"BAKIT panibagong mga sulat na naman ang laman nito?" nagtatakang tanong ni Joel.
Mga nakatuping papel na naman at isa ring hardbound notebook ang nakalagay sa kahon.
Noon lang naisipang buksan ni Fate ang hawak nitong diary na may simbolo ng red rose.
Sa unang pahina ng nasabing diary pagbukas na pagbukas nito ay may nakasulat na ganito: Criselda Santos-dela Vega. The Truth Behind My Bestfriend's Murder.
Kumunot ang noo ni Fate sa labis na pagtataka at marahil, pagkagulat.
Napansin iyon ng kakambal.
"Fate, bakit?"
Hindi sumagot ang dalaga. Bagkus ay binalingan nito ang kanyang Kuya Alexis na hindi inaalis ang tingin sa pagkakahawak niya sa diary.
"Kuya, puwedeng pakiabot 'yong notebook na nariyan sa kahon ni Mama?" pakiusap niya sa kapatid. Hindi naman siya nito binigo. Ngayon naman ay nakita niya ang white rose na simbolo sa notebook na kailangan.
Nang mahawakan ang notebook ay agad niya itong binuksan.
Nakasulat naman sa unang pahina ang ganito: Isabella Montalban-Cervantes' Journal: A key that opens the door to the secrets of the Clans of the Roses.
Lalong bumakas sa mukha ng dalaga ang pagtataka sa mga nabasa.
"Ano'ng problema, Fate?" hindi makatiis na tanong ni Elena sa kanya.
Bumuntong-hininga si Fate bago nagsalita.
"Ang mabuti pa siguro, tawagin muna natin sina Papa at Tito bago ko basahin ang nakasulat dito."
"Bakit pa?"
"It's not just a feeling. Sigurado ako na masasagot ng dalawang diary na ito ang katanungan natin sa likod ng pagkamatay nina Mama at Tita Criselda. It might be possible na makatulong ito sa paghahanap ng sagot sa kung ano ang nangyari kay Ate Angela."
Natahimik ang lahat. Napaisip. Ilang sandali pa ay biglang tumayo sina Joaquin, Nathan, Aaron at Kevin.
"Kami na lang ang tatawag sa kanila, Fate," wika ni Joaquin.
"Basta ba huwag mo munang babasahin 'yan, ah. Alam mo namang may kadayaan ka rin, kung minsan. Kahit doktor ka na," pang-iinis ni Nathan kay Fate.
Kunwari naman ay nainis nga siya.
"Aba, ang kapal talaga ng mukha ng mokong na 'to. Hoy, ang yabang mo, unggoy!"
"Guwapong unggoy naman."
Napailing na lang siya. Nagsisimula na naman itong mang-inis.
Kaya naman pinabayaan na lamang niya ito.
"Hintayin mo na lang kami ni Daddy, Fate." Saka nag-alisan ang apat na binata.
xxxxxx
NAPATITIG na lamang si Alexis sa kapatid na kasalukuyan pa ring hawak ang dalawang diary.
Sa loob ng maghapon ay ito halos ang nakakaisip ng mga kasagutan sa mga puzzles na patungkol sa kahon. Hindi man kayang aminin ni Fate sa kanilang lahat na may utak-imbestigador din ito, iyon naman ang nakikita niya rito.
Lumalabas ang detective instinct ng kapatid na alam niyang napansin rin ni Joel.
Habang hinihintay nila ang pagdating ng dalawang don ay hindi naman maiwasan ni Alexis ang mag-isip muli. At iisang kahilingan lang ang nais niyang matupad sa ngayon.
Sana ay masagot nito ang mga katanungan naming lahat.
xxxxxx
PAGDATING ng dalawang don sa silid ni Angela ay agad na binasa ni Fate ang diary na pag-aari ni Doña Isabella.
Agad niyang inilipat sa ikalawang pahina ang diary at napabuntong-hininga muna ang dalaga bago binasa iyon.
"'Kamamatay lang ng aking biyenang si Don Hernando kaninang alas-dos ng madaling araw sa sakit na lung cancer. At napakasakit sapagkat hinintay lamang niya akong makausap bago siya tuluyang pumanaw. At sa pag-uusap naming iyon, isang lihim ang kailangan komg tuklasin. Hindi ko ito nasabi sa aking asawa't mga anak sapagkat alam ko ang panganib na kaakibat niyon.'"
Lingid sa kaalaman nilang lahat, nauulinigan ni Angela ang bawat katagang binabasa ni Fate sa diary.
Hintayin n'yo lamang akong gumaling. Makakatulong ako sa paglutas sa dalawang pagpatay sa mga pamilya natin. Please just wait for me...
At patuloy pa rin sa pagbabasa ang dalaga.
"'Ang mga sulat na kasama ng diary ay ang tanging daan upang lubusang maintindihan ng buong angkan ng mga dela Vega at Cervantes ang nilalaman ng diary na pag-aari ng magkapatid na Alfonso at Victoria Cervantes noong ikalabing-anim na siglo.'"
Bumaha ang pagtataka sa mukha nilang lahat. Sina Don Javier at Don Carlos naman ay nanatiling pormal ang ekspresyon ng mga mukha.
At si Fate, kahit na nagtataka ay nagpatuloy pa rin.
"'Ano mang paglilihim ko, alam kong malalaman pa rin ng aking pamilya ang mga bagay na ito. Kaya naman hahayaan ko na munang nakatago ang diary kong ito upang kahit na hindi ko habang-buhay na mailihim ang lahat, magagawa ko muna silang ilayo sa nakaambang panganib.'"
"Tungkol ba saan ang diary ns binabanggit diyan ni Mama?" hindi nakatiis na tanong ni Nathan.
Subalit hindi umimik si Fate at itinuloy na lamang niya ang ginagawa.
"'Ang diary na pag-aari ng magkapatid na Cervantes ay naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa tunay na lokasyong kinalalagyan ng nalalabi pang yaman ng dalawang angkan ng mga rosas. Ito ay ang yamang kanilang iningatan sa loob ng ilang libong taon na rin na ipinamana sa kanila ng kanilang ninuno. At nakasisiguro ako na ito ang magdadala sa aming lahat sa aming kamatayan... sa kamatayan ng lahat ng miyembro ng dalawang angkan ng mga rosas.'"
Ang lahat ay walang masabi sa narinig.
Hindi makapaniwala sa nalaman at ngayon ay hindi tuluyang makapag-isip kung ano ang tamang sasabihin o reaksyon.
Isinara muna ni Fate ang diary at muling inilagay iyon sa kahon kung saan naroon ang mga sulat na kasama niyon.
Matapos i-lock iyon ay hinarap niya ang mga kasama.
"So ano na ang gagawin natin?" kapagkuwa'y tanong ng dalaga.
Kibit-balikat lang ang tugon ni Joel.
Binalingan naman ni Alexis ang ama.
"Dad, alam ba ninyo ang tungkol sa bagay na ito?"
"Matagal ko nang alam ang tungkol sa diary na tinutukoy ni Isabella. Pero hindi ko kailanman naisip na maaari tayong mapahamak sa sikretong dala niyon."
"Isa lang ang sigurado na natin ngayon. Hindi na tayo titigilan ng mga kalaban natin, lalo na ang mga taong may alam na tungkol sa diary na tinutukoy ni Tita Isabella."
"Fate, iyon lang ba ang nakasulat sa diary ni Mama?" tanong ni Cecille.
"Hindi ko alam. Dahil ang binasa ko kanina ang dapat na unang pahina. Pero nang ilipat ko sa kabila ay napansin ko na may pinunit na mga pahina roon."
"Ibig sabihin, marami pang nakasulat sa diary pero itinago ang iba pang pahina. Pero bakit ginawa iyon ni Mama?"
"Kung ano man iyon, mukhang matatagalan pa bago natin makuha ang kasagutan. Hindi ganoon kadaling hanapin iyon lalo pa't nasa ganitong kalagayan si Ate Angela," wika ni Nathan sabay sulyap sa kinahihigaan ni Angela na kasalukuyang mahimbing ang pagkakatulog.
"Ang mabuti pa, sina Kuya Alexis at Kuya Joel na lang ang humawak ng dalawang diary. Sila na lamang ang mag-aanalisa ng mga pangyayari tungkol sa nawawalang diary. Sina Kuya Joaquin at Kuya Aaron naman ang magpatuloy sa pag-iimbestiga sa nangyari kay Ate Angela," suhestiyon ni Elizza.
"Siguro nga, mas mabuti pang ganoon na lang muna habang nasa alanganin pa ang lahat ng pangyayari sa mga pamilya natin."
Silang lahat ay tumayo na at ibinigay ni Fate ang kahon, ang dalawang diary at mga sulat sa dalawang panganay ng pamilya.
At sa pagkakahawak ni Alexis sa kahon at sa dalawang diary, nskakapangilabot na ihip ng hangin ang pumalibot sa loob ng silid ni Angela.
Mama, kung nandito ka man sa tabi namin. Don't worry. Gagawin namin ang lahat upang malutas ang misteryong nakapalibot sa pamilya natin.
xxxxxx
IKALAWANG gabi pa lamang ni Alexis sa hacienda subalit ito ang unang gabing hindi nakapagpatulog sa kanya dahil sa labis-labis na katanungang nasa kanyang isipan na hindi agad mahahanapan ng kasagutan.
Lalong-lalo na ang tungkol sa misteryong bumabalot sa diary na pag-aari ng kanilang ninuno. Hindi na niya alam kung saan pa ibabaling ang kanyang isipan para magawang resolbahan ang mga bagay na biglang sumulpot sa kanya ngayong nagbalik na nga siya sa hacienda.
Litong umalis sa kanyang kama si Alexis at tila wala sa sariling tinungo ang hallway papunta sa dulong silid. Ang silid ni Angela.
Nag-aalangan pa siyang kumatok sa pinto ng silid nang siya'y makarating na roon. Subalit nang makita niyang maliwanag mula sa siwang ng pinto sa ilalim, alam niyang may tao pa sa loob ng naturang silid.
Pinili niyang maghintay kung may lalabas sa silid na iyon. Nang walang marinig ni mahinang kaluskos, bahagya niyang itinulak ang pinto at sumilip.
Wala siyang nakitang tao sa loob kaya nagpatuloy na siya sa pagpasok at pagpunta sa kama ni Angela.
Malambot ang sahig dahil sa carpet kaya hindi marinig ang yabag ng mga paa ni Alexis.
Natagpuan niya ang sarili na matamang tinititigan ang payapang pagtulog ni Angela habang siya'y nakaupo sa gilid ng kama nito. At sa pagtitig na ginawa niya rito ay isang bagay ang nasiguro niya sa sarili.
'Hanggang ngayon, hindi ko talaga maitatangging mahal na mahal pa rin kita, Angela. Kahit noong mga panahon na akala kong patay ka na, nanatili pa rin ang pag-ibig na iyon sa puso ko. At ngayong muli kitang nasilayan, hinding-hindi na kita hahayaang mawala sa buhay ko.'
Kung gaano katagal niyang tinitigan si Angela, hindi niya alam. Basta natagpuan na lang niya ang sarili na masuyong hinahaplos ang pisngi ng dalaga.
'Hindi ka pa rin nagbabago, Angela. Parang hindi lumipas ang sampung taon. Kung may pagbabago man sa 'yo, sa tingin ko ay lalo kang gumanda.'
Dahan-dahang inilapit ni Alexis ang kanyang mukha sa mukha ng dalaga at ilang sandali pa ay masuyong inilapat niya ang kanyang mga labi sa nakapinid na mga labi ni Angela.
Banayad lang ang halik na iyon na ilang sandali lang nagtagal.
"I'm sorry kung hinalikan kita sa ganitong kalagayan. Maraming taon kong pinangarap na gawin sa iyo ang bagay na ito, kung alam mo lang. Kung wala tayo sa ganitong sitwasyon, baka sakaling natupad na ang pangarap ko noon pa man na pakasalan ka. I never thought of marrying anyone else all this time, kung alam mo lang," wika niya sa dalagang natutulog pa rin. "That's how much I want you in my life even back them. So, please... Please, bumalik ka na. Bumalik ka na sa buhay ko, Angela. Hindi ko na kakayaning mawala ka pa sa buhay ko sa ikalawang pagkakataon. Sapat na ang sampung taong pangungulila ko sa 'yo."
Pagkatapos niyon ay kinitalan niya ang mga labi ng dalaga ng isang mabilis na halik.
Saka siya tumayo at lumabas ng silid na iyon.
xxxxxx
LINGID sa kaalaman ni Alexis, nauulinigan ni Angela ang mga sinabi ng binata sa kanya.
Ang totoo, hindi pa siya talaga natutulog. Nakapikit nga ang kanyang mga mata subalit hindi nakikisama ang kanyang utak.
Hindi malaman ng dalaga kung ano ang magiging reaksyon sa mga sinabi ni Alexis kanina. Halo-halong emosyon ang namamayani sa kanyang dibdib ng mga sandaling iyon.
Kilig, tuwa, at takot.
Kilig at tuwa dahil hindi niya akalain na hanggang sa mga sandaling iyon ay pareho pa rin pala sila ng nararamdaman ng kababata. Noon pa man, mahal na niya si Alexis subalit wala siyang lakas ng loob na sabihin ang bagay na iyon sa binata noon. Kahit ilang beses nang muntik may mangyari sa kanilang dalawa.
Dalawang muntikang pangyayari na hanggang ngayon ay hindi mawala sa kanyang isipan. Kahit nang mawala ang kanyang alaala noon ay ilang beses na nagpapakita ang mga iyon sa kanyang mga panaginip.
Kaya naman matinding kalungkutan ang sumasakanya nang magbalik siya sa hacienda tatlong taon matapos ang aksidente at hindi niya naabutan doon ang binata.
Ngunit mas namamayani ang takot sa kanyang puso. Takot na hindi na gumaling pa at hindi na muling makakilos na kagaya ng dati. Takot na hindi na maamin pa kay Alexis ang tunay niyang damdamin para rito. Na sana ay nagawa na niya noon pa bago pa mangyari ang trahedya.
At sa isiping iyon, nalaglag ang dalawang patak ng luha sa kanyang nakapikit na mga mata.
Hindi siya maaaring manatiling ganito ang kanyang kalagayan... lalo pa't siya lamang ang makakatulong sa mga kapatid at kababata upang tuklasin ang lihim na nakapaloob sa diary ng dalawang angkan.
Kaya kinakailangan niyang makabalik.
Pero kailan pa mangyayari iyon?