"MA, kailangan ba talaga nating tumira sa kanila. May sarili naman tayong bahay, hindi natin kailangan lumipat sa bahay na iyon," mariing tutol pa rin niya sa kaniyang ina dahil hindi pa rin matanggap ng isip niya ang naging desisyon nito para sa kanilang dalawa.
"Anak, intindihin mo naman yung sitwasyon, kailangan namin gawin lahat ng ito para din naman sa inyong dalawa ni Storm," mahinahon na paliwanag naman nito sa kaniya.
Hindi siya nagsasalita habang nandoon siya sa mansyon ng mga Chavez pero una pa lang ay tutol na siya sa paglipat doon. Bukod sa hindi naman siya sanay at komportable sa malaking bahay ay naroon pa si Storm. Ang makita ito araw-araw ay isang napakalaking sumpa na para sa kaniya.
"Ma, believe me, hinding-hindi kami magkakasundo ng Storm na 'yon. Hinding-hindi ko kayang makisama sa taong iyon," wika niya rito habang patuloy niyang tinatanggal ang mga damit niyang inilalagay naman nito sa loob ng kaniyang maleta.
"Bigyan mo kasi muna ng chance, anak, huwag mo pangunahan kaagad yung sitwasyon. Hindi pa nga natin sila nakakasama, inaayawan mo na kaagad," tugon naman nito habang patuloy naman sa pagbalik ng mga damit na tinatanggal niya.
"Ma, ikaw na lang kaya ang tumira sa kanila, okay lang naman sa akin na dito lang ako, kaya ko naman mag-isa. Besides nasa tamang edad na rin naman ako para mamuhay na mag-isa," pagmamatigas pa rin niya habang patuloy lang siya sa ginagawang pagtanggal sa mga damit niya.
Doon naman ay wari'y napapagod na naupo sa kaniyang tabi ang ina saka seryoso at malungkot na tumingin sa kaniya.
"Alam mo, Fay, sa totoo lang, hirap na hirap na ako pero hindi ko 'yon gustong ipakita sa 'yo kaya nga nagsikap ako sa sarili ko kasi gusto ko isipin mo na kaya ko at para makayanan mo rin pero mahirap pala talagang mag-isa," malungkot na wika nito at doon tuluyang umiyak sa harapan niya. "Ang hirap mag-isa na palakihin ka, 'di ko pinapakita sa 'yo kasi ayokong mahirapan ka rin sa sitwasyon natin pero iyon ang totoo, Fay, hindi ko na kaya nang mag-isa. Lahat kinakaya ko basta kasama kita pero siyempre may hangganan lahat ng bagay na kaya at gusto kong ibigay sa 'yo." Sa pagkakataong iyon para namang may sumuntok sa kaniyang puso nang dahil sa sinabi nito at naramdaman niya ang bigat na dinaramdam ng ina. "May mga pagkakataon na gusto kong magpahinga pero hindi ko magawa kasi madami ka pang pangangailangan at alam ko hindi ako pwedeng tumigil, hindi ako pwedeng mapagod kasi nanay ako, eh, kaya hindi ako pwedeng panghinaan." Dahil sa bigat na nararamdaman nito ay mahigpit niyang niyakap ang kaniyang ina kaya naman sa balikat na niya ito tuluyang umiyak. Kahit kailan ay hindi niya ito kayang tiisin, hindi niya kayang makita na umiiyak ito ng ganoon.
"Ma, I'm sorry," puno ng pagsisisi na wika niya rito. Hindi niya alam na ganoon na pala kabigat ang dinadala nito. Buong akala niya ay masaya at okay na ito sa buhay na silang dalawa lang ang magkasama. Kahit ganoon man ay naiintindihan niya ito dahil hindi lingid sa kaniya na ang lahat ng hirap at sakripisyo nito para lamang maibigay ang lahat ng pangangailangan niya.
Tumayo siya mula sa kaniyang kama at siya na mismo ang nag-ayos ng mga gamit na kanina ay tinatanggal niya sa kaniyang maleta. "Sige na, Ma, kaya ko na po ito ayusing mag-isa. Tulad nang nauna kong ipinangako sa 'yo na kung saan ka masaya ay susuportahan kita," nakangiti nang wika niya rito.
Marahan nitong pinunasan ang mga luha saka ngumiti rin sa kaniya at tumayo mula sa pagkakaupo nito sa higaan niya. "Sige, aayusin ko na rin yung mga gamit ko. Bukas daw tayo ng umaga ipasusundo rito ni Sandro." Maaliwalas na ang mukha nito ng sabihin iyon.
Paglabas nito ng kaniyang silid ay malungkot na napaupo siyang muli sa kaniyang kama. Mabigat ang loob niya dahil hindi niya inaasahan na ganoon lang pala kabilis magbabago ang buhay nila ng kaniyang ina.
Buong akala niya noong una ay magiging masaya siya para dito kapag nakatagpo na ito ng lalaking magpapasaya rin dito ngunit iba pala ang pakiramdam kapag nasa harap na niya mismo ang bagay na iyon.
Muli niyang tiningnan ang mga gamit niyang nasa maleta, hindi pa rin niya iyon magawang isara. Karamihan naman sa laman noon ay mga damit niya lang pangpasok, pang-bahay at pantulog. Hindi naman ganoon karami ang damit niya kaya wala naman kahirap-hirap na natapos siya kaagad sa kaniyang ginagawa. Mabigat man sa loob ay isinara na niya ang maletang iyon at marahang bininaba sa gilid ng kaniyang kama.
Pagtapos ay nahiga siya. Sinulit niya ang huling gabing pagtulog niya sa silid niyang iyon, dahil sigurado kinabukasan ay ibang buhay na ang sasalubong sa kaniya. At hindi niya alam kung ano nga bang buhay ang naghihintay sa kaniya sa pagpunta nila sa mansyon ng mga Chavez.
"FAY, nandito na ang sundo natin, lumabas ka na riyan," narinig niyang sigaw ng kaniyang ina. Maaga naman siyang nagising kaya maaga rin siyang nakaligo at nakabihis, sadyang hindi lamang siya lumalabas dahil binabalot pa rin siya ng kakaibang lungkot.
Sa huling pagkakataon ay inilibot niya ang paningin sa buong silid. Labing isang taon niyang lungga ang silid na iyon sa lungkot at saya. Napakaraming alaala ang maiiwan niya sa silid niyang iyon.
"Fay?" tawag muli nang kaniyang ina at may kasama na iyong pagkatok.
"Nandiyan na po," napipilitang sagot niya saka marahang hinila ang maleta niya. Ramdam niya ang bigat sa bawat hakbang niya kaya pakiramdam niya ay limang minuto ang ginugol niya para lamang makalabas ng silid niyang iyon.
"Tara na at kanina pa nila tayo hinihintay," naiinip nang wika nito saka kinuha sa kaniya ang hila-hila niyang maleta at iniabot sa lalaking nakasuot ng itim na kasuotan. Pakiramdam niya ay sinusundo sila ng Presidential Security Group dahil sa magarbong mga itsura at kasuotan ng mga ito. Nakasuot ng itim na amerikana at pantalon, may suot na itim na salamin at mayroon ding suot na security headset mic.
Pinauna sila nitong palabasin ng kanilang bahay at paglabas nila ay hindi niya inaasahan ang anim pang mga kagaya nito ang naghihintay sa kanila sa labas. Hindi niya maintindihan kung bakit ang dami ng mga ito pero alam naman niyang hindi na nila kailangan noon.
Paglabas nila ng gusali ng kanilang apartment ay marami na ring tao ang nakikiusisa sa kanila. Dahil nakakaagaw pansin nga naman ang anim na lalaking nakasuot ng purong itim na amerikana ang nakapalibot sa kanila.
"Pasok na po kayo, Ma'am," magalang na wika ng isa sa kanila at pinagbuksan pa sila nito ng pintuan ng isa sa mga Marcedes Benz na nakaparada rin sa harapan ng gusali. At hangga't hindi sila nakakasakay ay nananatili itong naka-bow sa kanila.
"Paalis na kami," narinig niyang wika ng driver doon sa security headset mic na suot nito. Doon lamang niya napansin na mayroon pa palang dalawang Merzedes Benz na kasama nila, ang isa ay nasa harapan ng sinasakyan nila at ang isa naman ay nasa likuran nila.
Grabe! Sa isang iglap para na akong anak ng presidente. Tatanggi ka pa ba, Fay?
Tumingin na lamang siya sa dinadaanan nila. At dahil nga sa may escort sila ay napakabilis lang nilang nabagtas ang masikip at makipot na daanang iyon.
"Hindi ba tayo pupunta sa mansyon ng mga Chavez?" Nagtatakang tanong ng kaniyang ina dahil lumagpas sila sa kantong dapat ay lilikuan na nila.
"May gusto po kasing ipakita sa inyo si Lord Sandro kaya hindi pa po namin kay maihahatid sa mansyon," magalang na wika nito sa kaniyang ina.
Limang minuto rin ang lumipas bago ito kumanan sa isang kanto rin, hindi iyon kalayuan mula sa kanto ng kinatitirikan ng mansyon ng mga Chavez. Huminto sila sa isang nakapalawak na lugar kung saan may malawak ding helipad.
At may ilang mga private plane na kasalukuyang nakahinto rin doon. Pinagbuksan naman sila ng pintuan ng isa sa mga kasama nila kaya lumabas na silang mag-ina. Inilibas na rin ng mga ito ang mga dala pa nilang gamit.
Nagulat sila pareho ng salubungin sila nito.
"Hello, darling!" masayang bati nito sa kaniyang ina saka masuyong humalik sa pisngi nito.
"Ano na naman ba 'tong pina-plano mo, sweety?" Naguguluhan na tanong ng kaniyang ina rito.
"Eh, 'di ba kasi nasabi mo sa akin na ni minsan hindi pa ninyo nagagawang magbakasyon man lang nitong si Fay, kaya ito, nilinis ko ang schedule ko para mabigyan ko man lang kayo ng memorableng bakasyon," nakangiting wika nito kaya naman napangiti na rin ang kaniyang ina. "Sinabihan ko si Storm pero hindi ako sigurado kung darating pa siya dahil kanina ko pa siya hinihintay kaya siguro ay mauna na tayo," aya nito sa kanilang mag-ina at naunang lumakad palapit sa isang private plane na nandoon.
Pasakay na sila ng biglang may humaharurot na pulang sports car na parating. Lahat sila ay nakatuon lang ang atensiyon sa sasakyang iyon at tinitingnang mabuti kung sino ba ang sakay ng magarbong sasakyang iyon. Paghinto nito sa mismong harapan nila ay si Storm ang nililuwa noon.
Kung hindi ko kilalang-kilala ang taong 'to baka kiligin na ako sa itsura niya. Naiiling na saad niya sa sarili.
Dahil napakalakas ng dating nito sa suot nitong black leather jacket with white plain t-shirt at black leather pants at may suot pa itong black shades.
"Akala ko hindi ka na darating dahil hindi ka naman sumagot kanina," wika ni Mr. Chavez dito habang inaalalayang umakyat ang kaniyang ina pagkatapos ay mabilis din itong sumakay doon. Dahil may kataasan iyon ay nagsisimula na siyang bumuwelo nang biglang may bumuhat sa kaniya paangat kaya walang kahirap-hirap na nakasakay siya roon. Wala sa loob na napalingon siya at si Storm ang taong nasa likuran niya.
Nagkibit balikat lamang ito sa kaniya. Hindi niya inaasahan na may tinatago rin pala itong pagka-gentleman sa katawan.
Umupo siya sa upuang nasa likuran ng kaniyang ina dahil nasa tabi nito si Mr. Chavez. Lima naman ang upuan na nasa loob. Ngunit nagulat siya dahil sa dami pang bakanteng upuan na nandoon ay mas pinili nitong tumabi sa kaniya.
"What?" nagtatakang tanong naman nito.
"Ikabit na ninyo ang seatbelt ninyo at magte-take-off na tayo," narinig niyang utos ni Mr. Chavez sa kanila kaya naman mabilis niyang hinagilap ang seatbelt noon.
But wait, paano ba 'to? Nalilitong tanong niya sa sarili.
Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa magkabilaang gilid niya pero hindi niya malaman kung saan at paano niya iyon ikakabit. Nagulat na lamang siya ng biglang hilahin sa kaniya iyon ni Storm at dumukwang sa kabilang panig ng upuan niya para ikabit ang seatbelt.
Dahil sa sobrang lapit nito sa kaniya ay amoy na amoy niya ang mabangong samyo nito at habang tumatagal ito sa puwesto nilang iyon ay bumibilis din ang pagtibok ng kaniyang puso.
Tinapik nito ang kaliwang hita niya para umusog siya ng kaunti sa gawi nito at maikabit ang seatbelt. Di kalaunan ay naikabit naman nito iyon pero alam niyang nahirapan din ito.
Nagulat naman siya ng biglang umandar ang makina ng eroplano na iyon at unti-unting umangat sa lupa. Dahil unang pagkakataon niya iyon ay kakaibang kaba at takot ang naramdaman niya. Kaya naman wala sa loob na napahawak siya sa kamay ni Storm na nasa armrest ng inuupuan nito.
"Sorry, sorry," mahinang paghingi niya ng paumanhin dito, mabilis naman niyang bitiwang muli ang kamay nito pero hindi pa niya iyon tuluyang nabibitiwan ng hawakan siyang muli nito. At sa pagkakataong iyon mas naging mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya.
Napatingin siya rito ngunit kasalukuyan na itong nakapikit at nakahilig ang ulo sa sandalan ng inuupuan nito.
Bahagyang napanatag ang loob niya at nawala ang takot na iniinda sa pagkakahawak nito ng mahigpit sa kaniyang kamay. Kaya naman hinayaan na lang din niya na tahimik silang magkahawak kamay. Hanggang sa hindi niya namalayan na unti-unti na siyang nakatulog at napasandal sa malapad nitong balikat.
Nagulat man si Storm ay hinayaan na lamang nito ang ulo ng dalaga sa kaniyang balikat.