"Ayos ka lang ba?" Umiiyak na niyakap siya ng kaniyang ina. Nakaupo ang ama nila sa gilid at nakita niya na tahimik itong umiiyak at nagpupunas ng luha. Ang makitang umiiyak ang mga magulang ay para siyang sinasaksak ng patalim na walang katapusan. Umuwi kasi siya ng probinsya at ipinagtapat na rin niya sa wakas ang totoong pinagdaanan sa mga magulang. "Okay lang po ako, huwag niyo po ako alalahanin." Nakangiting sabi niya sa mga magulang kahit ang totoo'y durog na durog na siya. Ayaw niyang umiyak, ayaw niyang lalong masaktan ang mga magulang kaya titiisin niya ang sakit na dulot ng pagkawala ng kaniyang baby at si Ram sa kaniyang buhay. "Nalulungkot lang kami anak, dahil hindi ka man lang namin nadamayan sa mga panahon na kailangan na kailangan mo kami." Sabi pa ng kaniyang ina.

