NAPAHILOT ako sa sentido nang magising ako. Para akong pinupokpok ng martilyo sa aking ulo. Mabigat ang pakiramdam ko at parang magkakasakit. Naramdaman ko ang pagakyat ng isang maasim na likido sa tiyan ko kaya patakbo akong nagtungo sa lababo upang doon ilabas an mga kinain ko. Malamang ay epekto ito ng alak. Bumalik ako sa higaan at pumikit. Napadilat ako nang unti unting maalala ang mga nangyari kagabi. Ngunit kung paano nakauwi, iyon ang hindi ko maalala. Mabilis akong napabangon at pahapyaw na napatingin sa paligid. Sakto naman ang pagdating ni Sidney. “Mabuti at gising ka na Novah. Nga pala bumili ako ng almusal natin sa may kanto. Kumain ka muna.” Inilapag niya ang nakasupot na pagkain sa ibabaw ng maliit na lamesa. Pinanood ko ang paglalagay niya ng pagkain sa mga pinggan.

