CHAPTER 6:
Pagkatapos ng mga nangyari kahapon, pahinga ang agad na hinanap ng katawan ni Sinister. Hindi ito dahil sa napagod siya sa pakikipaglaban o sa kung ano pa mang ginawa niya, kundi masyado siyang kinain ng kanyang sistema; tila nanlalambot ang buo niyang katawan na para bang isang malubhang sakit ang nakuha niya kahapon. Wala siyang lakas ng loob ngayon na lumabas ng kanyang bahay… hindi ganoon kadali para sa kanya ang kalimutan na lang ang mga nangyari.
Hindi naman masama ang balak niyang magkulong muna sa bahay niya, dahil kung tutuusin ay pahinga naman na talaga niya. Napunta lang naman sa kanya ang ganoong misyon dahil hiniling ng kaibigan niyang si Herlene na siya na ang gumawa ng misyon na dapat ay kaibigan niya ang gagawa. At dahil nakasalubong niya si Three, napilitan siyang makipagpalit ng trabaho dahil sa naengganyo siyang malaman kung totoo ba na hindi basta-basta ang nasabing mayor – isang bagay na hindi niya alam kung dapat ba niyang pagsisihan.
Kung may sisisihin man siya, ito ay hindi ang kaibigan niya. Walang kinalaman si Herlene sa mga nangyari, at kahit pa kasali siya sa isang pangyayari at nagkaroon ito ng problema… hindi niya kayang sisihin ang pinaka matalik niyang kaibigan.
Sa pagmulat ng mata ni Sinister, paggising niya kinabukasan, si Herlene ang una niyang naalala… napatulala siya sa kisame ng kanyang kwarto na tila ba iniisip niya kung ano ang maaring nangyari kahapon kung sakaling hindi nito tinanggap ang hininging pabor ng dalaga. Hanggang sa nakabangon siya, buntong hininga na lang ang lumabas sa kanyang bibig. Dahil wala na ring saysay kung iisipin niya ito ngayon.
Isang tunog ng tawag mula sa kanyang cellphone ang tuluyang nagbigay kay Sinister ng rason para tumayo na sa kanyang kama. Isang buntong hininga na naman ang lumabas sa kanyang bibig nang mabasa ang pangalan ng kaibigan niya sa screen. Hindi pa man niya ito sinasagot ay alam na niya kung ano ang kailangan nito…
Kaya nang sagutin niya ang tawag ay hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa, agad niyang sinimulang ipaliwanag ang buong nangyari, “Hindi ako ang gumawa ng misyon na ipinasa mo sa akin. Ang nangyari kasi–“
Hindi niya nagawang tapusin ang bagay na gusto niyang ipaalam sa kausap nang bigla itong sumingit. Magiliw ang boses ng dalaga na nasa kabilang linya, tila may kung anong nangyari na sabik siyang ipaalam sa kausap.
[Shai! Binigyan ako ng isang kaibigan ko ng ticket para sa concert ng paborito kong banda. Dalawa ito, kaya puwede kang sumama!] ani Herlene, bakas sa kanyang boses ang sobrang saya sa kanyang ibinalita.
Hindi kaagad nakaimik si Sinister, lalo lang natikom ang kanyang bibig dahil hindi niya kayang pantayan ang sigla ng kausap. Sa tono ng boses nito, halatang wala na itong pakialam sa naging usapan nila kahapon. Hindi na niya gusto pang malaman kung nagawa ba ito ng kaibigan niya o may naging problema ba.
Muling naupo si Sinister sa kanyang kama nang magdesisyon siyang sumagot, “Bakit kailangang kasama ako? Hindi ko nga kilala ang bandang sinasabi mo,” bagot niyang sagot.
Si Herlene ang tipo ng assassin na may masayang buhay sa labas ng kanyang maduming trabaho. Maaring masabi na ito ang kinaganda na isang normal na tao ang nagpalaki sa kanya, bagaman isang politiko ang kanyang ama-amahan ay hindi ito naging hadlang para lumaki siyang nagagawa niyang tamasahin ang masayang buhay ng isang simpleng dalaga na gaya niya. Nagagawa niyang gumala at mamili ng mga damit na gusto niya, kausapin at kaibiganin ang mga taong gusto niya, at higit sa lahat… hindi siya nakulong sa madilim na mundo ng kanyang trabaho.
Malayong-malayo ito sa naging buhay ni Sinister, na mula bata pa lang ay nakatatak na sa kanyang isipan na ang tanging gagawin niya lang sa buhay ay pumatay ng mga masasamang politiko. Hindi niya narasanan ang mga nararasanan ni Herlene, kaya sa tuwing mag-aaya ito ng mga ganitong okasyon ay panay tanggi lang ang kanyang ginagawa… dahil ramdam niyang hindi siya bagay sa mundong gaya ng ginagalawan ng kaibigan niya.
[Pupunta ka sa ayaw at sa gusto mo! Huwag mong hintayin na ako mismo ang sumundo sa ‘yo riyan sa bahay mo, Bessy,] banta ni Herlene sa kanya.
Isang buntong hininga ang muling narinig sa bibig ni Sinister, bagay na nagbigay ng rason sa kaibigan niya para matawa ng mahina. Alam niyang si Herlene ang tipo ng taong hindi marunong tumanggap ng pagtanggi… gagawa at gagawa ito ng paraan para mapapayag ang taong pinipilit niyang sumunod sa gusto niya.
Panakot niya kay Shaika ang tungkol sa pagbisita nito sa bahayDahil ayaw na ayaw ni Shaika na may ibang tao na aapak sa lugar kung saan siya nakatira kahit pa si Herlene o ang Supremo pa ito. Sa paniniwala niya, ang buong mundo ay lugar kung saan maaring mapuntahan ng kahit na sino… at tanging ang bahay niya lang ang maari niyang matawag na kanya at tanging lugar na masasabi niyang hindi mapupuntahan nino man. Ito ang nagsisilbing sarili niyang mundo, kaya hindi niya pinahihintulutan ang sino man na pumasok dito.
“Sige na, hintayin mo na lang ako,” walang buhay na sagot ni Sinister sa kausap. Halata sa kanyang boses na napipilitan lang talaga siya, at aminado naman siyang nako-kontrol ni Herlene ang buhay at desisyon niya.
Isang malakas na tili ang naging sagot ng dalaga mula sa kabilang linya. Bagaman inaasahan na niyang mapapayag niya naman si Sinister, masaya pa rin siyang makakasama niya ulit ito. Pinilit niya ang kaibigan niyang sumama hindi dahil sa gusto niyang siya ang masunod, ginagawa niya ito dahil ito ang alam niyang makakatulong sa dalaga upang hindi ito makulong sa madilim nitong mundo. Alam niya kung gaano kalaki ang pinagkaiba ng naging buhay niya sa buhay ng dalaga, at hindi niya hahayaan na mauwi sa pag-iisa si Shaika… siya ang magsisilbing liwanag nito upang malayo ito sa maling desisyon.
[Kita tayo mamaya, bye!] ani Herlene saka ibinaba ang tawag. Bakas sa boses ang saya dahil alam niyang nakuha na naman niya ang gusto niya.
Nang mawala ang kausap sa kabilang linya ay binitiwan na ni Sinister ang kanyang cellpone. Mula sa pagkakaupo sa kama ay muli siyang humiga rito at saka muling napabuntong hininga. Hanggang sa huling pag-uusap kasi nila ng kaibigan niya ay hinihintay niyang tatanungin manlang nito ang naging kinahinatnan ng misyon niya kahapon, pero sa wari niya ay tuluyan na nitong nakalimutan nag bagay na iyon.
Magiliw at totoong kaibigan ang tingin ni Sinister kay Herlene, pero sa mga bagay na gaya nito ay hindi niya maaasahan ang kaibigan na kumustahin siya nito. Kapag magkasama sila, walang pagkakataon na nagtanong ito na tungkol sa kanilang trabaho… maliban na lang kung may ipapakiusap ito sa kanya gaya ng nangyari kahapon.
***
Masamang-masama ang loob ni Sinister nang lumabas siya sa bahay niya para puntahan si Herlene. Ayon sa kaibigan niya ay gabi gaganapin ang concert na gusto nitong puntahan, kaya binilinan siya nito na dapat ay makapagkita na sila hapon pa lang. Nagsabi rin ito na maari na siyang hindi magdala ng sasakyan, dahil may sarili namang sasakyan si Herlene at iyon na lang daw ang gagamitin nila papunta sa Venue.
Walang magawa si Sinister kundi ang sundin ang isa na namang bagay na gusto ng kaibigan niya… at hindi niya naman ito masisisi kung hihiling ito na huwag siyang magdadala ng kotse. Dahil noong huling beses na siya ang nagmaneho, akala ni Herlene ay katapusan na niya. Kaya mula noon, hindi na niya muling pinayagan ang dalaga na magmaneho na kasama siya.
Hindi naman problema sa kanya ang commute, madali lang naman na tumawag ng taxi sa lugar kung saan siya nakatira. At hindi rin naman ganoon kalayo sa kanya ang lugar kung saan nakatira si Herlene. Gaya niya ay may sarili na ring bahay ang kaibigan niya, ibinenta na nito ang bahay na tinirhan kasama ang politikong nagpalaki sa kanya. Ayon sa kanya, ang buong bahay daw ang nagpapaalala sa kanya ng malagim na sinapit ng kanyang ama. Hindi lang masabi ni Sinister sa kanya na hindi naman ito mamamatay kung totoo nga na mabuti itong politiko.
Tahimik lang ang naging byahe ng dalaga habang papunta siya sa kanyang destinasyon. Pero habang tumatagal, lumilikot na ang tingin niya sa paligid, tila may kakaiba na sa daan na tinatahak nila ng driver ng taxi. Hapon pa lang at madami pa siyang kasabay na sasakyan sa kalsada, pero ang lalaking nagmamaneho ng taxi ay halatang eksperto na sa mga ganitong uri ng trabaho – tila hindi niya alintana ang sitwasyon maski mapansin ng biktima niya na may kakaiba sa daang tinatahak nila.
Kaya hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang dalaga. Agad niyang tinanong ang Driver, “Sino ang nag-utos sa ‘yo?” seryoso ang tono ng boses niya, kalmado lang din siya…
Bakas din sa boses ni Sinister na may pagbabanta sa tanong niya… na kapag hindi sumagot ng maayos ang lalaking nagmamaneho ay pareho silang pupulutin sa Hospital, o kapag mas minalas ay morgue na ang kanyang huling destinasyon.
Bahagyang napangiti ang lalaking nagmamaneho nang kalmado rin siyang sumagot. “Pasalamat ka na lang at nakita niya ang potensyal mo,” makahulugang sagot nito.
Agad na naningkit ang mata ni Sinister dahil sa bagay na sinabi ng kausap. Sa backseat ng taxi siya nakaupo, mula sa pwesto niya ay hindi niya masyadong makita ang ekspresyon ng mukha ng driver. Para bang alam nito na kikilatisin ng dalaga ang itsura niya kaya sinadya niyang ilayo ang kanyang mukha sa salamin.
Sa huling pagkakataon, nakasilip pa si Sinister sa labas ng bintana sa kaliwang banda ng taxi. Pero sa paghinto ng taxi at pagsulpot ng isa pang lalaki, alam na niya ang nangyayari…
“Mas maganda ka pala sa malapitan…”
Hindi masyadong pamilyar kay Sinister ang boses na narinig niya mula sa kanyang bahagi ng taxi. Pero alam niya na narinig na niya kung saan ang boses na iyon. Nanatili ang tingin ng dalaga sa kaliwang direksyon, dahil nakaupo na ang unang lalaking pumasok sa taxi ay muli na naman niyang nasilayan ang itsura sa labas, kaya nakikita niya na malayo na talaga ang lugar kung saan talaga siya pupunta.
Isang buntong hininga ang kumawala sa bibig niya bago siya nagsalita, “Bilisan n’yo lang, ayokong pinaghihintay ang kaibigan ko ng matagal,” ani Sinister.
Normal na tono ng boses ang maririnig mo mula kay Sinister, kahit hindi niya alam kung saan siya maaring dalhin ng driver at kahit hindi niya kilala ang dalawang lalaking pumapagitna sa kanya ngayon ay nananatili pa rin siyang kalmado. Tila kabisado na niya ang mga ganitong sitwasyon, sanay na siya sa magiging takbo ng usapan.
“Gusto ko lang pormal na magpasalamat dahil hindi mo hinayaan na mapatay ako ng kasamahan mo. Napahanga mo ako sa kabayanihan mo, Sinister…”
Mabilis na dumako ang tingin ng dalaga sa lalaking nakaupo sa kanyang kanan. May gulat ang kanyang mukha nang lingunin niya ito, pero nang makita niya mismo ng malapitan ang mukha ng mayor na dapat ay patay na kahapon ay napalitan ang kanyang gulat na reaksyon ng isang pagtataka… tila hindi niya maintindihan kung bakit ang isang taong naging target niya ay gagawin ang isang kalokohang gaya nito.
Naningkit ang mata ng dalaga bago niya sinagot si Mayor Tan. “Sayang naman pala kung ganoon ang pagiging bayani ko, mamamatay ka rin kasi ngayon–“
Tila nakakita ng multo ang dalaga nang iharap sa kanya ng mayor ang screen ng tablet na hawak niya. Habang nakangisi ang binata, kitang-kita naman ni Sinister ang ginagawa ng kaibigan niya sa record ng isang CCTV sa loob ng bahay nito. Hindi siya natatakot na nagagawa nilang bantayan ang kilos ng kaibigan niya, dahil alam niya na ang gaya ni Herlene ay madulas at magaling din tumakas kagaya niya. Ang kinakatakot niya, ay ang malaman ng kaibigan niya na kasama niya ngayon ang mga taong nagbabantay sa kilos niya. Hindi niya gugustuhin masira ang araw nilang dalawa.
Inilayo na ni Mayor Tan ang tablet sa mukha ni Sinister nang hindi na ito nagsalita pa. Hindi nawala ang ngisi sa kanyang mukha nang magsalita siyang muli, “Alam ko kung ano ang rason ng pagsali mo sa Dark Knight. At alam ko rin na alam mong ginagamit ka lang ng organisasyon para sa pansarili nilang interes. Kasama na ako sa mga interes na iyon,” panimula ng mayor.
Muling bumalik ang nakakadudang tingin ni Sinister sa kanya, palihim na suman-ayon ang dalaga sa bagay na sinasabi ng binatang kausap niya… dahil sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang nangyari na may isang politikong gaya ni Mayor Zeldris Tan ang kumausap sa kanya ng ganito ka-kaswal matapos ang mga nangyari kahapon.
“Pero iba ako sa kanila, Sinister. Hindi ako nakipagkita sa ‘yo dahil lang sa may interes ako sa ‘yo. Dahil bukod sa kailangan kita, kailangan mo rin ako,” dagdag pa ng binata.
Hindi nauubusan ng dahilan si Sinister para kilatisin ang lalaking kaharap niya. Sa tingin niya, pinapaikot lang siya nito dahil sa takot na babalikan siya ng Dark Knight… dahil nagawa nitong makatakas sa bingit ng kamatayan, umisip siya ng mabisang paraan para maiwasang mangyari iyon. Hindi niya pa lubusang kilala ang mayor na kasama niya ngayon, pero tiyak ng dalaga na sinusubukan nitong kumbinsihin siya na may mas mapapala siya sa kanya kaysa sa organisasyon.
Isang tipid na ngiti ang ipinamalas ni Sinister bago siya sumagot, “Hindi ko makakalimutan kung paano ka manginig sa takot habang nakatutok sa bunbunan mo ang baril na hawak ko…. tandang-tanda ko pa ang mga salitang binitiwan mo nang mga oras na nagmamakaawa ka na huwag kitang patayin. Tapos ngayon, gusto mo ‘kong paniwalain sa mga kahibangan mo?” nang-aasar na sambit ng dalaga.
Mabilis na naglaho ang nakakalokong ngiti sa labi ni Zeldris. Agad itong napalitan ng masamang tingin sa dalaga. Kahit alam niyang ipaaalala sa kanya ng dalaga ang mga nangyari kahapon para gamitin bilang paliwanag na hindi ito magpapa-uto sa kanya ay hindi pa rin niya maiwasang mainis na harap-harapan siya nitong ininsulto.
“Simple lang ang gusto kong gawin mo, Sinister!” ani Zeldris, tumaas na ang kanyang boses at nanatili sa mata niya ang matalim na tingin sa dalagang katabi niya. “Ipagtanggol mo ako sa kasamahan mo, at ituturo ko sa ‘yo kung paano mapapadali ang paghihiganti mo sa mga taong pumatay sa magulang mo. Tandaan mo, isang gamit lang ang turing sa ‘yo ng Dark Knight. Pero ako, may mapapala ka sa akin… maibibigay ko ang dagdag impormasyong kailangan mo tungkol sa mga politikong sumira sa buhay mo,” dagdag pa niya.
Biglang natulala sa kawalan si Sinister. Alam niyang may tiyansa talagang gamitin ng mayor na kasama niya ngayon ang impormasyon tungkol sa pamilya niya, at posibile ring siraan nito sa harapan niya ang organisasyong itinayo ng kanyang kinikilalang ama. Pero hindi niya itatanggi na isang pag-asa ang ibinigay sa kanya ng mga salitang sinabi ni Zeldris.
“Hindi kita minamadali sa desisyon mo, Sinister. Dahil kung tutuusin, kaya naman akong iligtas ng mga tauhan ko laban sa ‘yo o sa kasama mo. Kahit isama mo pa ang buong grupo ninyo! Binibigyan kita ng magandang pabor at iyon lang ang dapat mong isipin. Maswerte ka na talento mo ang napansin ko at hindi ang sa kasama mo,” pagmamalaki ng binatang mayor.
Lalong naging kumplikado ang isip ng dalaga. Hindi tumigil ang tanong na, “Bakit niya ito ginagawa?” sa pagtakbo sa kanyang isip. May iisang bagay na malinaw ngayon sa isip ng dalaga: ito ay ang alamin kung ano ang bagay na nagbibigay kay Zeldris Tan ng rason para gawin ito.
“Tigilan mo ang kakatawag sa lalaking iyon na kasama ko siya. Wala akong kasamang mangmang na kagaya niya, at mas lalong hindi ko matatanggap na natawag mo siyang kasama ko!” sigaw ni Sinister. Sa pang-aasar sa kanya ni Zeldris ay naalala na naman niya ang mukha ng lalaking sumira sa plano niya.
Isang malakas na tawa ang kumawala sa bibig ng binatang mayor. Kitang-kita niya sa mukha ng dalaga kung gaano ito kagalit sa lalaking tinawag niyang kasama. Sa tingin niya, nagsasabi naman ito ng totoo. Hindi niya lang magawa pigilan ang tawa niya na magkasama sila sa iisang grupo pero silang dalawa ang nag-away sa harap ng kanilang target.
Kasabay ng paghinto ng tawa ni Zeldris ay paghinto naman ng taxi. Agad na naging alerto si Sinsiter sa paligid nang huminto ang sasakyan. Sa pagtingin niyang muli sa kaliwang bahagi ng sasakyan ay saka niya nakita na malapit na ang hinintuan nila sa bahay ni Herlene.
“Hihintayin ko ang sagot mo hanggang sa mga susunod na araw, Shaika Luna.”
Iyon ang huling salitang binitiwan ng mayor bago ito tuluyang lumabas ng taxi.