Pagkauwi ko mula ospital, tahimik lang ang paligid. Wala si Digby. Wala ring anino ng kahit anong tension—pero ramdam ko sa hangin. ‘Yung pakiramdam na parang may parating. Hindi ko rin siya tinext. Gusto ko lang magpahinga. Umupo ako sa balcony ng guest room, dala ang kape at mga tanong sa sarili. Bakit ba siya ganito? Bakit kahit anong iwas ko, siya pa rin ang laman ng puso ko? At kung tutuusin, hindi ko naman siya hinanap buong araw. Pero totoo rin—hinintay ko siya. Hinintay kong umuwi siya. Hinintay kong ipakita niya ulit 'yung Digby na kahit hindi niya alam, unti-unti nang bumabasag sa puso kong ginusto ko nang isara. Maya-maya pa, may narinig akong kaluskos sa ibaba. Hindi ako agad tumayo. Pero nang sumunod ang sunod-sunod na yabag—doon na ako napatayo at sumilip. Si Digby.

