Kinabukasan bago sumapit ang araw ng charity event ay nagpasya akong bumisita sa mall. Sabi ko nga kay Kelvin, may gown na ako sa cabinet—isang vintage-cut na kulay midnight blue na binili ko noong isang beses na nag-feeling "main character" ako sa isang kasal, pero nagtapos lang bilang "ninang-looking" na taga-abot ng souvenir. Ang problema, wala akong sapatos na babagay roon. Hindi naman pwedeng mag-heels ako ng tsinelas na may balahibo o 'yung lumang sneakers ko na mukhang dumaan na sa tatlong world war.
Pagpasok ko sa isang high-end boutique, halos mapamura ako sa presyo ng mga nakadisplay. Isang pares ng stiletto, katumbas na ng tatlong nobela na sinusulat ko!
"Lord, kailangan ko lang ng sapatos, hindi iyong kaluluwa ng designer," bulong ko habang maingat na hinahawakan ang isang silver pump. "Tita mode na Budgetarian edition muna tayo, Claudia. NBSB ka na nga, mabubutas pa ang bulsa mo, double kill na 'yan," mahina kong kausap sa sarili.
Habang abala ako sa pagtimbang kung mas mahalaga ba ang sapatos o ang pambayad ng mga parcel ko ay biglang bumukas ang pinto ng boutique. Nakatayo ako malapit doon kaya hindi ko mapigilang mapalingon.
Pumasok ang isang babaeng sa tingin ko ay kaedaran ko lang, pero parang galing sa ibang planeta. Ang ganda niya ay iyong tipong hindi kailangan ng filter. Sopistikada, nakasuot ng puting terno na amoy-mayaman, at bawat hakbang ay parang may kasamang background music.
'Sana-all,' bulong ng isip ko. Sana-all ay ganoon ang maintenance sa buhay. Samantalang ako, ang tanging 'glowing skin' na meron ako ay dahil sa pawis matapos maghabol ng deadline. Minsan nga ang pagsuklay ay nakalimutan ko pa.
Pero ang mas nakakuha ng atensyon ko ay ang kasama nitong babae.
Kung hindi ako maaaring magkakamali, ito iyong kababata ni Marco na nakasalubong namin kahapon sa restaurant na Jocelle ang pangalan. Nakasuot ito ng oversized sunglasses at bitbit ang isang bag na ang presyo ay sapat na sigurong pambili ng isang maliit na subdivision.
Dumaan sila sa harap ko kaya nalanghap ko iyong bango nila, amoy "old money." Napapatingin sa kanila iyong ibang mga customer pero tila walang napapansin ang dalawa na tuloy-tuloy lang sa paglalakad.
Ilang hakbang na ang nilampas ni Jocelle sa kinatatayuan ko nang huminto ito at pumihit paharap sa mga display ng sapatos na tinitingnan ko. Hindi niya ako tinignan, hindi niya ako binati, o kahit man lang tinapunan ng sulyap at talo ko pa ang isang boring na decorative sa tabi niya habang ang atensiyon niya ay naroon sa naiwang kapares ng sapatos na hawak-hawak ko.
"That looks cheap. Let's look at the limited collection inside the private lounge," sabi ng kasama ni Jocelle sa kanya. Ang tono nito ay parang kumakanta, pero ang bawat salita ay parang sampal sa mukha ng katulad kong dukha. Napatingin tuloy ako sa kapares ng sapatos na hawak ko.
Iyong sapatos naman ang sinabihang cheap, pero ako iyong tila tinamaan!
Grabe! Ang subtle ng panglalait! Ni hindi man lang ako kinakausap pero nagawa nitong iparamdam sa akin na ang hawak ko ay basura. Gano'n talaga siguro kapag mayayaman, sa sobrang taas nila ay hindi na nila kailangang magpakita ng kabastusan para maliitin ang isang taong 'di nila ka-level. Sapat na ang hindi ka nila pansinin, na tila ba hindi ka nage-exist sa mundo nila.
Nang pumasok sila sa VIP lounge, naiwan akong nakatayo roon. Hawak pa rin ang sapatos na "cheap" daw. Bigla ay nakaramdam ako nang panggigigil.
Ang sarap sanang ihampas ang sapatos na 'to sa pinto ng lounge nila, pero baka singilin ako ng boutique ng halagang katumbas ng kidney ko, kaya ibinalik ko na lang sa shelf nang padabog.
"Cheap?" bubulong-bulong kong usal. "Maganda naman ah, ano kayang taste meron ang dalawang iyon?"
"Actually, it looks good on you. Pero mas bagay siguro kung isusuot mo at hindi lang tinititigan na parang may utang sa 'yo," pahayag ng isang pamilyar na boses sa mismong tapat ng tainga ko.
Muntik na akong mapatalon sa gulat. Sa sobrang lalim ng paghugot ko ng katarayan sa loob ng utak ko, hindi ko napansing may dambuhalang nilalang na palang nakatayo sa tabi ko. Kasunod niyon ay nanunuot sa ilong ko ang kaaya-ayang pamilyar na amoy ng mamahaling pabango na tila ba naging official scent na ng lahat ng kamalasan ko.
Umatras pa muna ako upang magkaroon ng kahit konting space sa pagitan namin bago ako tumingala upang makita ang mukha niya.
At hindi nga ako nagkamali, ang gwapong mukha ni Marco Axel Laraza ang nabungaran kong nakatunghay sa'kin. May nakakalokong ngisi na na nakapaskil sa mga labi niya na tila ba kanina pa niya ako pinapanood at narinig niya ang binulong-bulong ko.
"Ano na namang ginagawa mo rito?" singhal ko sa kaniya nang makabawi sa initial na gulat. "Sinusundan mo ba ako?" tumalim ang tinging dugtong ko.
Pinili kong maggalit-galitan kaysa naman lamunin ako ng hiya at iba pang emosyong sanhi nang pagkaalala ko sa pinagsaluhan naming halik. Kung magkataon ay baka bigla na lang akong magtatakbo palayo sa kanya!
Ready or not ay kailangan kong lakasan ang loob dahil parang kabuteng bigla na lang siyang sumulpot sa harapan ko.
"Relax, Tita, napadaan lang ako," pumapalatak niyang sabi habang muling tinawid ang binigay kong space sa pagitan namin. "At nakita kitang nakikipagtitigan sa silver pumps na 'yan. Bakit hindi mo bilhin?"
Sana nga lang ay gano'n kadaling bumili ng mamahaling sapatos gayong marami pang mas importanteng bagay na kailangang paglaanan ng budget.
Iyong inis ko kay Jocelle at sa kasama niyang mukhang porselana ay biglang nabaling kay Marco. Hindi pa nakatulong na tuwing nagtatagpo ang paningin namin ay parang tuksong lumilitaw sa utak ko iyong tungkol sa nangyaring halik kaya ang bilis uminit ng ulo ko.
"Alam mo, Marco, ikaw at ang mga kauri mong mayayaman, pare-pareho kayo!" bulyaw ko sa kaniya, hindi na alintana kung may ibang tao sa boutique. "Akala ni'yo ba lahat ng bagay ay nadadaan sa pera o sa pang-aasar? Akala ni'yo ba dahil wala kaming 'limited edition' na bag ay pwede ni'yo na kaming ituring na parang display lang na walang pakiramdam?" Sa inis ko ay kusa nang bumubuka ang bibig ko nang 'di nag-iisip.
Hindi ko na nga alam kung tama pa ba ang mga pinagsasabi ko. Agad ko namang inawat ang sarili dahil baka pati ang global warming ay isusumbat ko pa sa kanya.
Nawala ang ngisi ni Marco. Kumunot ang noo niya, halatang nagulat sa biglaang pagsabog ko.
"Whoa, Tita. San galing 'yan? I was just teasing—"
"Teasing? 'Yan ang hirap sa inyo, eh! Gagawin niyo kaming katuwaan, gagawin niyong 'pabor' ang pagtulong, pero sa likod niyan, para lang kaming mga clowns na pinapanood niyo para malibang kayo!" Dinuro ko siya gamit ang hintuturo ko. "Kung akala mo ay natutuwa ako sa mga pa-pabor niyo ni Kelvin, nagkakamali ka! At 'wag mo akong ma-Tita-Tita ngayon dahil wala ako sa mood makipag-plastikan!"
Kahit nagpipigil na ay parang semiautomatic pa rin ang pagbubunganga ko.
"Claudia, wait—"
"Hindi! Huwag mo akong ma-Claudia-Claudia d'yan!" Napalingon ako sa direksyon ng VIP lounge kung nasaan sina Jocelle. "Saksak ni'yo sa baga ni'yo ang mga private lounge ni'yo!" galit kong sabi na tila ba nasa harapan ko iyong dalawang babae bago marahas na nilingon ulit si Marco. "At ikaw, Marco, kung gusto mo ng entertainment, manood ka na lang ng Netflix, 'wag mo akong pakialaman!" sikmat ko sa kanya.
Ramdam kong pinagtitinginan na ako ng ibang mga tao pero dahil sa inis ay nawalan ako ng pakialam. Taas-noo at padabog akong naglakad palabas ng boutique habang ramdam ko ang init ng mukha ko sa sobrang galit. Hindi ko alam kung bakit sa kaniya ko ibinuhos lahat, pero siguro dahil siya ang pinakamalapit na simbolo ng mundong kinamumuhian ko ngayon—ang mundong puno ng ginto pero walang modo.
Habang naglalakad ako palayo, narinig ko pa ang pagtawag niya, pero hindi ko siya nilingon. Sa isip-isip ko, kung sa Sabado ay magiging guest relations ako sa auction niya, sisiguraduhin kong ang tanging "relation" na mararamdaman niya sa akin ay ang lamig ng isang taong hinding-hindi niya kailanman maaabot ang loob.
"Cheap pala, ha! Magsama sila ni Marco!" inis kong pahayag. "Akala mo maganda, naku! Lumaklak lang naman ng gluta kaya sa sobrang kaputian ay parang kukunin na ng liwanag."
Gigil na gigil talaga ako, tapos ang init-init pa habang naglalakad ako sa tabi ng kalsada. Sa inis ko ay nalampasan ko na iyong unang abangan ng taxi na nadadaanan ko.
"Tita Clau!"
Napahinto ako sa paglalakad at kunot-noong napalingon sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa'kin.
"Tita!"
Nakita ko si Jella na classmate ng pamangkin kong si Eliz na siyang tumatawag sa'kin. Kasalukuyan itong nakasakay sa isang kotseng mabagal na umaandar palapit sa'kin.
Nakababa ang bintana sa tabi ng kinauupuan nito kaya nakikita ko ang malaki nitong ngiti habang kumakaway-kaway pa habang tinatawag ako.
Ilang sandali pa at huminto na sa tapat ko iyong kotse. Pasimple ko pang sinuyod ng tingin ang mamahaling sasakyan bago binalik ang atensiyon sa dalagitang nagliliwanag ang buong mukha na nakatingin pa rin sa'kin.
"Saan po kayo pupunta?" tanong sa'kin ni Jella. Binuksan pa nito ang pintuan ng sasakyan at bumaba. "Isasabay na po namin kayo."
"Ha? Nakakahiya naman," kimi kong tugon bago pasimpleng sinilip kung sino ang kasama nitong nagmamaneho.
"Huwag na po kayong mahiya," nakangiting sagot ng dalagita. "Papauwi na rin naman po ako galing sa lakad ko kaya libre ako ngayon," dugtong pa nito.
Hindi ko alam kung madidismaya ba o magpapasalamat dahil hindi iyong Daddy niya ang nasilip kong nasa loob ng sasakyan. Mukhang driver iyong kasama niya.
"Kung gusto ni'yo po ay magmeryenda muna tayo," pagpapatuloy ni Jella na nagpabalik ng atensiyon ko sa kanya. "Ililibre ko po kayo bilang pasasalamat doon sa pabor na hiniling ko no'ng nakaraan."
Magtitiis ako sa ilalim ng init ng araw kung tatanggi ako sa alok niya. At wala naman iyong Daddy niya kaya wala naman sigurong masama kung sasama ako sa kanya.
"Sige, pero ako iyong manlilibre," sagot ko. Akmang aapila pa siya pero binigyan ko na siya nang makahulugang tingin.
Walang nagawang ngumitin na lang siya at tumango bago nilakihan ang bukas ng pintuan ng kotse upang paunahin akong sumakay bago siya sumunod.
"Kuya Lito, sa pinakamalapit na cafe po tayo," magalang nitong kausap sa driver na kasama. "Sumama na rin po kayo sa'ming kumain."
"Sige po, Ma'am," tugon naman no'ng driver bago pinaandar ang kotse.
"Tita Clau, si Kuya Lito po pala," pakilala ni Jella sa'kin sa kasama. "Kuya Lito, ito naman po si Tita Clau. Kaibigan siya ni Daddy."
Nginitian ako ni Kuya Lito bilang pagbati na tinugon ko rin ng tipid na ngiti. Tantiya ko ay nasa fifties na itong si Kuya Lito.
Halatang maayos talaga ang pagpapalaki ni Joaquin dito sa anak niya at nakikita ko iyon kung paano nito tratuhin ang katulad ni Kuya Lito na nagtatrabaho sa pamilya nila.