Habang tinatanaw ni Nathaniel ang pagtakbo ng dalaga papasok sa loob ng mansion ay hindi maiwasan ng binata na mapailing.
Talagang bata pa ito, sa isip-isip ng binata bago muling binalik ang mga tingin sa Don.
"Sabihin mo sa akin, Nathaniel, ano nga ba ang dahilan kung bakit kayo magkasama ng aking anak?"
"Tulad ng sinabi ko kanina ay nagkita lamang kami ni Lola sa bayan ng hindi sinasadya.”
"Alam kong may iba pang dahilan, Capitan, sa nakaraang bakasyon ng aking anak ay alam kong hindi naging maganda ang unang pagkakakilala nyo.”
"Aksidenteng muntik ko nang mabangga ang anak nyo sa bayan, mabuti na lang at kaagad na nakabig ni Lola ang manibela at tumilapon lamang ang anak nyo sa damuhan,” pagtatapat ng binata na hindi na napigilan ang sarili at sinabi ang totoong nangyari.
"Talagang ang batang iyon. Wala nang ibang ginawa kundi pasakitin ang ulo ko," wika ng Don na bahagyang hinilot ang sentido nito.
"’Wag kang mag-alala, Sir, walang kahit na anong bali o gasgas ang inyong anak, maswerte na lamang siya at sa damuhan siya tumilapon kasama ang kanyang motorsiklo," paliwanag ni Nathaniel sa Don.
"Nathaniel, hindi lingid sa aking kaalaman ang nangyari sa pagitan nyo ng aking anak, isang taon na ang nakalipas.”
Napakunot ang noo ni Nathaniel. “Ano ang ibig mong sabihin, Sir?”
"Dumating sa akin ang balitang nilatigo mo daw si Lola?"
"Ano sa palagay nyo, Sir?" balik tanong ni Nathaniel kay Mattias.
"Sinasabi mo bang totoo ang balitang iyon, Nathaniel?"
"Hindi ko pagkakaila, ngunit hindi ko rin aaminin, Don Mattias," tugon ni Nathaniel sa matandang Don.
Napabuntong-hininga si Don Mattias bago muling magsalita. “Siguro nga ay hindi ko masyadong nalalaman ang mga pinaggagawa ng aking anak noong huling bakasyon nya dito sa hacienda.”
Natahimik si Nathaniel dahil sa sinabi ng Don. Nakita niya sa mukha nito ang hirap sa pagdidisplina sa kaniyang kaisa-isang anak na si Lola.
"Kung darating man ang araw na magkaroon ng lalaking makakasama ang aking anak na si Lola ay hinahangad kong sana ikaw ang lalaking mamahalin ng aking unica hija, Capitan, dahil alam kong kaya mong supilin ang anumang ugali ng aking anak. At sa nakalipas na isang taon na pananatili mo dito sa aming bayan ay nakuha mo kaagad ang simpatya ng mga tao," mahabang sabi ng Don.
"Sa palagay ko ay hindi kayang pakitunguhan ng anak nyo ang isang katulad ko," tugon niya.
"Kilala ko ang aking anak, Capitan, alam kong minsan ay matigas ang kanyang ulo, ngunit marunong siyang makibagay at makisalamuha," described ni Don Mattias.
‘Sa taong dalawa ay mas kilala ko ang iyong anak, kaysa sa iyo Mattias Castillon!’ Gustong sabihin ni Nathaniel sa Don ngunit pinigil niya ang kanyang sarili.
"Sa palagay ko ay nasa sa iyo ang problema, Mr. Castillon, kung sana ay hindi nyo hinahayaan na paikutin kayo ni Lola sa kanyang palad ay marahil hindi mahirap para sa inyo na pasunurin si Lola," tugon ni Nathaniel kay Don Mattias.
"Siguro ay tama ka, Capitan. Simula kasi ng mawala ang kanyang mama ay binigay ko ang lahat ng gustuhin at naisin ng aking anak sa pag-aakalang mapupunan ko ang pagiging ama at ina para sa kanya," malungkot na kwento ng Don.
"Bakit hindi nyo subukang maging matigas sa anak nyo?"
Napatango-tango si Don Mattias dahil sa sushesyon ni Nathaniel. Marahil ay naisip nitong tama ang kanyang sinabi.
"Hindi na ako magtatagal Mr. Castillon, mauuna na ako at may importante pa akong lakad," paalam ni Nathaniel kay Don Mattias.
"Ikaw ang bahala, Capitan. Teka may masasakyan ka ba pabalik ng bayan?"
"Kung inyong mamarapatin ay maaari ba akong makahiram ng iyong sasakyan na magagamit ko pabalik ng bayan, magpapadala na lamang ako ng aking tauhan na magbabalik ng sasakyan.”
"Aba'y walang problema, Capitan. Teka at ipapatawag ko si Caloy upang ihanda ang sasakyan na gagamitin mo," saad ng Don at mabilis na lumakad papasok ng mansion ng mga ito.
Ilang sandali lang ay lumabas si Mang Caloy dala ang isang susi ng sasakyan. Kaagad na inabot ng katiwala ang susi sa kanya.
"Capitan, pina-paabot ni Don Mattias," sabi ng matandang katiwala.
Nagpasalamat siya sa matanda at inabot ang susi ng sasakyan. Kaagad na sumakay si Nathaniel sa magarang sasakyan ng mga Castillon at kaagad na pinaandar ito at pinatakbo.
Ang hindi alam ni Nathaniel ay nakatanaw si Lola sa kanyang pag-alis mula sa bintana nito sa kanyang silid ng biglang bumukas ang pinto ng dalaga.
Pumasok si Don Mattias sa kwarto ni Lola, at kaagad na pinagalitan ang kanyang anak.
"Lola, ano ba itong sinabi sa akin ni Capitan na kamuntikan ka na daw niya mabangga sa bayan?" pigil ang galit sa tinig ng Don.
"Pa, wala naman nangyaring masama sa akin," pagdadahilan niya.
"Walang nangyari? Paanong wala kung tumilapon ka pa pala sa damuhan kasama ang motorsiklo mo?"
"Pa, I'm okay, there's nothing to worry about," sagot niya sa kanyang ama na nilapitan ito at niyakap.
"Simula bukas ay ayoko ng makita ang motorsiklo mo, Lola!" galit na sigaw ng kanyang ama.
"Anong ibig mong sabihin, Pa?" nagtataka na tanong niya.
"Gusto kong i-dispose mo ang motorsiklo mo, Lola!" utos ng kanyang ama.
"Pa, ano ang gagamitin ko dito sa hacienda?" hiyaw niya sa kanyang ama.
"Tapos na ang usapan, Lola, bukas na bukas din ay ipapakuha ko sa mga pinsan mo ang motorsiklo mo!" pinal na wika ng kanyang ama.
"Pero, Pa!" tutol na sinabi niya sa kanyang ama.
"Narinig mo ang sinabi ko, Lola.”
"Pero, Pa! Alam mong matagal ng wala si Windy," maktol niya sa kanyang ama.
Ang pangalang Windy na binanggit niya ay ang paborito niyang kabayo.
Gusto sanang sabihin ng Don ang tungkol sa kabayo ng kanyang anak ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Siguro ay hahayaan na lang niya na mismong si Lola ang makakita.
"Tandaan mo ang sinabi ko, Lola!" sambit ng kanyang ama bago ito naglakad palabas ng kanyang kwarto.
Galit na galit si Lola na humiga sa kanyang kama at naisip niyang kasalanan lahat ito ni Nathaniel. Kung hindi nito sinabi ang nangyari sa kanya sa bayan ay marahil kaya niya pang bolahin ang kanyang ama na ‘wag tanggalin sa kanya ang bagong bili niyang motorsiklo.
Dahil sa matinding galit ni Lola kaya natuon ang isip ng dalaga pabalik sa nakaraan. Sa nakaraan kung saan nagsimula ang matinding nararamdaman niya para kay Nathaniel Montelibano.
Isang taon na ang nakalipas nang unang makita at makilala ni Lola si Captain Nathaniel Montelibano sa sapa, ang sikretong paraiso ng dalaga. Iyon din ang simula ng pag-usbong ng kanyang nararamdaman para sa binatang dayo sa kanilang bayan.
Dahan-dahang ipinikit ni Lola ang kanyang mga mata at sinimulang sariwain sa kanyang isipan ang nakaraan. Nakaraan na siyang naglikha ng una niyang pagkabigo sa pag-ibig. Pag-ibig na hindi kayang tugunan ni Nathaniel, ang unang lalaking pinag-aksayahan niya ng oras at panahon. Si Nathaniel na bukod tanging hindi natinag sa kanya.