Matapos ang dalawang araw ay nagawa kong makumpleto ang mga dokumento kong gagamitin para sa pag-a-apply sa kumpanyang La Miero Enterpise. Tinitingnan din ito ngayon ni Papang ngunit nagtataka ako kung bakit adwang-adwa ang kaniyang mukha habang nagbabasa. Printed naman itong mga ginawa ko. Bakit parang hindi niya masikmurang basahin? Baka lumalabo na ang mata ni Papang. Naku, marami na talaga siyang problema sa katawan.
"Mahabagin, baka makulong ang batang are sa Maynila," mahina niyang bulong na hindi ko naman narinig. Hindi ako pinansin ni Papang at agad na lumabas ng aming bahay.
"Papang, saan ka ba pupunta?" tanong ko.
"Para ayusin ang sakit ko sa ulo, ineng. Huwag kang lalabas at matatamaan ka talaga sa akin!" galit namang sabi ni Papang.
Napanguso na lamang ako at bumalik sa aking silid. Binigyan ako ng inay ni Wendy ng lumang maleta nila na pwede kong magamit paluwas ng Maynila. Mahal na mahal talaga ako ng bespren ko na si Wendy. Sanggang dikit na talaga kami mula pagkabata. Kahit mahirap lang ako eh hindi niya ako ikinahiya bilang kaibigan niya. Syempre, beautiful girls stick together nga 'di ba?
Nagdala ako ng ilang damit mula sa aking damitan. May mga binigay rin si Wendy sa akin mula sa mga pinaglumaan niya. Ay kay rami naman kasing damit ni Wendy. Binibigyan siya ng Tita Yolly niya ng mga thong kung tawagin. Uso ito sa Shapipi. Hindi naman sinuot ng babaita dahil kinakain daw ng kaniyang pwet. Binigay na lamang niya sa akin. Sino pa ba ako para tumanggi sa libre? Hanggang may makakapitan naman, may matatakpan.
Naglagay rin ako ng ilan kong litrato mula kay Papang. Kuha noong bata pa ako at sa pagdadalaga. Hindi talaga makakailang saksakan ako ng gandang babae. Mahal talaga ako ng Diyos.
Napangiti naman ako at ginaya ang pose ko sa litrato. Kuha ito noong nag-muse ako sa liga. Sa aking pagkakatanda ay 15 anyos ako rito. Fresh na fresh at talagang aura kung aura ang aking make-up. Made by yours truly Papang ba naman.
"Contestant number three! Maria Salina Matuwid! Palakpakan naman diyan!" pagpapakilala sa akin ng host.
Mayabang naman akong kumaway at kumembot sa harap ng madla. Aba ang aking mga ka-barangay, nagwawala na!
"Salina I love you!"
"Ang ganda-ganda mo Salina!"
"Mahal kita bespren kahit bobo ka!"
Muntik na akong mapangiwi sa huling sumigaw. Ito ang aking bespren na si Kimberly. Laitera talaga ang babaeng ito kahit kailan.
Rumampa na ako at umikot-ikot. Pagdating ko sa gitna ay tumambling pa ako. Nagwala na naman ang mga ka-barangay ko! Pati si Papang, hindi na maawat sa kakairit!
"Goe anak!"
Nag-flip hair pa ako bago inabot ang mike mula sa judge. Inirapan ko pa ito at ngumuso sa mga judge bilang flying kiss. Limang libo ang premyo rito. Talagang hindi ako magpapatalo. Pambili ko rin iyon ng Jansport na bag sa pasukan!
"Magandang araw, Brgy. Matubol! Hear me out, pakiggan niyo ako!" malakas kong sigaw at pinatahimik ang audience.
"My name is Maria Salina Matuwid, 15 years old representing Blue Falcons!" tumikhim naman ako para bumanat ng aking emotional quote. "Naniniwala akong time is gold dahil mayaman ako! Hindi lang iyon, dahil motto ko rin sa buhay na kung hindi ka marunong tumingin sa iyong pinanggalingan ay daig mo pa ang malansang tilapia! And I, thank you!"
Muli akong kumembot at umalis na ng stage.
Napangiti naman ako sa masasayang ala-alang ito. Ngunit dahil sumagi sa isip ko si Kimberly, napa-ismid ako. Ang plastic na iyon! Kahit gaano kakapal ang nguso niya, mas makapal pa rin ang mukha niya! Traydor!
Wala na sa Batangas si Kimberly dahil kinuha siya ng kaniyang mayamang tiyahin. Bago ito umalis papuntang maynila ay sinabihan niya kami ng masasakit na salita ni Wendy. Hindi lang iyon, siniraan pa kami!
Kung hindi ako nagkakamali, sinabi niyang hindi talaga ako best in English dati dahil sipsip lang ako sa teacher. Higit sa lahat, sinabihan niya kami ni Wendy na hindi kami maganda dahil maputi lang naman kami!
Wow! The audacity of that ugly living thing! Kasalanan ba namin na pinanganak at pinalaki kaming maganda ni Wendy? Siya nga ay hindi namin siniraan kahit isang beses lang siya mag-toothbrush sa isang araw.
"Ay jusko kang bata ka! Isang oras na akong umalis, hindi ka pa rin tapos magbalot ng gamit!?"
Napabalikwas ako ng tayo at agad na kinuha ang hilahan ng aking maleta. Dahil hindi ko nai-zipper at naglaglagan ang lahat ng pinagkasya kong laman. Napabuntong hininga naman si Papang.
"Hay naku, ineng. Ikaw ang tatapos ng buhay ko. Bakit naman pati kaldero ay dinala mo!? Kakahiram ko lang niyan sa kapitbahay!" inis namang sabi ni Papang.
Hindi na ako sumagot at tumahimik na lamang. Tinulungan ako ni Papang na ayusin ang laman ng aking maleta. Tinanggal niya ang nilagay kong kaldero, arinola, pati na rin ang alambreng sampayan na kinuha ko sa labas. Inis na inis naman ako at magagamit ko iyon sa Maynila.
"Ineng, hindi mo naman kailangan nito at tutuloy ka sa motel ng pamilya nila Wendy sa Maynila! May kubeta roon, lutuan, at washing machine! Itatali ko sa iyo ang alambreng ito. Ay siya kang bata ka, matatamaan kana! Lakad doon kila Wendy. Mag-usap kayo kung paano ang mangyayari. Hindi pwede ang ulaga sa Maynila," mahabang sermon ni Papang.
"Sorry na Papang. Are namang mga nilagay ko ay kailangan ko sana. Kahit yung kaldero na lang-"
"Hindi, Maria Salina! Layas! Mahahataw na kita! Nababawasan ang ganda ko ng dahil sa 'yo!" sigaw ni Papang.
Tumakbo na ako palabas nang kumuha si Papang ng hanger. Talagang galit na nga siya. Hinila na niya ang tali niya sa buhok na talagang inaayos niya tuwing umaga. Pawisan na rin siya at kupas na ang kilay. Rampage mode na iyon ni Papang kumbaga.
Naglakad na ako papunta kila Wendy. Dala-dala ang aking naghihingalong cellphone na nabili ni Papang at nag-chat na ako kay Wendy.
Sanay akong pumapasok na sa bahay nila Wendy at hindi kumakatok. Ngunit pagpasok ko ay bumangga ako sa matigas na pader kaya napa-upo ako sa sahig. May nag-abot naman sa akin ng kamay kaya tinanggap ko ito at tumayo. Nagpagpag ako ng sarili at tiningnan ang may mala-pader na dibdib na nakabangga sa akin.
Tumigil ang aking mundo dahil sa gwapitong nasa harapan ko. If this human is handsome, talagang gwapo siya! I can't stop mesmerizing at hindi ko talaga matigilan. Para akong nakatingin sa painting na gumagalaw.
"Shori po. Eneng pangalen mo? Ako shi Salina, ahihi. Dito ke be nakatire?" nahihiya kong tanong.
"Oh, you are Salina. Wendy's bestfriend. I stopped by dahil may pinabibigay na sulat si mom sa tatay ni Wendy. I will get going now. May lakad pa akong pupuntahan. Nice meeting you, Salina."
Nginitian ako ng poging human na ito at umalis na siya sa aking harapan. Napahawak naman ako sa aking panty na suot. Pakiramdam ko ay talagang dudulas na ang panty ko pababa sa aking hita. Jojowain po, opo!
Kinikilig akong pumasok na sa loob dahil nagmumukha na akong tanga. May limang minuto akong napatigil doon dahil sa gulat. Mukhang hindi taga-rito ang poging iyon. Amoy mayaman. Mas marami kaya akong makikita na ganoon kagwapo sa Maynila? Excited na ako!
Pumunta na ako sa kwarto ni Wendy at kumatok. Agad niya naman akong pinagbuksan ng pinto!
"Bespren, emergency! May emergency!" sigaw ko sa kaniya at agad na humiga sa kaniyang kama.
"Ay, what is happening? May sunog? May nagpapatayan? Saan!?" gulat niyang tanong at papalabas na sana ng kwarto nang hilahin ko ang kaniyang braso.
"Ay gaga, wala! May pogi kasi! Poging 6 footer na lumabas sa bahay niyo!" masayang sabi ko sa kaniya.
Nawala naman ang ngiti sa labi ni Wendy at binatukan ako. Napakunot naman ako ng noo dahil sa reaksyon niya.
"Gaga ka, kuya ko iyon. Anak iyon ni Tita Yolly na panganay. Si Kuya Mission. May asawa at anak na kaya hawakan mo iyang panty mo."
Napalabi naman ako at nagmukmok. Isinubsob ko ang aking mukha sa unan at umirit.
"Why is this happenings to me? Sobra na ba ako sa katalandian?" bulong ko habang nakasubsob sa unan.
"Malandi ka naman talaga, brespren. You love a world of married people kaya," sabi ni Wendy.
Hinarap ko naman siya na nakabusangot. Mukhang malalim ang english ng aking bespren. Ay hindi ko talaga maintindihan!
"Ha?" tanong ko.
"Ibig kong sabihin, gusto mo talaga iyong mga kasal na at may asawa. Naku, yari ka. Huwag kang kikire ng ganiyan kapag malayo ka na sa amin," paliwanag niya.
"Ay talagang hindi, ano ka ba! Maling akala lang naman ako. Hindi naman ako ganoong klase. Hindi naman ako home wrecking ball 'no!"