12: MULTONG MATAKAW SA PAGKAIN

1574 Words
"Ano bang ginagawa mo diyan sa ganitong oras ng gabi?" pasigaw na nagtanong ang matanda mula sa taas. Napa kunot noo ang kanyang Lola Biatriz, dahil nagising siya sa ingay ng mga nabasag na bagay at boses ni Alfred na parang tangang nagsasalita nang mag isa sa sala. "Lola.. Kasi po... mahirap ipaliwanag.." "Anong mahirap ipaliwanag? sabihin mo, anong nangyayari dito?" tanong ng matanda habang marahang bumaba ng hagdan bitbit nag isang malaking kandila para magsilbing liwanag sa kanyang aapakan. "La.. kung sasabihin ko po bang may multo talaga sa bahay na 'to would you believe me?" "Of course, apo kita, naniniwala ako sa iyo... Pero sa multo hindi." sagot ni Lola Biatriz. Pero nagtataka na rin siya sa nakikitang magulo ang buong paligid ng sala. "La naman..." +++++++++++++++++++++++++++++ Sa sumunod na gabi, ang buong mansyon ay tahimik. Sa labas, maririnig ang mahina ngunit tuloy-tuloy na ugong ng hangin na dumadaan sa malawak na plantasyon ng mga imported na saging. Paminsan-minsan ay kumakaluskos ang mga dahon, para bang may mga lihim na bulungan sa dilim. Sa loob ng kusina ng mansyon, dalawang katulong ang nakaupo sa maliit na mesa. Si Aling Nena, ang pinakamatagal nang kasambahay sa bahay, ay may hawak na rosaryo habang pabulong na nagdarasal. Samantala si Lito, ang batang helper na bagong pasok pa lamang, sa dalawang linggo ang nakalipas, ay halatang balisa. “Aling Nena…” mahina niyang sabi. “O?” sagot ng matanda habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa rosaryo. “Sigurado ka bang wala talagang daga sa ref?” Huminto sa paggalaw ang mga daliri ni Aling Nena. “Bakit mo natanong?” Napakamot si Lito sa ulo. “Kasi… kagabi, nilinis ko ang ref. Kumpleto pa yung cake ni Sir Alfred… yung banana cake na paborito niya, dalawang box pa nga yon ee" Tumango si Aling Nena. "Eh ano ngayon?” Lumunok si Lito. “Pagbalik ko sa madaling araw… kalahati na lang ang laman ng isang box.." Nanlaki ang mata ni Aling Nena. "Ha?” “Oo. At hindi lang yun…” bulong ni Lito, at itinuro ang mesa. “Yung tatlong pirasong fried chicken… dalawa na lang.” Saglit na natahimik ang kusina. Dahan-dahang tumingin si Aling Nena sa ref na nakatayo sa dulo ng kusina. “Baka naman si Sir Alfred talaga ang pumasok kagabi at kumain ng mga iyon..” Umiling si Lito. “Hindi po. Nakita ko siyang pumasok sa kwarto kagabi, kaya alam ko kung anong oras natulog yon” Muling natahimik ang dalawa. Pero sa sulok ng kusina. May isang babae ang nakaupo sa ibabaw ng counter. Tahimik lang siya habang kumakain ng banana cake gamit ang kutsara. Si Sheryl. Nakabitin ang kanyang mga paa habang masayang ngumunguya. “Ang sarap naman nito…” sabi niya habang napapikit sa tuwa. Wala siyang ideya na pinag-uusapan na siya ng mga katulong. Sa totoo lang, halos isang buwan na siyang gumagala sa mundo bilang kaluluwa. Noong una, hindi siya nakakaramdam ng gutom. Pero simula nang makilala niya si Alfred. May mga bagay na nagbago. Bigla niyang nararamdaman ang gutom. At dahil si Alfred lang ang nakakakita sa kanya. Wala ring pumipigil sa kanya, na kumain. Sumubo siya ng isa pang malaking piraso ng cake. “Grabe… kung multo ako, bakit parang nagugutom pa rin ako?” sinabi ni Sheryl na tinatanong ang sarili. Hanggang sa biglang… CREEEEEAK… Unti-unting bumukas ang pinto ng ref. Nanigas sina Lito at Aling Nena. “Aling Nena…” nanginginig na bulong ni Lito. “O… o?” “May… may nagbukas ng ref.” Dahan-dahang napalingon ang matanda. At doon nila nakita… Ang pintuan ng ref na kusa at dahan-dahang bumubukas. Ngunit walang tao, walang kamay. Wala ni kahit anino. Napahigpit si Aling Nena sa rosaryo. “Aba… Diyos ko po…” Samantala, sa loob ng ref. May isang kamay na hindi nila nakikita, ang kumuha ng isang plastic-ware na may nakalagay na fried chicken. Syempre… Si Sheryl iyon. “Uy may fried chicken pa pala!” masayang sabi niya. Lumipad palabas ng ref ang lalagyan ng pagkain. Diretso itong pumunta sa ibabaw ng counter. Kung saan siya nakaupo. Napamulagat si Lito. "ALING NENAAAAAA!” Sumigaw siya. “Ano yun?!” gulat na sigaw ng matanda. “Lumipad yung fried chicken!” halos maiyak na si Lito sa takot. “Ha?!” “Lumipad po talaga!” iyak ni Lito. Samantala sa kabilang bahagi ng bahay, sa kwarto ni Alfred. Nakaupo siya sa kama habang nagbabasa ng libro tungkol sa pagnenegosyo ng saging. Tahimik ang paligid. Hanggang sa nabulabog ang katahimikan ng bigla siyang nakarinig ng sigaw. “AAAAAAAAAA!” Napalingon siya sa pinto. “Anong nangyari?” Narinig ni Alfred ang takbuhan sa hallway. Kaya lumabas siya ng kwarto. At doon niya nakita sina Lito at Aling Nena na parehong takot na takot. “Sir Alfred!” sigaw ni Lito. “Ano yun?” nagtatakang tanong niya. “May… may multo sa kusina!” Halos mapangiti si Alfred. “Multo?” “Opo!” “Lumilipad yung pagkain!” utal na sinabi ni Lito. “Bukas ang ref!” sinabi naman ni Aling Nena. “..at.. may kumakain!” Pinipigilan ni Alfred ang pagtawa. Sapagkat may kutob na siya kung sino iyon. Tahimik siyang bumaba at naglakad papunta sa kusina. Kunwareng interesado siyang tingnan ang lagay ng kusina. Pagpasok niya… Nakita niya si Sheryl na nakaupo sa counter. May hawak na fried chicken sa isang kamay at dalawang slice ng banana cake sa kabila. Punong-puno ng pagkain ang bibig niya. Ganon paman, napansin niya bigla ang kagandahan ni Sheryl, simple, at may angking nakakatangi na sa kanya lang niya makikita, wala sa ibang babae. Nang makita siya, ngumiti ito. “Hi!” Napailing si Alfred. “Sheryl…” Ngumanga siya habang ngumunguya. “Ano?” “Kinakain mo na naman ang pagkain sa ref?” Nagkibit balikat siya. “Gutom ako.” Tumingin si Alfred sa mesa. Halos kalahati na ng banana cake ang nawala. “Grabe ka…” “Masarap eh.” Lumapit siya sa counter at tumayo sa harap ni Sheryl. “Alam mo bang natatakot na ang mga katulong?” Sumubo ulit si Sheryl, at nagtanong pa. “Bakit?” Napabuntong-hininga si Alfred. “Lumilipad kasi ang pagkain.” Napangiti siya. “Oops.” Mula sa pintuan ng kusina. Sumisilip sina Lito at Aling Nena. Nanlaki ang mata nila nang makita si Alfred na parang may kausap sa hangin. “Aling Nena…” bulong ni Lito. “O?” “Bakit parang may kausap si Sir?” Napalunok ang matanda. "Diyos ko…” Sa loob ng kusina. Napansin ni Alfred ang mga katulong. “Relax kayo. Wala pong multo.” Nagkatinginan ang dalawa. “Pero Sir…” sabi ni Lito. "Lumipad yung chicken.” Saglit na tumingin si Alfred kay Sheryl. Napakamot siya sa ulo, dahil hawak pa ni Sheryl ang fried chicken na dapat kanina pa niya naubos. "Ah… baka hangin.” Napamulagat si Lito. “Hangin?!” Samantala si Sheryl ay halos mabulunan sa kakatawa.. “Hangin daw oh!” Mahinang natawa si Alfred. “Shhh…” Marahang umusog si Sheryl sa kanya, at sinabing, "Hindi mo ba sasabihin sa kanila?” Umiling si Alfred. “Hindi sila maniniwala.” Biglang tumingin si Sheryl sa ref. Ngumiti siya ng pilyo, bago sinabing, “May ice cream pa pala” Bago pa makapagsalita si Alfred… WHOOOSH! Lumipad palabas ang isang tub ng ice cream mula sa ref. Napatili si Lito. “AAYYYYY!” Halos mahimatay si Aling Nena. “Multooooo!” Tumakbo ang dawala palabas ng kusina. Tahimik na napatingin si Alfred kay Sheryl. Habang hawak nito ngayon ang ice cream. “Sorry…” Napailing siya. “Sheryl…” “O?” “Busog ka na ba?” Nagkibit balikat siya. "Konti na lang.” Napabuntong-hininga si Alfred habang nakatingin sa nagkalat na pagkain sa counter. Banana Cake. Fried Chicken, at Ice cream. At isang masayang multo na parang batang nakadiskubre ng buffet. Napailing siya habang napapangiti. “Grabe ka..” Umupo si Sheryl sa counter habang kumakain ng ice cream. Tahimik siyang napatingin kay Alfred. “Alfred…” “O?” “Salamat.” Nagulat si Alfred. "Bakit?” Mahina siyang ngumiti. "Kung hindi mo ako nakita… baka hanggang ngayon, naglalakad pa rin ako sa dilim.” Sandaling natahimik ang kusina. Sa unang pagkakataon… Naramdaman ni Alfred ang kakaibang bigat sa dibdib niya. Hindi niya alam kung bakit, isang ligaw na kaluluwa lang naman si Sheryl. Pero sa bawat araw na magkasama sila… Parang nagiging normal na bahagi ng buhay niya ang presensya nito. Napabuntong-hininga siya. "Next time…” “O?” “Sabihin mo sa akin kung gutom ka.” Ngumiti si Sheryl. "Talaga?” Tumango siya. "Bibigyan kita ng pagkain.” Biglang kumislap ang mga mata ni Sheryl. "Libre?” Napatawa si Alfred. "Oo.” at agad siyang tumayo sa counter. “Okay!" sagot ni Sheryl at sumubo siya ng malaking kutsara ng ice cream. “Multong busog na ako!” dagdag pa niya pagkatapos mailunok ang kinakain. Napailing uli si Alfred habang nakangiti. Kasalukuyang nasa labas pa ng kusina ang dalawa. Nagtago sina Lito at Aling Nena sa likod ng pader. Naririnig nila si Alfred na nagsasalita mag-isa. “Aling Nena…” “O?” “Sigurado na po ako.” “Ano?” “May multo dito sa mansyon.” Napahigpit ang paghawak ni Aling Nena sa rosaryo. “Bukaaaaas… magpapa-bendisyon na tayo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD