CHAPTER 4: ASSASINATE THE ASSASIN
Habang nasa bingit na ng kamatayan ang lalaking unang nagtangka sa buhay ni Mayor Tan, wala pa rin siyang ideya kung paano niya matatakasan ang dalawang taong may balak na masama sa buhay niya. Pareho silang nakaharang sa pintuan na nag-iisang daan para makalabas ng kwarto, habang ang bintana naman ay malayo sa pwesto niya. At kahit pa malapit lang siya rito, imposible rin ang pagtalon mula sa kwartong kinaroroonan niya. Samakatuwid wala siyang ibang puwedeng gawin ngayon kundi abangan ang susunod na mangyayari.
Hindi gumagalaw ang lalaki dahil nakatutok pa rin sa kanya ang bunganga ng baril ni Sinister. Hindi niya kilala ang dalaga, pero alam niyang hindi ito nagbibiro sa ginagawa niyang pagtutok. Hindi man sabihin ng dalaga kung sino siya o ano siya, halata niya naman kung ano ang sagot sa mga iyon at alam niya rin naman ang pakay nito sa Mayor.
Lumikot ang mata niya na para bang naghahanap ng bagay na maaring magamit niya para makalaban kay Sinister. Napangisi na lang ang dalaga dahil alam niya kung ano ang iniisip ng lalaking kaharap niya. At kung ano man ang binabalak nito, tinitiyak niyang hindi siya nito maiisahan… lalo pa ngayon na madami siyang gustong itanong sa lalaking kaharap niya.
“Hindi naman tayo dapat humantong sa p*****n, kung simula pa lang ay nakipag-usap ka na. Sino ka, bakit gusto mong patayin ang Mayor?” tanong ni Sinister.
Bumalik ang tingin ng lalaki sa kanya, puno ito ng pagtataka sa kanyang ekspresyon dahil sa pagkanunot ng kanyang noo. Bahagya ring nakaawang ang kanyang bibig dahil doon siya humihinga, tila habol niya ang kanyang hininga dahil sa naging stunt nilang dalawa ng kanyang kaharap.
“Kapag sinagot ko ang tanong mo, para ko na ring ibinalato sa ‘yo ang buhay ko. Huwag kang magdesisyon na parang kaya mo na akong patumbahin, hindi mo ako kilala,” matapang na sagot ng lalaki.
Sa halip na ngumisi, lalong sumeryoso ang mukha ni Sinister sa kanya. Naging paraan ang sagot ng lalaking kaharap niya para isipin niyang mabuti kung sino ba talaga ito. Hindi niya kilala ang bawat mukha ng mga taong kasali sa organisasyon, lalo na kung ito ay isang ordinaryong assassin lang. Pero kung ikukumpara ang paraan ng pagsagot nito sa kanya, may kutob ang dalaga na maaring konektado nga sa kanilang grupo ang lalaking ito.
Naningkit ang mata ng dalaga sa kanya. “Kung ganyan kabastos ang pagsagot mo, malamang ay hindi mo rin ako kilala. Makinig ka, alam ko naman na pareho lang ang pakay natin sa lalaking ‘yan. Bakit hindi na lang tayo magkasundo na hati tayo sa tagumpay ng pagkamatay niya? Tutal, tayo lang namang dalawa ang narito at walang ibang taong nakakaalam na dalawa tayong nakasama ng Mayor nang araw na mamatay siya. Ibig sabihin, malinis ang plano,” suhestiyon ni Sinister.
Hindi alam ni Sinister kung may ibang organisasyon bukod sa Dark Knight na nagpapatupad ng pagpatay sa mga masasamang politiko na kagaya ni Zeldris Tan. Pero hindi iyon ang iniintindi niya ngayon, mas gusto niyang mapatunayan sa sarili niya at sa mga tao sa labas ng kwartong ito na siya ang pumatay sa mayor na kasama nila ngayon sa loob. Matagal na siya sa uri ng trabahong ito, at ni minsan ay hindi pa siya pumalpak sa mga taong inuutos sa kanyang ipapatay. Kaya para sa kanya, parang pagtapak na rin sa pagkatao niya kung hindi niya magawa ang misyon niya ngayon.
Isang tawa ang lumabas sa bibig ng lalaking kaharap niya, isang nakakainsultong tawa at tila wala itong pakialam kung nananatiling nakatutok sa ulo niya ang baril ng kalaban. “Isa kang mamamatay-tao pero nakikiusap ka sa kalaban na maghati kayo sa tagumpay? Ganyan ka ba talaga ka-desperada? Gaano ba kalaki ang patong sa ulo ng mayor na ito para makipag kasundo ka sa akin ng ganyan?” hindi makapaniwalang tanong nito sa kausap.
Lalong nakaramdam ng pagkulo ng dugo si Sinister nang umiling-iling pa ang lalaking kaharap niya. Wala siyang pakialam sa kung ano ang gusto nitong isipin tungkol sa kanya, pero dahil ito ang unang beses na may nakatapat siyang gaya niyang pumapatay ng politiko ay pakiramdam niya nasasapawan na siya. Hindi niya matanggap na may iisang tao sa mundo na tinatrato siyang isang baguhan. Wala rin siyang pakialam kung kilala siya o hindi ng lalaking ito, pero dahil sa inis niya ay maaring mauna na niyang patayin ito bago pa ang mayor.
Sa parteng iyon, lalo uminit ang ulo ni Sinister. Alam niyang gumagawa lang naman ng paraan ang lalaki na asarin siya nang sa ganoon ay mawala siya sa kontrol at magawa nito ang gusto niyang pag-agaw sa hawak niyang baril. Kaya kahit na galit, sumagot pa rin siya ng kalmado. “Hindi ako desperada, nag-aalala lang ako sa sa ‘yo… sayang naman kung huling misyon mo na ito,” aniya.
Sa halip na muling matawa, nanlaki ang mata ng binata sa kanyang kausap. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakaramdam siya ng pangingilabot sa paraan ng pagsasalita ng babaeng kaharap niya. Para bang sa puntong iyon ay hindi talaga ito nagbibiro sa gusto niyang mangyari. Napalunok na lang siya habang nag-iisip ng panibagong paraan para maisahan ang kaharap.
“Salamat sa pag-aalala, pero hindi ko ‘yan kailangan,” mahina niyang sagot.
Habang abala silang dalawa sa pagtatalo at pamimilit sa isa’t isa na magbigayan o magkasundo na lang, nananatiling nakaupo ang mayor sa sahig. Dahil sa ilang minuto na ang nakalipas at nag didiskusyon pa rin ang dalawa ay nagkaroon na siya ng pagkakataon na makahinga ng maluwag. Wala rin siyang ideya kung paanong nangyari na dalawang assasin ang gustong pumatay sa kanya ngayon, hindi niya rin alam kung sino sa mga naging kalaban niya sa politika ang maaring nag-utos sa dalawang ito… pero isa lang ang tinitiyak niya… magagamit niya ang isa sa kanila para labanan ang isa at makatakas siya sa bingit ng kamatayan.
Papalit-palit ang tingin ng mayor sa dalawang taong nakatayo sa harap ng pinto, tila sa tingin na lang niya pinagbabasehan kung sino sa kanila ang pagtitiwalaan niyang pumatay sa isa para makatakas siya. Sa totoo lang, hindi naman ganoon ka-importante kung sino ang mas malakas sa dalawa, dahil sino man ang manalo o mamatay ay wala na siyang pakialam pa roon… ang gusto niya lang malaman ay kung sino ang mas madaling bigyan ng rason para labanan ang isa pa.
“Sa ginagawa ninyong pagtatalo, lalo n’yo lang pinapatunayan sa akin na pareho kayong walang kakayahan na pumatay ng isang inosenteng kagaya ko,” singit ng mayor sa pagitan ng pagtatalo ng dalawa.
Agad na bumaling sa kanya ang tingin ng dalawang assasin na kanina lang ay halos magpatayan na sa titig sa isa’t isa. Pero ngayong narinig nila ang sinabi ng mayor na dahilan ng pagtatalo nila, tila iisa na lang ang nasa isip nila ngayon… hindi na importante ang magkasundo sila, kailangan lang ay mapatay nila ang lalaging nakaupo sa sahig. At kapag humarang ang isa pa, idadamay na ito sa pagpatay.
Nagkaroon ng pakiramdaman ang tatlong tao na nasa loob ng silid na iyon. Tila pare-pareho nilang sinusukat ang magiging susunod nilang hakbang papunta sa plano nilang gawin. Nakatulong din ang sinabi ng mayor para mabuhayan ng dugo si Sinister, ngayon ay mas lalo lang siyang binigyan ng target niya ng dahilan para lalo niya itong patayin.
Tila alam ng parehong assassin na malapit na muling lumipas ang isang minuto na pakiramdaman nila. Kaya hindi na sila nag-aksaya pang muli ng oras. Mabilis na kumilos ang lalaking assassin para agawin kay Sinister ang baril na hawak nito, plano niyang pagmukhain na wala nang bala ang hawak niyang baril at itukoy lang ang atensyon niya sa hawak na baril ng kalaban niya. Sa ganoong paraan ay mailalayo niya ang isip ng dalaga sa baril niya at makukunan niya pa ito ng armas laban sa kanya.
Mabilis ang pagkilos ni Sinister para ilayo ang kanang kamay niya sa lalaking kaharap niya. Sa kilos pa lang ng kalaban, alam na niya kung ano ang pinaplano nito. Kaya ang kailangan na lang niyang gawin ay pagmukhaing wala siyang alam sa ideya nito. Kahit na ang totoo, pagpasok pa lang ng silid na ito ay nagawa na niyang bilangin ang ginawang putok ng binata laban sa kanya, samakatuwid ay nalaman na niyang may bala pa ito. Dahil walang assassin na papasok sa isang laban na hindi handa.
Nauwing muli ang agawan nila ng baril sa paggulong sa sahig. Nasa ilalim si Sinister habang nasa ibabaw lalaki. Siya ang unang nawalan ng balanse kaya napunta siya sa ibaba, at sa pangyayaring ito ay nagkaroon ng mas mataas na pagkakataon ang lalaki na maisahan siya at maagaw ang baril sa kanya.
Pero hindi siya nagpatalo, sa mismong pagbagsak niya sa sahig ay s’ya rin namang iwas niya sa hawak niya sa bandang itaas niya. Habang ginagawa niya ito ay nagkaroon siya ng pagkakataon na kontrolin ang kilos ng lalaki – tiyak niyang susundan nito ng tingin ang kamay niya. Kaya kinuha niya ang pagkakataon na iyon para mabilis na gamitin ang kaliwa niyang kamay para masuntok ang lalaking sa kanyang panga.
Hindi naging sapat ang isang suntok na iyon, dahil ang tanging bagay lang na naidulot ng ginawa ni Sinister ay iiwas ang tingin ng lalaki sa kanya sa kaliwang direksyon nito. Pero hindi pa na naman nakakabawi ang lalaki, kaya nasa kanya pa rin ang pagkakataon na dagdagan ang ginawa niyang pag-atake. Sunod niyang ikinilos ng kanang kamay niya na may hawak sa baril, saka niya ito ginamit para muling puruhan ang lalaki. Sa puntong iyon, tuluyang nawalan ng balanse ang lalaki at nakatakas na siya rito.
Hindi akalain ng lalaking kalaban niya na magagawa ni Sinister ang ganoong kilos, kaya hindi niya nadoble ang pag-iingat niya sa oras na nagawa niya itong pigilan sa pagdagan niya rito. Aminado siyang minaliit niya ang lakas ng kalaban niya, pero ngayong may ideya na siya kung hanggang saan ang lakas at kaya nitong gawin ay hindi na siya muling papayag na maisahan siyang muli nito.
Nang makatakas sa pagkakadagan sa kanya ay mabilis na gumulong palayo si Sinister sa lalaki. Hindi magandang ideya ang tumayo siya malapit sa lalaki dahil alam niyang may kaya rin itong gawin na hindi niya inaasahan, mas mabuti na ang maging maingat.
Pagkatapos ng ilang gulong ay humarap muna ang dalaga sa lalaki na ngayon ay handa na rin para tumayo. Mabilis siyang muli para kumilos na makatayo bago siya maunahan nito. Sa pagtayo niya ay kasabay naman nito ang pagtutok niya ng baril sa kalaban. Pero hindi niya inasahan na nagkamali siya sa pagkalkula ng tinayuan niyang pwesto. Bago pa niya maiputok ang hawak niyang baril ay naunahan siya ng lalaki sa ginawa nitong pag-inat ng binti niya papunta kay Sinister, dahilan para mawalan muli siya ng balanse.
Hindi rin naging sapat ang ginawa ng lalaki para mapuruhan siya. Naging daan pa nga iyon para magkaroon siya ng pagkakataon na paputukan ang binata. Agad na umiwas papunta sa kanan ang lalaki, nakatayo si Sinister at inulit ang putok. Kaya lang ay nakagulong ang lalaking dahilan para muli niyang maiwasan ang balang pinakawalan niya.
Sa pagkakataong iyon ay nakadampot ng bagay na maaring ibato ang lalaki laban kay Sinister. Sa oras na makita ng dalaga ang balak ng kalaban ay mabilis siyang yumuko, dahilan para tumama lang sa pader ang bagay na inihagis nito.
Sa takot na madamay ni Zeldris sa ginagawang pag-aaway ng dalawang assassin ay mabilis siyang gumapang palapit sa pinutuan. Takot at nababahala man sa kahahantungan niya ay nilakasan niya pa rin ang loob niya para makalabas sa kwarto. Sa paniniwala niya ay ito na ang tamang pagkakataon para samantalahin ang pagtakas, dahil ito naman talaga ang plano niya simula pa lang.
Isang kama lang ang pagitan ni Sinister at ng kalaban niya. Kahoy ang pinaka kinalalagyan ng kutson at walang paraan para barilin nila ang isa’t isa sa ilalim, dahil kapag ginawa nila iyon ay para na rin nilang itinuro kung saan sila banda nagtatago. Kaya ang tanging paraan lang ay magbarilan sa itaas na bahagi ng kama. Pero nakakadalawang putok na sila ay wala pa ring tinamaan ang isa man sa kanila.
Sa puntong ito ay naglalaro na sa isip ni Sinister na hindi rin basta-basta ang lalaking kaharap niya, magaling at madulas din ito. Kung hindi siya ang kaharap nito, maniniwala siyang matatakasan nito ang sino mang makalaban nito. Hindi niya itatanggi na hanga siya sa galing ng kanyang kalaban.
Wala ng muling nagtangka na magpaputok sa kanilang dalawa, tila pareho nilang alam na nagsasayang lang sila ng bala kung hindi naman nila alam kung nasaan ang target nila. At doon ay sabay nilang napansin ang balak ng mayor na takasan sila…
Dalawang putok ang tumama sa door knob ng pinto bago pa lumapat doon ang kamay ni Zeldris. Muli na naman siyang napaupo dahil sa gulat sa nangyari. Takot na takot siya nang isandal niya ang likod niya sa pinto. Walang ibang bagay sa pwesto niya na maari niyang pagtaguan, kaya ang tanging bagay lang na ginawa niya ay itago ang sarili sa kanyang dalawang kamay.
Umiiyak ito at nagmamakaawa. “Pakiusap! Huwag ninyo akong patayin!” ani Zeldris sa pinaka malakas na boses na kaya niya. Totoo ang pakiusap niyang iyon, dahil alam niya na wala nang ibang makakapagligtas sa buhay niya kundi ang sarili niya lang.
“Hindi ko alam kung bakit n’yo ako gustong patayin, pero nakikiusap ako… huwag n’yong itutuloy ang balak ninyo at kakalimutan kong nangyari ito!” sabi pa niya.
Sa mga oras na nagmamakaawa siya ay pareho nang nakatayo sina Sinister at ang lalaking gaya niyang may tangka ring patayin ang mayor. Sa dami ng politikong napatay ng dalaga, hindi na bago sa kanya ang gaya ng ginagawa ng mayor na kaharap niya ngayon… lahat naman yata – kapag nasa kamay ng ibang tao ang buhay mo – ay magkakaawa rin na huwag mo siyang patayin. Walang talab sa kanya ang ganoong mga pakiusap, dahil bago pa man niya gawin ang trabaho ay nakasaksak na sa isip niya na dapat lang mamatay ang mga gaya ni Mayor Zeldris Tan.
Ang kaso lang, hindi niya iyon magawa ngayong may lalaking humahadlang sa kanya na tapusin ang trabaho niya. Hindi niya maaring hayaan na mapunta ang buong atensyon niya sa mayor habang buhay at nakakagalaw pa ang kalaban niya. At alam din niyang pareho lang sila nito ng iniisip, dahil pareho lang din silang nakatutok lang ang baril sa mayor na nagtatangkang takasan ang kapalaran niyang mamatay.
Hanggang sa bigla na lang kumilos ang kamay nilang dalawa para tutukan ang isa’t isa. Nakatayo sila at isang kama lang ang pagitan, kung sakaling mang makalabit nila ang gatilyo ng hawak nilang baril ay tiyak na ang tama nito sa katawan ng biktima. Pero wala ni isa sa kanila ang nakaramdam ng takot sa pagtutok ng baril sa isa’t isa.
Pareho silang may seryosong tingin sa isa’t isa… pareho silang walang pag-aalinlangan na iputok ano mang oras ang hawak nila… tanging pagkakataon na lang ang hinihintay nila para gawin iyon.
“Kung ako sa ‘yo, susuko na ako. Tanggapin mo na lang na ako ang nauna sa ‘yo rito at ayokong makipaghati sa 'yo. Pinaghirapan ko ang pagpunta ko rito, sino ka naman para humiling ng bagay na sa ‘yo lang pabor?” sabi ng lalaki, seryoso pa rin ang tingin niya sa dalaga.
Gaya ng binata ay hindi rin inalis ni Sinister ang pagkakatutok niya ng baril sa kaharap na lalaki. Marami na ang nasasayang niyang oras sa misyong ito, naiinip na siya sa katapusan ng trabaho niya. Alam din niya na hindi talaga magpapadaig ng ganoong kadali ang lalaki, dahil may punto naman ang bagay na sinabi nito… masyado niyang minaliit ang kaalaman at kakayahan nito kaya napunta siya sa ganoong uri ng kasunduan. Hindi manlang niya naisip na maaring mag matigas ang lalaki.
“Bakit naman ako susuko kung kaya naman kitang isama sa mayor na ito sa hukay? Huwag mong isumbat sa akin ang hirap mo, dahil wala ka namang ginalaw sa mga tauhan ng mayor… kalalaki mong tao, napaka duwag mo,” sagot ni Sinster.
Isang ngisi ang lumitaw sa labi ng lalaki. Hindi niya akalain na iyon ang bagay na papansinin sa kanya ng dalaga. Aminado siyang dumiretso lang siya ng pasok sa kwarto kung nasaan ang mayor, at magkaiba ang paniniwala nila tungkol sa bagay na sinasabi ni Sinister.
Kahit sa puntong ito, wala pa ring gustong magpadaig sa kanilang dalawa.