Chapter 10

2442 Words
PAGGISING pa lamang ni Fay ay wala na ang kaniyang ina at hindi maiwasang mas lalong sumama ang loob niya rito dahil ni hindi man lang nito nagawang magpaalam sa kaniya bago ito umalis. Gayon pa man ay gumayak na siya upang pumasok sa school, kahit wala ang ina ay kailangan niyang pagbutihin dahil sa nalalapit ng pagtatapos na ng kanilang klase. Pagbaba niya ay sakto namang nandoon na si Storm, hindi niya ito pinansin at dumeretso palabas ng pintuan ng mansyon. Hindi niya alam na nakasunod pala ito sa kaniya. "Wala bang maghahatid sa 'yo?" tanong nito nang mapansin nilagpasan niya ang mga sasakyang nasa harapan ng mansyon. "Hindi ako nagpapahatid, hindi ko naman kailangan niyan," masungit namang tugon niya rito. "Sumabay ka na rito," pautos na wika naman nito kaya nagsalubong ang kilay niya. "FYI lang, Mr. Chavez, hindi ko na kailangan ng maghahatid sa 'kin besides mula naman ng dumating ako rito ay hindi ako nagpapahatid sa kanila. Kaya kung aalis ka na ay uma—" "Pag sinabi kong sumakay ka, sumakay ka!" matigas pa ring wika nito sabay hila sa kaniya papasok ng sasakyan kaya hindi na niya natapos ang nais niyang sabihin. "Ano ba, Storm!" angil naman niya sa binata ngunit naipasok na siya nito sa loob ng sasakyan. "Let's go," utos nito sa driver kaya hindi na siya nakapalag pa at sumandal na lamang sa inuupuan niya. Masama ang mukha niya habang nasa biyahe sila, ni hindi niya rin ito kinakausap. Paghinto pa lamang ng sasakyan sa harapan ng Unibersidad ay mabilis na siyang bumaba at hindi nililingon man lang ang binata. "FAY!" tawag nito sa kaniya at napalingon naman siya, saktong paglingon niya ay may kung anong inihagis ito sa kaniya buti na lamang ay mabilis niyang nasalo iyon. "Ano 'to?" nagtatakang tanong naman niya rito. "Tingnan mo na lang, magtatanong ka pa na, eh, sa 'yo na nga," masungit nitong tugon saka siya nilagpasan at dumeretso papasok ng campus. Nagtatakang nasundan na lamang niya ito ng tingin. Pagtapos ay binuklat niya ang maliit na kahon na inihagis nito sa kaniya. "Bracelet?" di makapaniwalang tanong niya sa sarili, kumikislap ang kaniyang mata habang tinitingnan iyon. Kinuha niya ang bracelet sa kahon nito at pinagmasdang maagi. Isa iyong slim gold chain bracelet na may maliit na letter F sa pinakagitna noon, manipis ngunit makikita sa itsura noon na hindi iyon mumurahin. Hindi niya maiwasang mapangiti, hindi rin niya alam kung bakit ngunit nakaramdam siya ng saya nang makita ang ibinigay nito sa kaniya. Hanggang sa makapasok siya ng klase nila ay hindi naaalis ang ngiti niya, suot-suot na rin niya ang ibinigay nitong bracelet. Hanggang sa matapos ang unang subject nila at makarating sila sa tambayan nila ay masaya ang pakiramdam niya. "Hay, ang boring talaga magturo ni sir Manaog, 'no?" tamad na tamad na usal ni Candice nang makaupo. Tumabi naman ulit sa kaniya si Treyton, mula noong nagkainitan ito at si Storm ay palagi na itong nakabantay sa kaniya. "Lahat naman yata ng teacher sa 'yo ay boring magturo, eh," natatawang wika niya rito habang inaayos ang mga gamit niya sa lamesa. "Naku, hindi ah, paborito ko nga si sir Francisco saka si sir Veneracion, eh," wika nito at bakas na bakas sa mukha ang pagkakilig. "Ay sus! Ang sabihin mo ay crush mo lang talaga sila," kantiyaw naman niya rito. "Hay, naku, grabe ka talaga, Fay! Sa prof na nga lang magkaka-crush parang ayaw mo pa," nakaismid na tugon nito pagtapos ay bumaling kay Treyton. "Ikaw, Treyt, hindi ba sabi mo may gusto kang ligawan? Sino 'yon? Chika naman diyan parang di mo kami friend," wika nito sa tonong nanunumbat. "Bakit naman 'yan pa naging topic mo?" umiiwas na saad ng binata. "Ay, ayaw pa rin sabi—uy, ghorl,” natigilang baling nito sa kaniyang. “Saan 'yan galing, ha?" tanong nito at sa bracelet na ibinigay sa kaniya ni Storm nakatingin. "Parang kahapon lang wala kang suot na ganiyan, ah," dagdag pa nito at hinawakan pa ang kamay niya. "Ay mamahalin! Umamin ka nga?" nanlalaking matang usal nito. "Patingin nga," wika rin ni Treyton at kinuha ang kamay niyang hawak ni Candice at tinignan din iyong mabuti. "Uy sumagot ka, girl!" pangungulit pa nito sa kaniya. Sasagot na sana siya nang biglang bumagsak si Treyton sa kinauupuan nito at dahil iyon sa malakas na suntok na nanggaling kay Storm. "STORM, ANO BANG GINAGAWA MO?" hindi napigilang bulyaw niya sa binata dahil sa ginawa nito sa kaibigan. "How many times do I told you that you have to stay away from her!" galit na sigaw nito kay Treyton habang nakabagsak pa rin ito at sapo ang mukhang tinamaan ng malakas na suntok ni Storm. Bahagyang tumawa si Treyton saka tumayo at idinura ang dugong nagmula sa sugat gawa ng pagkakasuntok ni Storm. Diretso itong tumingin sa binata. "Bakit, Storm? Pinagbabawalan mo ba akong lumapit sa kaniya dahil sa kapatid ka na niya ngayon?" sarkastikong wika nito sa binata at doon nagtiim ang bagang ni Storm dahil pinakaayaw nitong tinatawag na kapatid nito si Fay. "Huwag mong ilalagpas sa pagiging kapatid niya ang mga ginagaw—" Isang suntok na naman mula kay Storm ang pumutol sa sasabihin nito. "Wala akong kapatid kaya tigilan mo ang kakatawag kay Fay na kapatid ko kung ayaw mong manghiram ka ng mukha sa aso!" nagpupuyos sa galit na wika ni Storm dito at dahil sa nangyayaring iyon ay pinagkakaguluhan na rin sila ng iba pang estudyante. Akmang susuntukin muli ito ng binata nang humarang na si Fay. "Pwede ba, Storm, tigilan mo na 'yan!" galit nang wika rito ng dalaga. "Kaibigan ko si Treyton at wala kang karapatan na palayuin siya sa 'kin o palayuin ako sa kaniya. Hindi ka na bata dapat alam mo na kung paano dapat kontrolin 'yang emosyon mo!" matigas niyang saad dito. "Starting on this day, you should stay away from me and stay away from us!" mas mariin at matigas niyang wika dala ng matinding galit sa ginawa nito kay Treyton. Tinalikuran niya ito at lumapit sa dalawang kaibigan. "Tara na," aya niya kaya sumunod naman sa kaniya ang mga ito. Naiwan si Storm na nakakuyom lamang ang mga palad habang nakatingin sa palayong si Fay. "Okay ka lang ba, Treyton? Gusto mo ba dalhin ka namin sa clinic?" narinig ni Fay na tanong ni Candice sa binata habang papasok sila ng building ng department nila kaya napalingon siya rito. "Hindi na, okay na ako," wika naman nito habang pinupunasan ang sugatang mga labi. Nilapitan ito ni Fay. "Maupo ka, titingnan ko," utos niya rito dahil may kataasan sa kaniya ang binata. Sumunod naman si Treyton at naupo sa ikalawang baitang ng hagdanan. Inilabas niya ang panyo niya at idinampi iyon sa gilid ng labi ng binata. May mga namuo na ring dugo roon, hindi maitatangging malakas ang naging pagsuntok ni Storm dito. "Thank you for being on my side," sinserong wika ng binata sa kaniya at hinawakan pa siya nito sa kamay niyang may hawak ng panyo. "Ano ka ba? Wala ka naman kasalanan, eh. Saka si Storm talaga ang may mali sa nangyari kaya wala naman dahilan para siya ang kampihan ko.” "Malaking bagay sa 'kin 'yong ako yung pinili mo at nasa tabi kita ngayon," makahulugang wika nito kaya naman napataas ang kilay niya. "Alam n'yo..." pagkuha ni Candice sa atensiyon nilang dalawa kaya naman napatingin sila rito. "Ang tamis n'yo, nakakainis kayo!" kantiyaw nito sa kanila kaya naman wala sa loob niyang napahakbang palayo kay Treyton. Matalik na kaibigan niya si Treyton at kahit minsan ay hindi sumagi sa isip niya ang magkagusto rito kahit pa nga may itsura ito at hindi naman din lingid sa kanila na maraming babae rin ang nagkakandarapang mapansin nito. Pero hindi talaga niya kayang sirain ang pagkakaibigan nila ng dahil sa ganoong bagay. PAGPASOK niya ng mansyon ay inaasahan na niya ang isang galit na galit na Storm na naghihintay sa kaniya ngunit sa gulat niya ay walang Storm na sumalubong at nanggagalaiti sa kaniya. Siguro, tinablan naman siya roon sa sinabi ko. Saad na lamang niya sa sarili saka humakbang papasok ng mansyon. Ang nasabi niya rito ay dala lamang ng galit niya at hindi naman 'yon talaga ang intensiyon niya. Paakyat na siya sa silid niya ng mapansin niyang nagkakagulo ang mga katulong at may kasama pa itong nurse. "Bakit po? Anong nangyari?" nag-aalala namang tanong niya. "Eh, ang Young Master po kasi inatake na naman ng allergy niya," nagpa-panic na wika ng katulong. "Allergy?" di makapaniwalang tanong niya. "Opo, may allergy po kasi siya sa chocolate, hindi naman po namin nasabi roon sa bagong chef, nakagawa ng pagkain niya na nalagyan ng cocoa powder kaya ayan po bigla siyang inatake," paliwanag naman nito pagtapos ay mabilis siyang tinalikuran at sumunod sa nurse na kasama nito. Dahil din sa pag-aalala ay sumunod siya rito at nagulat siya sa kalagayan ni Storm. Punong-puno ng pantal ang buo nitong katawan at nahihirapan itong huminga kaya naman may nakasuot ditong oxygen mask. Hindi niya mapigilang hindi ito lapitan kaya naupo siya sa gilid ng kama nito. Hindi rin niya alam kung ano bang ang pinupunas ng mga ito sa binata pero kinuha niya iyon at siya ang gumawa ngunit nagulat siya ng biglang malakas na tabigin nito ang kamay niya. Napatingin siya sa mukha nito, hindi ito makapagsalita ngunit kita niya sa mata nito ang matinding galit. Ngunit nagmatigas siya at muling inilapit dito ang pamunas na hawak niya, hindi na nito iyon tinabig ngunit tinanggal nito ang oxygen mask na suot. "YOUNG MASTER! HUWAG PO NINYONG TANGGALIN!" nagpa-panic na wika nang nurse rito. "YOU—STAY—AWAY—FROM—ME!" nasabi nito sa kaniya sa kabila ng hirap sa paghinga at hindi nito pinansin ang sinabi ng nurse. Kita niya ang galit nito sa kaniya kaya pinili niyang tumayo upang muling isuot nito ang oxygen mask. Tumayo siya sa isang gilid ng silid nito kung saan hindi siya nito nakikita at tahimik lamang siyang nakamasid dito. "Ano pong pwede gawin para bumuti ang pakiramdam niya?" mahinang tanong niya sa isang katulong na nasa tabi lamang niya. "Kailangan lang po mag-effect ang gamot pero hangga't hindi po umiepekto sa kaniya ay hindi mawawala yung ganiyang kalagayan niya," mahina ring sagot nito. "Pero nakainom naman na siya ng gamot?" "Opo, nakainom na siya. Kailangan na lang po talaga hintayin na umepekto, kapag po kasi nag-subside na, makakatulog na siya, hindi pa naman tuluyan mawawala yung mga pantal niya, pero kahit paano gagaan na ang paghinga niya," muling tugon nito sa tanong niya. "Matagal na ninyo nalaman 'yang about sa sakit niya?" "Ang pagkakaalam ko po bata pa siya no'ng unang beses na malaman nila at ang alam ko rin po ay kamuntikan na siyang mamatay noon, at ang sabi pa po," mas mahinang wika nito pagtapos ay bahagya siyang pinalapit nito kaya naman lumapit siya. "Kaya raw po naghiwalay ang parents niya ay dahil din sa pangyayari na 'yon," gulat siyang napatingin dito, ngunit muli itong sumenyas na lumapit siya. "At ang sabi pa po, hindi iyon matanggap ng Mama niya kaya nagpakamatay ito at ang huling sinabi sa kaniya ay kaya sila naghiwalay ng Papa niya ay dahil may iba itong babae, pero hindi rin daw lingid sa kaalaman nang Young Master na, siya talaga ang pinaka puno't dulo ng hiwalayan," dugtong pa nito na mas lalo niyang ikinagulat. Hindi niya alam kung totoo ang sinabi nito ngunit kung totoo nga ang bagay na iyon ay hindi niya maiwasang maawa sa binata. Sigurado siyang nasaktan ito ng sobrang sa pagkawala ng ina at masakit din isipin na dahil lang sa sakit nitong iyon ay naghiwalay ang mga magulang nito at na siya pang naging dahilan ng pagkamatay ng ina. Muli siyang napatingin sa binata at nakita naman niyang umaayos na ang paghinga nito at bahagyang nakakatulog na rin. Nang tuluyan na itong makatulog ay isa-isa ng naglabasan ang mga katulong at tanging ang nurse na lamang ang naiwan sa tabi nito. Nilapitan niya ito. "Sige na, nurse, pwede ka nang umuwi, ako na po ang bahalang magbantay sa kaniya," usal niya rito nang makalapit siya. "Ay, stay in po ako rito sa mansyon dahil nga po sa mga ganitong emergency sa Young Master," napapakamot na wika nito. "Ah, ganoon po ba? Sige po, ipatatawag ko na lang po kayo pag may nangyari po ulit," saad niya kaya naman tumalima ito at lumabas ng silid ng binata. Mataman niyang tiningnan ang natutulog na binata. Mukha itong anghel kapag ganoong tahimik na natutulog. Marahan siyang naupo sa kama at hinawakan ang kamay nito, doon niya nakita ang kaparehong bracelet na ibinigay nito sa kaniya bagaman ang letra doon ay S, itinabi niya ang braso niyang may usot ng bracelet, sa braso nitong may suot din noon. Parehong-pareho nga iyon tanging letra lang ang pinagkaiba. Sorry. Tanging salitang naiusal niya sa utak niya. Pagtapos ay muli siyang tumingin sa maamo nitong mukha. Sa totoo lang, guwapo ka naman talaga, eh, iyon nga lang natatabunan iyon ng pagiging basagulero mo. Sabagay kahit naman ganiyan ang ugali mo marami pa rin ang nagkakagusto sa 'yo. Wala sa loob niyang hinawakan ang makinis nitong mukha, may mga kaunting pantal pang naiwan doon ngunit hindi na iyon kasing laki ng mga pantal nito noong pagpasok niya kanina. "Uhmmm..." daing nito kaya naman nakaramdam siya ng pag-aalala. "Storm!" mahinang tawag niya sa pangalan niyo at hindi maikakaila ang panic sa tinig niya. "May masakit ba sa 'yo?" nag-aalalang tanong pa niya. May sinasabi ang binata ngunit hindi malinaw sa kaniya ang mga salita nito kaya bahagya siyang lumapit dito upang marinig iyon. "Uhmmm...Mama..." usal nito sa paos na tinig. "Mama...huwag..." wika nito na waring nananaginip kaya naman hindi niya malaman kung gigisingin na ba niya ito. "Mama... huwag mo kong iwan..." doon siya napatingin sa mukha nito at nakita niya ang mga munting luhang pumatak sa gilid ng mata nito. Hanggang sa mga oras na iyon ay ramdam niyang hindi pa rin natatanggap ni Storm ang lahat ng nangyari kaya hindi niya ito masisisi kung bakit hindi ganoon kadali para dito ang tanggapin ang kaniyang ina. Dahil kahit siya man ay hindi pa lubos na natatanggap ang ama nito sa buhay niya. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay nito at bahagyang umaliwalas ang mukha nito. Pinunasan niya ang mga luha pumatak sa mata nito. Nang masiguro niyang mahimbing na ang pagkakatulog nito ay naupo siya sa sahig at inihilig ang ulo sa gilid ng kama nito habang mataman pa ring nakatingin dito. Hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog na siya sa ganoong posisyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD