Chapter-2

1197 Words
"Ziyah!" Tawag sa kanya ng kaibigang si Glaiza. Kumakaway pa ito sa kanya habang nakaupo sa may dulo ng kilalang coffee shop. Kumaway din siya sa kaibigan saka ngumiti. Si Glaiza ang nag-iisang kaibigan niya. Kapag kailangan niya ng makakausap, tinatawagan niya ito. Ganoon pa man, wala siyang lakas ng loob na sabihin sa kaibigan ang totoong pinagdadaanan nilang mag-ina sa loob ng pamamahay ni Julio. Tinawagan niya ang kaibigan dahil nais muna niya ng makakausap. May problema na naman kasi silang mag-ina. Tatakbong Mayor si Julio at wala itong makakalaban na mas malakas dito. Panigurado ang panalo ni Julio kung sakali, kaya problemado na naman siya. Magkakaroon na naman kasi ng kapangyarihan si Julio para lalong masaktan ang Mommy niya. At siya naman ay tuluyang makukulong sa pangangalaga nito. Isama pa ang hustisya para sa ama na lalong malabong makamit kung uupong Mayor si Julio. "Kanina ka pa?" Nakangiting tanong niya sa kaibigan. Magaling siyang magtago ng problema, kaya hindi halata ng kaibigan na may dinadala siya sa pamilya nila. Ni minsan wala siyang pinagsabihan ng problema, kahit madalas pakiramdam niya ay sasabog na siya. Ganoon siya katindi magtago ng pinagdadaanan. Ayaw kasi niya ng kinaaawaan siya ng iba. Mas okay na para sa kanya ang mag-isang naaawa sa sarili, kaysa kinaaawaan siya ng iba. "Medyo lang naman, pero okay lang," malalim na ngiting sagot nito. "Ganda ng ngiti mo ah. Naka-order ka na ba?" "Hindi pa. Ako na ang o-order," sabi nito at agad na tumayo mula sa kinauupuan. Nag-ayos pa ito ng buhok at damit. "Maganda na ba ako?" Tanong nito. "Glaiza, maganda ka naman lagi," "I need to be extra beautiful ngayon," "Why?" "Tumingin ka sa kaliwa. May dalawang gwapong nagkakape, at kung hindi ako nagkakamali, sina Liam Villanueva iyan at si Zandro De Guzman," bulong ng kaibigan sa kanya habang hindi maitago ang kilig nito. "Ah? Zandro De Guzman?" Tanong niya at mabilis na napalingon sa dalawang lalaking nakaupo. Hindi naman siya nabigo nang makita ang sinasabi ng kaibigan. Totoo nga, mga gwapo silang umaagaw ng atensyon ng mga kababaihang naroon. "Yes. Sila ang mga hottie single sa bayan na ito," kinikilig pang sabi ni Glaiza. Pinakatitigan niya ang dalawang lalaking seryosong nag-uusap. Hindi naman namamalayan ng mga ito ang presensya nila ni Glaiza at ng iba pang palihim na nakatingin. "Liam Villanueva yung gwapong naka-long sleeve, successful engineer 'yan at businessman. Tapos eto naman, si Zandro De Guzman. Malaking negosyante rin siya, plus, nag-iisang anak na lalaki ni Mayor Fernan De Guzman," "Siya ang anak ni Mayor?" Mahinang tanong niya. "Yes. Ang gwapo, no," sagot ni Glaiza at nagpaalam na sa kanya na o-order na muna ng kape nila. "Zandro De Guzman," bulong niya sa pangalan ng lalaki habang nakatingin dito sa di kalayuan. Ang lalaking ito ang kailangan niya. Ito ang lalaking pwedeng kumalaban kay Julio sa pagka-alkalde. Ang lalaking ito ang tatalo kay Julio. "Here," sabi ni Glaiza nang makabalik at inilapag sa harapan niya ang kape. "Salamat," pasalamat niya. At napansin ang pagtayo ng dalawang lalaking tinitingnan nila ng kaibigan. Parehong matangkad at may magagandang katawan ang mga ito. Hindi lang naman silang dalawa ng kaibigan ang nakakapansin sa dalawang gwapong lalaki. Halos lahat ng kababaihan sa loob ng coffee shop pasimpleng sinusulyapan ang dalawa. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagsulyap ng isa sa mga ito sa dako nila. Si Zandro. Nagtama ang kanilang mga mata. Malalim ito kung tumingin. Hindi naman siya nagbawi ng tingin dito hanggang sa makalayo na ito at tuluyang lumabas ng pintuan ng coffee shop. Nakasunod pa rin siya ng tingin sa lalaki. "Ziyah!" Sabay tapik pa ng kaibigan sa kamay niya. "Ah?" "Kanina mo pa tinititigan si Zandro. Ano, type mo?" Nakangiting tanong nito. Ngumiti lang siya sa kaibigan. May ibang pakay siya kay Zandro. Kailangan niyang paghandaan nang husto ang gagawin niya. "Hindi ka ganoon tumingin sa isang lalaki. Isa pa, si Zandro pa lang yata ang pumukaw sa atensyon mo," sabi pa nito. Ngiti lang ang sinagot niya sa kaibigan. Saka humigop sa mainit na kape. Sa edad niyang bente dos, wala pang lalaking nakalapit sa kanya. Wala pa ring ni isang lalaking nakakuha ng atensyon niya—hanggang ngayon. Matapos nilang magkape ni Glaiza, naglakad-lakad pa sila sa Tragora Mall. Panay ang biro ng kaibigan sa kanya tungkol kay Zandro. Ngiti lang at iling ng ulo ang tanging sagot niya. Kung ano man ang plano niya kay Zandro ay sasarilinin muna niya. Isa pa, wala pa siyang alam na paraan para malapitan ito at makausap nang maayos. Pero dahil anak ito ng Mayor, madali lang siguradong malaman kung saan ito nakatira. Ang problema: paano niya ito malalapitan para kausapin? Pag-uwi ng bahay, maingay na naman si Julio. Sumisigaw na naman ito habang pinapagalitan ang ilang kasambahay. Ganoon naman talaga tratuhin ni Julio ang mga kasambahay nila—parang hindi tao kung mura-murahin nito. Paano mo iluluklok at bibigyan ng kapangyarihan ang isang tulad ni Julio na mala-demonyo ang ugali para mamahala sa bayan nila? Walang dudang madudungisan ang magandang imahe ng bayan ng San Miguel. Umakyat siya sa hagdan. Hindi na lang pinansin ang boses ni Julio. May mas kailangan siyang pagtuunan ng pansin: si Zandro De Guzman. Nagtuloy siya sa silid, agad na humarap sa laptop para maghanap ng impormasyon tungkol kay Zandro. Kailangan pag-aralan muna niya nang mabuti kung paano niya malalapitan ang isang Zandro De Guzman at maihahayag ang pakay niya rito, nang hindi ito tatanggi. Ayon sa mga nabasa niyang impormasyon, walang karelasyon si Zandro. May mga bali-balita na mahilig ito sa mga babae. Well, lahat naman yata ng lalaki mahilig sa babae. Si Zandro ang nagpapatakbo ng De Guzman Farm. Ito ang nagsu-supply ng mga gulay at prutas sa bayan nila at ilan pang karatig bayan. May export din ang mga produkto nito, kaya masasabing isa siyang matagumpay na negosyante sa edad nitong bente otso. Pinakatitigan niya ang gwapong larawan ng binata sa screen ng laptop. Zandro is a handsome man. Malakas ang appeal. Walang dudang titilian at pagkakaguluhan ito ng mga kabataang may kakayahan nang bumoto. Tiyak ang magiging panalo ni Zandro sa mga kabataan, at natitiyak niya ang magiging panalo ni Zandro laban kay Julio na wala namang kwenta talaga. "Kailangan makausap ko si Zandro sa lalong madaling panahon," bulong niya habang titig na titig sa larawan ni Zandro. "Handa kong gawin lahat mapapayag ko lang siyang labanan si Julio. Handa kong isakripisyo ang lahat para mapanalo ni Zandro ang kandidatura," mariing bulong niya sa sarili na puno ng determinasyon. Ang kailangan niyang isipin ngayon ay kung paano makakaharap si Zandro, at paano niya ito mapapayag na tumakbong Mayor sa bayan nila. May nabasa kasi siyang article na ayaw daw ni Zandro na pumasok sa pulitika. Mas nais daw kasi nitong mag-focus sa negosyo nito. Wala raw sa isip nitong sumunod sa yapak ng ama na kasalukuyang nakaupong Mayor. Mas nais daw ng binata ng tahimik at simpleng pamumuhay lamang. Kung sa bagay, kung isa na rin naman itong matagumpay na negosyante, wala na ngang dahilan pa para pumasok ito sa magulong mundo ng pulitika. Kaya kailangan niyang kumbinsihin si Zandro nang todo-todo para mapapayag itong labanan ang demonyong si Julio Alcaraz.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD