Chapter 8

2414 Words
CHAPTER 8: Hindi matanggap ni Sinister ang rason ng kaibigan niya. Para sa kanya, sobrang babaw lang nito para umabot pa sa puntong bibigyan siya ng sa isang trabaho sa ilalim ng isang politiko. Tila nahihiwagaan siya sa ginawang ito ni Herlene, sobrang imposible lang kasi kung iisipin dahil alam naman nito kung gaano kalaki ang galit ng dalaga sa mga tulad ni Zeldris. Sa tagal na nilang magkakilala at sa ilang ulit na rin niyang pagtanggi na makinig sa mga paliwanag na ‘hindi lahat ng politiko ay masama’, akala niya ay naiintindihan na ni Herlene na sarado talaga ang isip niya sa mga ganitong usapin. “Bakit bigla-bigla ay ginawa mo ito, Viper?” mahinang sambit ng dalaga, iyon ang tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa isipan niya habang palabas siya ng bahay. Nang tuluyan siyang makalabas ay bumaling muna ang tingin niya sa kabuuan ng bahay, dahil sa inamin sa kanya ni Herlene ay inisip na rin niya ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw lang na nakasama niya ang kaibigan. Tila hinahanap niya ang mga piraso ng alaala niya na maaring makatulong sa kanya na malaman ang sagot sa ilang mga katanungang gumugulo sa isipan niya ngayon. Naningkit na lang ang mata niya nang wala siyang makitang ano mang rason para magtulak kay Herlene na gawin iyon. Ganoon pa man, naniniwala pa rin siyang hindi ito gagawin ng kaibigan niya na dahil lang sa gusto nitong maintindihan niya ang prinsipyong palagi nitong binabanggit… tiyak ni Sinister na may kung sinong nag-utos lang sa kanya na gawin ito. O hindi kaya, may iba pang rason na nagtutulak sa kanya. May basehan kung bakit ginigiit ni Sinister na hindi gagawin ni Herlene ang isang makasariling desisyon na gaya nito. Matagal na silang magkakilala at magkaibigan, hindi naging hadlang ang pagkakaiba nila ng paniniwala para tumagal ng ganito ang naging samahan nila. Kaya masakit para sa kanya isipin na may kung ano o sino ang gustong sumira sa samahang iyon. “Hindi ako papayag na basta na lang ako susunod sa gusto nilang mangyari. Kung hindi mo sila kaya, ako ang lalaban para sa ‘yo, Viper,” muli niyang sambit. Kasabay ng pagtalikod niya sa harap ng bahay ay ang pagkabuo ng desisyon niya na aalamin niya ang totoong dahilan ng kaibigan niya, sa lagay kasing ito ay tiyak na wala itong aaminin sa kanya… mag-isa na naman nitong dadalhin ang problema na gaya ng ginawa niya nang mamatay ang kanyang ama. Kaya para maintindihan ang kilos ni Herlene, kikilos din ng sarili si Sinister. Araw sana ng pahinga niya ngayon, gusto niya sanang magkulong lang sa bahay hanggang magkaroon siya muli ng panibagong misyon galing kay Supremo. Pero dahil sa nangyari, wala sa isip niya ngayon ang salitang ‘pahinga.’ Wala hanggang hindi niya naiintindihan kung ano ang nangyayari. Ang hindi alam ng dalaga, lihim siyang pinapanood ni Herlene mula sa loob ng kanyang kwarto. Pasimple itong nakasilip sa bintana na para bang gusto niyang makita ang kaibigan sa huling sandali bago ito umalis, dahil sa wari niya... iyon na ang huli nilang pagkikita. Nang tuluyang makalakad palayo ang kaibigan niya ay nakaramdam siya panlalambot. Agad siyang napaupo sa kanyang kinatatayuan at walang tigil ang malakas niyang pag-iyak. Halos hindi na siya makahinga nang maayos habang inilalabas niya sa pamamagitan ng luha ang bigat ng nararamdaman niya. Alam niyang hindi tanga ang kaibigan niya, alam niyang hindi ito maniniwala sa sinabi niyang gusto niya lang itong tulungan na maniwala sa paniniwala niya… pero kahit alam niya iyon, wala siyang ibang masabing rason kundi iyon lang. Si Shaika ay hindi lang basta kaibigan para kay Herlene. Itinuring niya itong parang totoo niyang kapatid. Minahal niya ito nang lubos higit pa sa kanyang sariling buhay. Bukod sa kanyang ama-amahan, siya lang ang nagparamdam sa dalaga ng totoong ibig sabihin ng salitang pamilya. Labag sa loob ni Herlene ang sabihin iyon sa kaibigan niya, para sa kanya ay wala itong pinagkaiba sa pagsasakripisyo ng sarili niyang buhay… pero wala siyang ibang pagpipilian, kahit ilang beses niyang isipin ay ito lang ang tanging paraan niya para hindi ito madamay sa personal niyang problema. Alam niya na kung si Sinister man ang nasa kalagayan niya ay hindi rin nito gugustuhin na madamay siya sa misyon niya sa buhay. Wala naman siyang balak na ilihim sa dalaga ang totoong dahilan niya, pero kung sasabihin niya iyon bago pa niya magawa ang mga plano niya ay tiyak na mahihirapan na siyang kumilos na hindi madadamay si Shaika. Hindi niya lubos na kilala si Zeldris Tan, pero ang kapatid nito, kilalang-kilala niya mula ulo hanggang paa. Ang nakatatandang kapatid ng mayor ay si Zacarias Tan, siya ang mayor noon bago maupo ang kanyang kapatid ngayon. Kilala siya na mandaraya sa kahit saang bagay. Nakilala ni Herlene ang magkapatid nang minsang samahan niya ang kanyang ama sa pagdalo ng pulong sa opisina ng gobernador na dinaluhan ng lahat ng akalde ng bayan sa kanilang probinsiya. Nang matapos ang nasabing pulong, isa ang ama ni Herlene sa inaya ni Zacarias na tumuloy muna sa kanilang bahay para kumain ng hapunan, hindi nakatanggi ang kanyang ama dahil teritoryo niya ang lugar kung nasaan sila ngayon. Aminado siyang walang mali kung tatanggapin iyon ng kanyang ama, dahil alam niya na kasama na sa buhay politika na makisama sa mga kapwa niya alkalde ng kabilang bayan. Kaya hinayaan niyang dalhin sila nito sa kanilang mansyon. Maayos naman ang naging takbo ng kanilang kainan… maraming tawanan at kwentuhan ang namayani sa kabuunan ng bahay ng pamilya Tan. Isa itong masayang kainan, hanggang sa malasing na ng husto si Zacarias. Dala ng labis na pagkalango sa alak ay may nasabi siyang hindi maganda sa mag-ama… “Mayor Ruiz, sino ba ang babaeng kasama mong ‘yan?” tanong niya sa ama ni Herlene. Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Mayor Ruiz bago niya sinagot ang kausap. “Anak ko siya, Mayor Tan,” simple niyang sagot. Babalik na sana siya sa ginagawa niyang pagtapos sa pagkain, pero muli na namang nagsalita ang may-ari ng bahay, “Anak? Paano ka nagkaroon ng anak? Hindi ba’t namatay ng maaga ang iyong asawa at hindi naman kayo nabiyayaan ng anak bago siya mawala, kaya sino ang babaeng ito? Baka naman ang ibig mong sabihin ay…” Humalakhak muna ito bago itinuloy ang kanyang gustong sabihin, “Siya ang gusto mong anakan?” Agad na napatayo si Herlene dahil sa pagkabigla sa narinig. Alam niya na bahay ito ng lalaking nang-insulto sa kanila, pero hindi niya maaatim na bastusin sila nito sa harap ng ibang tao. Balak sana niyang sumagot, pero agad niyang napiligan ng kanyang ama bago va siya makapagsalita. “Ako nang bahala, anak. Tapusin mo na lang ang pagkain mo,” aniya. Pagkatapos nitong pakiusapan ang kanyang anak ay hinarap niyang muli si Mayor Tan. “Mawalang galang na, nasa harap tayo ng hapag-kainan at hindi yata tama na–“ “Ano naman kung nasa harap tayo ng mesa? Bahay ko ito at gagawin ko kung ano ang gusto ko!” singhal ni Mayor Tan. Habang masamang-masama na ang tingin ni Herlene sa alkalde ay napansin naman ni Zeldris na tumitingin na rin sa kanila ang iba pa nilang bisita. Kaya agad niyang binulungan ang kapatid, “Kuya, maraming tao, nakakahiya. Baka mamaya kumalat itong nangyari at makaapekto pa ito sa susunod mong pagtakbo,” paalala niya. Hindi siya pinansin ng kapatid, bagkus ay humigop itong muli sa hawak niyang baso ng alak. Dahil doon ay nagkaroon ng pagkakataon si Zeldris na harapin sina Herlene at Mayor Ruiz. “Pasensya na kayo, ganyan kasi talaga ang kapatid ko kapag nakakainom, wala nang preno ang bibig,” aniya. Hinarav niya rin ang ibang bisita para humingi rin ng pasensya sa kanila. “Umalis na tayo rito, papa,” aya ni Herlene. Hindi na niya hinintay ang sagot ng kanyang ama, kusa nang gumalaw ang kanyang katawan palabas ng bahay ng mga Tan. Natapos ang gabing iyon na may iniwang masamang alaala sa lahat dahil sa nangyari. Akala ni Herlene, kapag kinalimutan niya ang nangyari na gaya ng pakiusap ng kanyang ama ay matatapos na rin ang isyu niya sa bastos na mayor na iyon. Pero muli na namang nag-imbita ng salu-salo si Zacarias sa kanilang bahay noong sumunod na pagpupulong. “Pasensya na, Mayor Tan, madami pa kasi akong tinatapos na trabaho sa opisina ko at wala akong oras para–“ Agad siyang pinigil ng kausap sa pamamgitan ng pagsabay sa kanyang gustong sabihin. “Mayor Ruiz, alam ko naman na nagkamali ako at may nasabi akong hindi maganda sa ‘yo at sa anak mo. Kaya nga muli ko kayong iniimbita na kumain ulit sa bahay, gusto kong makabawi sa nagawa kong pambabastos sa inyo. Nakainom ako at inaamin kong mali ang nagawa ko. Kaya sana, pagbigyan mo naman akong itama ang nagawa ko,” pangangatuwiran ni Mayor Tan. Lubos na tumutol si Herlene sa imbitasyong iyon. Ayaw na niyang payagan ang kanyang ama na muling harapin nito ang taong iyon dahil wala naman silang mapapala kahit pa magka-ayos sila dahil nga hindi naman sila magkasama sa isang partido – walang dahilan para panatilihing maganda ang relasyon nila sa isa’t isa. Kaya lang, kahit anong gawing tutol ng dalaga ay sumama pa rin ang mayor, wala rin siyang nagawa kundi ang sumama dahil hindi niya kayang pabayaan mag-isa ang ama niya na pumunta sa bahay ng isang gaya ni Mayor Tan. Gaya ng ipinangako ni Zacarias, hindi na nga naulit ang nangyari. Natapos ang salu-salo na iyon na walang nangyaring gulo, ni hindi nga uminom ang alkaldeng nag-imbita sa kanila… tunay na ipinakita niyang ayaw na rin niyang maulit ang ganoong gulo. Pero sa kabila ng kabaitang ipinakita ng pamilya Tan, hindi kumbinsido si Herlene na tapos na nga ang lahat… dahil iba ang nararamdaman niya sa mayor na iyon. “Papa, hindi ko talaga gusto ang Mayor Tan na iyon. Sana sa susunod na mag-imbita iyon ay huwag na kayong sasama. Halata namang nakipag-ayos lang siya para maulit niya ‘yung nagawa niya, eh,” ani Herlene. Nasa loob sila ng opisina ni Mayor Ruiz, nakatayo siya sa harap ng kanyang ama habang abala ito sa pagbabasa at pagpirma ng ilang papeles. May ngiti sa labi ang ginoo nang harapin niya ang dalaga. “Anak, huwag kang masyadong mag-iisip ng ganyan. Nakita mo naman na walang ginawa sa atin si Mayor Tan, inamin niyang nagkamali siya at bumawi lang siya sa mali niyang iyon. Nag-iimbita siya ng ganoong salu-salo dahil gusto niya lang ding makipagkaibigan sa kapwa niya alkalde ng bayan, wala akong nakikitang masama sa ginagawa niya.” “Pero, Papa–“ Hindi na niya naituloy ang kanyang gustong sabihin nang ingangat ng kanyang ama ang kanang kamay nito para pigilan siya sa ano mang gusto niyang sabihin. “Herlene, ginagawa ko ito hindi dahil nagpapauto ako sa pagpapakitang tao niya, kilala ko siya at alam ko kung ano ang binabalak niya kaya ginagawa niyang mang-imbita ng mga gaya ko na mataas ang posisyon. Hindi magagawang itago ng ngiti niya ang mga tiwaling nagawa niya at ang baho ng totoo niyang ugali. Pero, anak, mas maigi nang magbulag-bulagan tayo kaysa lumikha pa tayo ng gulo. Iba ang gusto niyang marating sa gusto kong gawin, kaya hayaan mo na lang siya. Mahalaga ay wala na siyang nagawa sa atin ulit,” paliwanag niya. Natahimik na lang si Herlene nang sabihin iyon ng kanyang ama, umasa at naniwala siya rito na ayos lang ang lahat at dapat na iyong kalimutan. Hanggang sa dumating ang araw ng eleksyon, doon naisip ni Herlene na bahagi ng paghahanda ang ginawa ng kanyang ama sa bagay na pakikisama nito kay Zacarias. Pero bago pa matapos ang eleksyon, isang kagimbal-gimbal na krimen ang nangyari… pinatay ang ama ni Herlene. Isa lang ang bagay na dapat gawin ni Herlene matapos ang nangyari… ang maghiganti. Hindi na niya kailangan pang alamin kung sino ang may gawa nito sa kanyang ama, dahil tanging si Mayor Zacarias Tan lang naman ang taong nakaalitan ng kanyang ama. Kaya hindi na siya nasayang pa ng pagkakataon, agad niyang hiningi ang permiso ng Dark Knight na patayin ang politikong pumatay din sa tatay niya. Sinabi niya sa organisasyon ang nalaman niya na maaring rason bakit pinatay ang papa niya, ito ay dahil magka-partido ang kalaban ng kanyang ama sa posisyon bilang alkalde at si Zacarias. Pinatay nila ang ama ni Herlene para siya ang siguradong makakuiha ng posisyon, isang malinaw na patunay na latak din sila ng lipunan. Dahil doon, agad siyang pinayagan ng organisasyon na pagbayarin ang nang-abuso sa kanya, dinamay na rin niya ang alkalde na kasabwat nito. Buong akala ni Herlene ay malinis ang naging pagligpit niya sa dalawang politikong iyon… pero nitong mga nakaraang araw lang ay may nakarating sa kanyang balita na isa siya sa pinagbibintangan ng partido ni Mayor Tan na maaring may pakana ng pagkamatay nito. Kaya bago pa man malaman ng kabilang partido na siya nga ang may pakana ng pagkamatay ng dalawang kasamahan nila ay kailangan na niyang unahan ang mga ito. Ang totoo, hindi niya pa alam kung paano niya mailalayo ang sarili niya bilang suspek, pero ang unang bagay na pumasok sa isip niya ay ang kaligtasan ni Sinister… siya na lang ang nag-iisang pamilya at kaibigan ni Herlene. Hindi siya takot mamatay at alam niyang ganoon din ang kaibigan niya. Pero hindi niya gugustuhing madamay ang nag-iisang taong mahalaga sa kanya sa personal niyang problema. Kaya para maiiwas si Sinister, kailangan niya si Zeldris para maprotektahan ito. Alam ni Herlene na kahibangan at walang punto ang ginawa niya, pero nagbabaka sakali siya na maaring maging daan ang pagpasok ni Sinister sa buhay ni Zeldris para magkaroon sila ng espesyal na pagtitinginan sa isa’t isa… sa paraang iyon lang niya tuluyang mailalayo ang kaibigan niya sa gulong pinasok niya. Sa kabila ng ginawa ni Zacarias sa kanyang ama, nananatili pa rin kay Herlene ang paniniwala na hindi lahat ng politiko ay masama. Nakikita niya kay Zeldris na pareho ito ng kanyang ama, malinis nitong nakuha ang kanyang posisyon kaya sapat nang dahilan iyon para sa kanya niya ipagkatiwala ang buhay ng kaibigan. Hindi kailangan ni Sinister ng proteksyon, pero sa ikapapanatag ng loob niya ay ito ang pinili niyang gawin… bago pa man may masamang mangyari sa kanya, masiguro manlang niya na nasa mabuting lagay ang dalaga. “Sana mapatawad mo ako, Shai.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD