibibigya sakanila 'yang mga pluma't sulatan na binili mo. Tiyak na matutuwa sila 'pag nakita nila ang mga 'yan" nakangiti n'yang saad.
"Magandang hapon mga bata! May ginoong nais tayong tulungan upang mas mapadali ang ating lektura. Nais niyo ba siyang makilala?" magiliw niyang pagbati na siyang ikinangiti ko ngunit 'di ko na lamang pinahalata. Tumingin siya sa'kin na nagsasabing ipakilala ko ang aking sarili sakanila, agad naman akong tumango bilang tugon. "Magandang araw sa inyo mga bata! Ako nga pala si Ginoong Eduardo, pero p'wedeng Kuya Eduardo na lamang ang itawag sa'kin" hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayon lalo na nung nakita ko ang ngiti sa labi ng bawat batang nasa harapan ko ngayon. " May inihanda akong munting regalo sainyo, sana'y masiyahan kayo sa bagay na 'to" inilabas ko ang mga pluma at sulatan na binili ko lamang kanina at pinamigay 'yon sa kanila isa-isa. Tinulungan naman ako ni Luna. Bawat abot ko niyon sa mga bata ay pasasalamat ang aking naririnig sasabayan pa nila ito ng ngiti. "Maraming salamat po, Kuya Eduardo!" napangiti ako ng marinig ko iyon mula sa bata. "Walang anuman mga bata! Sana ay magaral kayo ng ayos at h'wag magpapasaway kapag nagtuturo na si Ate Luna, ha?" sabay-sabay silang tumango.
"Oh, siya, atin nang simulan ang klase" anunsyo niya sa mga bata. May kinuha siyang sulatin do'n sa lamesa na sa tingin ko ay do'n nakasulat ang mga ituturo n'ya. Matapos n'yang ipakita iyon sa mga bata ay sinimulan na niya ang pagtuturo. Mula sa pagsulat na isa-isa niyang ginagabayan, 'di na rin ako nag-atubili pang tumulong dahil narito rin naman ako para magturo. Hanggang sa utay-utay na pagbabasa sa lenggwaheng tagalog. Hindi ko mapigilang hindi alisin sakaniya ang aking tingin lalo na sa kung gaano siya kagaling magturo. Mga ngiti niya ring anumang oras ay p'wedeng makapagpatunaw sakin.
Malapit nang matapos ang lektura, ilang oras rin ang tinagal namin roon. Walang humpay na tawanan at biruan dahil sa mga munting asaran ng mga bata. Maya-maya pa ay dumating na si Manang, dala niya ang meryenda para sa mga bata. Saktong katatapos lang rin ng huling aralin na itinuro ni Luna. "And'yan na si Manang Juana dala ang inyong mga pagkain, ano ang inyong sasabihin?"tanong ni Luna sa mga bata. "Maraming salamat po sa pagkain, Manang Juana" magiliw na sabi ng mga bata. "Oh s'ya lumapit na kayo roon sa lamesa at ayusin ang inyong upo para mabigyan ni Manang", aniya, sabay-sabay namang tumakbo papunta sa direksyon ni Manang ang mga bata.
Tinulungan kong mag-ayos ng mga gamit si Luna. "Maraming salamat nga pala sa pagtulong, Ginoo, atsaka sa mga pluma at sulatan na ibinigay mo sa mga bata. 'Di matatawaran ang iyong kabutihan" masaya n'yang saad na para bang niregaluhan siya ng galanteng bagay. Napangiti rin ako sa lagay niyang iyon, "Wala iyon, Binibini. Gusto ko lamang din sila tulungan dahil nais nilang matututo, sabi mo pa na edukasyon lamang ang ating sariling kayamanan". "Tama ka, tara na't sumunod na tayo do'n. Mukang nagkukulitan na ang mga bata do'n" aya niya sa'kin. Tumango na lamang ako sa kaniya bilang tugon at pinauna siyang maglakad.
Nang makarating kami sa hapag-kainan ay tanging matitinis at maliliit na boses ng mga bata ang aming naririnig. Kaniya-kaniyang nguya ng mga pagkain at kwentuhan. Maya-maya pa ay may isang batang nagtaas ng kamay na nakapukaw ng atensyon naming lahat, isang morenong bata na kulot ang buhok dahilan para tumahimik at mapatingin sa kaniya ang iba. "Ginoo, maaari niyo po ba kaming handugan ng isang kwento?" "Oo nga po!" pagsang-ayon pa ng iba sabay ngiti na nakapagpataba ng aking puso. Ngiti nilang nagsasabi sa'king wala akong rason para tumanggi pa sa ideya ng batang ito. Napatango na lang ako dahilan para maghiyawan silang lahat sa tuwa.
"Gusto n'yo pa bang magkwento si Kuya Eduardo?" mahinahong tanong ni Luna sakanila, sabay-sabay naman silang tumango bilang tugon. "Oh s'ya, itikom muna natin ang ating bibig para maunawaan natin ang kwentong kaniyang sasabihin" sabay lagay ng kaniyang hintuturo sa kaniyang labi senyas niyang nakapagpatahimik sa kanilang lahat. Sa akin naman humarap si Luna sabay tango sa'kin para sabihing maaari ko nang simulan.
Ang kwento ng pagmamahalan ng prinsipe at prinsesa. Nakilala ng isang prinsipe ang isang magandang prinsesa sa isang napakalaki at napakagara nitong kaharian. Nang magkaroon ng kasiyahan sa kaharian ng prinsesa ay inimbitahan niya ang prinsipe at ang pamilya nito. Kaya naman 'di na nag-aksaya pa ng oras ang prinsipeng 'yon dahil matagal na n'yang hinihintay ang pagkakataong 'yon para ipagtapat sa prinsesa ang kaniyang nararamdaman. Nang araw na nang kasiyahan ay tila kabado at wala siya sa sarili kung kaya't nabigo siya sa plano n'yang 'yon. Ngunit lubos naman ang kaniyang saya nang makakuwentuhan n'ya at naging malapit sila sa isa't-isa. 'Di rin nagtagal ay naging magkaibigan sila. At sa t'wing babalakin n'yang magtapat ay tila natatakot s'ya sa p'wedeng mangyari. 'Di s'ya sigurado kung lalayuan s'ya nito at 'di na muling kakausapin pa. Natatakot s'yang mawala ang pagkakaibigan nila kung magtatapat siya. Kaya mas pinili na lamang n'yang ilihim ito sa prinsesa. "pagtapos ko sa kwento ko. Hindi maipinta ang mga itsura ng bata sa hinandog kong istorya. "Hindi n'yo ba nagustuhan ang kwento ko?" tanong ko sa kanila. "Nagustuhan po, pero po nakakalungkot kasi 'di po niya naipagtapat sa prinsesa" malungkot na saad ng isang bata, tumango naman 'yung iba bilang pagsang-ayon. "H'wag na kayong malungkot, darating rin ang araw na maipagtatapat n'ya ang kaniyang damdamin sa prinsesa" sabi ko sabay tingin kay Luna, na 'di sinasadyang magulat sa pag tingin kong 'yon sa kaniya. Ngumiti na lamang siya sa gitna nang ilangang aming nararamdaman dahil sa kwentong inilahad ko sa mga bata. "Magsikain pa kayo mga bata, magpakabusog kayo bago kayo umuwi" sabi niya at nagkunwaring may pinagkakaabalahan.