"Sabi ng Tatay mo, nakita ka raw niyang bumaba sa motot ng kung sinong lalaki kaninang madaling araw. Sino iyon, ha?"
Natigil ako sa pagsusuklay ng buhok nang marinig ang tanong ni Nanay. I put my tongue on my cheeks as I looked towards her. "Po?" Pa-inosenteng tanong ko sa kaniya.
Tinaasan niya ako ng kilay bago niya ipinagkrus ang dalawang braso. "Lumalandi ka na ngayon, ha? Tumatapang ka na? Kumakarengkeng na?"
"'Nay, hindi po ako katulad ng iniiisip niyo," mahinahong sagot ko sa kaniya bago ako nag-iwas ng tingin.
Dinig ko ang marahas niyang pagbuntong hininga. Itinigil ko naman ang pagsusuklay at tumayo na. "Tingnan mo, kinakausap pa kitang gaga ka!" sigaw niya at hinila ang buhok ko nang talikuran ko siya.
Napasigaw ako sa sakit dahil sa lakas ng pagkakasabunot niya. "Pasalamat ka at may pakinabang ka pa dahil kung hindi, palalayasin talaga kita rito!" sigaw niya bago malakas na binitiwan ang buhok ko. Muntik na naman akong matumba dahil sa lakas ng puwersa niya pero agad din akong nakabawi kahit na masakit pa rin ang tuhod ko mula kagabi.
"'Nay, nag-overtime lang po ako sa trabaho kaya huli na akong nakauwi at saka. . . saka hindi ko naman po boyfriend o kung ano ang n-naghatid sa akin kagabi." Lumunod ako at nagbaba ng tingin. "Inihatid niya lang po ako kasi delikado na raw po sa daan."
"Ang sabihin mo, nagpahatid kang hitad ka!" sigaw niya na siyang ikinangiwi ko. Gusto ko pa sanang ipagtanggol ang sarili ko at sabihing hindi naman ako ang nag-insist na magpahatid pero hindi ko na ginawa.
Baka mas lalo lamang kaming mag-away at tulad nga ng sinabi niya kanina, baka palayasin pa niya ako.
Nagmartsa palabas ng bahay si Nanay kaya naman umayos na ako ng tayo at inayos ang aking buhok. Dapat talaga, mas binilisan ko ang pagtitirintas para hindi na niya nahila nang ganoon.
Malakas akong bumuntong hininga at inaayos ang buhok na lumabas ng bahay. Umalis na si Tatay kaninang alas kuwatro at ginising ako upang ipag-init ko siya ng tubig na pangpaligo at upang ipagtimpla siya ng kape. Inaantok man ay wala akong nagawa kanina kung hindi ang sundin siya. Ayaw ko namang magalit na naman siya at saktan na naman ako.
Tulad ng nakasanayan ay naglakad lamang ako papunta sa hacienda. Paika-ika man dahil sa sugat ko sa tuhod ay wala akong magagawa kung hindi ang maglakad. Sayang naman kasi ang sampung piso na pamasahe kung magsasakay pa ako.
Kakaunti na ang tao sa hacienda nang makarating ako. Linggo kasi ngayon at halos day off ng karamihan. Maaari rin naman akong magday off pero hindi ko na ikinunsidera ang bagay na iyon. Sayang ang suweldo ko kung sakali.
"Nandito ka na naman?" bungad sa akin ni Mamang Ichi. Nakasakay na siya sa wheel chair kaya naman napatigil ako sa paglalakad.
Nag-aalala ko siyang tiningnan. "Ayos ka lang, Mamang Ichi? Bakit nasa wheel chair ka na?"
"Aba't ang batang ito. Malamang sumasakit na ang balakang ko. Ganito talaga kapag matanda na, hindi ka maka-relate kasi bata ka pa," naiiling na tugon niya. Napalabi naman ako. Ako na nga ang nag-aalala, ako pa ang tinarayan.
Magpapaalam na sana ako sa kaniya para magpatuloy sa mansion nang bukahin niya ang dalawang braso na para bang pinipigilan akong lumampas. Naguguluhan ko naman siyang tiningnan. "Bawal pa rin akong pumasok, Mamang Ichi?"
Mabilis siyang tumango. "Nariyan pa ang matandang hukluban na si Iverson kaya hindi ka maaaring pumasok sa loob," sagot niya.
Agad na nagtagpo ang aking mga kilay dahil sa sinabi niya. Base sa pagkakaalaala ko kagabi, sinabi sa akin ni Yvvo na walang matandang hukluban na Iverson Fontanilla ang naroon sa mansion. Umismid ako kay Mamang Ichi. "Mamang, aminin niyo na kasi na hindi naman nag-eexist 'yang si Iverson na 'yan."
"Anong hindi? Hoy Riley, mayroong Iverson---"
"Mamang Ichi!" Sabay kaming naestatwa ni Mamang Ichi nang may tumawag sa pangalan niya. Lumingon ako sa gawi ng kung sino man iyon at agad na nakita ang isang pamilyar na mukha.
"Ay santisima mahabagin! Riley, takbo!" Malakas na sigaw ni Mamang Ichi na siyang ikinapagtaka ko. "Ang puri mo, ingatan mo!"
Natigilan ako dahil sa sinabi niya at nanlalaki ang matang tumingin sa gawi niya. "Mamang Ichi, ang halay mo!" reklamo ko.
"Nandito ka lang pala, Mamang Ichi. Kanina pa kita hinahanap," humahangos na sambit ni Yvvo nang makalapit siya sa direksiyon namin ni Mamang Ichi.
Napapantastikuhan ko siyang tiningnan. "Dito ka talaga nakatira?" gulat na tanong ko sa kaniya.
Akala ko kasi kagabi ay nagloloko lamang siya na rito talaga siya sa hacienda-- sa mansion specifically-- nakatira. Iyon pala ay totoo ang sinasabi niya.
"M-Magkakilala na kayo?" tanong ni Mamang Ichi na agad kong sinagot ng tango. Sinamaan niya ako ng tingin. "Pumasok ka sa mansion kahapon, ano?"
I awkwardly smiled towards her. "Mamang, inutusan ako ni Aling Luisa na kumuha ng plastic. Kawasang hindi ko naman susundin iyon e 'di ako naman ang patay---"
"Ikaw talagang bata ka!" Malakas na sigaw niya at binato ako ng suot na tsinelas. Buti na lamang ay agad kong nakaiwas. Napakamot pa ako sa ulo bago siya tipid na nginitian.
"Mamang Ichi, kumalma ka muna," rinig kong pagpapakalma ni Yvvo kay Mamang Ichi habang pinupulot ko ang tsinelas na ibinato sa akin.
"Paano ako kakalma? Ikaw naman kasing bata ka, sinabi ng huwag lalandi. Ewan ko talaga sa 'yo Ivers--"
"Mamang!" Malakas na sigaw ni Yvvo upang pigilan ang sasabihin ni Mamang Ichi. Kunot-noo ko naman silang tiningnan. "Mamang Ichi, matanda na talaga kayo. Ako 'to, si Yvvo."
"Ha? Anong Yvvo? Ikaw si Iverson," sambit ni Mamang Ichi.
Naguguluhan akong tumingin kay Yvvo at sakto namang nagtagpo ang aming paningin. "Sabi mo, wala kang kilalang Iverson, hindi ba?" tanong ko.
Mabilis siyang at umango. "Pagpasensiyahan mo na itong si Mamang Ichi, ganito talaga kapag matanda na."
"H-Ha? Pero sabi ni Mamang Ichi. . ."
"Mamang Ichi, ako si Yvvo, hindi ba?" Muli siyang bumaling ng tingin kay Mamang Ichi bago matamis na ngumiti rito.
Malakas na bumuntong hininga si Mamang Ichi bago tumango. "O-Oo nga, g-ganito talaga kapag matanda na," tila napipilitang sagot niya.
Kunot-noo naman akong nag-angat ng tingin kay Yvvo dahil doon. Tumikhim ako kaya't napalingon siya sa akin. Pinanliitan ko siya ng mata kaya't kumunot ang noo niya.
"Ikaw. . ."
"H-Huh? What about me?"
Ipinagkrus ko ang aking braso at nakataas ang kilay na tiningnan siya mulo ulo hanggang paa. Hindi naman siya mukhang matandang hukluban tulad ng sinabi sa akin ni Mamang Ichi. Mukha siyang bata pero mukha ring medyo matanda kumpara sa akin. Baka tatlo o dalawang taon ang tanda niya sa akin pero hindi naman ganoong katanda.
"Hindi naman ikaw si Iverson Fontanilla, 'di ba?"