Chapter 2

4477 Words
Chapter 2: WATCH OUT, YOU DON'T BELONG HERE VERECCA'S POV Walang pagdadalawang isip kong sinugod ang lalaking namataan kong malapit sa kinahihigaan ni Marpolo subalit bago ko pa man siya mah×mpas ay nasalag na niya ang bakal na hawak ko at ganoon na lamang din ang aking gulat ng siya ay aking makilala. Hindi sapat ang liwanag na siyang nasa aming paligid kung kaya't hindi ko agad nakilatis ang pamosong bughaw niyang buhok. Hindi ko pa rin binababa ang aking pagbabantay sa kanya habang mahigpit kong hawak ang tubong bakal. Paano niya natunton ang aming lugar? Bakit naririto siya? Maaaring may gawin siyang masama sa akin at sa aking kapatid, dapat lamang na mag-ingat ako. "Anong dahilan at naparito ka?" Tanong ko sa kanya bago pumagitna sa kanilang dalawa ni Marpolo. Tinawanan lamang niya ako kaya tinignan ko siya ng masama bago ko itutok ang aking pamalo sa kanya. "Kung gusto mo pang makita ang pagsikat ng araw bukas ay umalis ka na ngayon din." "Hindi ba ako maaaring manatili dito?" "Hindi, kung kaya't makakaalis ka na. Hindi kami tumatanggap ng panauhin." "Wala ka man lang bang nararamdamang awa? Wala akong matutuluyan, hayaan mo na muna akong manatili dito kahit na ngayon lamang. Nakikiusap ako Verecaa. Pangako ay hindi ako magiging abala sa inyo, kinabukasan din ay lilisan agad ako pabalik sa aming lupain subalit hayaan mo na muna akong manatili dito kahit na ngayong gabi lang." Nais ko mang magtanong kung anong nangyari subalit itinikom ko ang aking kuryosidad at pilit siyang ipinagtabuyan. "May nararamdaman ang aking kapatid, maaring mahawa ka sa kanyang kalagayan. Umalis ka na." Napaatras ako ng ilapit niya sa akin ang kanyang mukha at ngitian ako ng nakakaloko na siyang nagpasalubong sa aking kilay. "Pinagtagpo tayo ng tadhana... hindi mo man lang ba bibigyang pansin ang kusang-loob na ginawa nito?" "Ginoo, tulad ng aking tinuran ay..." bigla na lamang akong na-blanko sa aking dapat na sabihin, nakaramdam ako ng pagkahilo na para bang umikot ang aking paligid, gayunpaman ay nanatili akong nakatindig sa kanyang harapan. "Hindi mo mababago ang aking isipan, may nararamdaman ang aking kapatid kaya kung iyong mamarapatin ay makakaalis ka na." "Paano ka?" "Anong paano ako?" "Hindi pa rin gumagaling ang sugat na iyong natamo kanina. Sa aking palagay ay hindi ninyo nababatid ang epekto ng isang baril oras na matamaan nito ang isang tao, mababaw man o malalim ang sugat ay maaari nitong bawiin ang buhay ng isang tao." May banta sa paraan ng pananalita niya dahilan upang biglang mahawakan ng mahigpit ni Marpolo ang aking saya kahit na nanghihina pa siya, ibinaba ko ang tingin sa kanya at nginitian siya upang ipabatid sa kanya na ayos lamang ang aking lagay, ganoon pa man, ako'y nagsimulang mabahala, hindi ko masabi kung may katotohanan ba ang isinaad ng estrangherong ito o niloloko niya lamang ako para hayaan ko siyang tumuloy dito sa aming dampa. "Makakaalis ka—" hindi ko natapos ang aking sasabihin ng biglang magsalita si Marpolo. "Kung magagawa mong gamutin ang sugat ng aking ate ay maaari kang manatili rito kahit kailan mo gustuhin." "Marpolo!" Tinignan ko siya ng masama subalit hindi man lang niya binigyang pansin iyon sa halip ay nginitian lamang niya ako. "Huwag kang maniwala sa estrangherong ito, maayos ang aking lagay!" "Ayos lang din sa iyong kapatid na ako'y manatili dito." Ngiti ng Hudas dahilan upang tignan ko siya ng masama at mabilis na hin×mpas sa kanyang batok, hindi niya inaasahang gagawin ko iyon sa kanya kaya naman sa pagkakataong ito ay hindi na niya nasalag pa ang paghampas na ginawa ko. "Ate?!" Gulat na sambit ni Marpolo ngunit nginiwian ko lang siya at sinabihang magpahinga. Humanap ako ng lubid para itali ang kamay ng estrangherong aking pinatulog ngunit nang wala akong makitang lubid ay ang alambreng nakita ko na lamang ang siyang aking ginamit upang talian ang kanyang braso nang sa gayon ay masiguro kong hindi niya kami masasaktan ni Marpolo oras na magkamalay siya. Itatali ko pa lang sa kaniya ang alambreng aking nakita ng mapasin ko ang ilang mahahaba at malalalim na kalmot sa kanyang braso, halos sariwa pa ang mga ito, tinignan ko ang kanyang katawan at napalunok na lamang ako ng makita ang malalim na sugat sa kanyang tagiliran, sa aking hinuha ay sinagp×ng siya ng mabangis na hayop sa labas. Kung maliwanag lang ang paligid sana ay mabilis kong nakita ang sugat na natamo niya at sana ay nagawa ko siyang paniwalaan kaagad. Iyon ang paliwanag sa lahat ng ito, sinagp×ng sila ng mabangis na hayop na posibleng dahilan upang magkasugat siya ng ganito kalalim at mawalay sa kanyang mga kasamahan. Kung bakit nga naman kasi hindi niya agad ipinaalam sa akin? Mabilis akong tinamaan ng aking konsensya kung kaya't dali-dali kong binuhat ang walang malay na katawan niya at inihiga siya sa aking kama. Nalilito namang nakatingin sa akin si Marpolo dahilan upang mapangiti ako ng alanganin sa kanya. "May... may kasalanan ako sa k-kanya." "Kasalanan talaga ang bigla mo na lamang siyang hampasin ate." Napalunok na lamang ako bago alisin ang damit niyang may dalawang patong bago ko marahang linisin ang may kalaliman niyang s×gat, bahagya akong napatigil sa paglilinis ng sugat niya ng mapansin ko ng mas malapitan ang kaibahan niya sa amin; ang suot niyang purselas—malaking purselas na gawa sa metal, ang kwintas niyang gawa sa metal, ang makapal niyang panaklob at ang panapin sa paa na suot-suot niya, napalobo ko ang aking bibig at ipinagpatuloy na ang paglilinis ng kanyang mga sugat. Matapos ko itong malinis ay tinalian ko ng makapal na tela ang sugat niya upang matigil ang pagdugo nito, duguan ang damit niya at halos sira na rin kung kaya't ginamit ko ang damit ni Marpolo para ipasuot sa kanya, kinumutan ko na rin siya dahil lumalamig na nang lumalamig habang lumalalim ang gabi. Napabuntong hininga na lamang ako bago bumalik sa labas at ipagpatuloy ang pag-iinit ng tubig. "Kumusta ang iyong kalagayan?" Tanong ko kay Marpolo ng pumasok ako muli sa loob dahil naririnig ko na naman ang sunod-sunod niyang pag-ubo. "Gumaan na ba ang iyong pakiramdam?" Mabilis siyang umiling na siyang nagpakagat sa akin sa labi ko. Muli siyang umubo kung kaya't madali kong tinapik ang likuran niya, tulad ng kanina ay sariwang dugo pa rin ang siyang inuubo niya. Ano ba ang dapat kong gawin nito? Kailangan ay bukas na bukas din ay madala ko na kaagad si Marpolo sa pagamutan, hindi ko hahayaang tumagal pa ng ganito ang kanyang lagay. "Uminom ka muna." Inabot ko sa kanya ay may kainitang tubig, nagbakasakaling makakatulong iyon sa kanya. "Gumaan na ba ang pakiramdam mo?" Iling ulit ang kanyang itinugon kung kaya't labis na akong nabahala. Hindi ko na maisip pa ang aking dapat gawin kaya pinili kong manatili na lamang sa kanyang tabi. Sumapit na lang ang umaga ay patuloy pa rin ako sa pagbabantay sa aking kapatid, nakatulog man siya ngunit hindi ko mabatid kung tuluyan ng gumaan ang kanyang pakiramdam. Kakaayos ko lamang ng pagkakahiga ni Marpolo sa kamang kinahihigaan niya nang kuhain ko ang aking talukbong at armas upang maglibot sa labas ng aming dampa, kailangan kong humanap ng maaari naming maging sasakyan patungo sa kabilang lupain, sa aking hinuha ay hindi niya kakayaning lumakad ng ilang milya. Hindi ko mawari kung gaano ako katagal na naglibot sa paligid ngunit wala man lang akong namataan na ligaw na kabayo o kung anupaman, ang tanging nagawa ko lang ay dumagit ng aming magiging agahan. Buhat ang yabirong aking napaslang ay umiwi ako na may dala-dala sa dibdib, hindi dahil sa yabirong aking dala ngunit dahil hindi mawala sa isip ko ang kalagayan ni Marpolo, nang dumaan ako sa tahanan nina Tiya Hesmer kanina ay wala na sila roon, tuluyan na nga silang pumasok sa Kapital, hangad ko ang kanilang maayos na pamumuhay doon subalit may pagkakataong nangungulila ako sa kanila. Abot tanaw ko na ang aming tahanan ng bumagsak ako sa lupa. Napapikit na lamang ako ng maramdaman ko ang pan×nakit ng aking sugat na natamo kahapon. Inalis ko ang telang tumatakip dito at napasinghap na lamang ako ng sumirit ang dugo mula dito kung kaya't madali kong ibinalik ang pagkakatali ng tela pero bago ko pa man matapos ang pagtali ay may kamay ng umalalay sa akin. "Ganito ang tamang pagtali niyan upang matigil ang pagdurugo." Ilang beses akong kumurap habang tinitignan siya hanggang sa hayaan ko na siyang itali ang telang nagbabantay sa aking sugat. Habang abala siya sa pagtali sa aking sugat ay nagpaanod naman ako sa aking kuryosidad at marahang hinawakan ang kulay asul niyang buhok, ang tekstura nito ay katulad lamang din ng buhok ni Marpolo subalit sadyang naiiba talaga ang kulay ng kanyang buhok. Tumigil lamang ako sa aking ginagawang paghaplos sa kanyang buhok ng marahan niyang iangat ang tingin sa akin at ngitian ako. "Ano..." hindi ako makaisip ng dahilan para depensahan ang sarili ko, dumagdag pa na nagunita ko ang ginawa kong pangh×haras sa kanya kagabi. Sa huli ay sinabi ko na lamang din ang katotohanan. "...l-labis akong namamangha sa kulay ng iyong buhok." "Nais mo rin bang kulayan natin ang iyong buhok?" Napalunok na lamang ako habang sinasalubong ang kanyang tingin. Hinahanap ko ang panunumbat at galit sa kanyang mga mata dahil sa ginawa ko kagabi ngunit pawang kapayapaan lang ang nakikita ko roon. "Kulayan? Ibig mong sabihin ay kulay itim din ang kulay ng iyong buhok noon?" Marahan siyang umiling. "Ipinanganak akong kulay brown—kayumanggi ang kulay ng aking buhok—" Hindi ko na pinatapos pa ang kanyang sasabihin dahil muli kong hinawakan ang kanyang buhok saka siya tinignan sa mga mata at nginitian. "Ano..." Ano nga ba ang dapat kong sabihin?! "...nais ko pala sanang malaman mo na... humihingi ako ng tawad dahil sa naging pakikitungo ko sa iyo kagabi. Labis-labis lang ang aking pag-aalala sa lagay ng aking kapatid kung kaya't hindi ko magawang tumanggap ng isang estranghero sa aming dampa." "Nauunawaan ko, Verecca." Hindi ko mabatid kung bakit ganito ang aking nararamdaman subalit may kakaiba sa tuwing binabanggit niya ang aking pangalan o sadyang sinasamahan niya iyon ng kapilyuhan kung kaya't ganito ang aking nararamdaman. "Tama, Verecca ang aking pangalan. Subalit, ikaw? Ano ang pangalan mo?" Tumawa siya na nagpakunot sa aking noo. "I already told you about my name. Why do you have to forget that?" Natulala ako habang pinagkakatitigan siya. Nagsalita na naman siya sa wikang hindi pamilyar sa akin, isang wikang banyaga na sa palagay ko'y narinig ko na noon, hindi ko lamang matukoy kung saan at kung susumahin ito ay hindi pa rin pamilyar. "Hindi kita maunawaan." "Ohh... I'm sorry—paumanhin... pasensya na. Well—uhm... Galen. Galen Jasver ang aking pangalan." Ngumiti ako at muling bahagyang hinawakan ang kanyang bughaw na buhok. "Ikinagagalak kong makilala ka." Tinigilan ko ang kanyang buhok bago sipatin ang tagiliran niya ngunit mabilis niyang pinigilan ang aking kamay. "Nais ko lang sanang makita ang lagay ng iyong sugat. Maliban doon ay bakit nga ba naririto ka na sa labas? Halika at bumalik tayo sa loob." Saad ko at tumayo na bago muling buhatin ang yabirong aking naiuwi. Lalakad na sana ako papasok sa aming dampa ngunit naroroon pa rin siya at tulala. "Galen... ayos ka lang ba?" "Nagawa mong buhatin... ano... ikaw, ikaw ba ang nagpalit ng damit ko kagabi?" "Hindi mo ba napusuan ang damit ni Marpolo? Paumanhin ngunit kailangan kong palitan ang iyon damit kagabi, maging ang iyong pang-ibaba ay akin na ring pinalitan dahil marumi na ito. Baka lalong lumala ang sugat mo kung marumi at sirang damit ang iyong suot." Tinignan niya ang suot niyang pang-ibaba bago iangat sa akin ang paningin niya, magkahalong gulat at takot ang siyang bumagtas sa kanyang mukha na nagpapaling ng aking ulo."You mean... Verecca... y-you changed..." "Hindi na naman kita maunawaan." "Paano mo nagawa sa akin ito?!" "A-ano?" Nakaramdam ako ng kakaibang takot dahil sa bigla niyang itinuran. "You changed my clothes at parang wala lang sa iyo iyon? Alam mo bang kapusukan ang iyong ginawa." "Anong kapusukan ang aking ginawa?" Naguguluhang tanong ko sa kanya ngunit nagkibit-balikat lamang siya at inilingan ako. Gulong-gulo pa rin ako sa pinagsasabi niya, mukhang hindi naman malaki ang pasan-pasan niya kaya pumasok na ako para iluto ang agahan namin. Saglit kong sinilip si Marpolo, mabuti na lang at humihimbing pa rin siya. "N-nagawa mong buhatin iyan?" Tanong ni Galen na bigla na lamang sumulpot sa aking gilid habang inaalis ko ang balahibo ng yabiro. "May masama ba roon?" "Wala naman. I was just... ang ibig kong sabihin ay hindi ako makapaniwalang nabuhat mo ang hayop na iyan... ang laki ng isang iyan oh." Bahagya akong ngumiti sa kanya saka ko sinimulang hiwain ang katawan ng yabiro. "Kakatwa ang pagiging kakaiba mo, Galen." "What? Excuse me? Sinasabi mo bang weird ako? Verecca, look. Kung may weird man sa atin dito ay hindi ako iyon..." Napatigil ako sa aking ginagawa at salubong ang mga kilay na tinignan siya. "Ano ang iyong tinuran? Weird?" "Nevermind. Huwag mo ng alalahanin ang aking sinabi... ano, kailangan mo ba ng tulong? Ano bang dapat kong gawin?" "Manatili ka na lang doon sa loob at magpahinga nang sa ganoon ay madaling gumaling ang iyong sugat." "May sugat ka rin, Verecca." "Subalit mas bihasa ako sa pagluluto ng yabiro. Ako ang parating gumagawa nito ng mag-isa, hindi ko kakailanganin ng tulong. Kung ayaw mong mamahinga sa loob, manatili ka na lamang diyaan at magpahinga." "Bakit ang galing mong magdahilan?" Hindi ko na naman siya naunawaan kaya ngumiti na lang ako at ipinagpatuloy ang aking ginagawa. Nanatili si Galen malapit sa akin, hindi raw niya ibig na pumasok sa loob kaya pinanood niya na lang akong lutuin ang aming agahan, nagawa lang niya akong tulungan ng ihain ko na ang aming pagkain sa hapag. Sandali ko siyang iniwanan sa hapag bago lapitan si Marpolo na natutulog pa rin. "Marpolo. Marpolo. Ika'y gumising na, kailangan mong kumain upang magkaroon ka ng lakas." Tinapik ko siya ngunit ayaw naman niya akong sagutin. "Nakadagit ako ng batang yabiro, tiyak na malinamnam ang ating pagkain sa umagang ito..." napabuga na lamang ako ng hangin dahil ayaw pa rin niyang bumangon. Inalis ko ang panaklob na ipinatong niya sa kanyang sarili at ganoon na lamang ang aking pagkagulantang ng makitang naliligo na siya sa sarili niyang dugo. "M-Marpolo! Gumising ka! Marpolo!" Paulit-ulit ko siyang tinawag ngunit ayaw pa rin niyang magdilat ng mga mata. "Marpolo!" Akin siyang binuhat upang tignan ang kalagayan niya, ang dugong pumapalibot sa kanya ay mukhang nagmula sa paulit-ulit niyang pag-ubo. "Marpolo!" "Verecca, anong nangyayari dito?" Nilingon ko si Galen ngunit hindi ko alam ang aking sasabihin sa kanya hanggang sa lapitan na lamang niya ako. Hinawakan niya ang braso ni Marpolo at kinapa-kapa iyon. Salubong naman ang aking mga kilay habang nagtatakang tinitignan ang kanyang ginagawa. "Anong iyong ginagawa?" "Sinisipat ang kanyang pulso." "Pulso?" Nakakunot ang kanyang noo nang lingunin niya ako. "Hindi mo alam kung ano ang pulso?" Umiling ako bilang tugon. "Ito ang pangunahing ginagamit ng mga manggagamot upang alamin ang lagay ng t***k ng puso, para malaman kung kumusta ang lagay ng daloy ng dugo." Tumigil siya sa pagsipat sa sinasabi niyang pulso ni Marpolo at alanganing tumingin sa akin. "Kailangang madala si Marpolo sa pinakamalapit na hospital ngayon din, may kahinaan na ang kanyang pulso, kung hindi agad maaagapan ang lagay niya ay maaaring mas malala pa rito kanyang sapitin. Maaring masawi rin siya." "A-ano? Ano ang hospital?" "Pagamutan." Mabilis akong umiling at nahampas ang kamay niya nang tangkang bubuhatin niya si Marpolo. "Nasa... isang linggo pa bago marating ang hangganan ng Vinestle, maabot man namin ang hangganan paniguradong malayo pa ang pagamutan doon." "Sa hangganan?" "Oo, sa hangganan ng Vinestle... sa lugar kung saan kayo nagmula. Nang malaman ko kahapon na mga dayuhan kayo ay nabuhayan ako ng loob dahil isa lang ang ibig sabihin niyon, bukas ang hangganan ng Vinestle sa isa sa mga bansa. Nga pala, saang bansa nga pala kayo dumaan patungo rito?" "Verecca..." Naipaling ko ang ulo ko dahil sa gulat at lungkot na siyang bumagtas sa kanyang mga mata. "B-bakit?" "Kung inaakala mong mga manlalakbay kami, hindi kami mga manlalakbay. Mga kriminal kami na ipinatapon dito sa Vinestle." Kriminal na ipinatapon sa aming lupain? Hindi ko alam ang aking sasabihin kung kaya't naipikit ko ang aking labi habang nakatingin sa kanya at sinasalubong ang tingin niya. "Maliban doon ay hindi mo maaasahan ang pagbubukas ng mga hangganan ng mga kalapit bansa ng Vinestle sapagkat itinuturing nilang kaaway ang inyong bansa at ayon sa aking naaalala ay pinaplanong sakupin ng bansang Damisol, Nibera at Orando ang Vinestle... isang digmaan ang nagbabanta sa Vinestle laban sa tatlong bansa, Verecca." "Pinatuloy ka na namin sa aming dampa at ginamot ko rin ang iyong sugat. Hindi ko napupusuan ang ginagawa mong biro, Galen. Ibig kong malaman mo na kung kaya kong pumaslang ng isang mabangis na hayop, kaya ko ring gawin ang kaparehang bagay sa kapareho kong nilalang." Wala akong intensyon na gawin ang aking itinuran at magbanta ngunit tunay na hindi ako natutuwa sa kanya winiwika. Hindi pa nakakabangon ang Vinestle sa nagdaang Digmaang Pangkontinente bakit haharap na naman ang aming lupain sa panibagong sigalot. "May dahilan ang tatlong bansa para sakupin ang Vinestle. Ganitong patuloy sa pag-unlad ang inyong bansa..." "Merveviel!" "Hindi ko naunawaan ang iyong sinabi... nonetheless I am—gayunpaman, alam kong naunawaan mo ang sinasabi ko. Pagkaapak mo pa lang sa lupain ng Damisol, Nibera o ng Orando pa man, tiyak na nag-aagaw buhay ka na." "At ganoon din ang buhay na naghihintay sa amin sa Kapital!" Bulyaw ko sa kanya na hindi ko naman dapat ginawa. Naipikit ko na lamang ang aking mga mata, bumibigat ang aking kalooban dahil sa aking nalaman. Ayaw ko mang isipin subalit kahit saan ako pumunta ay tila ba wala akong mapapala. Bakit ba ganito ang kapalarang aking kinahaharap? Hindi ko pa lubos matanggap na naghihirap kami at ngayon ay malalaman kong wala akong magawa para iligtas ang aking kapatid sa nagbabadyang k×matayan niya. Huminahon ka Verecca, maaaring may ibang paraan pa ngunit hindi mo lang maisip kung ano iyon. Sa pagkakataong ito, ano nga ba ang bagay na maaari kong gawin? Kung imposibleng humanap ng lugar para magamot ang aking kapatid ang dapat kong hanapin ay taong makakaalam sa tunay na lagay niya at doon ko aalamin ang lunas sa lalong madaling panahon. "Ako'y humihingi ng paumanhin." Nakayukong saad ni Galen na siyang agad kong ikinailing. "Ako ang siyang dapat na humingi ng paumanhin, Galen." "Pero tulad ng aking isinaad Verecca... hindi ka maaaring—" "Walang akmang lugar para magamot ang aking kapatid ngunit maaari akong humanap ng taong makakatulong sa kanya." Marahan kong inayos ang magulong buhok ng aking kapatid bago siya kintilan ng halik sa noo. "Kung hindi mo mamasamain, maaari ba akong humingi ng pabor? Maaari mo bang bantayan ang lagay ng aking kapatid habang naghahanap ako ng maaaring umalam ng tunay niyang kalagayan?" "Hindi..." "G-ganoon ba? Kung gayon ay nauunawaan ko—" "Hindi ka maaaring manatili sa labas habang naghahanap ng taong titingin sa lagay ng kapatid mo. Manatili ka sa tabi niya Verecca, ako na lalabas. Babalikan ko ang naiwang mga gamit ng aking mga kasamahan, sa aking naaalala ay may dalang RayFrame si Cladin." "Galen... subalit ang iyong sugat..." "Hasa ang aking katawan sa ganitong mga sugat, huwag mo akong alalahanin. Babalik agad ako, dala ang RayFrame para makita ang lagay ng iyong kapatid. Mahihintay mo ba ako? Mas makakabuti na ikaw ang mag-aaruga sa kanya." Hindi ko alam ang dapat kong sabihin, hindi ko inaasahang handa siyang tulungan kaming dalawa ng aking kapatid. Napangiti na lang ako, nahihiya man ako ay hindi ko magawang tumanggi. "All right—uh... uhm, bago ako lumisan ay may ilang bagay lang akong ituturo sa iyo." Aniya bago ko tuluyang ihiga muli si Marpolo pabalik sa kanyang kama. "At this moment we don't have to perform CPR yet pero baka kailanganin mong gawin iyon habang hindi pa ako nakakabalik." Nalilito akong nakatingin sa kanya, hindi ko na naman direktang maunawaan ang kanyang itinuturan hanggang sa hawakan niya ang aking mga kamay at ipatong sa dibdib ni Marpolo. "Makinig kang mabuti Verecca, sa loob ng sampung segundo at wala kang maramdamang pulso ni Marpolo kailangan mo agad na magsagawa ng CPR. Ito, huwag mong kaliligtaan ang parteng ito kung saan nakapatong ang iyong mga kamay, paulit-ulit mo itong itutulak hanggang sa bumalik sa normal ang pulso niya, ganoon din ang gagawin mo kung hindi na humihinga si Marpolo. Marami pa akong ipaliwanag tungkol dito pero ito ang pinakamahalaga sa ngayon..." Hinawakan niya ang aking braso at tinignan ako sa mga mata. "Ngayon ay ituturo ko naman sa iyo ang pagkuha ng pulso," itinapat niya ang dalawang daliri niya sa aking galang-galangan. "Sa parteng ito mo mararamdaman ang pulso Verecca, gamit ang hintuturo at hinlalato ay damhin mo ang pulso, bilangin mo ang pulso sa loob ng labinlimang minuto saka mo ito—para mas maintindihan mo bilangin mo ang pulso sa loob ng isang minuto, animnapung pulso ang siyang karaniwang pulso sa loob ng isang minuto, naiintindihan mo ba lahat ng aking tinuran?" Marahan akong tumango sa kanya bago agawin ang aking braso. "Ngunit... ano ang isang minuto? Parte ba iyan ng oras? Wala kaming orasan dito at wala akong ideya kung ano nga ba talaga ang orasan, naririnig ko lamang iyon mula sa mga kawal na lumalabas mula sa kapital." "Here." Namimilog ang aking mga mata ng isuot niya sa akin ang purselas niyang gawa sa bakal. "Isa itong relong pambisig. Itong numero dito ang segundo, dito naman ang minuto at ito ang oras." Tumango-tango ako bago ibaba ang tingin kay Marpolo na unti-unti ng idinidilat ang kanyang mga mata. "Ayos ka lang ba?" Hinawakan ko ang kanyang mga kamay. "Marpolo, ano ang iyong nais? May masakit ba sa iyo?" "Masakit ang... aking dibdib ate, lalo na sa t-tuwing h-humihinga ako." "Ganoon ba? Ano..." Nilingon ko si Galen sa aking tabi na nakatingin sa aking kapatid. "Galen, nahihirapan sa paghinga ang aking kapatid? Anong dapat kong gawin?" Hinawakan niya ang kanyang baba at nag-isip. "Hindi ako isang manggagamot kung kaya't hindi ako sigurado sa maaari kong sabihin, ngunit aking isinusuhestyon na mas mainam kung dadahan-dahanin na muna niya ang kanyang paghinga." "Ganoon ba?" "Oo at higit na mas mainam kung ako'y lilisan na agad para hanapin ang RayFrame. Babalik agad ako, Verecca at higit sa lahat ay huwag mong kakaligtaan ang aking mga itinuro." Tumango ako bilang tugon. "Pasensya na subalit hindi na kita magagawang asikasuhin pa, may ilang maaaring paglagyan ng pagkain doon upang maging iyong baon. Oo nga pala, may nais akong itanong sa iyo, kumusta na ang iyong sugat?" "Like what I said earlier—ang ibig kong sabihin ay tulad kanina... huwag mo na akong alalahanin pa." Ngiti niya at inabot sa akin ang isang bote na naglalaman ng tubig, kung tubig nga ang laman niyon. "Alcohol iyan, gamitin mo panlinis ng sugat mo. Hindi iyan tubig kung kaya't huwag ka ng magtangka pang inumin iyan." "Wala naman akong planong inumin ito..." "Mabuti kung ganoon. Ako'y lilisan na, sa aking palagay ay makakabalik ako bago magdilim." Ngumiti na lamang ako sa kanya at inihatid siya ng tingin, lumisan siya na bitbit ang karamihan sa mga gamit na kanyang dala-dala kagabi ng siya ay magtungo rito sa aming dampa ng hindi inaasahan. Napabuga na lamang ako ng hangin at nilingon si Marpolo na kunot-noong nakatingin sa akin. "Gusto ko mang itanong kung bakit nangungunot ang iyong noo, mas makakatulong kung ika'y mananahimik na muna at magpagaling. Anuman ang mangyari ay hindi tayo papasok sa Kapital, alam kong magagawa mong gumaling dito sa labas." Nawala na ang pangungunot ng kanyang noo at nakatingin na lamang sa akin, nakikinig sa aking mga kinukwento at sinasabi. "At dahil nabanggit ko na rin ang Kapital, nais ko sanang ipaalam sa iyo na nagtungo ng Kapital sina Tiya Hesmer... ang kanilang buong pamilya kasama sina Isidra, Aliit, Pepra at Khasir... at syempre kasama si Tiyo Osmar. Sinubukan ko silang kumbinsihin na manatili rito sa labas pero buo na talaga ang pasya ni Tiyo Osmar, papasok sila ng Kapital at doon mamumuhay. Sana lamang ay maayos ang kanilang kalagayan kung sakaling naabot na nila ang Kapital, bukod doon, hindi mo naman siguro narinig ang aming usapan kanina ni Galen kung kaya't sasabihin ko na rin sa iyo. Hindi tayo maaaring magtungo sa mga kalapit na bansa, aking napag-alaman na isa pa lang may sala sina Galen na ipinatapon dito sa ating lupain, hindi ko pa siya nagagawang tanungin patungkol doon dahil wala ng oras pa para pag-usapan namin iyon, akin ding nabatid na nagpaplano ang mga kalapit bansa na sakupin ang Vinestle dahil sa paglago nito, siguro nga ay tunay na umaangat na ang Vinestle ngayon ngunit hindi ko pa rin nanaising magtungo tayo sa Kapital. Ikaw ba Marpolo, nais mo bang magtungo sa Kapital? Sa Evetha. Iyong isantabi ang aking mga inihayag, ibig kong marinig ang tunay mong nararamdaman patungkol sa pagtungo sa Kapital," nagakat ko ang aking pang-ibabang labi. "hindi pa nga pala mabuti ang iyong lagay, ayos lang kung—" "Gusto kong magtungo roon upang hanapin si Inay at Itay." Aniya kaya umawang ang aking labi, hindi ako nagulat dahil sa diretsong pananalita niya kung hindi, nagulat ako sapagkat wala akong kamalay-malay na nababatid na pala ni Marpolo ang tunay na nangyari sa aming mga magulang. "Ate... paano kung buhay si Inay at Itay? Paano kung kinakailangan nila ang ating tulong?" "Kailanganin man nila ang ating tulong ay hindi nila nanaisang magtungo tayo sa Kapital para lamang iligtas sila." "Ayaw mo na bang makita si Inay at Itay?" Wala akong diretsong sagot na naibigay kay Marpolo, natulala ako sa kawalan habang hinahanap ang tamang kasagutan. "Napakatagal ng panahon, nagkaisip ka na rin... sobrang tagal na mula ng mawala sina Inay at Itay, nasanay na rin akong wala sila, siguro nga ay ayaw ko na silang makita kasi alam kong wala ng pag-asa pa na makita sila. Sa pagkakataong ito ang pinakaayaw ko ay ang maging alipin tayo ninoman, ang tanging gusto ko lang ay maging malaya tayo, naghihirap man tayo ay masaya ako dahil malaya tayo." "Ate Verecca, malaya man tayo mula sa pang-aalipin ng mga tao, alipin naman tayo ng kalikasan." Sa pagkakataong iyon ay tuluyan na akong natahimik at wala ng nabitawang sagot. Hindi ko magawang salungatin ang siyang sinabi dahil kahit saan tignan ay may katotohanan ang kanyang sinaad. Sa taggutom na aming nararanasan, ang kakulangan sa malinis na tubig, ang mababangis na hayop sa aming paligid at ang pabago-bagong panahon, tunay na bihag nga kami ng kalikasan. ──────⊱◈◈◈⊰──────
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD