“ANO’NG nangyayari?” Dalawang salita lang iyon muna sa pamilyar na boses na narinig nina Soledad at Ruben, pero halos manginig ang katawan nila sa kaba. Nabaling kaagad ang atensyon nila sa taong nagmamay-ari ng boses mula sa may pintuan ng kusina kung saan nakatayo ang matandang si Tasing dala ang pinamili nito mula sa palengke. Bakas sa mukha nito ang pagtataka at pagkalito nang madatnan silang basang-basa at nakatitig sa isa't isa. Dulot ng pagkalito, hindi alam ni Soledad ang sasabihin niya sa matanda. Baka kasi kung ano na lang ang isipin nito at makarating kay Benjamin ang mga naganap. Ang mahirap pa roon, baka iba ang marinig ng gobernador sa bibig nito. “Inay, nariyan na pala kayo.” Mabuti na lamang at kaagad na nilapitan ni Ruben ang ina. “Inayos ko lang po ang tubo sa lababo

