Nasa bahay na si Lyka sa oras na iyon, malalim ang iniisip niya habang tanaw ang malayo. Nasa bintana siya habang hawak ang balabal sa kaniyang balikat. Pasado alas otso na nang gabi, at madalas sa probinsya na gaya ng Samal, ay iyon na ang oras ng pagtulog o pamamahinga kaya wala nang maririnig na ingay doon. "Hindi ka pa ba matutulog hija?" narinig niya si manang Tesya sa likuran niya. "Hindi pa po," ngiti niya. "Malalim yata ang iniisip mo ah?" "Wala naman po, nag-iisip lang po ako ng magandang gawin sa isang bagay." "Bagay? o baka naman tao?" "Ganoon na rin po 'yon, nay." "Si Mad ba?" tumabi ito sa kaniya at sumandal sa may bintana. Gaya niya ay tumingin din sa malayo si manang at halatang nakikiramdam sa kaniya, hinintay nito ang sagot niya sa pagitan ng mahabang katahimikan.

