Sydney
"Nasaan ang manager mo? Gusto ko siyang makausap! Hindi ako makapapayag sa ginagawa ninyo," asar na sabi ng babae sa akin. Bigla naman akong naalarma dahil sa sinabi niya.
"M-ma'am, p-pasensya na po kayo—"
"Bakit ka humihingi ng pasensya sa kanya?" kunot-noong tanong sa akin ng lalaking nagtatanggol sa akin.
"Itinulak mo ang boyfriend ko," sabi ng babae sa akin. "Tapos, pinagbibintangan mo naman ng kung ano ang boyfriend ko," balin nito sa lalaking nagtatanggol sa akin. "Hindi ko ito mapapalagpas! Irereklamo ko kayo! Let's go, babe!" sabi pa nito sabay hila sa bastos na boyfriend niya.
Napahigit na lamang ako ng aking hininga at napapikit ng mariin. Kapag nagkataon, baka matanggal agad ako dito sa trabaho.
"Okay ka lang ba, Miss?" tanong sa akin ng lalaki.
Nagmulat ako ng mga mata at naiinis na tumingin sa kanya. Thankful naman ako sa ginawa niyang pagtatanggol sa akin, kaya lang, dahil doon ay baka mawalan pa ako ng trabaho.
"Sir—"
"George. Call me George," putol niya sa akin.
"Sir Geroge—"
"No, drop the sir. Just call me George."
"Hindi ko po kayo pwedeng tawagin sa pangalan n’yo lang—"
"At bakit naman hindi?" pagputol niya ulit sa akin.
"Sir basta po." Natigilan naman siya, tila nahimigan niya ang pagkainis sa boses ko. Nagpatikhim ako saka muling nagsalita. "T-thank you po sa... ginawa ninyong pagtatanggol sa akin. Pero sana hindi na po kayo nakialam."
Gumusot ang noo niya. "Huh?"
"Dahil sa nangyari, baka mawalan po ako ng trabaho—"
"Hey, tingin mo ba ganoon kababaw ang management ng Blue Prime Hotel? Tatanggalin ka agad dahil sa maling reklamo ng customer?" sunod-sunod na tanong niya—ni sir George.
Napalunok ako at napaisip. "H-hindi naman po sa ganoon, pero—" muli niyang pinutol ang sasabihin ko.
"I assure you, Miss..." Bumalin siya sa maliit na name tag na nakadikit sa kaliwang dibdib ko. "Miss Sydney," pagbasa niya sa pangalan ko. "Hindi ka matatanggal dito," aniya sabay ngiti sa akin.
"Sydney!" Kapwa kaming napalingon ni sir George mula kay Ivy na papalapit sa amin. "Ipinapatawag ka ni Ms. Leticia."
"Patay na," bulong ko sa aking sarili. Bumalin ako kay sir George upang magpaalam. Ayoko na siyang sisihin. Bahala na kung anong mangyayari sa akin. "Salamat po ulit, sir. Excuse me po," magalang na sabi ko rito.
"Sure. By the way, it's nice to meet you, Sydney," nakangiti niyang sabi at tuluyan ko na lamang itong tinalikuran.
Kinakabahan naman akong nagtungo sa facility office kung saan naroroon si Ms. Leticia.
"Ms. Leticia," banggit ko sa pangalan niya nang makapasok ako sa loob.
"Sydney, okay lang ba kung bukas ay mag-night duty ka?" tanong sa akin ni Ms. Leticia.
"P-po?"
"Kasi nagpaalam sa akin si Mary Rose, namatay ang ina niya kaya naman kailangan ng papalit na muna sa kanya. Night shift kasi siya, sa 8th floor siya naka-assign. Ikaw sana ang ilalagay ko muna roon habang wala pa siya," pagpapaliwanag sa akin ni Ms. Leticia na agad ko namang sinang-ayunan.
"Wala pong problema, Ms. Leticia."
"Okay sige. Bukas ire-remind na lang kita sa text ng bago mong schedule," nakangiting sabi niya sa akin.
"O-okay po."
"Okay, sige na."
"W-wala na po ba kayong ibang sasabihin pa po?" paninigurado ko rito.
"Wala naman na. Bakit? May gusto ka bang sabihin?"
"Wala naman po," mabilis na tugon ko. "Sige po, Ms. Leticia. Tatandaan ko po ang bago kong schedule bukas." Pagkasabi ko no'n ay dali-dali na akong lumabas ng facility office at bumalik sa pool area.
"Sydney!" tawag sa akin ni Ivy. "Paano mo nakilala si sir George?" tanong nito sa akin.
"Si sir George? 'Yong lalaking kausap ko kanina?"
"Oo, siya nga! Si sir George. Paano mo siya nakilala?"
"Tinulungan niya kasi ako kanina at ipinagtanggol."
"Talaga? Bakit? Anong nangyari?" muling tanong sa akin ni Ivy at ikinuwento ko naman sa kanya ang nangyari.
"Ang bait talaga ni sir George!" masayang sabi niya pagkatapos kong magkuwento.
"Kilala mo siya?"
"Oo naman! Siya ang pamangkin ng may-ari nitong Blue Prime Hotel!" pahayag ni Ivy sa akin at agad kong natutop ang bibig ko.
"T-talaga?" gulat na tanong ko.
"Oo! Alam mo sobrang bait no'n ni sir sa lahat ng empleyado rito," kinikilig na sabi pa ni Ivy.
Bigla kong inalala ang pakikipag-usap ko kay sir George kanina. Baka mamaya nasungitan ko siya o 'di kaya'y napakitaan ko siya ng hindi magandang asal.
Lumipas ang ilang oras hanggang sa matapos ang duty namin ni Ivy. Sabay kaming nagtungo sa dressing room at nagpalit ng damit namin. Tapos nagpaalam na kami sa isa't isa at umuwi.
Kinabukasan, tumulong muna ako kay inay sa pagtitinda niya sa palengke dahil gabi pa naman ang duty ko sa Blue Prime Hotel.
"Anak, kumusta ka naman ba sa bagong trabaho mo?" tanong sa akin ni inay habang nag-sasalansan siya ng mga sariwang isda na paninda niya.
"Mabuti naman po, inay. Mababait po ang mga kasama ko sa trabaho," nakangiting tugon ko.
"Mabuti naman kung gano'n, anak. Sana nga rin at magka-nobyo ka na," aniya.
"Inay, alam n’yo naman pong wala pa 'yan sa plano ko—"
"Alam ko. Pero nag-aalala lang ako sa iyo, kahit kailan ay wala ka pang naikukwento sa akin na lalaki na nagugustuhan mo."
"Eh wala naman po talaga, inay eh. Saka bata pa naman po ako para diyan. Bente dos anyos pa lang po ako—"
"Kahit pa, anak. Baka mamaya mayroon namang gustong manligaw sa iyo pero ayaw mo lang."
"Inay, huwag po kayong mag-alala, kapag may nanligaw po sa akin dadalhin ko po agad sa inyo," natatawang sabi ko kay inay.
Nang humapon na ay umuwi na ako sa bahay at nag-handa ng sarili para sa pagpasok ko sa trabaho.
Alas syete ng gabi nang makarating ako ng Blue Prime Hotel. Dumeretsyo ako sa 8th floor pagkatapos kong magpalit ng uniform namin at isa-isang nilinis ang mga bakanteng kwarto roon.
"Miss?" Agad akong napalingon sa boses na tumawag sa akin at nanlaki ang mata ko nang makita kung sino iyon. "Pwede bang paki-linis 'yong toilet ng kwarto namin? Barado kasi yata," pormal na sabi ng lalaking nambastos sa akin kahapon.
At kahit na kabado ako ay sinunod ko na lamang ang sinasabi niya. Hindi ko naman siya pwedeng tanggihan dahil trabaho ko naman iyon.
Pero nang makapasok ako sa kwarto niya ay agad niyang ini-lock ang pinto.
"S-sir, naiwan ko po 'yong panglinis ko sa labas—" Hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil mabilis niya akong hinuli at itinulak sa kama.
"Miss, huwag kang mag-alala, saglit lang ito habang wala ang girlfriend ko. Kahapon pa ako hindi makapagpigil sa iyo—"
"Bastos!" sigaw ko sabay sampal sa kanya na siyang ikinagulat niya.
Hindi ko hahayaan na magtagumpay siya sa nais niya kaya naman buong lakas ko siyang itinulak. Pero mabilis niya lang akong nahablot sa buhok at pahigang dinaganan sa kama.
"Huwag ka nang pakipot. Magkano ba ang gusto mo?" maangas na sabi niya.
At sa isang iglap ay mabilis siyang tumilapon sa sahig. Natanaw ko si sir George na galit na galit. At naramdaman ko na lamang ang mga luha ko na naglalandas na.
Thank God, he saves me—again.