AGAD na lumabas ng silid sina Angela at Elizza.
Papunta pa lang sila sa hagdan ay may lumabas na dalawang lalaki sa silid ni Nathan.
Bago nakapagpaputok ang mga ito ay agad na silang pinatamaan ni Angela. Parehong duguang bumagsak ang mga ito.
"Eliz, magtago ka na lang muna sa hidden place mo sa kuwarto at huwag na huwag kang lalabas doon hanggang wala sa sinuman sa amin ang magbigay ng hudyat sa 'yo. Hindi pa kita puwedeng hayaang gumamit ng baril, lalo na't alam kong takot kang gumamit n'on."
Makikita man ang pag-aalangan sa mga mata ng dalaga ay tumango ito. "Okay." Iyon lang at agad na tinungo nito ang daan patungo sa silid na binanggit.
Siya naman ay dineretso ang pasilyong patungo sa hagdan. At nang makarating siya roon, nakita niya ang mga lalaki na nakikipagpalitan ng putok sa kanilang kalaban.
Pilit niyang inaalala kung sino ang isa sa mga taong nakikipagbarilan sa mga kapatid at kababata.
At bago pa man niya tuluyang maalala ang lahat, nakita niya ang pagdaplis ng bala sa balikat ni Alexis na ikinabahala niya nang husto.
"Alex!" hindi niya napigilang sigaw.
Ang lahat ay napatingin sa pinanggalingan ng tinig na iyon. At nakita niya ang pagkagulat ng mga ito nang makita siyang nakatutok na ang baril sa isa sa mga kalaban.
"Angela?" hindi makapaniwalang bulalas ni Alexis.
"Aba! Bumalik na pala sa dati ang naging dahilan ng pagkawasak ng buhay naming mag-ama," nakangising wika ng lalaking pilit niyang inaalala kung sino na sa mga sandaling iyon ay nakatutok ang baril sa isang partikular na tao.
Hindi siya nagkakamali. Kay Alexis nakatutok ang baril nito.
"Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha, Ricardo Mariano?" kalmado pang tanong ni Angela sa lalaking sa wakas ay naalala na niya kung sino. Ito ang anak ng taong pumatay sa magkaibigang Isabella Cervantes at Criselda dela Vega—si Fidel Mariano.
"Simple lang. Gusto kong makuha ang diary para sa Daddy ko. Gusto kong matupad ang lahat ng kahilingan niya. At isa na roon ay ang tapusin ang mga taong nagbibigay sa kanya ng pasakit."
"Patay na ang taong tinutukoy mo, Ricky. Pinatay na niya ito sampung taon na ang nakalilipas."
"Pero hindi pa rin sapat iyon sa kanya!" galit na ang tinig nito. "Hanggang nabubuhay pa ang mga alaalang iniwan ng taong iyon, hindi matatahimik ang Daddy ko."
"Wala ka pa ring mapapala kahit mapatay mo pa kaming lahat ngayon."
"Ano'ng ibig mong sabihin?" matalim ang tinging tanong ni Ricky kay Angela.
"Dahil wala naman sa posesyon namin ang diary na tinutukoy mo, eh."
"Ano? At nasaan iyon?"
Sa halip na sagutin niya ang tanong nito ay pinaputukan na lamang niya ang isa sa mga tauhan ni Ricky mula sa kanyang kinatatayuan na nagtangkang barilin si Joel mula sa likod.
Lalo lang ikinainit iyon ng ulo ni Ricky.
"Mga walang-hiya kayo! Pagbabayaran ninyong lahat ang pagwasak ninyo sa buhay naming mag-ama!"
"Matagal nang wasak ang buhay ninyong mag-ama, Ricky. Magmula nang patayin ni Fidel Mariano ang iyong ina."
"Tumahimik ka!" galit nang sigaw nito at pinaputok ang baril na hawak nito sa bandang sikmura ni Alexis.
Nagulat siya nang makita iyon, lalo na ang pagbagsak nito sa sahig at agad na dinaluhan ng mga kapatid niyang lalaki.
Napahigpit ang hawak ni Angela sa kanyang baril habang nakatayo sa taas ng hagdanan at pinagmamasdan ang pagtitiis ni Alexis sa kirot sa sugat nito.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mong pagdamay kay Alex sa galit ninyong mag-ama sa mga magulang namin!"
At bago pa makagawa ng anumang kilos si Ricky o kahit na sino roon, agad na itong pinaputukan ng baril ni Angela. Ilang malalakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa ancestral house.
Duguang bumagsak ang katawan ni Ricky, nakadilat pa ang mga mata nito.
'Di nagtagal ay isang may edad na lalaki ang nakita niyang lumapit sa duguang katawan ni Ricky.
"Sir Ricky..."
"M-Mang Ambo?" hindi makapaniwalang bulalas ni Joel.
Napatda naman ang matanda nang makita nito si Joel.
"S-Sir Joel..."
"Isa ka pa!" galit na sambit ni Angela nang makababa na siya ng hagdan.
"M-Ma'am Angela!" Lalong nagulat ang matanda nang makita ang galit na nakasungaw sa mga mata niya.
"Hindi ko inakala na nag-alaga pala kami ng traydor dito."
"M-Ma'am, nagkakamali po kayo."
"At siguradong ikaw ang nagpapasok sa mga kumag na ito para patayin ako nang tuluyan."
"H-hindi po..." patuloy na tanggi ng matanda.
"Huwag kang mag-alala. Wala naman akong planong patayin ka. Sayang lang ang bala ko kapag ginawa ko iyon."
Ilang sandali pa ay pumasok na ang mga pulis na kinontak nila.
Habang hinuhuli ng mga pulis ang mga lalaking nanloob sa ancestral house, agad na dinaluhan ni Angela si Alexis na patuloy pa ring nagtitiis sa nararamdamang kirot sa sugat nito.
Kinalong ng dalaga ang ulo nito at umiiyak na niyakap ang binata.
"Alex, I'm so sorry. Nadamay ka pa rito."
"I-it's okay," hirap nang wika ni Alexis habang dahan-dahang iniangat ang duguang kamay at hinaplos ang pisngi niya. "I-I'm glad you're back, Angela."
Umiiyak pa ring inilayo ni Angela ang kanyang sarili rito at hinaplos ang mukha ng binatang kaytagal niyang hinintay na muling magbalik sa kanyang buhay.
"You're right... I'm back."
Kapagkuwa'y binalingan niya si Joel na katabi lang niya.
"Kuya, dalhin na natin siya sa ospital. Please. Naroon pa ba si Fate?"
"Yeah, nandoon pa rin siya. And don't worry, darating na ang ambulansyang tinawagan ni Nathan."
"Thanks, Kuya." Kahit papaano ay nakahinga nang maluwag si Angela.
Kapagkuwa'y muli niyang niyakap si Alexis habang nakapikit ito.
xxxxxx
PATAKBONG isinusugod ng mga doktor si Alexis patungo sa OR. Kasunod nito ay sina Joel, Elizza, Cheska, Joaquin, at Angela.
Nanatili sa ancestral house sina Nathan, Elena at Kevin upang makapagbigay ng pahayag sa mga pulis tungkol sa nangyaring pagsugod ng mga tauhan ni Nicky.
Isa pa ay kailangang bantayan ng mga ito ang dalawang don upang hindi mapahamak.
Sinalubong sila ni Fate sa waiting area bago pumasok sa loob ng OR.
"Ano'ng nangyari kay Kuya? Bakit siya nabaril sa tiyan? Sino ang may gawa n'on sa kanya?" sunod-sunod na tanong ng dalagang doktor.
"Fate, mamaya na lang namin ipaliliwanag sa 'yo ang mga pangyayari," wika ni Joel.
"Please, Fate, iligtas mo ang kuya mo. Do it for me. I can't afford to lose him again," umiiyak na pakiusap ni Angela.
Hinawakan nito ang kamay ni Angela.
"Don't worry. Gagawin ko ang lahat para mailigtas lang siya."
Paalis na sana ito upang magpunta sa operating room nang makasalubong nito ang isa sa mga resident na humahangos.
"Dr. Ortega, may problema ba?"
"Dra. Cervantes, marami pong dugo ang nawala sa pasyente at kailangang masalinan kaagad. Naubos naman po ang supply ng dugong kailangan niya."
Napatingin si Fate sa dalawang kapatid na naroon.
Nagkatinginan sina Joaquin at Cheska.
Ang binata ang nag-volunteer na magbigay ng dugo para sa kapatid.
At ilang sandali pa ang nakalipas, sinimulan na ni Fate ang pag-oopera kay Alexis.
Habang si Angela na nakaupo sa waiting area ay lihim na nagdarasal para sa kaligtasan ni Alexis... ng lalaking matagal na niyang minamahal...
'Lord, pakiusap po. Huwag N'yo pong hahayaan na mawala si Alexis sa buhay ko. Sapat na ang sakit na naranasan ko nang mawalan ako ng ina walong taon na ang nakararaan. Sapat na rin ang lungkot na nadama ko nang malaman kong umalis si Alexis patungong Canada sampung taon na ang nakalilipas. Hindi ko na po gustong magdusa pa. Pakiusap, hayaan N'yong iparamdam ang pag-ibig ko sa kanya na matagal nang nagkukubli sa puso ko...'