Sa kabila ng mapayapang tanawin ng dagat, nagngangalit ang bagyo sa loob ni Jea. Nakatayo siya sa veranda ng isang pribadong resort, malayo sa magulong siyudad, ngunit hindi sa kaguluhan ng kanyang isipan. Mula nang talikuran niya ang dating buhay na puno ng mga inaasahan at ilusyon, wala siyang ibang ginawa kundi magtangkang buuin muli ang kanyang sarili.
Ngunit hindi ganoon kadali. Ilang linggo na siyang nakakaramdam ng matinding pagod, pagkahilo, at pagsusuka tuwing umaga. Akala niya ay dulot lang ito ng stress at pagod, ngunit nang hindi siya datnan ng buwanang dalaw, nagsimulang lumakas ang kanyang hinala.
Dala ng kaba at pangamba, nagpasya siyang bumili ng pregnancy test. Sa loob ng banyo ng kanyang silid, nanginginig ang kanyang mga kamay habang hinihintay ang resulta. Ilang minuto lang, ngunit pakiramdam niya'y isang habambuhay ang lumipas. Hanggang sa makita niya ang dalawang malinaw na linya sa test kit.
Buntis siya.
Napaupo siya sa malamig na tiles, pinagmamasdan ang test kit na para bang magbabago ang resulta kung tititigan niya ito nang matagal. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman—takot, pagkalito, o galit sa sarili. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang katotohanan. Ang dating perpektong plano niya sa buhay ay naglaho, napalitan ng takot at pag-aalinlangan. Paano niya haharapin ang kanyang pamilya? Ano ang sasabihin ng lipunan? At higit sa lahat, paano kung hindi pa siya handa sa pagiging ina?
Wala siyang mapagsabihan. Wala siyang matakbuhan. Sa puntong ito ng kanyang buhay, pakiramdam niya'y nag-iisa siya.
Dala ang isang sobre na naglalaman ng kanyang ultrasound results, tahimik na lumabas si Jea mula sa isang pribadong klinika. Hindi niya napansin ang isang reporter na matagal nang nagmamanman sa kanya. Nang makita nitong may hawak siyang envelope na may logo ng isang sikat na obstetrician, hindi na ito nagdalawang-isip na kumuha ng litrato.
Habang naglalakad siya papunta sa sasakyan, biglang nanlabo ang kanyang paningin. Naramdaman niya ang biglaang pagkahilo at paninikip ng dibdib. Humawak siya sa pinto ng kotse ngunit hindi niya na kayang ipagpatuloy pa. Unti-unti siyang bumagsak sa lupa, at sa sobrang pagmamadali, nalaglag mula sa kanyang kamay ang sobre. Bumukas ito, at tumilapon ang ultrasound image papalapit sa reporter.
Agad itong pinulot ng reporter, hindi makapaniwala sa kanyang nakuha. Sa isang iglap, isang malaking scoop ang nahulog mismo sa kanyang mga kamay.
Hindi alam ni Jea na sa di-kalayuan, mabilis na kinuhanan ng reporter ang eksenang ito. Kilala siya bilang anak ng isang senador, kaya’t hindi nakaligtas sa mata ng media ang biglaan niyang panghihina. Ilang minuto lang ang lumipas, mabilis na kumalat sa social media ang kanyang larawan—kasama ang larawang nahulog mula sa sobre—at kasabay nito, ang balitang buntis siya
Sa loob ng ospital, dumadagundong ang kaba sa dibdib ni Jea habang pinagmamasdan ang kanyang ina. Hindi nito binitiwan ang kanyang kamay, ngunit ramdam niya ang bigat ng sitwasyon sa paraan ng pagkakahawak nito—mahigpit, ngunit may halong pangamba. Hindi niya kailangang marinig ang sasabihin nito upang malaman na ang eskandalo ay kumalat na.
"Anak," mahinang tawag ng kanyang ina. "Ano ang nangyari?"
Napalunok si Jea. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang lahat. Hindi niya rin alam kung paano tatanggapin ng kanyang pamilya ang balitang ito. Napatingin siya sa telebisyon na nasa dingding ng silid, kung saan isang news report ang ipinapalabas.
“Jea Alexandra Alonzo, nag-collapse sa isang private clinic. Ayon sa nakuha naming impormasyon, may hawak siyang ultrasound image bago siya mawalan ng malay. Ano ang kwento sa likod nito?”
Kasabay ng report na iyon ay ang larawan niyang hawak ang sobre bago ito mahulog. May mga espekulasyon sa social media—sino ang ama? Bakit siya nagpunta sa isang pribadong OB-GYN? Totoo bang buntis siya?
Bumuntong-hininga ang kanyang ina. "Anak, kailangan nating harapin ito ng maayos. Hindi mo na ito matatakasan."
Napalunok si Jea, pilit pinipigilan ang pagluha. "Hindi ko alam kung paano, Mama," aniya sa mahina niyang tinig. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko."
Huminga nang malalim ang ginang at hinaplos ang buhok ng anak. "Nandito kami para sa'yo. Ngunit anak, kakailanganin mong sabihin sa amin ang totoo."
Napalunok si Jea. Paano niya ipapaliwanag ang sitwasyon kung siya mismo ay hindi pa sigurado? Ang tanging alam niya lang ay buntis siya—at hindi niya alam kung paano magsisimula.
Samantala, sa labas ng ospital, nagkukumpulan ang mga mamamahayag. Lahat ay naghihintay ng opisyal na pahayag mula sa pamilya Alonzo. Sa gitna ng kaguluhan, isang lalaking may matipunong pangangatawan ang tahimik na nakamasid mula sa malayo. Hindi siya bahagi ng media, ngunit kitang-kita ang interes sa kanyang mga mata.
Hindi pa niya kilala si Jea nang personal, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, may kung anong humatak sa kanya para alamin ang tungkol sa babaeng nasa balita.
.