“LET’S stop seeing each other for a while,” desisyon ni Trisha pagkatapos marinig ang paliwanag ni Ken.
Totoo ang sinabi ni Seling na artista ang babaeng nag–eskandalo sa bahay ng mga Alegre kanina. Pero Olga Medina ang tunay na pangalan nito at screen name lang nito ang Jackielyn Reyes. Umamin si Ken na naka-one-night stand nito si Olga pero itinanggi ng binata na anak nito ang ipinagbubuntis ng babae.
“What? No, way!” protesta ni Ken. Nasa loob sila ng kanyang kotse ng mga oras na iyon at nakaupo ito sa passenger’s seat. “I never cheated on you, Trish. And I would never do that. Naniniwala ka naman na mahal kita, ‘di ba?”
“But you lied to me!” sumbat niya habang nagpipigil pa ring mapaiyak. “Tinanong kita kagabi kung sino si Olga Medina, pagkakataon mo na ‘yon para sabihin sa akin ang totoo pero nagsinungaling ka!”
May parte sa kanya na naniniwala na hindi talaga ito nagtaksil sa kanya dahil halos kabuwanan na ng babae samantalang pitong buwan pa lang ang relasyon nila. Maaring nabuo ang bata bago pa man sila magkaroon ng relasyon pero labis niyang iniinda ang ginawa nitong paglilihim dahilan para mahirapan siyang unawain ito.
“I was just scared of telling you the truth, I knew it would hurt you kaya nagdesisyon akong hintayin munang makapanganak si Olga at mapatunayan ko na hindi ako ang ama ng anak niya bago ko sabihin sa ’yo ang lahat.”
“Kailan mo pa nalaman ang tungkol sa bata?”
“A week after you left the country.”
Napapikit si Trisha. Paano nito nagawang maglihim sa kanya nang ganoon katagal? Ang galing nitong magtago dahil hindi man lang siya nakahalata.
“You owe me the truth eversince you learned about it, Ken,” mapait na sabi niya.She was wrong to think that Ken would always open and honest to her. Hindi pala niya alam ang lahat tungkol kay Ken. She could only take it as lack of trust on his part.
“I’m so sorry, Trish.” Tinangka nitong hawakan siya subalit tinabig niya ang kamay nito, nagsumiksik pa siya sa pinto ng kotse.
“Mas pinili mong maglihim sa ‘kin at mas inuna mong hanapan ng solusyon ang problema mo kaya sige, huwag na muna tayong magkita hangga’t hindi mo pa naayos ang problema mo.”
“Pero, Trish…”
“I need space to think everything… about us. Kung talagang mahal mo ako, ibibigay mo ‘yon.”
Napabuntong–hininga si Ken. Pero matagal bago nakasagot. “Kung ‘yan talaga ang gusto mo, pagbibigyan kita. But believe me that I really love you.”
Nagulat si Trisha at hindi nakakilos nang bigla nitong sapuin ang mukha niya at siilin ng halik sa kanyang mga labi. Halos mapugto ang hininga niya nang bitiwan siya nito. Pagkatapos ay walang paalam na bumaba ito sa kotse niya, sumakay sa kotse nito at pinaharurot iyon palayo.
Nang tuluyang mawala sa kanyang paningin niya ang kotse nito ay saka pa lang niya pinalaya ang luhang kanina pa niya pinipigilan.
KASWAL na naupo sa sofa sa tabi ni Jane si Trisha. Kanina pa kasi niya naririnig na nagkukuwento si Kate tungkol sa mga showbiz reporters na nag–aabang sa labas ng bahay nito at alam niyang may kaugnayan iyon sa kuya nito kaya nagpasya na siyang lumapit at tuluyang makinig sa ikinukuwento ng kaibigan.
Ilang araw nang laman ng mga tabloids, entertainment news at social media sina Kenneth Alegre at Jackielyn Reyes dahil bigla na lang nagpa–interview ang aktress at isiniwalat na si Ken ang ama ng ipinagbubuntis nito. Kaya hinahabol ang binata ngayon ng mga showbiz reporters upang kompirmahin ang ipinahayag ni Olga pero tumanggi ang binata na magpa-interview.
Halos isang linggo na ang nakararaan mula nang huling makita ni Trisha si Ken. Ibinigay nga nito ang space na hiningi niya pero hindi niya akalain na ganoon pala iyon kahirap. Gabi–gabi ay nakakatulugan na lang niya ang pag – iyak. Missed na missed na niya ang binata at gusto na niya itong makita. Pero sa tuwina ay nangingibabaw pa rin ang sakit sa ginawa nitong paglilihim sa kanya. Hindi pa rin niya alam kung paniniwalaan niya ang sinabi nitong hindi ito nagtaksil sa kanya. She needed more time to think.
Linggo ngayon. Tulad ng nakasanayan, dinaanan siya ni Kate sa bahay para magpunta sa bahay nina Jane para doon tumambay maghapon. She tried to go on with her life as normal as she could at hindi niya ipinahalata sa mga kaibigan ang pinagdaraanan kahit may pagkakataong gustong–gusto na niyang magbuhos ng sama ng loob sa mga ito kahit man lang kay Jane. Pero laging nagbabago ang kanyang isip. Naniniwala kasi siya na mas madali niyang malalagpasan ang lahat kung sasarilinin muna niya ang problema.
“Gusto nga ni Kuya na pumunta muna kay Papa Angelo sa Davao para makaiwas, eh. Pero pinagalitan lang siya ni Daddy dahil hindi naman talaga dapat tinatakbuhan ang problema,” kuwento pa ni Kate.
“Nasaan na ang kuya mo ngayon?” tanong ni Jane.
“‘Ayun nasa bahay at nagmumukmok. Lasing na lasing siya nang ihatid siya nina Jay–Jay at Paolo kagabi sa bahay. Muntik pa nga raw magwala sa bar, kaya galit na galit si Mommy.”
“Bakit naman siya naglasing?” hindi nakatiis na tanong ni Trisha. “Is it because of his problem about that Jackielyn Reyes?” kaswal na tanong niya.
“Hindi ‘no. Ang sabi ni Jay–Jay, nakipag–cool off daw kasi kay kuya ‘yong girlfriend niya kaya ayun ilang gabi na siyang naglalasing. Umiyak pa nga raw si Kuya Ken habang nagkukuwento sa kanila, eh. I haven’t seen Kuya cry for a long time. Mga bata pa kami noong huli siyang umiyak kaya halos hindi ako makapaniwala.”
Hindi rin siya makapaniwala sa narinig. Si Ken, umiyak dahil lang nakipag–cool siya rito?
“He must really be in love with that girl,” komento ni Jane.
“Sa tingin ko rin. Mabuti na lang talaga, hindi si Jackielyn Reyes ang girlfriend ni Kuya dahil hindi ko talaga s’ya matatanggap sa pamilya namin,” sabi pa ni Kate.
“Did you tell them about the good news, sweetheart?”
Napalingon sila nang marinig ang tanong na iyon ni Jay–Jay habang pumapasok sa living room kasunod si Paolo at si Bernard na kapatid ni Jane. Lumabas ang mga ito kanina upang bumili ng inumin at pagkain.
“Not yet, sweetheart. Ikaw na lang ang magsabi,” sagot ni Kate. Kapuna-puna ang biglang pamumula ng pisngi nito.
Inilapag muna ni Jay–Jay ang hawak nitong plastic bags sa ibabaw ng center table bago paakbay na naupo sa tabi ni Kate.
“What good news?” tanong ni Bernard.
“Well, Kate and I are decided to get married!” masayang anunsyo ni Jay – Jay.
Biglang nagkaingay ang lahat sa sinabing iyon ni Jay–Jay. Naglapitan sila sa dalawa at binati ang mga ito.
“At ikaw naman, Trish? Kailan mo ba talaga ipapakilala sa amin ang boyfriend mo?” biglang tanong ni Jay–Jay pagkatapos nilang magyakap.
“Oo nga, ang tagal mo nang may boyfriend pero hanggang ngayon, hindi mo pa rin ipinakikilala sa amin. Tama ba ‘yon?” dugtog ni Kate.
Hindi siya nakasagot.
“Trish?” pukaw ni Jane. Napansin niyang nakatingin sa kanya ang lahat at naghihintay ng sagot niya.
Pilit siyang ngumiti. “I don’t know. The relationship is on the rocks,” pag – amin niya. Ikinurap–kurap niya ang mga mata dahil pakiramdam niya ay maiiyak na naman siya.
“Who is that guy, Trish?” walang kangiti–ngiting tanong ni Paolo.
“Sa ngayon, siguro mas maganda kung hindi n’yo muna malaman.”
Hindi naman nagpumilit si Paolo pero nanatili pa ring nakatingin sa kanya.
Napatingin si Trisha kay Jane nang humawakan siya nito sa balikat. “Magkuwento ka, kapag ready ka na, ha?” puno ng simpatyang sabi nito.
Tumango siya. Ilang sandali pa ay nagbalik ang masayang kuwentuhan nang magdatingan pa ang iba pa nilang mga kaibigan.
PAGKATAPOS ng masaganang hapunan, tumayo na si Ken at magalang na nagpaalam sa lahat. Dumating sa bahay nila si Jay–Jay para pormal na humingi ng permiso na pakasalan na ang kanyang kapatid. He was happy for his best friend and for his sister. Isa si Jay–Jay sa pinakamatino at pinakaresponsableng taong nakilala niya kaya madali niya itong natanggap bilang boyfriend ng kapatid niya kahit noong una, pakiramdam niya tinraydor siya nito nang pormahan ang kapatid niya nang hindi niya nalalaman. Nasapak pa nga niya si Jay-Jay noon.
Kasama ni Jay–Jay ang Lola Amelia nito, si Jane at mga kapatid nito, ang mag-asawang Narvantez na mga magulang ni Jane at tumatayong pangalawang mga magulang ni Jay–Jay dahil bata nang maulila ito sa mga magulang.
Kasalukuyang pinag–uusapan ang detalye sa kasal nang nagpaalam si Ken. Dala ang isang beer-in-can, nagpunta siya sa garden para magpahangin. Napabuntong–hininga siya nang makatagpo ng katahimikan.
He was having the hardest time of his life. Tinupad niya ang kagustuhan ni Trisha na dumistansya muna na sa tingin niya ay tama lang na ginawa niya dahil kung nagkataon, kasama rin itong sinusundan ng mga reporters. And worse makalkal din ng mga reporter ang pribado nitong buhay.
Miss na miss na niya si Trisha. Matapos lang talaga ang problema niya ay liligawan niya ito nang maayos. He would do everything to win her back and he would never give up.
Umiinom ng beer si Ken nang marinig niyang bumukas ang front door. Lumingon siya.
“Bakit nagsosolo ka rito?” tanong ni Jane na naglalakad palapit sa kanya. Naupo ito sa katapat niyang steel chair.
Nagkibit–balikat siya. “Marami na ba silang napag–usapan sa loob?”
“Oo, pero hindi pa final. Ang sure lang ay sa Monteclaro Hotel gaganapin ang reception, ang kuripot ng pinsan ko, ‘no?”
Umiiling-iling na napangiti siya. “How’s, Trish?”
“She’s fine, pero gaya mo brokenhearted din siya. Hinihintay lang namin ni Kate na mag–open up siya sa amin pero mukhang hindi mangyayari ‘yon. Kilala naman natin si Trish na may pagkamalihim.”
“Right,” pagsang–ayon niya.
“Inaalam na ni Paolo kung sino ang boyfriend niya, hindi naman ‘yon papayag na maloko ang pinsan niya. Wait a minute. ‘Di ba kilala mo ang boyfriend ni Trish?”
Hindi nakasagot si Ken.
Matagal siyang tinitigan ni Jane bago muling nagsalita. “Noong nagka - boyfriend si Trish, nagka–girlfriend ka rin at bigla kang nagtino. Ngayong brokenhearted si Trish, brokenhearted ka rin. Ang sabi pa ni Kate noong nagkasakit ka, si Trish ang nag-alaga sa ’yo. And for the first time, hindi ka nag–react nang may na-heartbroken sa barkada. Is there something that we don’t know, Ken?”
“Jane…” He wanted to tell to everybody about the relationship for a long time, pero hindi sana sa ngayon dahil magulo pa ang sitwasyon.
Naningkit ang mga mata ni Jane at pagkatapos ay biglang napapitik sa ere. “I knew it! Paano n’yo nagawang magtago? Of all people, Ken, kami pa ang pinaglihiman n’yo.”
Napabuntong–hininga siya. “I’m sorry. It just… it happened so fast. We were still trying to figure out our feelings for each other, so we kept it a secret first. Then nagpunta si Trish sa Japan. Pag–uwi naman niya, hinihintay lang namin na makahalata kayo saka kami aamin. And then nanggulo nga si Olga.”
Nanatiling nakatitig lang si Jane sa kanya. Nasa mukha nito ang pagkamangha sa rebelasyon niya.
“Nagalit sa akin si Trish nang malaman niya ang tungkol kay Olga. She asked for space. Ayaw ko lang siyang masaktan kaya naglihim ako sa kanya. Gusto kong makapanganak muna si Olga para mapatunayan ko na hindi ako ang ama ng anak niya bago ko sana sabihin kay Trisha ang lahat.”
“Paano ka naman nakasisiguro na hindi ikaw ang ama ng bata?”
“I didn’t plant my seed on any woman I slept with. If you know what I mean.”
Sandaling napakunot–noo si Jane pero biglang namula nang maunawaan ang ibig niyang sabihin.
“I also used rubber,” patuloy ni Ken. Bigla siyang natigilan nang maalala ang isang tagpo nang magsiping sila ni Olga.
“Hindi na natin kailangan ‘yan, katatapos lang ng period ko noong isang araw,” angal ni Olga sa kanya nang tumigil siya para magsuot ng proteksyon.
“Mabuti na ang sigurado, Olga. I hate complications,” tugon niya bago muling niyakap ang babae.
“s**t, ang laki kong gago!” galit na bulalas niya.
Bakit ngayon lang niya naalala ang pangyayaring iyon? Hindi sana magugulo nang husto ni Olga ang buhay niya at hindi ito magde-demand sa kanya ng kung ano-ano. Hindi rin sana niya magagawang maglihim kay Trisha kung noon pa niya iyon naalala. Kahit hindi siya eksperto, alam niya na hindi mabubuntis ang isang babae kung kakatapos lang ng period nito. Bigla siyang napatayo nang ma-realize ang lahat.
“Ano’ng nangyari?” nagtatakang tanong ni Jane.
“I have to go,”ani Ken at nagmamadaling naglakad palabas ng bakuran.
“Ken, saan ka pupunta?” Tumayo rin si Jane at nagmamadaling sumunod.
“Kay Olga, magtutuos kami!” Nagpunta siya sa nakaparadang kotse sa labas ng bakuran habang nakasunod pa rin si Jane.
“Teka, sasama ako.” Agad na nakapasok si Jane sa kotse kaya hindi na siya nakatanggi pa. pinaharurot na niya ang sasakyan.
“KEN, NAPADALAW KA,” gulat na sabi ni Olga nang mapagbuksan siya ng pinto.
Marahas at mariing hinawakan ni Ken sa braso at hinila papunta sa living room. “Bakit mo ginugulo ang buhay ko?!!! Bakit?!!!” nagpupuyos sa galit na sigaw nito.
“Ken, you’re hurting her,” nag–aalalang sabat ni Jane na nakasunod din sa loob ng apartment.
“Huwag kang makialam dito, Jane!” Pasalyang itinulak ni Ken si Olga sa sofa. Pabagsak na napaupo roon ang babae.
“Ken!” bulalas ni Jane. Nag–aalalang dinaluhan nito si Olga.
“Hindi ako ang ama ng anak mo, Olga. Bakit pinagpipilitan mong ako? Bakit?”
“Aray!!!” namimilipit sa sa sakit na sabi ni Olga habang nakahawak sa balakang.
“Oh, my God! Ken, dinudugo siya,” puno ng takot na bulalas ni Jane.
Natigilan si Ken.
“Ano’ng tinatayo–tayo mo riyan? Dahil na natin siya sa ospital!” natatarantang bulyaw ni Jane sa nakatulalang binata. Saka pa lang natauhan si Ken at binuhat nito si Olga palabas ng apartment.