Kabanata 6

3128 Words
"Narito lang ako." Anang boses na nagpalingon kay Rose. Naa-aninag niya sa dilim ang bulto ni Dimitri. Naninigarilyo ang lalaki at nakaupo sa bangkong kawayan habang nakasandal sa may pader ng bahay. Nang maramdaman niyang tahimik at wala nang paggalaw sa sala ay nagsimula siyang kabahan. Agad siyang lumabas ng kwarto, tahimik at malinis na sa kusina ngunit wala ang lalaki. Mabilis niyang tinungo ang pinto palabas. At dahil sa pag-atake ng nerbiyos ay hindi niya napansing nasa tabi lang ang binata. Marahil ay nagpapatunaw ng kinain o nagpapahangin. Humakbang siya pabalik, gumaan ang loob at naglaho ang takot. Kanina sa silid ay tumaas-baba ang dibdib niya sa iba't-ibang emosyong naramdaman. Nagpapadyak siyang parang bata, nakakatawa. Tunay na naiwala niya ang composure. Oo, aminado na siya. Nagseselos nga siya kay Lita. Para siyang batang inagawan ng paboritong laruan sa unang pagkakataon. Laruan? Ang laruan ay maaari mong ipahiram o ipamahagi sa iba. Hindi niya maaaring ihalintulad ang katulad ni Dimitri sa isang laruan. Ang tipo nito ay yaong kadamot-damot ibahagi sa kung sinumang babae. Ang tanong kanya ba ang lalaki? Nasa b****a na siya nang maudlot sa pagpasok sa bahay. Narinig niyang nagsalita si Dimitri. "Siguro naman maige ka na? Maaari na ba tayong mag-usap?" Unang approach iyon ng binata kaya hindi agad siya nakatugon. Sadyang nakakapanibago. Umusog si Dimitri upang bigyan siya ng espasyo na makaupo sa tabi nito. Hindi na sya nagpaligoy-ligoy pa. Walang pag-aalinlangan na inokupa niya ang pwestong binakante nito. Pinuno ng katahimikan ang sumunod na mga sandali. Pareho silang nagpapakiramdaman. "Galit ka pa ba?" si Dimitri. Marahan at sunod- sunod na iling ang ginawa niya. Para tuloy siyang batang sinesuweto at naghihintay na maparusahan. Naramdaman niya ang paggalaw ng lalaki, nagbago ito ng posisyon. Nakita niyang itinukod ni Dimitri ang mga siko sa tuhod. Nailang siya, kahit latag ang dilim ay ramdam niyang nakatitig ito sa kanya. Ang mga mata nito ay nagkulay ginto sa dilim. Mga matang mahihintakutan ang sinuman 'pag nakita itong nag-aapoy sa galit. But for her those pair are perfect indeed. Nakakalunod, at nais niyang siya lamang ang tinititigan ng mga matang iyon. "I'm sorry, I almost lost my temper." "Wala iyon." Pinitik nito ang natitirang upos ng sigarilyo. Tumingala sa langit at nagpakawala ng malalim na pag-hinga. Ramdam ni Rose na may bumabagabag sa lalaki. Sa pagkakakatitig nito kanina ay tila mayroon itong gustong sabihin. Kinakabahan tuloy siya. Ulitin kaya nito ang tanong kanina lang? Bigla ay na excite siya sa naisip. "Akala ko umalis ka uli," "Nang hindi nagpapaalam? Imposible iyon, ayaw kong mabungangaan," mabilis na tugon ni Dmitri. "Talo mo pa naman ang armalite kung magpakawala ng bala walang paltos, Iba-ibang direksiyon ang tinatamaan." Pigil ni Dimitri ang matawa nang marinig ang pag-ubo ni Rose. Mabuti na lamang at madilim naitago ang pamumula ng pisngi nito. Pinilit naman ni Rose na maging kaswal ang galaw. Nagpapasaring ba ang lalaki o nagbibiro? Iyon ba ang tingin nito sa kanya, isang bungangera? Nakakahiya sobraaaaaa! "I never seen you smoke," sa kawalan ng masabi ay iyon ang lumabas sa bibig niya. Doon na natawa si Dmitri. Alam niyang nahihiya ang dalaga kaya inililigaw ang kanilang usapin. Na-engganyo naman si Rose na pakinggan ang malagom na boses ng lalaki na nagtunog musika sa kanyang pandinig. Sa bawat araw na inilalagi niya sa poder nito ay marami siyang nadidiskubre sa binata. Hayyyy!!! Kailan ba matatapos ang assesment niya rito. "Maaari na ba akong magtanong?" "Ang tagal mo nang nagtatanong, wala pa ba akong nasasagot ni isa?" She rolled her eyes. Sasamantalahin na niya at mukhang maganda ang mood ng lalaki. Si Lita man ang maging dahilan noon ay wala siyang pakialam. Hindi niya babasagin ang magandang mood niya. Bibihira kaya ang ganitong tagpo sa pagitan nila ng lalaki. "Ganito na lang gawin nating parang laro. Para hindi mahirap sa'yo ang sumagot." "Sige." Mabilis na sang-ayon ni Dmitri. "Talaga?" Tumango siya. Hindi maitago ni Rose ang katuwaan. Mabuti naman at hindi niya kinakaya ang tantrums ng babae. Para itong inahing manok, na 'pag pumutak walang maliw. Nangiti siya ng lihim. "Okay, ganito sasabihin ko iyong salita tapos sasabihin mo naman ang iyong pakahulugan." Tumango si Dmitri. Na-excite tuloy si Rose sa mga puwedeng matuklasan pa sa lalaki. "Dmitri," simula niya. 'Ako talaga?" "Sagot na," pangungumbinse niya. "Buwitre?" sagot nito na natatawa. "Hindi ka buwetri, para sa akin leon ang kapara mo." Kumunot ang noo ng binata, naaliw sa tagpo ng kanilang laro, este usapan. Nagpatuloy siya, at bawat salitang binibitawan niya ay nasasagot naman ni Dmitri ng tama. May mga pagkakataon din na nangangailangn ng karampatang eksplanasyon ang ilan. Nagugulat siya dahil sinasagot iyon lahat ng binata. Hindi man klaro ang iba katulad ng pagkatao nito ay masaya na siyang nakikipag-palitan ito ng kuro-kuro. There's something in him. Malalim si Dmitri, matalino itong tao. Kaya hindi nakakapagtaka na nasasagot siya nito nang maayos sa tuwing kinakausap niya ito sa lengguwaheng ingles. "Pagpatay?'" "Buhay at Trabaho." Malamang ikakagulat pa ba niya ang bagay na iyon? Huminga siya nang malalim dahil ang susunod niyang salita ay paraan niya upang magkaalaman na sila ng binata. At mahalaga sa kanya ang magiging kasagutan nito. "Babae?" wika niya sabay napalunok. Natahimik si Dmitri, hindi agad nakapagsalita. Tumuwid nang upo at huminga ng malalim. Kinakabahang nilinga niya ang binata. Naghinagpo ang mga mata nila kahit na may kadiliman. "O..okay lang naman kung ayaw mong sa..." "Gambala," matigas at siguradong-siguradong sagot ni Dmitri. Si Rose naman ang natigilan. Hindi inaasahan ng dalaga na gayon ang isasagot ng lalaki. "Iyon ba ang tingin mo sa akin? Iyong tanong mo kanina habang kumakain tayo, anong ibig sabihin noon?" Lakas-loob na tanong niya. "Rose?" Wika ni Dmitri na hindi malaman kung paano magsisimula sa gustong sabihin. "Tinanong mo ako kung gusto kong maging tayo, diba?" Hindi sumagot si Dimitri. "Paano kung sabihin kong gusto kita, na gusto kong maging tayo?" May tapang na bulalas ng binata. Bakit ganoon, bakit iba ang ipinapakita ngayon ni Dmitri. Nasan ang eagerness nito kanina? Bakit sa tingin niya ay para itong nanlulumo? "Rose, isang biro lang ang lahat. Nabigla lang ako kanina." Biro? Ano kamo biniro lang siya? Anong akala nito sa damdamin niya, bato? Ang saklap naman ng pagbibiro nito, hindi nakakatawa. Gusto na niya itong bulyawan, pakitaan ng galit. Pinaglalaruan nito ang emosyon niya. Sobra siyang nasasaktan ngunit bakit umaasa siyang ang lahat ay may karampatang eksplanasyon. "It was Lita?" Hindi sumagot ang lalaki nanatiling nakamata lang. Kung ganoon ay may relasyon nga ang dalawa. Ano pa ba ang eksplanasyong gusto niyang marinig? Sinabi na nitong isang biro lamang ang lahat. Tumayo siya. Hindi maitago ang sakit ng kalooban. Ngunit kinontrol niya ang emosyon. Siya ang may sala, dahil umasa siya. Kailangan niyang ibangon ang sarili sa kahihiyang s'ya rin ang may gawa. "Pabor lang, tutal ay tumulong ka na rin lang naman, lubos-lubusin muna. Gusto ko nang makabalik ng Maynila sa malaon at madali." Hindi na niya hinintay na sumagot ang lalaki. Dali-dali na siyang pumasok sa loob ng bahay. Pigil-pigil ang luhang nagnanais na mahulog. Oh God. Mahal niya si Dmitri pero nungkang aminin niya iyon sa harap nito. Walang ibang dapat sisihin sa kabiguan niyang iyon. Hinayaaan niya ang sariling mahulog sa lalaking walang pakiramdam. Oh well, bakit niya ba pagtatakhan ang bagay na iyon. May lulugaran ba ang pagmamahal sa isang taong walang ibang nais na gawin sa buhay kundi ang pumatay. Kailangan na niyang kumilos para makauwi na ng Maynila. Isang kamalian ang lahat. Hindi siya dapat tumapak ng San Fabian. Dahil naging sanhi ito ng kanyang kabiguan. Naikuyom ni Dmitri ang mga palad. Napapamura. Inaamin niyang hindi niya naawat ang sarili kanina. Normal na madismaya si Rose dahil lumalabas na pinaglalaruan niya ang damdamin nito. Hindi siya manhid para hindi maramdaman na may nagbago na sa pagtinging inu-ukol ng dalaga para sa kanya. Alam niyang nagseselos ito kay Lita. At sa mga nangyari itong gabi ay naging mas malinaw sa kanya ang lahat. May pagtingin ang dalaga sa kanya, damang-dama niya iyon. Maging siya ay may espesyal na pagtangi sa babae. Naramdaman niya iyon sa unang pagtama pa lamang ng kanilang mga mata. Ngunit wala siya planong palawigin ang nararamdaman. Kaya hinayaan niyo itong paniwalain ang sarili na may namamagitan sa kanila ni Lita. Hindi niya hahayaang buwagin ng bumabangong damdamin ang matigas na pader na itinanim niya sa kanyang puso. Dahil wala itong lulugaran sa madilim na bahagi ng pagkatao niya. Hindi siya kapat-dapat sa pag-ibig ng babae. Mula sa likuran ay hinila niya ang nakatuping bahagi ng diyaryo sa kanyang bulsa. Pinilas niya iyon mula sa pahayagang ipinakita ni LIta. Dahil dito ay natuklasan niya ang totoong katauhan ng dalaga. Rose Montilla. Isang batang-batang batikang komentarista ng isang mabigat na estasyon at kilalang peryodiko. Kilala sa pagiging walang takot at matapang na mamamahayag. Kung saan ang pangunahing adbokasiya ay magsiwalat ng katiwalian kasama na ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa bansa. Maaaring iyon ang pakay ni Rose sa San Fabian. Ang tuklasin ang nababalot na hiwaga ng katiwalian sa bayan nila. Malaking pagkakamali ang ginawa nito. Inilagay ni Rose ang sarili sa panganib. At kailangan niyang gumawa ng agarang hakbang upang hindi humantong sa pagkapahamak nito ang kapangahasan. Kailangan niyang unahan sila Horan. Hindi dapat magtagal ang dalaga sa bayang isinumpa. Malayo pa lang ay tanaw na ni Dmitri na walang liwanag na sumisilip mula sa kanyang tahanan. Gumuhit ang pagtataka sa kanyang mukha. Hindi gawain ni Rose ang magpatay ng ilaw sa gabi lalo na at wala pa siya. Nakaamoy siya ng panganib. Inihimpil niya ang motorsiklo sa 'di kalayuan. Kinapa niya ang beretta sa tagiliran at nakiramdam sa paligid. Dahan-dahan siyang naglakad palapit Umikot siya sa likod ng bahay. Mula sa mayabong na halamananan ay nakiramdam siya. Ilang sandali pa ay may napansing siyang tumalilis mula sa dilim. "Anak ng teteng, nalagot na." Sambit niya. Natanaw niya ang isang Himax pick-up sa harap mismo ng bahay niya. Napaungol siya sa sobrang pagkadismaya. Nilukob ng pag-aalala. Humamkbang siya ng marahan, ingat na ingat na makalikha ng gahiblang ingay. Ayaw niyang mabulabog ang mga pangahas na nasa loob na ng pamamahay niya. Isang bulto ang palapit agad siyang kumubli sa malaking puno . Paglagpas ay mabilis niya itong nahawakan at napilipit ang leeg. Patay itong humandusay sa lupa. Isang anino ang nakapansin sa kanila. Sumugod ito pero mas mabilis siya. Hindi nito nagawang iputok ang hawak na baril. Katulad ng nauna ay walang buhay din itong bumagsak. Dalawang lookout pa ang itinumba niya ng walang ingay at mabilis. Ngunit wala na siyang pagpipilian kundi ang lumantad sa mga pangahas. Mapapahamak ang dalaga 'pag hindi agad siya kumilos. Maingat niyang pinihit ang seradura, kasabay noon ay ang biglang pagliwanag ng ilaw. Hustong nasa loob na siya . Mula sa likuran ay naramdaman niya ang malamig na bagay na nakatutok sa kanyang batok. Katulad ng kanyang inaasahan. "Magaling Dmitri." Si Horan na pumapalakpak. Mabalasik ang mukha. "Kahit kailan ay hindi matatawaran ang iyong pag-iisip maging pang-amoy." Dagdag pa ng lalaki. Tinanggalan nito ng mga armas si Dmitri. Senenyasan ang iba pang kasama sa loob. Marahas na hinawakan ng dalawang lalaki ang binata at sapilitang iniupo sa naroong silya at itinali ang mga kamay sa likod. "Nasurpresa ka ba sa aming pagbisita? Tingin ko ay hindi dahil mukhang kami ang labis na nasurpresa," patalak nito, habang sinulyapan si Rose sa 'di kalayuan, na nang mga oras na iyon ay hawak-hawak ni Barok. Umahon ang galit sa dibdib ni Dmitri nang mapagmasdan ang kaawa-awang kalagayan ng dalaga. May busal sa bibig. Nangingitim ang kanang bahagi ng pisngi at maaaring putok ang mga labi. May talsik ng dugo siyang nakita na nag-mantsa na sa suot nitong puting kamiseta. Nakagapos rin ang mga kamay nito. Nanlalaki ang mga mata sa takot. May butil ng luha siyang nasisilip roon. Pilit niyang hinuli ang mga mata ni Rose hanggang sa magtagpo ang kanilang mga tingin. Tinitigan niya ito ng matiim. umaasang makuha nito ang nais niyang ipahiwatig na 'wag itong panghinaan ng loob. Dahil magiging maayos ang lahat. Ang manatiling alerto at malakas. Higit sa lahat ay ang magtiwala sa kanya. "Natuto ka rin Dmitri. Marunong ka nang magtago ng laruan ngayon," angil ni Horan. "Kinakatay lang natin ang mga katulad nitong mahilig makialam sa ating mga aktibidades, hindi ba?" Nagtagis ang mga ngipin ni Dmitri. Kung ganoon ay Natuklasan na rin ni Horan kung ano ang tunay na katauhan ni Rose. Napamura siyang muli. "Sabagay hindi kita masisisi, kapara niya'y rosas. Napakaganda, mabango ngunit matinik," dagdag ng bandido. "Hindi nakapagtataka na katulad ni Baltik ay marahuyo ka rin sa kanya. Ngunit hindi ko inaasahan ang bagay na ito Dmitri." Litanya ni Horan habang hinahagod ng tingin ang dalaga. Dinama nito ang pisngi ni Rose, ngunit umiwas ang dalaga dahilan upang dumiin ang mga palad doon ni Horan. Napangiwi siya sa sakit. "Magpasalamat ka babae at wala na akong ganang paglaruan ka. Hindi ko ugaling kumain nang napaglawayan na," sambit nito. Subalit kapaki-pakinabang ka pa rin naman sa iba." Nilinga nito si Barok at ngumisi na parang aso. "Alam mo na ang gaggawin mo Barok. Regalo ko na ito sa inyo. Pagpyestahan niyo ang pangahas na babaing ito," utos ni Horan. Tumawa ang bandido, abot impyerno ang tuwa. Parang hayok na inamoy-amoy si Rose. Binalingan ni Horan si Dmitri. Nag-aapoy ito sa galit. "Hindi ko nakakalimutan ang ginawa mong pagkitil sa buhay ng ating mga kasapi. Marami kang nilabag na panuntunan sa samahan at alam mo ang karamapatang parusa roon," baling muli ni Horan kay Dmitri. Gustong masuka ni Dimitri sa sinasabi ni Horan. Anong panuntunan ang pinagsasabi nito? Walang ibang layon ang pangkat nila kundi ang pumaslang lamang. Napagibik siya nang undayan siya ng magkasunod na suntok ni Horan. Sa mukha, sa sikmura at sa iba pang parte ng kanyang katawan. Sinundan nito iyon ng malalakas na paghampas ng hawak nitong armalite. Humihingal si Horan nang matapos. "Walang silbi ang galing mo, Dmitri. Hindi ka kawalan sa grupo. Hindi ka nararapat sa pagtitiwala ng pangalawang pangulo. Kung ako lang ang masusunod ay matagal na kitang itinumba. Mabuti naman at ikaw na ang gumawa ng dahilan para tapusin ka." Nanggagalaiting turan ni Horan. Sinulyapan nito si Barok. "Alam niyo na ang gaggawin. Iligpit ang kalat pagkatapos. Iyong walang sisingaw na baho," mariing utos ni Horan. Kasunod ang iba pang mga tauhan ay lumabas na sila Horan. Ingay nang papaalis na sasakyan ang huling ingay na maririnig sa labas. Naiwan si Barok at dalawa pa nitong kasama upang siyang tumapos sa trabaho. Itinutok ni Barok ang hawak na baril sa sentido ni Rose. Naipikit ng dalaga ang mga mata tila inaantay na lamang na pumutok iyon. Naikuyom ni Dmitri ang mga kamao. Kulang na lang ay takbuhin niya si Barok at balian ng leeg. "Ibaba mo ang iyong armas, Barok. Tinatakot mo siya." Naroon ang diin sa mga salita ni Dmitri, sa kabila ng lupaypay na s'ya at duguan. "P...tang na ka Dmitri! Pinatay mo ang kapatid ko sa pagnanais na masolo lamang ang babaing ito." Inilapit ni Barok ang labi sa punong taynga ng dalaga at malisyosong dinilaan ito roon. Napakislot si Rose, pilit inilalayo ang sarili. "Kahit kailan ay madamot ka , kung tutuusin ay tira-tira mo na lamang ito. Pagbigyan mo naman kaming malawayan ang masarap na butong ito." "At nang makabawi ka naman sa pagpaslang mo kay Baltik. Tutal mukhang sulit na sulit ka naman na sa rosas na ito." Malisyosong hinimas ni Barok ang braso ng dalaga na may kasamang pagpisil. Mistula na itong hayok sa laman. Si Rose sa kabila ng takot ay nagpumiglas. "Maramot ako sa bagay na iyan, Barok. ikaw na mismo ang may sabi. Hindi ko gawain ang magbahagi ng inaari kong akin," buwelta ni Dmitri. "At wag na wag kang magkakamaling kantiin ni dulo ng daliri niya. Binabalaan kita. Hinding- hindi mo magugustuan ang gagawin ko sa'yo," dagdag ni Dmitri. Sukat humalakhak nang malutong si Barok, na animo demonyo. Maging ang mga kasama nito ay sumabay pa. "Iyan ang ang ayaw ko sa'yo Dmitri. Wala ka na ngang kakayahang lumaban ay ubod ka pa rin ng yabang. Ni hindi mo nga magawang makawala sa silyang iyan," panunuya ni Barok. "Wag kang mag-alala, magkikita rin naman kayong dalawa. Pansamantala ay magpapakaligaya na muna ako sa rosas na ito," wika ni Barok. "Idispatsa niyo na iyan at pagkatapos ko, kayo naman ang susunod." Ang hindi nawawala na ngisi sa pagkaturan ni Barok ay ikinatuwa naman ng dalawang kasama nito. Kinaladkad ni Barok ang nahihintakutang dalaga paloob ng silid. Binalingan naman ng dalawang lalaki si Dmitri na pangisi-ngisi pa. Inumang ng isa ang baril sa ulo ng lalaki. Ngunit bago nito maiputok ang hawak na baril ay mabilis ang mga kilos na nakatayo si Dmitri. Naihampas nito ang silyang kinauupuan. Nakalas na pala ni Dmitri ang sarili sa pagkakatali. Nabigla ang dalawang lalaki. Nabitawan ng isa ang armas at bumalandra. Inabot ni Dmitri ang baril nito at unang pinaputukan ang isang kasama sapul sa ulo ang tama nito Binalikan niya ang isa pa at dalawang beses na pinaputukan. Dilat ang mga matang tuluyang humandusay ang lalaki sa lapag. Mabilis na tinungo ng binata ang silid at marahas na sinipa ang pintuan. WAlang humpay sa kasisigaw si Rose at pilit na nanlalaban. Kitang-kita nito nang undayan ng malakas na kamao ni Barok ang sikmura ng dalaga. Halos wala nang maitago sa kahubdan nito, warak na warak ang kasuotan nito. Pakiramdam ni Dmitri ay umakyat lahat sa ulo ang dugo niya. Iyong daklot niya kay Barok ay awtomatikong tumama ang kamao niya sa pagmumukha nito. Hindi nakagalaw si Barok sa labis na pagkabigla . Kinubabawan ito ni Dmitri na pulang-pula sa galit. Mula sa may binti ay hinugot nito ang nakatagong balisong. At walang pag-aalinlangang mariing itinarak sa leeg ni Barok ang punyal. Sumirit ang dugo ng lalaki mula roon, ngunit ibinaon pa itong lalo ni Dmitri. Nanlalaki ang mga mata ni Barok, kasabay ng unti-unting pagkalagot ng hininga nito. Nilingon ni Dmitri ang dalaga na hindik na hindik sa mga nasaksihan. Hindi nito magawang pagtakpan ang sarili dahil sa labis na pagkasindak. Inilang hakbang niya si Rose at mabilis na kinabig at niyakap ang babae. Nahilam sa luha ang dalaga. Umalog-alog ang katawan nito nang madikit sa kanya. Hinayaan niya ang tagpo nang kung ilang minuto. Pagkatapos ay marahan niyang inalis ang busal nito sa bibig maging pagkakatali ng mga kamay. Hinubad niya ang jacket na suot at at ibinalabal sa halos hubad nang dalaga. Humahagulhol na muling yumakap sa kanya si Rose. Hindi na nito napigilan na bigyan ng boses ang pag-iyak. Hinayaan niya ang dalaga na ibuhos ang lahat ng takot at pagkasindak. Tahimik na lamang na hinagod niya ito sa buhok. Ang pag-igting ng mga bagang at paglagablab ng galit ay pirmes na naroon. Nag-uumapoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD