“Uy mga bakla, alam niyo ba na nawawala si Christian?” Kakarating lang ni Jessie at agad nitong ikinuwento ang kumakalat na balita sa kanilang departamento.
“Christian?” Nagtataka kong sambit.
“Oo bakla, yung lalaki na lumapit sayo kagabi… ‘yung nanay niya umiiyak hindi pa daw umuwi si Christian hanggang ngayon, ni hindi rin makontak,” dagdag pa nitong balita.
“Eh baka naman nakipag tanan sa jowa!” Natatawa pang sabi ni Jeanne.
“Ano ka ba bakla, walang jowa ‘yun, torpe yun eh… itong si Scarlett nga lang ang bukod tanging nilapitang babae ‘nun eh,” patuloy pa nito.
“Ano ba sabi sayo kagabi ni Christian?”
Tanong naman ni Jeanne na may kasamang kalabit sa akin.
“Wala naman, tinanong lang niya yung tungkol sa modeling.”
“Sayang gwapo pa naman ‘yun, crush ko nga siya eh,” sabat ni Jessie sabay ipit ng buhok sa may tainga nito.
“Eh bakit daw siya nawawala?” Tanong ni Jeanne.
“Hindi nga malaman ng modrabills, wala pa naman bente kwatro oras siyang nawawala pero nag-aalala na ang modrabills niya kasi hindi nga makontak.”
Sasagot pa sana ako pero biglang dumaan si secretary Cruz kaya naitikom ko na lamang ang aking bibig.
“Dumaan ang tagapagmana,” paberong sabi ni Jessie kaya palihim kaming napatawa.
“Magtrabaho na nga tayo,” sabi ko sabay tapik sa balikat ni Jessie.
Magkakatabi lang kasi ang mga upuan naming tatlo kaya nakakapag tsismisan kami kapag may nasasagap na balita si Jessie.
Uwian na kaya nag aya si Jessie na mag bar kami dahil wala naman pasok bukas kaya pumayag na rin ako na sumama sa kanila.
“Uy Scarlett ano?”
Nasa gilid kami nang kalsada at nag-aabang na taxi.
“Oo na sasama na ako, pero dadaan muna ako sa remittance center at kailangan kong magpadala sa mga kapatid ko.”
“Ay very good ka diyan bakla.” Nakangiting sabi ni Jessie na may kasamang thumbs up.
“Siya sige na uwi na muna tayo.”
Sabay-sabay kaming umuwi dahil sa iisang condo lang kami nakatira, medyo may kalakihan naman kaya kasya kaming tatlo. Pagka uwi namin ay agad din kaming gumayak para makaalis din kami agad.
“Sumunod ka ha?” Tugon ni Jeanne sa akin bago sila sumakay ng taxi papunta sa bar.
Ako naman ay naglalakad papuntang remittance center medyo malapit lang kasi ito sa condo namin kaya pwede lang lakarin. Maaga pa pero medyo tahimik ang kalsada wala masyadong tao na naglalakad sa paligid, paminsan-minsan ay napapalingon ako sa aking likuran o sa paligid kasi pakiramdam ko ay laging may mga matang nakatingin sakin sa araw-araw.
Ngunit ipinagsasawalang bahala ko na lang kasi wala naman akong nakikitang may taong nakasunod o nakatingin sa akin.
Pauwi na sana ako ngunit naalala ko si Christian, malaking katanungan sa aking isip ang balita ni Jessie kanina… nakakapagtaka lang kasi sabi ni Jessie matagal nang nagtatrabaho si Christian sa company ngunit ngayon lang ito na balita na nawawala kaya naisipan kong magtungo sa police station.
Pagkarating ko sa police station agad akong nagtanong, “ahm sir, tungkol po sa kaso ng nawawalang lalaki na nagngangalang Christian?”
“Kaano-ano mo po ang biktima?”
“Workmate po…”
“Iha, kilala mo ba ang anak ko?”
Bigla akong napalingon ng biglang may magsalita sa aking likuran at hinawakan ako sa aking braso.
“O-opo,” sabi ko sabay tango. “Office mate ko po siya, kumusta na po siya?”
Biglang umiyak ang ginang kaya nakaramdam ako ng awa sa ina ni Christian.
“Hanggang ngayon hindi pa namin siya makita… diyos ko anak nasaan ka na ba?” Umiiyak nitong sabi.
Bigla rin naputol ang iyak ng ginang ng biglang tumunog ang telepono dito sa presento.
“Ah misis Sylvia may natanggap po kaming balita, may natagpuan po na bangkay sa may ilog pasig, sumama po kayo samin para ma-identify niyo po ang bangkay.”
Agad akong kinabahan sa sinabi ng pulis kaya sumama na rin ako sa kanila.
Mabilis kaming nakarating sa nasabing lugar at nang makita namin ang bangkay ay agad namin nakomperma na si Christian nga ito, may tama ito ng baril sa ulo. Humagulgol ang ina nito at ako ay nakaramdam ng matinding pagka-awa. Nakakapag taka dahil kahapon lang ay napaka ganda pa ng ngiti niya habang kausap ko ito, nakipag kamay pa nga siya sa akin nang magpasalamat siya sa akin.
Hindi ko mapigilang mapaluha dahil sa matinding awa sa ina ni Christian at ganun na din sa binata.
Ipinagdasal ko din na sana agad makuha ang hustisya para sa pagpatay kay Christian. Sa tanang buhay ko akala ko sa palabas lang nangyayari ang mga ganitong eksena kaya hindi lang awa ang nararamdaman ko takot na rin dahil sa panahon ngayon hindi na talaga ligtas ang mga tao dahil sa nagkalat na ang mga masasamang tao dito sa pilipinas.
Bigla akong bumalik sa realidad nang marinig kong tumunog ang aking cellphone, agad ko itong kinuha sa aking bag at sinagot ang tawag ni Jeanne.
“Bakla, nasaan ka na ba? Kanina pa kami naghihintay sayo dito aba!”
“Papunta na ako, may dinaanan lang ako.”
Gustuhin ko mang samahan ang ina ni Christian ay kailangan ko na rin umalis.. Nag-abot ako ng pakikiramay kay ginang Sylvia bago ako umalis.
Nakaka-kaba pero kailangan kong ipagpatuloy ang aking buhay at tatagan ang loob.
Nag-abang ako ng masasakyan. Ilang minuto rin ako naghihintay bago makasakay.
Habang bumabyahe ay hindi maalis sa isip ko ang itsura ni Christian na wala nang buhay, ang nanay niya na humahagulgol sa iyak.
Ang bali-balita sa office ay dalawa na lamang silang magkasama ng kanyang ina, ang ama nito ay namatay sa cancer at si Christian lang ang nag-iisang anak na bukod tanging nag-aaruga sa ina nito, ngayon na nawala na rin si Christian ay mas lalo lang ako naawa sa ginang. Masakit mawalan ng magulang pero mas masakit siguro para sa magulang na mawalan ng anak.
Habang maya't-maya naman ay tumatawag si Jeanne para tanungin ako kung nasaan na ba ako. Napapa-iling na lang ako sa kakulitan ng aking mga kaibigan.
Tumanaw ako sa labas ng bintana sa aking sinasakyang taxi, medyo traffic kaya mabagal ang usad ng mga sasakyan. 9 na ng gabi pero traffic pa rin.
Napansin ko naman na laging tumitingin ang driver sa salamin ng sasakyan kaya nakakaramdam ako ng kaba. Kaya nagdadasal ako na tumawag ulit si Jeanne at pagnagkataon ay sasagutin ko na ito at hindi ko papatayin ang tawag hanggat hindi ako makakarating sa bar.
Mabuti na lang at nangyari nga ang aking pinagdadasal, sinabi ko kay Jeanne na wag papatayin ang tawag para alam ko kung saan ako bababa, kahit alam ko ang lugar na pupuntahan ko ay nagkunwari akong hindi ko ito alam dahil sa takot na baka may masamang balak ang driver ng taxi.