"Hindi riyan ang daan papunta sa bahay niyo, Riley, ah?"
Napatigil ako sa paglalakad nang punahin ni Ate Andeng ang direksiyon kung saan ako pupunta. Malamang hindi talaga ako daraan sa bahay namin dahil iba ang daan patungo sa bayan kung saan ako nagtatrabaho.
Tumingin ako sa gawi niya at tipid siyang nginitian. "Gusto mong malaman ang sikreto ko, Ate Andeng?"
Naguguluhan man ay mabilis siyang tumango. Patakbo naman akong lumapit sa direksiyon niya bago ko siya hinila palapit sa akin. "Ang totoo kasi niyan, Ate Andeng, may trabaho na ako sa bayan," mahinang bulong ko sa tainga niya.
"Ha? Eh alam ba 'yan ng Nanay mo? Papalayasin ka noon, Riley!"
"Shh," suway ko sa kaniya. "Kaya nga sinasabi ko sa 'yo, Ate, e."
Agad na nagsalubong ang kilay niya at taka akong tiningnan. Malapad akong ngumiti sa kaniya. "Nagsinungaling kasi ako at sinabing nag-oovertime ako sa hacienda. Pa-back up naman ng plano ko, o," dagdag ko.
"Nako Riley! Ayaw kong maramay diyan sa---"
"Dali na, Ate Andeng. Nag-iipon kasi ako ng pang-tuition sa College. Tulungan mo ba ako." Hinawakan ko ang braso niya at nagmamakaawang tumingin sa kaniya.
Malakas na bumuntong hininga si Ate Andeng. "Twenty six ka na, Riley. Kapag pumasok ka pa sa kolehiyo, hindi ka na makakapag-asawa---"
"Hindi ko naman kailangan ng asawa, Ate," pagtutol ko sa sinabi niya bago sumimangot. "Ang mahalaga, makapagtapos ako ng kolehiyo para sa sarili ko. Kapag nakatapos na ako, puwede na akong pumunta sa Maynila para roon makapagtrabaho."
"Pero Riley, kapag nalaman ng Nanay mo ang tungkol dito sa pagsisinungaling mo, pati ako, lagot sa kaniya. . . "
"Hindi ka naman madaramay, Ate. Ako ang bahala, huh? Saka hindi naman ako mahuhuli ni Nanay hangga't binaback-up-an mo lahat ng sinasabi ko. Hindi ako nagtatrabaho sa bayan at nag-oovertime lamang sa hacienda. Iyon. Iyon lang ang kailangan nating sabihin palagi," mabilis na segunda ko.
Napailing siya at tila kinakabahan akong tiningnan. "Eh bakit ba kasi ayaw kang papuntahin niyang Nanay mo sa bayan? Ikinukulong ka rito tapos magrereklamo na kakaunti ang kinikita mo," reklamo niya.
Tipid ko siyang nginitian. "Ako ang bahala, huh, Ate? Payag ka na?"
"Pagsabihan mo na kasi 'yang Nanay at Tatay mo. Mukhang hindi naman sila naghihirap. Nakita ko noong isang araw na kumakain doon sa pang-mayamang restaurant at bihis na bihis. May mga dala pang pinamili."
Nawala ang ngiti ko matapos marinig ang sinabi niya. At saan naman kumuha ng pera sina Nanay at Tatay? Sapat lamang sa pang-araw-araw na gastos ang suweldo ko kaya paano. . .
At saka, bakit hindi nila ako isinama?
Malakas akong bumunting hininga at pilit na ngumiti kay Ate Andeng. "Baka nanalo ulit sa sugal, Ate," tanging sagot ko.
Napailing naman siya dahil sa sinabi ko. "Sa sugal na pera mo rin naman ang ginastos. Ay, ewan ko na talaga riyan sa mga magulang mo, Riley. Kung ako talaga sa 'yo, lalayas na ako at iiwan ko na sila."
"Kaya nga kapag nakapag-ipon na ako at nakapagtapos ng kolehiyo, makakapunta na ako sa Maynila para lumayo sa kanila. Sa ngayon, kailangan ko munang magtiis. Kaya Ate, tulungan mo na ako, huh? Last na talaga 'to. . ."
Muli siyang bumuntong hininga bago nag-angat ng tingin sa akin. "Basta ipangako mong magtatapos ka, ha? Huwag kang tumulad sa akin dahil nako, patay ka talaga sa akin."
Agad na sumilay ang malapad na ngiti mula sa aking labi. Excited ko siyang tiningnan at mahigpit na niyakap. "Thank you talaga, Ate! Salamat! Biyaya ka ni Lord! Sana masarap palagi ang ulam mo, Ate."
Mahina siyang tumawa at hinampas ang aking balikat. "Oo na, oo na. Sige na, baka mahuli ka pa roon sa trabaho mo. Gabi na, mag-ingat sa pag-uwi ha?"
Humiwalay ako sa pagkakayakap sa kaniya at mabilis na tumango. "Salamat ulit, Ate, ha?"
Tumango lamang siya sa akin at tipid na ngumiti. Kapagkuwan ay nagpaalam na ako sa kaniya dahil kailangan ko pang maglakad papunta sa bayan at siguradong aabutin ako ng kalahating oras para makarating doon. Medyo malayo ang bayan pero ayos lang naman. Sayang ang anim na libo sa isang buwan, ano.
Pasado alas otso na ng gabi nang makarating ako sa bar kung saan ako nagtatrabaho. Hindi tulad kahapon ay mas kakaunti na ang tao kaya naman medyo nakahinga ako nang maluwag. Hindi kasi ako sanay sa ganoong karaming tao kaya natakot ako kagabi.
Dumiretso ako sa puwesto ni Sir Izaak upang muling kunin ang apron ko at nang makapagsimula na sa trabaho. Naabutan ko naman siyang nakaupo lamang at abala sa pagtitipa sa kaniyang telepono.
Malakas akong tumikhim kaya't nag-angat siya ng tingin sa akin. Mukha pa siyang galit ngunit nang makita ako ay tila napawi ang galit sa mukha niya.
"Aga mo, ah?" tanong niya at tumayo. Itinago niya ang telepono sa bulsa bago pumunta sa may cabinet kung nasaan ang apron ko.
Tumango ako sa kaniya. "Mas mabuti na ang maaga kaysa sa late, Sir," tipid kong sagot.
Humarap siya sa akin at kunot-noo akong tiningnan. "Hindi mo ako Sir," sagot niya at inabot sa akin ang apron ko.
"P-Po? Eh kasi Sir anak ka ng may-ari kaya. . ."
Mahina siyang tumawa. "But that doesn't mean that I am the owner. Nagtatrabaho rin ako rito."
"Pero kasi ang bastos naman kung---"
"Don't call me Sir. Izaak na lamang para hindi awkward," pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko.
Pilit akong ngumiti sa kaniya bago marahang tumango. Gusto ko sana siyang kontrahin pero hindi ko na ginawa. Kahit papaano naman ay anak pa rin siya ng may-ari at baka hindi lang talaga siya sanay na tawaging Sir.
"Sige, Sir. . . I mean, Izaak pala."
Mahina siyang tumawa bago sinuri ang itsura ko. Napalunok naman ako dahil sa ginawa niya. May dumi ba ako sa mukha?
"Mas bagay sa 'yo 'yong itsura mo kahapon," komento niya habang nakatingin sa aking buhok.
Natigilan naman ako bago hinawakan ang buhok ko. Hindi ko pala nailugay kaya't buti na lamang ay sinabi niya. Baka may makakilala sa akin dito.
Isinuot ko ang aking apron bago inilugay ang aking buhok. Kinuha ko pa ang dala kong salamin at tiningnan ang aking sarili. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang hindi naman masiyadong buhaghag ang buhok ko.
Mahinang tumawa si Izaak kaya't nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "May problema ba?" Inosenteng tanong ko.
"Inilugay nga. . ." rinig kong sambit niya.
Kumunot ang noo ko at taka siyang tiningnan. "U-Uh baka kasi may makakilala sa akin dito kaya inilugay ko," segunda ko. Baka isipin niya, inilugay ko ang buhok ko dahil iyon ag gusto niya.
Nagkibit-balikat siya sa akin ngunit may naglalaro pa ring ngisi sa labi niya. Hindi ko mapigilang mapasimangot. Sigurado akong iniisip nito na ginawa ko iyon dahil gusto kong magpa-impress sa kaniya.
Hindi, ano. Guwapo naman siya at mukhang mabait pero. . . hindi ko naman siya type.
Napailing na lamang ako at inayos ang suot kong apron. Aalis na sana ako upang mag-ikot-ikot sa bar nang dumating ang may-ari at humahangos na lumapit sa anak niya.
"Hoy Izaak, ano na namang ginagawa mo rito, ha? Nako! Lagot ako sa Mommybels mo!" reklamo nito sa anak na siyang ikinakunot ng noo ko.
Izaak let out a soft chuckle. "Dad, ako ang bahala kay Mom---"
"Ay santisima! Anong Dad? Yuck, Izaak! Yuck! Sabi ko, Mama. Ako ang Mama mo!" Tila nandidiring saad ng tatay niya kaya't hindi ko rin maiwasang mapangiti habang pinapanood sila.
"Sabi ni Mom, Dad daw ang itawag ko sa 'yo para inisin ka, e," kaswal na sagot ni Izaak at nagkibit balikat sa ama.
His Dad hissed. "Patay talaga sa akin ang Margarette na 'yan! Gosh! Lord, bakit ba kasi ako bumigay sa pechay. . ."
Nag-iwas ako ng tingin dahil sa sinabi niya. Mukhang napansin naman iyon ni Izaak nang sipain niya ang ama. "Bibig mo, Dad," pangaral niya sa ama.
Tumingin naman sa akin ng tatay niya bago ako tinaasan ng kilay. Napalunok naman ako dahil doon. Kapagkuwan ay ibinalik niya ang tingin sa anak at nginitian ito. "Kaya pala, ha? Kaya pala, Izaak beybe. Kaya pala," sambit nito.
Kumunot naman ang noo ko nang samaan siya ng tingin ni Izaak. "It's not what you think, Dad."
Napailing ang tatay niya bago tumingin sa akin. Akala ko ay tatarayan niya ako pero hindi tulad ng inaasahan ko ay malapad siyang ngumiti. "Riley, right? Iyon nga ba ang pangalan mo?" tanong niya.
Mabilis akong tumango. "R-Riley nga po," kinakabahang sagot ko sa kaniya.
Malapad siyang ngumiti at iniabot sa akin ang plato na may lamang nachos. "Okay, Riley girl. Dalhin mo muna 'to roon sa table number 8. 'Yong may mga kasing edad niyo ang nasa mesa."
"U-Uh, opo!" tugon ko at agad na tinanggap ang ibinigay niya.
Bahagya akong tumingin kay Izaak para magpaalam pero tinanguan niya lamang ako. Agad ko naman silang tinalikuran upang puntahan ang sinabi ng tatay ni Izaak.
Mabilis ko namang nahanap ang table number 8. May apat na lalaki roon at isang babae na nakakalong sa isa sa mga lalaki. Nang lumapit ako sa gawi nila ay agad kong napagtanto kung sino iyon.
Si Matthew iyon kasama ang dalawang kaibigan pati na rin si Mickaela na nakakandong sa isang estrangherong lalaki.
"Order po," maikling sambit ko at ipinatong sa lamesa ang nachos na inorder nila.
Tila napapantastikuhang tumingin naman sa akin si Matthew. "What are you doing here, huh, babe? Hindi mo naman sinabing nagtatrabaho ka rin dito."
"May order pa po kayo?" tanong ko at hindi sinagot ang tanong niya.
Nagtagpo ang mga kilay niya at tila hindi nagustuhan ang sinabi ko. Inabit niya ang baso na nasa may lamesa at uminom ng alak mula roon. Mayamaya pa ay lumingon siyang muli sa akin at ngumiti.
"Ikaw. Ikaw ang order ko."
Malakas akong bumuntong hininga dahil sa sinabi niya. Nagtawanan naman ang mga kasama niya maliban sa estrangherong kasama nila. "Kung wala na po kayong order, aalis na ako," mahinahong sambit ko at akmang tatalikod na nang muli siyang magsalita.
"Ano ba naman, Riley? Nagtatanong lang, e. Ikaw nga ang gusto kong bilhin. Magkano ka ba?"
Kinagat ko ang ibabang labi ko at akmang sasagot na nang maunahan ako ng estrangherong kasama nila.
Nagtiim ang bagang nito ngunit walang emosyong tiningnan ang kasama. "That's enough, Matthew," pigil nito.
Malakas namang tumawa si Matthew. "Nagtatanong lang, e."
Bumuntong hininga ang kasama nila bago tumingin sa gawi ko. Napalunok naman ako nang magtagpo ang mga mata namin.
"You can go now, Miss," sambit nito sa akin kaya't mabilis akong tumango at tumalikod sa kanila upang bumalik sa may counter.
Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay muling nagsalita si Matthew. "Ano ba naman 'yan, Yvvo, napaka-KJ mo. Ang ganda kaya ni Riley tapos dito nagtatrabaho. . ."
Bahagya akong natigilan bago lumingon muli sa kanila. Nakita ko naman ang pag-inom ng estrangherong lalaki ng alak habang seryoso pa rin ang emosyon sa mukha.
Pinaalis niya si Mickaela na nakakalong sa hita niya bago marahas na tiningnan si Matthew. "I'm not being KJ, Matthew. Halata namang ayaw sa 'yo ng babae, pinipilit mo pa," malamig na turan nito.
Napalunok naman ako dahil sa sinabi niya. Is he defending me over his friends?
"Gusto ako ni Riley---"
"Halatang hindi," pagtutol ng estranghero kaya't masama siyang tiningnan ni Matthew.
Muli akong napalunok bago akmang magpapatuloy sa paglalakad ngunit muling nagsalita si Matthew na siyang naging dahilan kung bakit ako napatigil sa paglalakad.
"Kung makaasta ka naman, parang hindi ka Fontanilla, Yvvo."
Marahas akong lumingon sa gawi nila at tumingin sa estrangherong kasama nila. Fontanilla ang lalaking iyon? Iyon ba ang Yvvo na nakatira kina Ma'am Danielle?
He smirked. "Ikaw rin. Kung makaasta ka, parang hindi ka tao," sambit nito bago marahas na tumayo at naglakad palabas ng bar.
Taka naman akong tumingin sa kaniya na naglalakad na palabas. Rinig ko naman ang pagmumura ni Matthew na tila galit na galit sa sinabi ng lalaki sa kaniya.
Pero sino ba ang Yvvo na iyon?
Bakit hindi ko siya kilala kung Fontanilla siya?